Chito Miranda, lead singer ng bandang Parokya ni Edgar, inamin mas mayaman pa kaysa sa kaniya ang misis niyang si Neri Naig.
Mababasa sa artikulong ito:
- Chito Miranda swerte sa kaniyang misis na si Neri Naig
- Chito Miranda bilang husband kay Neri Naig
- Neri Naig’s businesses
Chito Miranda suwerte sa kaniyang misis na si Neri Naig
Isa sa mga itinuturing na kilala o sikat na couple sa bansa ay sina Chito Miranda at Neri Naig. Ito ay dahil sa kahanga-hangang pagmamahal, tiwala, at pag-support na ipinapakita nila sa isa’t isa na nasasaksihan din ng mga tao.
Karaniwan sa mga social media post ng lead singer ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda ay nakakatuwa, magaan, at pabiro. Subalit ito rin ay punong-puno ng appreciation at sariling paraan upang maipakita ang pagmamahal sa asawa.
Nito lamang nakaraan ay nag-upload si Chito ng selfie kasama ang kaniyang misis habang sila ay naliligo sa pool, sa pamamagitan ng kaniyang Instagram account. Itinuturing niya itong “Bakasyon bago mag-bakasyon.”
Bukod pa rito, pabiro rin niyang sinabi na kung titignan o pagmamasdan silang dalawang mag-asawa, madaling isipin na siya ay sugar daddy ni Neri.
Sa bahaging ito, proud na inamin ni Chito na kung ikukumpara sa kaniya, mas mayaman pa ang kaniyang misis na si Neri kaya naman malabo siyang maging sugar daddy nito.
Larawan mula sa Instagram account ni Chito Miranda
Ayon kay Chito Miranda,
“Mukha akong sugar daddy nitong batang ito pero for the record, at hindi naman sa pagmamayabang (medyo lang siguro), mas mayaman siya sa akin.”
Hindi si Chito kundi sa kanilang dalawa, si Neri ang mahilig magbigay ng regalo at kung anu-ano. Ibinahagi pa ni Chito na nahihiya siya sa kaniyang asawa dahil huling beses na binigyan niya ng regalo ang asawa ay noong pang kaniyang last birthday, noong Setyembre ng nakaraang taon.
Pagbabahagi pa ni Chito,
“Nakakahiya nga kasi ‘yong huling regalo ko sa kaniya nung birthday niya, dalawang extension cord.”
Inamin naman ni Chito na talaga namang suwerte at “jackpot” siya sa kaniyang misis, bilang kilala ito sa pagiging wais mom at wife, at isa na ring successful business woman.
“Siguro suwertihan lang talaga ‘yan,” sambit ni Chito Miranda.
Chito Miranda bilang husband kay Neri Naig
Muli, ibinahagi ni Chito ang kaniyang turing sa kaniyang wife na si Neri Naig. Hindi lamang asawa at partner ang misis ni Chito para sa kaniya, kundi si Neri din ang itinuturing niyang “bestfriend.”
Pagbabahagi ni Chito,
“Bestfriend ko talaga si Neri. I genuinely enjoy her company.”
Bagama’t, matagal ng magkarelasyon at may dalawa na ring anak ang mag-asawang si Chito at Neri, ipinapakita ng dalawa na tila araw-araw ay brandnew pa rin ang kanilang relasyon at pagmamahalan.
Hindi lang basta-basta magkarugtong ang kanilang mga buhay. Dahil araw-araw, hindi sila nagsasawa sa company ng isa’t isa at talaga namang ine-enjoy ang kanilang relasyon bilang mag-asawa at magulang ng kanilang dalawang anak.
Larawan mula sa Instagram account ni Chito Miranda
BASAHIN:
Neri Naig binilihan ng condo ang anak na si Miggy: “Para habang bata pa, may negosyo na siya”
Chito Miranda: Sobrang laking bagay for me na masipag ang asawa ko
Neri Naig sa pagiging working mom: “Once or twice a month may day off ako. Hinihingi ko ‘yan”
“Palagi ko siya niyayayang mag-walking tapos kuwentuhan lang kami habang naglalakad.. Gusto ko kasama ko siya mag-errands tapos masaya na kami mag-drive thru at kumain sa sasakyan.” pagbabahagi pa ni Chito.
Mula sa malilit na bagay hanggang sa malalaking desisyon sa buhay, iisa lamang ang taong pumapasok sa kaniyang isipan at nais na makasama ni Chito — ang kaniyang bestfriend at asawa na si Neri.
Kwento pa ni Chito,
“Kapag may magandang pelikula or series na alam kong mati-tripan niya, hindi ko papanoorin nang hindi siya kasama. Kapag may nakakagulat or nakakatakot na video sa IG, fino-forward ko agad sa kaniya.”
Ibinahagi ni Chito na masaya siya twing kasama niya ang kaniyang misis na si Neri. Dagdag pa niya,
“Masaya ako kapag kasama ko siya, at masaya ako kapag masaya siya. Hindi ako takot tumanda kasi kasama ko naman siya sa pagtanda.”
Larawan mula sa Instagram account ni Chito Miranda
Neri Naig’s businesses
Mompreneur at Wais na Misis ang bansag ng mga tao kay Neri dahil sa angking galing nito na mag-handle ng business. Nito lamang kasalukuyang taon na ito ay may ilan silang inumpisahan business at mayroon din naman na muling binuksan.
Sa kasalukuyan ay may mahigit sa limang business na siyang hinahawakan at mina-manage na nakapangalan sa kaniya. Kasama na rito ang mga sumusunod:
- Neri’s Cafe
- Team Wais Real Estate, real estate ng kanilang pamilya
- Neri’s Cottage
- Very Neri na kaniyang clothing line
- Neri’s Not-So-Secret Garden
- Neri’s bakeshop
Hindi pa kasama rito ang kabubukas lang na condo unit na nakapangalan sa kaniyang panganay na anak na si Miggy, na siya naman kanilang pinapaupahan.
Noon pa man ay sinimulan na ni Neri ang pagbebenta ng iba’ibang klase ng pagkain at accessories online. Sa kabila ng mga pangmamaliit, at hindi magandang mga komento dahil sa pagbebenta niya ng tuyo, hindi natinag si Neri.
Bagkus, ipinagpatuloy lamang niya ang kaniyang nasimulan at kahit kailan ay hindi tumigil. Hindi siya nahiya sa kung ano ang kaniyang ginagawa, o ibenebenta. Kaya naman ngayon, isa na siyang successful businesswoman.