Pagdating sa birthday ng anak, dapat bang magsama ang magulang na hiwalay na? Co-parenting ng mag-ex, talakayin natin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Agree or Disagree: Dapat bang magdaos ng dalawang birthday party para sa bata kung hiwalay na ang magulang? Opinyon ng mga magulang
- Pros and cons ng hiwalay na birthday party para sa inyong anak
- Co-parenting tips para sa mag-ex
Birthday ng anak – magdiwang bilang isang pamilya o hiwalay na lang?
Larawan mula sa iStock
Isa sa mga dapat pag-usapan ng mag-ex pagdating sa co-parenting ay ang paraan ng pagdiriwang ng mahahalagang okasyon – Pasko, Bagong Taon, graduation sa school, at higit sa lahat, ang kaarawan ng bata.
Paano nga ba dapat i-celebrate ito kung magkahiwalay na sina nanay at tatay? Dapat bang asahan ng bata na sama-sama pa rin nilang ipagdiriwang ito, o magkahiwalay na selebrasyon na lang kasama ang bawat isang magulang?
Tinanong namin ang ilang mommy na hiwalay na sa kanilang partners o tatay ng kanilang anak kung ano ang opinyon nila sa usaping ito. Pabor ba sila na magdiwang ng magkasama o mas gusto nilang mag-celebrate ng hiwalay kasama ang anak?
Hiwalay na lang, bilang respeto
Para kay Mommy Chen, isang call center agent, mas gusto niyang magkahiwalay na selebrasyon na lang sa pagdiriwang ng birthday ni anak niya.
Matagal na silang hiwalay ng kaniyang ex, at bagamat “civil” naman sila at hati sila sa ilang expenses pagdating sa kanilang anak, mas mabuti pa rin na magkani-kaniya na lang sila pagdating sa pag-celebrate ng birthday ng bata.
“Separate na lang, para respect sa partner.”
Mayroon na rin kasi silang mga bagong karelasyon, at nasanay na rin ang bata sa ganitong setup kung saan hindi na sila nagkakasama-sama bilang isang pamilya.
Wala namang masama
Larawan mula sa iStock
Dalawa ang anak ni Mommy Maita, isang negosyante, at ng kaniyang ex. Para sa kaniya, maganda ang co-parenting setup nilang mag-ex, at nananatiling bukas ang komunikasyon nila sa isa’t isa pagdating sa kanilang mga anak. Sa katunayan, regular ang pagpunta ng mga bata sa bahay ng daddy nila linggo-linggo.
Sa nagdaang 7th birthday ng kanilang anak, nagkaroon ng malaking selebrasyon ni Mommy Maita. Inimbitahan niya ang kaniyang ex at dumating naman ito.
“Oo, ininvite ko talaga siya. At saka every other week nasa kanya ‘yong kids.” aniya. “Dumating naman siya kasi 7th birthday ng anak namin.” dagdag niya.
Aniya, kung gugustuhin ng ex niya na magkaroon ng hiwalay na birthday celebration ang kaniyang anak, wala naman siyang dahilan para tutulan ito. Para sa kaniya, importante na maging maayos sila bilang co-parents.
“Ayaw din naman namin na makaapekto ‘yon sa kids.”
Larawan mula sa Pexels
Pros and cons ng bawat isa
Narito naman ang mga bagay na dapat mong pag-isipan kung dapat bang pag-isahin na lang ang birthday celebration ng inyong anak o magdiwang ng magkahiwalay.
Joint celebration
Kung kaya mong maging okay sa iyong ex, pwede niyo namang ipagdiwang ng magkasama ang birthday ng inyong anak. Mababawasan ang gastos (kumpara sa dalawang party), hindi kailanganga mamili ng inyong mga bisita kung saan dadalo at matutuwa ang bata na kumpleto ang kaniyang pamilya sa kaniyang kaarawan.
Maganda ring makita ng bata na kahit magkahiwalay na ang kaniyang mga magulang ay pwede pa rin silang maging isang pamilya. Makakabuti sa kaniya na makitang maayos ang co-parenting setup niyong mag-ex.
Subalit maaari rin namang makasama ito kung hindi maganda ang pakikitungo niyo sa isa’t isa. Maaari kayong magtalo tungkol sa mga detalye ng birthday party, at madadagdagan pa ang mga bagay na hindi niyo pinagkakasunduan.
Kung mayroong samaan ng loob sa dalawang panig, hindi rin magiging masaya ang pagdiriwang ng kaarawan ng bata.
At kung bagong hiwalay pa lang kayo, maaaring magkaroon ng false impression ang bata na posible pa kayong magkabalikan, at umasa lang siya sa wala.
BASAHIN:
6 co-parenting tips para sa mga mag-ex
LOOK: Derek Ramsay nag-post ng cute video nila ng anak ni Ellen Adarna
Kylie Padilla: “Aljur and I are working on a healthy co-parenting relationship together for our boys’ sake.”
Larawan mula sa Pexels
Dapat ko bang imbitahan ang ex ko sa birthday ng anak namin?
Narito ang ilang bagay na dapat mong isaalang-alang pagdating sa usaping ito:
- Ang edad ng inyong anak
- Gaano katagal na kayong hiwalay?
- Kaya niyo bang makitungo nang maayos sa isa’t isa?
- May posibilidad ba na gumawa ng eksena o makipagtalo ang iyong ex?
- Involved ba siya sa buhay ng inyong anak?
- Kaya mo bang kontrolin ang iyong emosyon sa paligid niya?
- Kailangan mo bang imbitahin ang mga magulang niya?
Magkahiwalay na selebrasyon
Kung hindi pa maayos ang inyong co-parenting setup, at hindi mo nakikita ang sarili mong kasama ang ex mo sa pagdiriwang ng birthday ng anak niyo, mas mabuting ngang magdiwang na lang kayo nang magkahiwalay.
Lahat naman ng bata ay matutuwa na mayroon siyang dalawang party sa halip na isa lang . Sa halip na birthday, pwedeng pahabain ang selebrasyon at gawing birth month. Matutuwa rin siya dahil magkaibang experience ang mararanasan niya sa kaniyang mga pagdiriwang.
Sa ganitong paraan, magagawa mo ang iyong gusto para sa party at makakapag-focus ka sa pinakaimportanteng bahagi ng pagdiriwang – ang iyong anak.
Maiiwasan din ang bangayan at sagutan na hindi magandang makita ng bata mula sa kaniyang mga magulang, lalo na sa espesyal na araw na iyon.
Larawan mula sa iStock
Co-parenting tips para sa mag-ex
Kung ano man ang mapagdesisyunan mo, tandaan na ang araw na iyong ay mahalaga sa inyong anak. Kung nasa edad na siya para magsabi kung anong gusto niya para sa kaniyang kaarawan, pakinggan ang kaniyang panig at isantabi muna ang mga bangayan at hidwaan para sa ikasasaya ng bata.
Hangga’t maaga, planuhin niyo na ng magkasama kung ano ang pwede niyong gawin pagdating sa mga espesyal na okasyon tulad nito, at ipaalam na rin sa bata kung ano ang dapat niyang asahan.
Kung magdesisyon kayong magkaroon ng hiwalay na selebrasyon, iwasang makipagkumpitensya sa iyong ex. Huwag niyong idamay ang bata sa hidwaan o issues niyo sa isa’t isa. Huwag mo siyang tanungin kung aling party ang mas nagustuhan niya.
Hayaan siyang mag-enjoy sa dalawang birthday party niya, at kung gusto niyang iuwi ang mga regalong natanggap niya mula sa “kabila,” payagan siyang gawin ito.
Tandaan, walang kasalanan ang bata sa nangyari sa inyo ng iyong ex. Kaya hangga’t maari, panatiliin niyong maayos ang pakikitungo niyo sa isa’t isa alang-alang sa inyong anak. Mas magandang makita niya na nagkakasundo ang kaniyang mga magulang para sa kaniya.
Co-parenting ng mag-ex: joint celebration o dalawang birthday parties – anong opinyon niyo, mommies? Sabihin sa’min sa comments section!
Source:
Alliance Family Law, Womansdivorce.com
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!