Dito sa Pilipinas, magastos ang magkasakit. At kahit na sa mga pamilyang may sarili nilang ipon, may mga pagkakataon talagang kinukulang ito, lalo na kung ang sakit mo ay isa sa mga costliest diseases.
Anu-ano ba ang mga costliest diseases na ito, at ano ang magagawa para makaiwas sa mga sakit na ito? Halina’t ating alamin kung ano ang sagot sa mga katanungang iyan.
Image from Dreamstime
8 costliest diseases na puwedeng magbaon sa’yo sa utang
1. Sakit sa puso
Ang mga sakit tulad ng stroke, atake sa puso, at mataas na blood pressure ay kabilang sa mga pinakamagastos na sakit. Bukod sa magastos ang mga operasyon tulad ng bypass surgery, magastos rin ang maintenance medicine na kailangan sa mga ganitong sakit. Once kasi na ma-diagnosed ka na ikaw ay may sakit sa puso, kailangan mo na talaga ng mga maintenance medicine at kailangan walang palya ang pag inom mo nito.
Kaya’t importanteng mag-ehersisyo palagi, at magbawas sa mga pagkain na nagdudulot ng high blood.
2. Kanser
Ang sabi nga ng ilan, ‘Sakit ng mga mayayaman ang kanser.’ Dahil hindi rin talaga biro ang kailangan mong ilabas na pera kapag meron ka nito. Hindi na kaila sa karamihan sa atin na magastos ang sakit na kanser. Mahal ang chemotherapy, at lalong mahal ang mga gamot na kinakailangan para sa sakit na ito.
Nakakadagdag rin sa gastusin kapag kinakailangang nasa ospital ang maysakit, dahil babayaran din ang kwarto pati ang mga iba-ibang gamot at testing na kinakailangan upang gumaling.
3. Sakit sa kidney
Para sa mga taong nahihirapan nang gumana ang mga kidney, dialysis lamang ang paraan upang mapahaba ang kanilang buhay.
Magastos ang pagpapa-dialysis, dahil mahal ang equipment na ginagamit para dito. Bukod dito, kadalasan itong ginagawa ng tatlong beses sa isang linggo upang masiguradong hindi mapuno ng toxins ang katawan ng may sakit.
Mabilis magpatong-patong ang gastos sa dialysis, kaya’t kabilang ang sakit sa kidney sa mga costliest diseases.
4. Type 2 diabetes
Ang type 2 diabetes naman ay magastos na karamdaman dahil sa tuloy-tuloy na pag-inom ng gamot. Hindi biro ang sakit na diabetes, dahil kahit na wala itong kapansin-pansin na epekto sa kalusugan, posible itong maging sanhi ng pagkamatay kung mapabayaan.
5. Lupus
Ang sakit na lupus ay hindi biro. Ito ay isang uri ng autoimmune disease na kadalasang tumatama sa mga kababaihan. Tulad ng diabetes, kinakailangang tuloy-tuloy ang pag-inom ng gamot para sa sakit na ito.
Bukod dito, nahihirapan ring makapagtrabaho ang mga taong may sakit na lupus, kaya’t nakadadagdag ito sa kanilang mga gastos dahil hindi madali para sa kanila ang kumita ng pera.
Image from Josh Appel on Unsplash
6. Arthritis
Ang arthritis ay isang uri ng sakit sa buto kung saan nahihirapang igalaw ng maysakit ang kanilang mga kasu-kasuan. Bukod sa pag-inom ng maintenance medicine para dito, may pagkakataon rin na kinakailangan ng knee replacement surgery para sa mga mas malalang kaso.
Hindi biro ang gastos sa sakit na arthritis, at isa ito sa pinakapinagkakagastusan na sakit sa buong mundo.
7. Dementia
Ang dementia ay isang uri ng mental health problem na karaniwang nangyayari sa mga matatanda. Ito ay kapag nagsisimulang maging ulyanin at nahihirapang umintindi ang mga matatanda.
Magastos ang sakit na ito dahil sa dagdag na pag-aalagang kinakailangan ng mga taong mayroong dementia. Madalas ay kinakailangan pa ng nurse at mga karagdagang gamot upang mapanatili ang quality of life ng mga taong mayroong ganitong sakit.
Image from Ben Hershey on Unsplash
8. Obesity
Ang obesity, o sobrang katabaan ay isang kondisyon na nagiging sanhi ng maraming sakit. Kabilang na dito ang heart disease, arthritis, kidney problems, diabetes, at kanser.
Yan ang dahilan kung bakit isa sa pinakamagastos na sakit ang obesity, dahil sa dami ng sakit na dulot nito. Kaya mahalagang panatilihin ang iyong kalusugan, kumain ng tama, at mag-ehersisyo upang maging malakas ang katawan.
Source: Livestrong
Basahin: Kalusugan ng pamilya, sagot ng Barangay Health Center!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!