Bago pa matapos ang nakaraang taon ay mayroong nangyaring trahedya sa isang mall sa Cotabato City. Sa nangyaring Cotabato City mall blast, 2 tao ang nakumpirmang patay, at nasa 28 ang sugatan, kabilang na ang isang 4-taong gulang na bata.
Sino ang may kagagawan ng karumaldumal na krimeng ito? At ano ang dahilan para dito?
Cotabato City mall blast: Natukoy na ang posibleng gumawa nito
Ayon sa mga ulat, nangyari daw ang pagsabog ng 1:59 ng hapon, noong bisperas ng Bagong Taon. Mayroon daw sumabog na IED o improvised explosive device sa labas ng South Seas Mall sa Cotabato City.
Base sa naging imbestigasyon ng mga pulis, may mga nakakita raw sa isang hindi kilalang lalaki na nasa lugar. Nagbaba raw ito ng isang nakabalot na kahon ilang segundo bago mangyari ang pagsabog.
Pinaghihinalaan na ang pagsabog ay kagagawan daw ng mga militanteng grupo na kaanib ng ISIS. Ang bomba raw ay ginawang paghihiganti ng militanteng grupo para sa ilan nilang miyembro na napatay ng militar.
Bukod sa sumabog na bomba sa mall, may natagpuan at narekober pang isang bomba ang mga awtoridad sa lugar.
Dahil sa nangyaring insidente, 2 tao ang kumpirmadong patay, at 28 ang sugatan, kabilang na ang 4-taong gulang na si Norlyn Biruar. Ang mga sugatan ay nadala agad sa ospital upang malapatan ng paunang lunas at magamot ang kanilang natamong pinsala.
Mahalaga ang kaligtasan ng ating pamila
Nakakalungkot na sa mismong simula ng bagong taon ay may mga taong gustong manakit ng kanilang mga kapwa. At para sa mga magulang, nakakatakot isipin na nangyayari ang mga ganitong bagay, kahit pa sa mall na inaakalang ligtas na lugar.
Kaya’t mahalaga sa mga magulang na alam ang kanilang gagawin kung sakaling may mangyaring sakuna sa labas ng kanilang tahanan. Heto ang ilan sa mga safety tips na dapat ninyong tandaan:
- Maging mapagmasid sa paligid. Lumayo sa mga kahina-hinalang tao, at sa mga kahina-hinalang bag, kahon, o lalagyan.
- Huwag hayaang lumayo ang inyong mga anak. Palagi silang bantayan, o kaya ay hawakan ang kanilang mga kamay upang hindi kayo magkahiwalay.
- Kung sakaling mawala ang inyong mga anak sa mall, turuan sila kung saan dapat pumunta at sino ang mga taong hahanapin.
- Magdala palagi ng cellphone na puwedeng gamitin upang humingi ng tulong.
- Manood palagi ng balita, at alamin kung mayroon bang panganib ng mga pagsabog, sa inyong lugar. Mabuti na ang manatili sa bahay kung sakaling naglabas ng red alert ang gobyerno.
- Tandaan, mahalaga ang kaligtasan ng iyong mga anak, at palaging isaalang-alang ang kanilang kaligtasan.
Source: Mindanews
Basahin: Sanggol napugutan ng ulo habang nakasakay sa motor
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!