COVID-19 pwede bang makuha sa lamok at langaw? Narito ang sagot at paliwanag ng isang eksperto mula sa Beijing, China.
COVID-19 pwede bang makuha sa lamok at langaw
Dahil sa dumadaming langaw at lamok sa paligid, marami ang nagtatanong kung maaari bang makuha at maikalat ng mga insektong ito ang sakit na COVID-19? Ayon sa Center for Disease Control and Prevention researcher na si Wang Liping, wala pang biological basis ang nagsasabing maaring makapag-transmit ng COVID-19 ang mga nasabing insekto. At wala pang worldwide report ang nag-susuggest ng phenomenon na ito.
Paliwanag pa niya ang COVID-19 ay naihahawa sa pamamagitan ng respiratory droplets. Ito ay nakakalat kapag umubo, bumahing o magsalita ang isang taong infected ng sakit. Maari rin itong makuha kung ang isang surface na nagtataglay ng virus ay nahawakan ng isang tao. Saka ito maipapasok sa kaniyang katawan kung ang kamay na nagtataglay ng virus ay naihawak niya sa kaniyang mata, ilong o bibig.
Pero paalala ni Liping, bagamat sa ngayon ay masasabing hindi maikakalat o maihahawa ng mga lamok at langaw ang COVID-19, dapat ay mag-ingat parin umano sa mga ito. Ito ay dahil ang mga insektong ito ay maaring magdala ng delikado ring mga sakit na dengue at malaria. Kaya naman payo niya maliban sa pagsasagawa ng preventive measures laban sa COVID-19, dapat ay proteksyonan rin ang sarili mula sa dalawang sakit.
May dagdag na paalala pa si Liping sa publiko. Lalo na ngayon na mas nauuso ang delivery services at takot magsilabas ang mga tao. Paliwanag niya napaka-baba ng posibilidad na mahawa ng COVID-19 ang isang customer na saglit na nagkaroon ng contact sa deliverymen. Ito ay kahit na may COVID-19 na kumakalat sa lugar. Pero para mas makasigurado mabuti umanong mag-suot ng mask sa tuwing tatanggap ng delivery. At saka maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig matapos humawak sa natanggap na package.
COVID-19 sa Pilipinas
Dito sa Pilipinas ay umabot na sa 35,455 ang bilang ng tinamaan ng sakit. Ito ay base sa report na inilabas na report ng DOH kahapon. Ayon sa World Health Organization o WHO, ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagdami ng kaso ng sakit sa buong Western Pacific Region sa nakaraang dalawang linggo.
Kahapon bandang alas-4 ng hapon, 653 ang nadagdag na bagong kaso. Nasa 485 sa mga ito ay bago o fresh cases. Habang ang 168 ay mula sa backlog ng DOH.
Mula sa pinakabagong kaso, 245 ang mula sa Metro Manila at 120 ang nagmula sa Central Visayas. Habang 112 ang mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa at 8 naman ang balikbayan o nagmula sa ibang bansa.
Sa mga late cases naman o mga positibong kaso na nagmula sa backlog ng DOH, 111 ang nagmula sa Metro Manila. Nasa 11 ang mula rin sa Central Visayas. Habang 25 ang mula sa ibang rehiyon sa bansa at 21 ang balikbayan o nagmula sa ibang bansa.
Umabot naman na sa 1,244 ang naitalang nasawi dahil sa sakit. Habang may 9,686 naman na ang naka-recover na mula rito.
Laban sa COVID-19
Kaya naman dahil dito ay patuloy na isinusulong ng ilang opisyal sa gobyerno ang simultaneous mass testing, lockdown at contact tracing.
“Lockdowns, mass testing, and contact tracing should be done simultaneously. Just like in farming, you can’t perform one task alone like till the soil, you also have to plant the seeds and water the crops. You have to care for the plants.”
Ito ang pahayag ni Sen. Francis Pangilinan.
Ayon naman kay Sen. Joel Villanueva, ang mabilis na pagkalat ng sakit ay epekto ng pagluluwag sa quarantine protocols sa bansa. Dahil hindi na nasusunod ang mga COVID-19 preventive measures gaya ng social distancing at mas maraming tao na ang lumalabas ng kanilang bahay kahit hindi naman kinakailangan.
“We reopened the economy drastically, even for the non-essential sectors like [Philippine offshore gaming operators]. We did not prohibit malls from extending their operating hours. And we terminated social assistance, sent people back to work even without sufficient modes of public transportation.”
“The current statistics are obviously the consequences of these actions. I really hope that during the past months we have upgraded our healthcare system to properly respond to this pandemic. We continue to encourage the public to stay at home, practice social distancing, and only come out of their homes when necessary.”
Ito ang pahayag ni Sen. Villanueva.
Pahayag ng DOH sa magbilis na pagdami ng kaso ng COVID-19
Paliwanag naman ng DOH, ang living condition at health system sa Pilipinas ang isa sa mga dahilan kung bakit mas dumadami ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Ngunit sa kabila nito ay ginagawa nila ang lahat upang mapigilan ang pagkalat ng sakit habang wala pang vaccine ang naiimbento laban dito.
Sa ngayon ay patuloy umano ang mahigpit na pag-momonitor nila sa mga bagong kaso ng sakit. At mas pinapatibay ang kanilang response upang maiwasan pa ang pagkalat nito.
Dagdag pa nila ang pinakamahalagang paraan nga na magagawa sa ngayon para maiwasan ang sakit ay ang pagsusuot ng mask at physical distancing.
“We continue to emphasize the implementation of minimum health standards, i.e. wearing of masks and physical distancing, as the most effective preventive measure in the absence of a vaccine.”
Ito ang pahayag ng ahensya.
Source:
Inquirer, CGTN, Rappler, Inquirer
BASAHIN:
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!