Isang ina mula sa UK ang nagbahagi ng kaniyang kuwento ng kaniyang hindi inaasahang pagbubuntis, o “cryptic pregnancy.” Aniya, nabigla raw siya sa bilis ng mga pangyayari, pero naniniwalang isang biyaya sa buhay niya ang pagkakaroon ng anak.
Ating alamin ang kaniyang kuwento.
Isang ina, nakaranas ng cryptic pregnancy
Ayon sa inang si Klara Dollan, mula UK, nagsimula raw ang lahat nang makaranas siya ng matinding cramps paggising sa umaga.
6 na buwan na raw siyang umiinom ng birth control pills, kaya inakala niyang baka nagsisimula na ang kaniyang buwanang dalaw. Binigyan raw siya ng paracetamol ng kaniyang ina, at tumuloy na siya sa opisina.
Aniya, sobrang sakit raw ng kaniyang puson, at pinagpapawisan na siya sa tindi ng sakit. Ngunit hinayaan lang niya ito, sa pag-aakalang matinding period cramps lang ang kaniyang nararamdaman.
Pagkarating raw niya sa opisina ay hindi pa rin nawawala ang sakit. Lalo pa raw itong tumindi, kaya’t kinausap niya ang kaniyang boss, at nagpaalam kung pwedeng hindi na lang siya pumasok.
Naintindihan naman siya nito, kaya’t dali-dali na siyang umuwi upang makapagpahinga.
Pagkarating sa bahay ay nakalimutan raw pala niya ang kaniyang mga susi, kaya’t tumawag pa siya ng magbubukas ng pinto. Inabot raw ng 2 oras ng paghihintay bago siya nakapasok sa bahay, at dahil dito nagkaroon siya ng ilang oras para isipin ang dahilan ng sakit.
Bigla niyang naisip na baka siya pala ay buntis
Naalala niya bigla na baka siya pala ay buntis. Ngunit hindi naman raw ito posible, dahil tuloy-tuloy ang pag-inom niya ng birth control pills.
Bukod dito, wala naman siyang naranasan na kahit anong sintomas, kahit raw ang paglaki ng tiyan ay hindi niya naramdaman.
Dahil sa tindi ng sakit, hindi na nakayanan ni Klara at humingi na siya ng tulong. Sa kabutihang palad ay narinig siya ng caretaker ng building na kapitbahay lang nila, at pinuntahan siya nito.
Sabi ni Klara na tumawag raw siya ng ambulansya, dahil baka raw siya nagkakaroon ng miscarriage. Matapos niya itong sabihin sa caretaker, ay bigla na lang daw nag “shut down” ang katawan niya.
Nagulat na lamang siya nang makita na nanganganak na pala siya, at nakitang lumabas ang kaniyang sanggol.
Matapos dumating ng paramedics ay dinala silang dalawa sa ospital, at mabuti naman ang kalagayan ni Klara at ang kaniyang sanggol.
Ayon kay Klara ay hindi raw niya inasahan ang pagiging isang ina, lalong-lalo na at hindi pa siya handa rito. Ngunit gagawin raw niya ang lahat upang masiguradong lumaki ng masaya at mabuti ang kaniyang anak.
Ano ang cryptic pregnancy?
Ang cryptic pregnancy ay isang uri ng pagbubuntis kung saan kakaunti lang, o halos walang nararamdamang sintomas ang ina.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung ano ang dahilan para sa pangyayaring ito. Hindi rin lubos na napag-aaralan ang ganitong kondisyon, dahil hindi madaling malaman kung sino ang mayroong cryptic pregnancy o wala.
Pero hindi naman dapat ikabahala ito ng mga ina, dahil wala naman itong dalang panganib para sa kanila, o kaya para sa kanilang mga anak.
Source: BBC
Basahin: Babaeng nanganak sa CR, hindi raw alam na buntis siya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!