Daing na bangus agad ang naiisip natin kapag tinatanong tayo kung anong luto sa bangus ang isa sa pinaka-popular. Mula sa mga palengke hanggang sa mga supermarket, makikita nating laging meron nito sa seafood section. Madali kasing itong lutuin at hindi rin komplikadong i-terno sa ibang ulam kaya hindi ito nawawala sa hapag-kainan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap para sa Daing na Bangus
- Paraan ng paglilinis sa Bangus
- Paraan ng pagluluto sa Daing na Bangus
Popularidad ng daing na bangus sa bansa
Napapaligiran ng anyong tubig ang ating bansa kaya naman sagana tayo sa iba’t-ibang uri ng isda. Isa ang bangus sa paboritong uri ng isda ng mga pinoy dahil sa dami ng putahe na mailuluto dito. Madali din itong paramihin at alagaan kaya maunlad ang industriya ng pag-aalaga nito sa bansa.
At kapag bangus ang pinag-uusapan, hindi mawawala dito ang probinsya ng Pangasinan. Tinagurian itong “Bangus Capital of the Philippines” dahil bangus ang pangunahing produkto ng probinsya. Bilang pagpupugay, taunan nilang ipinagdiriwang ang kanilang Bangus Festival.
Hindi lamang sa Pangasinan sagana ng bangus dahil maging sa ibang probinsya ay marami ring may palaisdaan nito. Sa pagkakaroon ng napakaraming palaisdaan ng bangus, hindi nakapagtataka na popular nito sa ating bansa.
Ang paglilinis ng bangus
Ang bangus ang isa sa pinakamatinik na isda kaya isang pagsubok ang pagtatanggal ng tinik nito o deboning. Ngayon, marami na ang eksperto sa pagtatanggal ng mga ito kaya hindi na problema ang deboning para sa mga mamimili.
Makakabili na rin tayo sa palengke o supermarket ng mga bangus na nalinisan na at nahati na into butterfly-cut. Mayroon na ring timplado na at ready to fry. Ngunit gaya ng ilang homecook, mas prefer nila na sila ang gagawa ng sarili nilang timpla.
BASAHIN:
Batangas Lomi recipe, na pwedeng-pwede niyong iluto sa bahay!
Mga sangkap sa pagluluto ng daing na bangus
- 3 large bangus, nalinisan at nahati na (butterfly-cut)
- 1 cup suka
- 6 cloves ng bawang, crushed
- 1 kutsarang pamintang buo
- 1 kutsaritang asin
- cooking oil
Ang proseso ng pagma-marinade at pagluluto ng daing na bangus
- Hugasang maigi ang mga bangus sa running water upang matanggal ang mga naiwang dugo at laman-loob. I-drain ito at itabi.
- Sa isang malinis na palanggana o malalim na bowl, pagsama-samahin ang suka, asin, pamintang buo at bawang at haluin ito. Tiyakin na kasya ang buong isda sa loob ng bowl o palanggana.
- Ilagay ang isda. Tiyaking nakalubog itong maigi upang mababad nang maigi sa marinade ang buong bangus. Ilagay sa refrigerator at hayaan itong ma-marinate ng 4 na oras o mas mainam ay overnight. Mas manunuot ang marinade sa laman ng isda kapag mas matagal itong nakababad.
- Kapag handa ng lutuin ang daing na bangus, i-drain ito mula sa marinade. Nasa sa iyo kung tatanggalin mo ang mga bawang at paminta kapag pinirito ito. Mas mainam kung tatangggalin ito. Itapon ang marinade.
- Sa isang malaking kawali, ilagay ang cooking oil at isalang ang kalan sa medium heat. Tiyaking nasa 1-inch ang taas ng mantika upang ma-deep fry ang isda. Dahan-dahang ilagay ang bangus sa kawali. Lutuin ang bawat side ng tig-5 minuto o hanggang sa maging golden brown ang kulay nito. TIP: Unahing i-prito ang side na may kaliskis upang hindi madurog ang isda.
- Ihango ang bangus mula sa kawali. Ilagay sa platong may kitchen towels o tissue upang masipsip nito ang excess oil ng isda. Serve and enjoy!
Para sa sawsawan:
- Magdikdik ng 2 cloves na bawang at hiwain ng maliliit. Ilagay sa isang platito at lagyan ng suka at kaunting asin. Maaari ring maglagay ng konting pamintang durog at siling labuyo kung nais ng maanghang na sawsawan.
Note: Maaaring samahan ng iba pang ulam ang iyong daing na bangus para sa complete meal gaya ng nilagang:
- kangkong
- talbos ng kamote
- talong
- okra
Puwede rin itong samahan ng pritong itlog, ensaladang mangga o sariwang kamatis na may bagoong na isda.