Iba na ang panahon ngayon. Hi-tech na ang buhay, kaya pati ang problemang hinaharap ng mga kabataan ay hi-tech na din. Kapag bullying ang pinag-uusapan, umangat na rin sa lebel ng teknolohiya ang dati nang mapanganib na kahulugan nito—at nakita na ring mas malaki at malalim pa ang pananakit na dala nito. Hindi man direkta ang pisikal na panganib, malaki pa rin ang nagiging epekto ng cyber-bullying sa mga bata sa panahong ito, lalo pa’t hindi alam ng mga magulang ang nangyayari, kaya’t ang bata ang mag-isang humaharap sa mga nanunuya sa kaniya.
Sa nakaraang taon lang, ang bilang ng biktima ng cyber-bullying sa buong mundo ay napakalaki. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa Amerika, ang suicide o pagkitil sa sariling buhay ang naging ikatlong pangunahing sahilan ng pagkamatay ng mga batang 18 taong gulang pababa, na may bilang na 4,400 deaths bawat taon*. Isang pag-aaral sa Europe anfg nagsasabing kalahati ng bilang ng mga suicide sa mga teenagers ay dahil sa bullying, o mas partikular na ang cyber bullying. Naluluno sa anxiety at depression ang mga kabataan, hanggang ayaw nang lumabas ng bahay at pumasok sa eskwela. Sa mga mas nakakalungkot na pagkakataon, natutulak pa silang magpakamatay.
Ano ba ang cyber bullying?
Ang hudyat ng bagong milenyo ay nagpakilala sa bagong paraan ng pangungutya at pangbibiktima ng mga binansagang bully. Gumagamit na ngayon ng teknolohiya, social media at gadgets tulad ng cell phones at Internet, para mam-bully o mang-harass ng kapwa. Para sa kabataan, ang cyber-bullying ay pagpapadala ng malupit na email, chat messages, o SMS, o pagkakalat ng mga malisyoso at nakasisirang usapin o chismis, Minsan, mas malala pa, ay ang pagkakalat ng maiskandalong litrato at videos tulad ng halos hubad o tuluyang hubad na, sa social media. Mayron pang gumagawa ng fake account para lang mag-post ng nakakasirang bagay laban sa taong binu-bully. At ang karaniwang biktima nang ganito ay ang mga mahiyain, tahimik, o mga kabataang mababa ang self-esteem—karaniwang babae.
Ayon sa statistics, 1 sa bawat 3 teenagers ay nakatanggap na ng “cyberthreats”, at kalahati sa bilang ng mga adolescents ay nabiktima na ng bullying online. Malaki din ang bilang ng mga nakaranas na ng cyber bullying, lalo na sa cell phones at social media, direkta man o sa mga comment threads laman. Ang nakakapag-alala ay hindi ito nasasabi sa kanilang mga magulang.
May tatlong panganib ang cyber-bullying na lamang sa dating bullying lang:
- Ito ay persistent o patuloy. Ang mga makabagong digital devices ngayon tulad ng tablets at cell phones ay gumagana ng 24/7. Kung may nambubully sa bata, patuloy din ito at palaging makikita. Hindi nao-off, kaya’t hindi matatantanan ang kawawang anak sa pambubully ng iba.
- Permanente ito. Karamihan sa impormasyon ngayon ay nakatakda na at hindi na mawawala sa oras na nai-post ito sa Internet. Kung anuman ang naibandera sa world wide web at permanente at pam-publiko na. Naire-report ito at maaaring ipaalis, pero hindi mo malalaman kung nakopya na o naipost na sa ibang sites. Ang negatibong reputasyon online, kasama na ang para sa nam-bully, ay maaaring makaapekto sa college admissions o employment, sa pagdating ng panahon.
- Mahirap malaman ng magulang o guardians. Nangyayari ito sa pribadong oras ng mga anak, at dahil hindi nakikita o naririnig ng mga guro o magulang, madalas ay nagtatagal ito nang hindi nabibigyan ng tamang pansin o tulong.
Ayon kay Sonnie Santos, executive ng People Management & Organization Development at advocate ng cyber-wellness, ang cyber bullying ay may 4 na elemento para masabing ito ay cyber-bullying.
- TEKNOLOHIYA Gumagamit ng cellphone, tablet, computer, pati videos at digital images para manakit ng tao.
- DELIBERATE o SADYA Ginagawa ang pangungutya at pananakit ng sadya at may malisya. Hindi ito biglaan o dala ng impulse o biglaang reaksiyon laban sa taong nanakit ng pisikal, tulad ng galit na reaksiyon sa taong nakabangga sa braso mo kaya’t natapon ang hawak na kape.
- PAULIT-ULIT Hindi lang isang beses nangyari, kundi paulit-ulit na ginagawa sa naging mahabang panahon na. Iba yung nakipag-away ka lang dahil may alitan, kaysa sa walang tigil na pangungutya o panunuya nang wala namang ginawang masama ng tinutuya. Kung ang pagpaparamdam at pagsasabi ng galit ng mahabang panahon at paulit-ulit na naka-direkta sa isang tao o grupo, ito ay potensiyal na kaso ng cyber bullying.
- MAY GALIT o HOSTILE Ang huli ay ang hostile o labis na galit na pinapakita ng taong nambibiktima. Makikita ito sa text o sinasabi niya online, mga digital images na sinadyang baguhin para makasira ng kapwa (photoshopped) at pagpapaskil ng mga video na nakakasira ng pagkatao o reputasyon ng biktima. Sa madaling salita, mapanakot at galit.
Kung ang “bullying” ay nangyayari sa pagitan ng mga minors o parehong bata, ito ay cyberbullying. Kung ang isang panig ay adult, ang tawag na dito ay cyber harassment o cyber stalking.
Warning signs ng cyber bullying
At dahil sa hindi karaniwang sinasabi ng mga bata sa kanilang mga magulang, kailangang alamin ng mga magulang ang potensiyal na “danger signs”.
Sa isang aklat na sinulat ni Marie Newman na may pamagat na When Your Child Is Being Bullied: Real Solutions (Vivisphere Publishing, 2011), narito ang ilang senyales ng cyberbullying:
- Biglang nawalan ng interes sa paggamit ng social media, o nabawasan ang dalas ng paggamit nito. (Madalas, tahasang umiiwas pa.)
- Nagiging withdrawn at upset, palaging galit, bugnutin o frustrated, o di kaya’y walang pasensiya, pagkagamit ng social media o kapag nagtetext. Ang iba ay nagpapakita ng depression o labis na kalungkutan. Hindi na nito ginagawa ang mga bagay na dati’y gusto niyang gawin, at hindi makatulog at walang ganang kumain.
- Nag-deactivate siya ng social media o online accounts.
- May mga blocked na cellphone number o email address, o tao sa social media account niya.
- Nagkukulong sa kuwarto at ayaw lumabas, pati tumatangging pumasok sa eskwela nang hindi nagbibigay ng dahilan. Umiiwas ding magpakita o makipagkita sa mga tao.
- Nagpo-post ng litrato o images, at quotes tungkol sa kamatayan o pagkamatay, o galit.
Ano ang pwedeng gawin ng magulang:
Kung may hinala na ang anak ay biktima ng cyberbullying, kailangang gumawa ng hakbang para matulungan siya at maparamdam ang concern at pagmamahal sa kaniya.
- Kausapin ng malumanay ang iyong anak. Umpisahan ang pag-uusap nang mahinahon at iparamdam ang unconditional support.
- Kung nasa edad na ang anak, maaari nang mag-isip ng paraan para matigil ang bullying sa kaniya, at kung ano ang pwede niyang gawin, ayon sa gusto niya at sa tingin niyang kaya niya. Hindi pwedeng ipilit sa kaniya ang ayaw niyang gawin. Pakinggan siya at hayaang magsalita at magsabi ng nararamdaman at iniisip niya. Problema niya ito, kaya’t kailangang manguna siya sa pag-iisip ng solusyon.
- Magkalap at mangolekta ng ebidensiya ng cyberbullying na pwedeng gamitin sa future reference, lalo na kung kailangang sabihin sa administrasyon ng eskwelahan o sa pulisiya.
- Isara ang lahat ng social network at email accounts, lalo na kung matagal nang nangyayari ang cyberbullying.
- Ipaalam sa mga guro at administrasyon ng eskwelahang pinapasukan ng anak ang pangyayari. Kung alam ang identity o kilala ninyo ang sinasabing bully, maaaring subukang kausapin ang mga magulang ng batang iyon sa pamamagitan ng eskwelahan, kung maaari. Kung may pisikal na panganib o threat, kailangang ipagbigay alam sa pulisiya.
- Kung ang sitwasyon ay umabot na sa nakababahalang lebel at mapanganib na, alisin ang anak sa eskwelahan. Reality check: hindi mabubura ang emosiyonal na sakit na dala ng bullying, lalo kung malala ito, at hindi magiging “mabait” bigla ang mga nang-bubully dahil lang nakausap o nasabihan sila. Kaya’t kailangang pisikal na ilayo ang anak sa mga taong nanakit sa kaniya at sa lugar kung saan ito naganap, para masimulang maka-recover siya.
- Ang biktima at ang nang-bully ay parehong kailangan ng counselling at therapy pa kung ito ay malala. Ito ay para masigurong matutulungan sila sa anxiety at depression at sa trauma ng mga nangyari.
Mga batas tungkol sa cyberbullying
Kasama sa Anti-Bullying Act ng 2013 ang cyberbullying, ngunit tanging mga batang nasa high school age ang abot nito. Kung ang biktima ay adult na, ang ibang probisyon na may kinalaman sa libel at identity theft ang maaaring gamitin.
Para sa mga minors, ang Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ay isang batas na pwedeng gamitin para sa biktima ng cyberbullying na wala pa sa high school, o kung ang pambubully ay nangyari sa labas ng eskwelahan.
Kailangan ka ng iyong anak
Kung pwede lang na mababantayan natin sa bawat minuto ang anak natin, tulad nung baby pa sila, mas madali sana. Malaki ang posibilidad na babalik sila sa social media at texting, kahit na may trauma pa sa mga naganap sa kaniya. Madalas, nakikipagkaibigan pa rin sila sa mga “kaibigang” nam-bully sa kaniya. Kaya’t ang mga magulang ay dapat na patuloy na kausapin at iparamdam sa anak ang pagmamahal at suporta sa kaniya, kahit anong mangyari. Dapat ding turuan sila ng tamang online behavior, at huwag matakot na magsabi sa magulang kung anumang nangyari. Bilang magulang din, dapat maging vigilant sa pagmamasid at pagmo-monitor ng “cyber moves” ng mga anak.
Ipaalam sa anak na handa kayong makinig at tumulong kung may problema ang anak. Gawing bukas ang komunikasyon at kumbinsihin siya na kung may nakikita o nararamdamang hindi maganda sa cyberspace, sabihin agad sa inyo.
Malayo pa ang katapusan ng problemang ito, kaya’t ang tanging magagawa natin ay tulungan ang mga anak na labanan ang ganitong uri ng karahasan sa mapayapa, makatao at maayos na paraan. Edukasyon din ang susi, at pagtuturo sa mga bata nang dapat gawin para maging ligtas sila at makayang protektahan ang sarili.
Sources: stopbullying.gov, bullyingstatistics
Basahin: 5 paraan upang maprotektahan ang mental health mula sa social media
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!