Dengue outbreak Philippines patuloy na nakaka-apekto sa maraming Pilipino.
Dengue outbreak Philippines
Habang ang buong mundo ay nakatutok sa patuloy na pagdami ng taong apektado ng novel coronavirus, may isa pang sakit ang patuloy ding naglalagay sa peligro sa buhay ng mga Pilipino. Ito ay ang sakit na dengue. Ayon sa statistics, nadagdagan pa ang tinamaan ng sakit nang pumasok ang taong 2020. Ganoon din ang bilang ng mga nasawi dahil dito na lubhang nakababahala.
Kaso ng dengue sa Bohol
Mula sa ulat ng isang local newspaper sa Bohol, naitalang may 1,167 na tao mula sa probinsya ang tinamaan ng dengue virus. Habang ang lima ang nasawi dahil sa sakit. Ang mga bilang na ito ay naitala sa unang 39 na araw ng 2020.
Tinatayang 41.5% itong mas mataas sa bilang ng kaso ng dengue na naitala noong 2019 sa parehong buwan.
Ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit 7 o RESU sa Bohol, pinakamataas ang kaso ng dengue sa bayan ng Talibon. Naitalang may 234 na kaso ng dengue dito sa naunang 39 araw ng taong 2020.
Sunod ang Tagbilaran City na may 74 cases ng dengue. Habang ang iba pang bayan sa Bohol na may reported cases ng dengue ay sa Tubigon, 68 cases, Alicia, 59 cases at Getafe na may 48 na kaso ng dengue.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang Department of Health sa dengue outbreak Philippines report na ito. Bagama’t ayon kay Dr. Cesar Tomas Lopez, mula sa Bohol Provincial Health Office ay matagal nang nagsasagawa ng programa ang kanilang probinsya laban sa sakit. Isa na nga rito ang Aksyon Barangay Kontra Dengue” o ABKD. Ang programa ay nagsusulong ng kalahalagan ng kalinisan sa kapaligiran upang masugpo ang dengue.
“Kung walang lamok, walang dengue. We always stress na mag-mobilize g’yud ang Aksyon Barangay Kontra Dengue unya naay dengue task force, kung mahimo, everyday manglimpyo.”
Ito ang pahayag ni Dr. Lopez.
Paalala ng DOH
Base sa isang report na inilabas ng DOH nito lamang January 23, 2020 ay nakaranas umano ng “steady decline” ang bilang ng kaso ng dengue sa Pilipinas. Dahil sa nakalipas na tatlong buwan, partikular na noong Decemebr 22-31, 2019 ay may 815 na kaso lang ng dengue ang naitala sa Pilipinas. Ito ay 87% na mas mababa kumpara sa 6, 125 cases na naitala noong 2018 sa parehong mga petsa.
Magkaganoon man ay patuloy na ini-encourage ni DOH Secretary Francisco Duque III ang mga pinoy na sundin ang 4S kontra dengue. Ito ay ang Search and destroy mosquito-breeding sites, gawin ang Self-protection measures, Seek early consultation, at Support fogging/spraying sa mga hotspot areas ng sakit sa bansa.
“While the steady decline in dengue cases is indeed a very welcome development, let us not be complacent. We need to continually address the root causes of dengue and practice preventive measures all year round. I urge everyone to remain vigilant, and sustain the gains of the enhanced 4S strategy to keep dengue at bay.”
Ito ang pahayag ni Duque.
Pilipinas pinaka-at risk sa sakit na dengue
Samantala, ayon sa pag-aaral na ginawa ng Singapore-based consumer information provider na ValueChampion, nangunguna ang Pilipinas sa pinaka-at risk sa dengue sa buong Southeast Asia.
Ito ay isang mosquito-borne disease na dulot ng dengue virus. Ang virus ay naikakalat ng Aedes aegypti mosquito na endemic sa Pilipinas at iba pang tropical countries.
Hindi nalalayo ang mga signs at symptoms nito sa ibang sakit gaya ng malaria, leptospirosis at typhoid fever. Kaya naman mahirap itong tukuyin liban nalang sa pamamagitan ng blood test.
Ang mga sintomas ng dengue ay nagsisimula apat hanggang anim na araw matapos ang infection at tumatagal ng hanggang sampung araw. Ito ay ang sumusunod:
- Biglaang mataas na lagnat
- Sobrang sakit ng ulo
- Pananakit ng mata
- Matinding pananakit ng kasu-kasuhan
- Fatigue
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Mild bleeding sa ilong o sa gums
Gamot sa dengue
Samantala walang specific na gamot sa dengue ngunit may mga maaring gawin para mabawasan ang dalang sintomas nito.
Tulad ng pag-inom ng maraming tubig para hindi ma-dehydrate dahil sa pagsusuka at mataas na lagnat.
Pag-inom ng acetaminophen gaya ng Tylenol para maibsan ang sakit at mabawasan ang lagnat. Kailangang iwasan ang mga pain relievers na maaring magpataas ng tiyansa ng bleeding complications tulad ng aspirin, ibuprofen at naproxen sodium.
Para malunasan ang sakit ay kinakailangan ang supportive care mula sa ospital lalo na ang blood transfusion sa oras na lumala na ito.
Ang pagpapanatili ng kalinisan sa bahay, paggamit ng insect repellants, paglalagay ng screen sa pinto at bintana ng bahay pati na ang pagsusuot ng mahahabang damit ang ilan sa mga paraan para makaiwas sa mga lamok na nagdadala ng delikadong virus na ito.
SOURCE: Bohol Chronicle, The Asean Post, DOH
Photo: Freepik
BASAHIN: Sintomas ng dengue sa mga baby: Mga kailangang bantayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!