Tag-ulan na naman, mommy! Isa sa mga struggle nating mga magulang ay ang protektahan mula sa dengue ang mga bata. Ano nga ba ang sintomas ng dengue sa bata na dapat nating bantayan upang agad na maagapan at hindi na lumala pa?
Isa sa mga sakit na kinatatakutan ng mga magulang ay ang dengue. Dahil mula sa isang maliit na kagat ng lamok, maaring magkaroon ng mataas na lagnat ang bata, manghina at ma-ospital.
Sa mga matatanda, mas madaling malaman kung masama ang pakiramdam nila dahil madali nilang sabihin ito. Subalit paano naman ang mga sanggol at maliliit na bata? Paano mo nga ba malalaman kung may dengue ang iyong anak?
Bago natin talakayin ang mga sintomas ng dengue sa bata, alamin muna natin kung ano ang dengue at mga posibleng sanhi nito.
Ano ang dengue?
Ayon kay Dr. Janette Calzada, isang pediatric neurologist, ang dengue ay isang vector-borne disease o sakit na napapasa sa tao mula sa mga gumagalaw na carrier tulad ng lamok. Aniya, mas laganap ang mga ganitong sakit sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas.
Ang kagat mula sa isang lamok na infected ng dengue ang pangunahing sanhi ng sakit na ito. Nagkakaroon ng dengue virus ang isang lamok kapag nakakagat siya ng isang taong mayroong sakit na dengue. Ito ang paraan ng pagkalat ng virus sa ibang tao.
Subalit mayroon ding ilang kaso na ang dengue virus ay naipapasa ng isang buntis sa sanggol sa kaniyang sinapupunan. Posible rin ang pagkalat ng dengue sa pamamagitan ng blood transfusion o transplant gamit ang maruruming karayom na mayroong dengue virus.
Larawan mula sa Freepik
Sintomas ng dengue sa baby o sa bata
Dahil sa hindi pa nito kayang magsalita, mahirap para sa mga magulang na matukoy kung may hindi magandang nararamdaman si baby.
Pero ano nga ba ang sintomas ng dengue sa baby na dapat bantayan ng mga magulang?
Ayon kay Dr. Calzada, ang pangunahing sintomas ng dengue ay ang pagkakaroon ng lagnat.
“Fever talaga ‘yan 2 to 7 days. Kapag ang pasyente tatlong araw na naglalagnat, kailangan na magpatingin sa doctor.” aniya.
Paniniwala ng ibang magulang, kapag ang lagnat ng bata ay nangyayari lamang sa gabi, ito ay senyales na ng dengue. Subalit paliwanag ng doktora, hindi ito ang tamang basehan kung may dengue ang bata. Pahayag niya,
“Actually, naiiba ang pattern ng fever kasi we take paracetamol. So hindi mo na nakikita kung bumababa or tumataas (ang lagnat).
So ang titignan mo talaga is the duration. Kapag naglalagnat pa siya pangatlong araw na, ipatingin mo na. ‘Pag hindi ka talaga comfortable, okay lang magpa-consult kahit sa day 1 pa lang go ahead.”
Dagdag pa ni Dr. Calzada, hindi naman lahat ng lagnat ay dahil sa dengue. Kaya mas mabuti pa ring obserbahan kung nagpapakita pa ng ibang sintomas ng dengue ang iyong anak.
Maaaring dengue nga ang sakit ng baby kung mayroon siyang lagnat na sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagiging iritable, balisa, o antukin
- Pagkakaroon ng rashes sa katawan
- Unusual bleeding sa kaniyang gums o ilong
- Pagsusuka ng tatlo o higit pa sa isang araw
- Unusual bruise o pasa sa katawan
- Kawalan ng gana kumain dumede
- Hindi humuhupa ang kaniyang lagnat kahit pinainom na ng gamot
- Pananakit ng tiyan (sa malalaking bata)
- Kapag may pananakit ng katawan
Paalala rin ng doktora,
“The only way to confirm it’s dengue or not is to get a blood test , to see if there is really a virus there in your body.”
Kaya naman mahalaga na kung sakaling makitaan si baby ng mga nasabing sintomas ay dalhin na siya agad sa doktor upang matukoy ang kaniyang kalagayan at mabigay ang tamang lunas para rito.
Larawan mula sa Freepik
Gamot sa dengue, meron ba?
Ayon kay Dr. Calzada, wala pang naiimbentong eksaktong gamot para sa dengue.
Ang pinakamainam na gawin ay ang bantayan ang vital signs ng pasyente at gamutin ang mga sintomas ng dengue.
“So ang important talaga sa dengue, is stable talaga ‘yong vitals niya, well-hydrated siya kasi nga wala siyang gamot.” aniya.
Kung hindi naman matindi ang mga sintomas na ipinapakita ng bata, maaari namang gamutin ang dengue sa loob ng bahay, nang may paggabay pa rin ng kaniyang doktor. Subalit kung nahihirapan itong kumain at sumasakit ang tiyan, lalo na para sa mga sanggol, mas mabuting dalhin agad siya sa doktor.
Pahayag niya,
“Kaya naman natin ang dengue sa bahay lang pag kumakain pero pag nagcocomplain ayaw kumain, masakit tiyan, importanteng dalhin sa hospital kasi kailangan nating bantayan ang bata baka lumala.”
Pagdidiin ng doktora, kailangang bantayan nang maigi ang lagnat ng bata lalo na kung dahil ito sa dengue.
“Sinisigurado natin na naglalagnat ba siya, normal ang vital sign supportive talaga. Wala ka kasing maibibigay na cure sa dengue.
Kapag nawala kasi ‘yong lagnat, diyan bumababa ang platelet. Diyan na nagle-leak ng 3 to 4 days ‘yan tapos babalik na ulit yung fluid sa mga ugat mo. So ‘pag mild lang ang dengue mo, makaka recover ka na niyan.” dagdag ng doktora.
Kung mayroong lagnat ang bata, pwede siyang painumin ng paracetamol, para makontrol ang lagnat at mabawasan ang pananakit ng katawan. Tandaan, huwag na huwag siyang paiinumin ng aspirin o ibuprofen.
Kapag nilalagnat ang bata, mas madali siyang madehydrate, at napakadelikado nito, lalo na sa mga sanggol. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC, narito ang ilang palatandaan na maaring dehydrated na ang bata:
- Malambot o lubog na bunbunan ni baby sa ulo
- Tuyong bibig, dila o labi
- Nanlalalim na mata
- Kakaunti o walang luha kapag umiiyak
- Mas kaunti ang ihi o basang diapers kumpara sa normal
Makakatulong kung iinom ang bata ng maraming tubig o fluids o kaya padededehin nang mas madalas upang hindi ma-dehydrate.
Kapag tumitindi na ang mga sintomas ng dengue at mayroon nang pagdurugo sa mga bahagi ng katawan, kinakailangan ang supportive care mula sa ospital lalo na ang blood transfusion.
Protektahan ang pamilya mula sa Dengue
Larawan mula sa iStock
Dahil wala pang bakuna laban sa dengue na available dito sa ating bansa, at hindi rin ito pwede sa mga sanggol, ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang nakamamatay na sakit na ito ay ang pag-iwas sa kagat ng lamok.
“The best protection against mosquito-borne diseases is to prevent bites by infected mosquitoes. We follow the four strategies as advised by DOH – Search and Destroy, seek early consultation, self-protection and say yes to fogging.” ani Dr. Calzada.
Para masigurong walang lamok sa inyong paligid, ugaliing linisin ang loob at labas ng inyong bahay. Linisin ang mga lugar na posibleng pamahayan ng mga lamok gaya ng mga estero, bubong, madidilim na lugar at mga bagay kung saan naiimbak ang tubig tulad ng mga balde at paso.
Siguruhin ring walang butas ang screen sa mga bintana at pintuan ng inyong bahay.
Ugaliin ring magsuot ng mga damit na mapoprotektahan ang balat mula sa lamok gaya ng mga mahahabang manggas at pantalon. Pwede ring maglagay ng mosquito patch o magpahid ng mosquito repellent lotion o spray na may DEET sa balat, maliban lang kung ang baby ay wala pang 2 buwan.
Bukod pa rito, makatutulong ang paggamit ng mosquito net. Siguraduhing may mosquito net ang kama o kuna ng sanggol. Puwede ring gumamit ng mosquito net sa mga stroller o carrier kapag nasa labas. Gayundin, tiyakin na maayos ang ventilation ng bahay. Ang lamok ay hindi gaanong aktibo sa malamig na kapaligiran kaya makatutulong ang malakas na hangin mula sa electric fan o air conditioning.
Tandaan, lubhang delikado ang dengue kaya mas mabuting iwasan ito para sa kaligtasan ng buong pamilya. At kung isa man sa inyo ay nakakaranas ng sintomas ng dengue, kumonsulta na agad sa inyong doktor.
Sa pagsunod sa mga hakbang na ito, mababawasan ang panganib ng dengue sa mga sanggol pati na rin sa ibang myembro ng pamilya.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!