Tuwing tag-ulan, laganap ang sakit na dengue. Kaya naman, ngayong nagsisimula na ang tag-ulan, importante na alam natin kung ano ang dapat gawin upang maiwasan ang dengue. Isa sa mga sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng rashes sa katawan. Ngunit, ano ang pinagkaiba ng dengue rashes sa normal na rashes?
Ano ang dengue?
Ang dengue ay isang seryosong sakit na dulot ng dengue virus na dala ng mga lamok, partikular na ang Aedes aegypti at Aedes albopictus. Ang pagkilala sa mga sintomas nito, kabilang ang dengue rashes, ay mahalaga upang maiwasan ang komplikasyon. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga pangunahing pagkakaiba ng normal na rash at rash na dala ng dengue, pati na rin ang iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa dengue.
Dengue rashes vs allergy
Ayon kay Dr. Art Jerome D. Luzande, MD, iba ang rashes na dulot ng dengue kumpara sa rashes mula allergy. Kadalasan, ang mga rashes na dulot ng allergy ay tila bumubukol. Mararamdaman ito agad kapag idinaan ang kamay sa balat. Lagi itong nagdudulot ng pangangati na nagiging senyales na may nararanasan na allergic reaction ang katawan.
Sa dengue, ang rashes ay hindi nararamdaman sa paghawak lamang. Ito ay mapupulang maliliit na rashes na lumalabas sa ika-2 o ikatlong araw ng pagkakaroon ng lagnat. Hindi ito laging makati ngunit maaaring magdulot ng hindi kumportableng pakiramdam sa paghupa ng lagnat. Maaari itong lumabas sa malaking bahagi ng katawan.
Samantala narito naman ang sabi ng World Health Organization, Center for Disease Control, at Department of Health tungkol sa pagkakaiba ng normal na rashes sa dengue rashes.
Ang rash na dala ng dengue ay may ilang natatanging katangian na nagpapaiba dito mula sa isang normal na rash:
- Hitsura at Pagkakalat
- Normal Rash: Ang normal rash ay maaaring dulot ng iba’t ibang sanhi tulad ng allergy, init, o impeksyon sa balat. Ito ay karaniwang makikita bilang mga pulang tuldok o patse-patse sa balat.
- Dengue Rash: Ang rash na dala ng dengue ay karaniwang nagmumula sa ikalawa hanggang ikaapat na araw ng sakit. Ito ay nagmumukhang tulad ng pulang tuldok-tuldok na may kasamang maliliit na pamumula sa buong katawan, partikular na sa mga braso, binti, at dibdib. Sa mas malalang kaso, maaaring magkaroon ng petechiae o maliliit na pulang patse na dulot ng pagdurugo sa ilalim ng balat.
- Pananakit at Pangangati
- Normal Rash: Ang normal rash ay maaaring mangati o magdulot ng kaunting pananakit depende sa sanhi.
- Dengue Rash: Ang rash na dala ng dengue ay kadalasang hindi nangangati, ngunit maaaring magdulot ng kaunting pananakit o discomfort.
- Kasamang Sintomas
- Normal Rash: Kadalasang hindi sinasamahan ng iba pang seryosong sintomas.
- Dengue Rash: Madalas sinasamahan ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng likod ng mata, matinding pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, at pagsusuka.
Sanhi
Ang dengue rashes ay isa sa mga pangunahing sintomas ng dengue. Gayunpaman, hindi ito lumalabas sa lahat ng kaso na naitala na may dengue. Hindi rin naiiba ang rashes nito sa rashes na maaaring idulot ng iba pang kundisyon. Dahil dito, kailangan ay may kasama ito na iba pang sintomas upang matukoy na dulot ito ng dengue.
“Dapat bantayan ang rashes dahil ito ay indikasyon sa dami ng platelet ng pasyente,” ayon kay Dr. Luzande. Mahalagang mabantayan lalo ang mga patuloy na kumakalat ang rashes dahil ito ay senyales na bumababa ang dami ng platelets.
Iba pang sintomas bukod sa dengue rashes
Ayon kay Dr. Luzande, mas makabubuti na agad na magpasuri kung ang pagkakaroon ng rashes ay may kasabay na iba pang sintomas na maiuugnay sa dengue. Ang mga sintomas na ito ay:
- Lagnat
- Pagsakit ng ulo
- Pananakit ng katawan
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Pagdurugo ng gilagid o ilong
- Dugo sa ihi, dumi o suka
- Hirap sa paghinga
“Napakarami ng maaaring lumabas na sintomas ng dengue,” dagdag ni Dr. Luzande. “Kadalasan, lumalabas ang mga ito kapag pagaling na. Pero pwede rin makita ang mga ito sa mga kritikal na bahagi ng pagkakasakit.”
Kailan magpapa-konsulta sa doktor?
Kung naghihinala na ang lumabas na rash sa balat ay dulot ng dengue, dapat magpasuri agad. Sa oras na makumpirma na ito ay dahil sa dengue, kailangan itong aksyunan sa lalong madaling panahon.
“Random ang dengue. Hindi madaling masasabi kung ano ang kaso na magiging malala o walang madudulot na masama. Ang mahalaga ay mabigyan ng close monitoring at supportive management ang sino man na may sakit nito,” ayon kay Dr. Luzande.
Iba pang dapat malaman tungkol sa dengue
Paano makakaiwas sa dengue?
- Gumamit ng insect repellent na may DEET.
- Magsuot ng damit na may mahabang manggas at pantalon.
- Panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang pagdami ng lamok. Tanggalin ang mga stagnant water na maaaring pamugaran ng lamok.
Ano ang gamot sa dengue?
- Walang partikular na gamot para sa dengue, ngunit mahalaga ang sapat na pahinga, pag-inom ng maraming tubig, at pag-monitor sa kalagayan ng pasyente.
- Agad na kumonsulta sa doktor kung may mga sintomas ng dengue. Maaaring magrekomenda ang doktor ng mga test tulad ng Complete Blood Count (CBC) at Dengue NS1 antigen test upang makumpirma ang sakit.
Komplikasyon
Ang dengue ay maaaring magdulot ng dengue hemorrhagic fever (DHF) at dengue shock syndrome (DSS), na parehong delikado at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Mahalaga ang pagkakaroon ng tamang impormasyon tungkol sa dengue upang maagapan ang sakit at maiwasan ang komplikasyon. Ang pagkakaiba ng normal rash at dengue rashes ay isa lamang sa mga aspeto ng sakit na ito na dapat maunawaan. Palaging ugaliing maging mapagmasid sa mga sintomas at kumunsulta agad sa doktor kung mayroong alinlangan.
Basahin: Sintomas ng dengue sa mga baby: Mga kailangang bantayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!