Nakapagtala ng kabuuang 65,190 kaso ng dengue sa Pilipinas ang Department of Health mula noong January hanggang nitong July.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kaso ng dengue sa Pilipinas patuloy na tumataas
- 4S strategy kung paano maiiwasan ang dengue
- Mga sintomas ng dengue
Kaso ng dengue sa Pilipinas patuloy na tumataas
Tinatayang 83% na mas mataas ang kaso ng dengue sa Pilipinas ngayong taon kompara noong 2021. Ayon sa Department of Health (DOH) umabot na sa mahigit 65,000 kaso ng dengue sa Pilipinas ang naitala ng kanilang ahensya at 274 katao na ang namatay ng dahil dito.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Jimmy Chan
Sa datos na inilabas ng DOH, makikitang ang pinakamaraming kaso ng dengue sa Pilipinas ay mula sa Central Luzon (9,448). Ikalawa ang Central Visayas na mayroong 7,771 naitalang kaso ng dengue, sinusundan naman ito ng Zamboanga Peninsula (5,708).
Samantala nitong nagdaang buwan, mula June 5 hanggang July 2 ay umabot sa 16,000 ang naitalang kaso ng dengue sa Pilipinas. 3,196 ang bagong kaso ng dengue sa Central Luzon, habang 1,729 naman sa Metro Manila. Mayroon namang 1,703 cases ang Central Visayas.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Ma. Rosario Vergeire, pag-aaralan ng kaniyang departamento ang paggamit ng dengue vaccine ngayong tumataas ang kaso ng dengue sa bansa.
Matatandaang noong 2017 ay itinigil ang dengue vaccination program sa Pilipinas matapos ianunsyo ng isang pharmaceutical company na maaaring magdulot ng severe dengue ang Dengvaxia kapag naibakuna sa mga taong wala pang prior exposure sa dengue virus.
Samantala, ayon sa World Health Organization (WHO), ligtas naman at epektibo ang nasabing dengue vaccine para sa mga nagkaroon na dengue infection noon.
Dengue prevention and control: 4S strategy para maiwasan ang dengue
Isa sa mga ipinapaalala ng DOH sa publiko tuwing tumataas ang kaso ng dengue sa Pilipinas, ay ang 4S strategy para mapuksa ang dengue.
Larawan mula sa official Facebook page ng Department of Health
Narito ang mga dapat gawin para maiwasan ang dengue sa inyong tahanan:
- Search and Destroy – hanapin ang mga pinamumugaran ng lamok sa inyong paligid. Linisin ito upang hindi na itlugan pa ng lamok na magiging dahilan ng pagdami nito.
- Self-protection measures – magsuot ng mga damit tulad ng long sleeved shirts at long pants para maprotektahan ang balat mula sa kagat ng lamok. Gumamit din ng mosquito repellent.
- Seek early consultation – agad na magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng ano mang sintomas ng dengue.
- Support fogging or spraying – para ito sa hotspot areas kung saan ay naitala ang pagtaas ng mga kaso ng dengue for two consecutive weeks. Mahalaga ito para maiwasan ang mas matinding outbreak ng dengue.
Symptoms of Dengue
Kilala rin ang dengue sa tawag na “breakbone fever” o “dandy fever”. Ang dengue fever ay viral infection na nakukuha mula sa kagat ng lamok. Sanhi ito ng apat na dengue viruses. Kapag nakagat ka ng lamok na may dengue virus, papasok ang virus sa iyong dugo at doon magpaparami.
Ilan sa mga sintomas ng dengue ay ang mga sumusunod:
- Matinding pananakit ng ulo
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pananakit sa likod ng mata
- Mataas na lagnat (40°C)
- Rashes
- Pamamaga ng glands
- Pananakit ng muscles at mga buto
Kapag nakaramdam ng ano man sa mga nabanggit na sintomas ay agad na magpakonsulta sa inyong doktor. Mahalagang malapatan agad ng tamang paggamot bago humantong sa severe case ng dengue. Tinatawag ding dengue hemorrhagic fever o dengue shock syndrome ang malalang kaso ng dengue.
Nangyayari ito kapag ang blood vessels ng pasyente ay na-damage na at tumagas. Pinababagsak ng dengue virus ang clot-forming cells o platelets sa dugo ng pasyente kaya humahantong ito sa internal bleeding, organ failure, at ang pinakamalala – kamatayan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Polina Tankilevitch
Ilan sa mga warning signs ng severe dengue ay:
- Pagdura ng may kasamang dugo
- Pagdurugo ng gilagid
- Mabilis na paghinga
- Matinding pananakit ng tiyan
- Fatigue
- Maya’t mayang pagsusuka
Maaaring humantong sa critical phase ang pasyente sa loob ng tatlo hanggang pitong araw. Sa pagkakataong iyon ay bababa na sa 38°C ang lagnat pero unti-unti na ring mararanasan ang mga warning sign ng severe dengue.
Nakamamatay ang dengue kaya dapat na agad na kumonsulta sa inyong doktor kapag nakaranas ng ano mang sintomas nito. Wala mang gamot para sa dengue, matutulungan ka ng iyong doktor para ma-manage ang sintomas nito hanggang sa ikaw ay gumaling.
Ang pag-manage sa symptoms of dengue ang tanging paraan para gumaling sa sakit na ito.
Para ma-manage ang dengue symptoms mahalagang manatiling hydrated. Uminom ng maraming tubig o fluids. Importante rin na mayroon kang sapat na pahinga para lumakas ang iyong immune system at magawa nitong labanan ang virus sa iyong dugo.
Tandaan na hindi maaaring uminom ng ibuprofen o aspirin kapag ikaw ay na-dengue. Maaari nitong mapataas ang tsansa na magkaroon ka ng nakamamatay na internal bleeding. Kumonsulta sa inyong doktor para malaman kung anong mga gamot o pain reliever lamang ang pwedeng inumin.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!