Dennis Padilla sa mga anak kay Marjorie Barretto: “Tatay lang din naman ako na nangungulila din."

Ayon kay Dennis, oras lang ang kailangan niya sa mga anak.

Dennis Padilla may panawagan sa mga anak niya kay Marjorie Barretto. Nilinaw din ng aktor na hindi siya nanghihingi ng pera sa mga ito.

Mababasa dito ang mga sumusunod:

  • Panawagan ni Dennis Padilla sa mga anak kay Marjorie Barretto.
  • Relasyon ni Dennis sa mga anak na sina Julia, Leon at Claudia.

Panawagan ni Dennis Padilla sa mga anak kay Marjorie Barretto

dennis padilla and marjorie barretto kids

Larawan mula sa Instagram account ni Marjorie Barretto

Nitong nakaraang linggo ay naging saksi ang social media world sa isa na namang pagpapalitan ng nararamdaman ng mag-amang Julia Barretto at Dennis Padilla. Sa panayam sa kaniya ng broadcaster na si Karen Davila, si Julia sinabing hindi pa siya handang mapatawad ang ama.

May mga pagkakataon rin na ikinuwento ng aktres na kung saan nahirapan silang magkakapatid at tanging ang inang si Marjorie Barretto lang ang naging karamay nila.

Naikuwento rin ni Julia kung paano sila nagpalipat-lipat noon ng bahay na inuupahan at nagpasalamat sa pagbili ng townhouse ng inang si Marjorie kung saan sila nagtagal tumira.

Si Dennis nang marinig ang mga sinabing ito ni Julia ay hindi napigilang mag-react sa kaniyang social media account. Kuwento niya, sa pagpapalipat-lipat ng bahay na inuupahan nila Julia noon, siya ang nagbabayad.

Kahit daw ang pagbili ng townhouse na sinasabi niyang ang inang si Marjorie ang may gawa ay hindi daw totoo. Giit ng aktor, ang alam ni Julia ay kalahati lang ng katotohanan.

Sa isang vlog episode ni Ogie Diaz sa programa niyang Ogie Diaz Update ay ibinahagi niyang nakausap niya si Dennis Padilla. Ito daw ay nagbahagi ng saloobin niya tungkol sa gusot sa pagitan ng mga anak niya kay Marjorie na sina Julia, Leon at Claudia.

Ayon kay Ogie, ito umano ang sinabi ni Dennis sa kanilang naging pag-uusap.

“Yong iba kong anak nirerespeto ako. ‘Yong iba kong anak may communication pa rin kami hanggang ngayon, dito lang talaga. Gusto kong i-work out ‘yong relasyon ko sa mga anak ko. Pero paano ko magagawa parang iisa na lang ‘yong takbo ng utak ng tatlong anak ko. Parang silang lahat ayaw akong kausapin, ayaw sa akin.”

Ito daw ang sabi ni Dennis kay Ogie.

dennis padilla and marjorie barretto kids

Larawan mula sa Instagram account ni Dennis Padilla

Relasyon ni Dennis sa mga anak na sina Julia, Leon at Claudia

Pagpapatuloy pa ng showbiz reporter, kahit si Dennis daw ay naguguluhan sa kung anong nangyayari sa mga anak niya. Dahil noong una daw ay maayos naman ang relasyon nila. At hindi daw totoo na hindi niya binibigyan ng oras ang mga anak.

Halimbawa kay Julia na personal siyang inimbitahan noon sa 18th birthday nito na pinuntahan niya. Iniimbita rin daw siya noon ng anak sa mga premier night ng pelikula nito, ito rin daw ay pinupuntahan niya. Pero bigla na lang siyang nagulat noong siya naman ang lumalapit at kumukontak sa anak para magpunta sa mahahalagang event sa buhay niya.

Hindi na daw ito sumasagot ng mga text at tawag niya. Noon iniisip niya lang na busy ang mga ito pero hindi niya inakalang may itinatago na palang galit sa kaniya ang mga anak.

“Ilang beses ako nag-attempt tumawag sa kanila hindi sumasagot, nagte-text din ako. Saan ako mananawagan para makita mga anak ko?”

“Gusto ko lang marinig nila, pakinggan nila kasi tatay din naman ako. Nag-provide ako para sa kanila. Sana makuha ko ‘yong respeto mula sa mga anak ko. Hindi ko naman sila guguluhin e. Sana maayos ang aming relasyon.”

Ito pa daw ang sabi ni Dennis kay Ogie. Ito rin daw ang paliwanag ng aktor kung bakit niya ginagamit ang social media para mag-post ng tungkol sa mga anak niya.

dennis padilla and julia barretto

Pagpapatuloy pa niya, hindi niya naman umano inaaway ang mga anak na sina Julia, Leon at Claudia. Gusto niya lang magpapansin sa mga ito. Pero mukhang hindi daw talaga maintindihan ng mga anak si Dennis. Mabuti na nga lang daw ay may iba pa siyang anak na pinapaalalahanan siya at iniiwasang makagawa pa siya ng iba pang ikagagalit ng mga anak niya kay Marjorie Barretto.

Sa kabuuan ay may isang apela lang si Dennis sa mga anak na sina Julia, Leon at Claudia. Giit niya hindi daw pera ang kailangan niya mula sa mga ito, kung hindi ang oras lang na makasama ang mga anak.

“Hindi nila alam ‘yong totoong kwento. Hindi naman ako nanghihingi kahit singkong-duling kasi nagtatrabaho naman ako, may mga raket ako. Ayoko ring masumbatan ako ng mga anak ko na ako ay manghihingi kaya gusto ko silang i-meet.”

“Gusto ko lang silang makapiling. Tatay lang din naman ako na nangungulila din at nami-miss ko ‘yung yakap ng mga anak ko.”

Ito ang sabi pa ni Dennis Padilla at panawagan niya sa mga anak kay Marjorie Barretto na sina Julia, Leon at Claudia.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!