Nakapaghanda ka na ba sa pagdating ng iyong baby? Alamin ang mga paraan upang magkaroon ng ipon para sa panganganak.
Magastos magkaroon ng pamilya. Ito ang pangunahing dahilan ng maraming mag-asawa kung bakit sila nagdedesisyon na hindi magkaroon ng maraming anak. Sa hirap ng buhay ngayon, kailangan ay mayroon kang sapat na ipon at maayos na hanapbuhay. Para sa ganoon ay masustentuhan ang pangangailangan ng iyong pamilya.
Sa panganganak pa lang, marami na agad kailangang isipin na bayarin. Habang nagbubuntis pa nga lang, gumagastos ka na sa mga checkup, prenatal supplements at sa mga bagay na kailangan ng isang buntis.
Pero gaya ng ibang bagay, ang pagbubuntis at panganganak naman ay maaaring paghandaan. Kung makakapag-ipon ka ng maaga, may maitatabi kang pera para sa iyong panganganak at iba pang pangangailangan ni baby.
Magastos bang manganak sa ‘Pinas?
Habang lumalaki ang iyong pamilya, asahan na lalaki rin ang gastos na iyong dapat paghandaan. Bukod sa iyong gagastusin sa opsital sa panganganak, nariyan rin ang ibang bagay.
Tulad ng mga pangangailangan ni baby gaya ng diapers, gatas, buwanang checkup, mga unang bakuna, at iba pa.
Kaya naman mahalaga talaga mayroon kang naitabi o ipon para sa panganganak. Pero magkano nga ba dapat ang itabi mo para sa nalalapit na pagdating ni baby? Narito ang mga bagay na dapat mong isaalang-alang.
Hospital o lying in?
Isa sa mga pinakamalaking bagay na dapat paghandaan ng mag-asawa ay ang gagastusin para sa panganganak ng ina. Depende ito kung saan niya gustong manganak, at ano ang paraan ng kaniyang panganganak (kung normal delivery ba ito o cesarean).
Dahil rin sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, tumaas na rin ang hospitalization cost sa karamihang pampribadong ospital.
Ayon sa website na iMoney.ph, para sa mga nanay na gustong manganak sa isang pampribadong ospital, ang gagastusin sa panganganak sa normal delivery ay hindi bababa sa P32,000 pero hindi lalagpas sa P200,000.
Kabilang na rito ang professional fee ng doktor, pero hindi pa kasama ang iba pang extra fees mula sa ospital.
Para naman sa cesarean delivery (CS) na sinasabing isang major operation, mas malaki ang halagang dapat ihanda ng mga magulang.
Bukod kasi sa OB-Gynecologist at midwife, kailangan mo ring magbayad sa anesthesiologist at maging sa paggamit ng operation room. Maaaring magsimula ito sa halagang P75,000 hanggang P250,000.
Para naman sa mga babaeng hindi kayang manganak sa mga ospital. Ang panganganak sa isang lying clinic ay isang mas matipid na option. Ayon sa website na MedicalPinas.com, ang gagastusin sa lying-in clinic ay maaring maghalaga ng P15,000 hanggang P25,000.
Iba pang gastos sa panganganak at kay baby
Pero hindi nga lang panganganak ang dapat paghandaan ng mga magulang. Ayon sa pag-aaral ng shopping website na Picodi, tumatayang aabot sa P100,000 ang nagagastos ng mga magulang sa unang taon pa lamang ng kanilang anak.
Kabilang na rito ang mga hospital checkup, pangunahing pangangailangan. Tulad ng pagkain at damit ng bata, pagpapa-ospital, at kagamitan ni baby sa bahay.
Dahil rito, hindi maikakaila na malaki ang gagastusin sa pagdating ni baby at makakatulong talaga kung mayroon kang ipon para sa iyong panganganak.
Ipon para sa panganganak
Isa sa mga pinansiyal na plano na dapat paghandaan ng expecting moms at kanilang partner ay mag ipon para sa panganganak. Hindi madali ito lalo na kung walang paghahanda ang mag-asawa para sa kanilang darating na baby.
Kung hindi pa kayo natututo kung paano mag-ipon bago ang pagdating ni baby, ito na siguro ang time mga moms and dads. Hindi pa huli ang lahat para matuto kung paano mag-ipon. Ang susi lamang sa bagay na ito ay, maging matalino sa bawat paggamit ng pera at pagbili ng mga bagay.
Isa rin sa mga bagay na dapat i-expect at paghandaan pagkatapos manganak ay ang mga gastusin habang pinapalaki si baby. Pero para sa baby steps kung paano mag ipon ng pera para sa panganganak, tumutok muna sa gastusin para sa delivery.
Dahil medyo magastos ang manganak dito sa Pinas, may mga ilang paraan na dapat malaman paano mag ipon para sa panganganak.
Ang unang dapat natin alamin, lalo na sa mga expecting moms na hindi pa marunong mag ipon, ay kung paano mag ipon ng pera. Sa kahit anong aspect ng pagiging parent, ito ang pinakamahalagang bagay para sa pagpapamilya.
Kung may work naman pareho si mommy at daddy, mas magiging madali kung paano mag ipon ng pera. Pero ang tanong ay kung maalam ba pareho sa pagsisinop ng pera.
Bilang first time parents, ito na ang time para mag-ipon. Narito ang ilang tips na dapat mong malaman:
4 tips paano mag ipon
Proudest moment ng mga first time parents ang paparating na baby. Siyempre, hindi tayo magpapahuli para i-congratulate ang mga sarili para sa moment na ito. Pero, kailangan din nating paghandaan ang event na ito bilang parents.
Ito ang ilan sa mga tips kung paano mag ipon ng pera para sa panganganak.
-
Mag-ipon at bumuo ng budget plan para sa sarili at sa pamilya
Sa pagbuo ng budget sa bahay at sa pamilya, tiyak na makukumbinsi ang sarili na gumawa ng listahan ng mga dapat kailanganin. Sa paghahanda para sa panganganak, hindi dapat isantabi ang kalusugan ng mga moms. Ito ang bagay na dapat unahin para mapangalagaan si baby habang nasa tiyan pa.
Kasunod nito, ay ang mga needs din sa loob ng bahay, kasama na ang mga kagamitan at pagkain na pangunahing kailangan sa isang household.
Kada sahod kung nakakapasok at pinapayagan pa ng OB si mommy na magwork habang buntis, magtabi ng emergency fund kada pay day. Gaya sa tips na ito para kay mommy, kailangan din itong gawin ni daddy dahil magkatuwang naman sila sa pag ipon para sa panganganak ni mom.
Mainam na ang may emergency para kunsakaling kailanganin ang pera, hindi magagalaw ang budget na nakalaan sa plano.
-
Kung may credit at utang pa, bayaran na agad
Dagdag pa sa mga bayarin, kung may nakabinbin pang mga utang o credits, i-clear na ito agad sa listahan ng mga gastusin. Sa gayon, mas madali kung paano mag-ipon ng pera.
-
Unahin lagi ang mga needs bago ang wants
Siguraduhin na sa bawat nakalaang budget ay nauuna ang mga pangangailangan bago ang mga leisure. Hindi naman para i-spoil ang mga kagustuhan, pero isa ito sa mabisang paraan kung paano mas madaling mag ipon ng pera.
Hindi naman lahat ng tips paano mag ipon ay magiging madali at applicable sa lahat. Ang kailangan lang natin laging tiyakin ay maging matalino sa paggastos ng pera at pag-alam ng mga pangangailangan.
Paano magkakaroon ng ipon para sa panganganak?
Larawan mula sa Unsplash
Magastos ang panganganak, pero maaari mo naman itong paghandaan. Narito ang ilang bagay na pwede mong gawin upang makapagtabi ka ng pera para sa nalalapit na pagdating ni baby:
-
Mag-set ng goal at savings plan
Kapag nakumpirma mo na ang iyong pagbubuntis at iyong due date, makakabuti kung gagawa ka na ng plano para sa iyong panganganak.
Alamin mo kung magkano ang iyong gagastusin sa panganganak. Maglagay rin ng konting palugit para sa mga hindi inaasahang pangyayari. Gaya ng emergency CS o kaya kapag kailangang manatili ni baby sa neonatal intensive care unit (NICU).
Noong ipinagbubuntis ko ang pangalawang anak ko, nagulat ako sa presyo ng panganganak dito sa Pilipinas. Pero nakahanap ako ng isang paraan kung saan mayroong magandang maternity package para sa normal delivery. Nakapag-ipon din kami ni mister ng sapat na pera para sa gagastusin sa ospital at kaunting extra.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, kailangan akong sumailalim sa emergency CS para maipanganak ng ligtas si baby. At dahil hindi ito kasama sa maternity package, umabot ng doble ang halagang kailangan naming bayaran sa ospital kaysa sa aming inaasahan.
Kapag mayroon ka nang naiisip na halaga na iyong dapat ipunin. Alamin kung ilang buwan o linggo ang nalalabi para mapag-ipunan mo ang halagang ito, at anong mga pwede mong gawin upang makalikom ng pera para sa nalalapit na panganganak.
-
Subukan ang weekly ipon challenge
Ang ipon challenge o money challenge ay isang magandang paraan para makasiguro na mayroon kang ipon para sa iyong panganganak.
Para maisagawa ito, kailangan mo lang magtabi ng maliit na halaga sa isang linggo at doblehin ang halagang ito sa kasunod na linggo. Hanggang sa maabot mo ang iyong goal, o matapos ang 52 weeks o sa iyong kason, 40 weeks para sa iyong panganganak. Para sa mas madetalyeng impormasyon, basahin rito.
-
Asikasuhin ang mga tulong mula sa gobyerno
Makakatulong din ang ibang sangay ng gobyerno gaya ng PhilHealth at SSS para sa iyong panganganak.
Kung ikaw ay naka-register sa PhilHealth, makakakuha ka ng discount mula sa iyong prenatal checkups, maternity care package na tinatayang nasa P6,500 hanggang P8,000.
Pati na rin ang newborn care package kung saan kabilang ang newborn screening test ng iyong sanggol. Sa mga ito pa lang, malaki na rin ang naibawas mo mula sa bayarin sa ospital.
Samantala, para sa mga babaeng may regular na kontribusyon sa Social Security System (SSS) bago dumating sa ika-3 buwan ng kanilang pagbubuntis, maaari silang makakuha ng maternity leave benefits na pwedeng umabot sa P70,000.
Depende sa iyong buwanang kontribusyon. Asikasuhin mo na agad ito, Mommy. Alamin ang mga detalye rito.
-
Maging wais pagdating sa iyong baby shower
Bahagi ng pagiging magulang ang pagiging mas wais at praktikal pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kaniyang pamilya.
Kung may balak kang magkaroon ng baby shower, maaari mong tanungin ang iyong mga kapamilya o kaibigan na sa halip na magregalo ng masyadong maraming damit o laruan, magregalo sila ng mga “essentials”.
Gaya ng newborn diaper (huwag masyadong marami dahil mabilis itong kalalakihan ni baby) o wipes.
Para naman sa mga kapamilya o malalapit na kaibigan, pwede silang mag-ambagan upang mabuo ang pambili sa mga mahal pero importanteng kagamitan gaya ng kuna ni baby o kaya bottle sterilizer.
Pwede mo namang ilagay ito sa iyong baby shower gift registry kung nahihiya kang pag-usapan ang paksang ito.
-
Tanungin ang iyong OB-Gynecologist kung paano makakamura sa panganganak
Nariyan rin ang iyong doktor para tulungan ka sa iyong panganganak. Pwede kang maging honest kay dok kung nag-aalanganin ka gagastusin para sa iyong panganganak.
Tanungin mo siya kung saang ospital ang pinakamura (pero ligtas) at kung mayroong mga maternity package na pwede mong kunin para mas makatipid.
Dahil na-trauma na ako sa ginastos namin sa aking pangalawang anak, isa sa mga bagay na una kong tinanong sa aking OB-GYN noong nabuntis ako sa aking bunso ay kung ano ang mga paraan na pwede akong makatipid sa panganganak. Nirekomenda niya na doon ako manganak sa mas murang (pero mas bagong) ospital.
Kung hindi ka rin maselan, pwede kang kumuha na lang ng ward, sa halip na private room upang mas makatipid. Nagbigay rin ang doktor ko ng mga lugar kung saan mas makakamura ako pagdating sa ultrasound at iba pang kailangan sa pagbubuntis.
-
Magbenta ng mga bagay na hindi na kailangan
Para makatulong ring lumaki ang iyong ipon para sa panganganak, bakit hindi mo subukang magbenta ng ilang bagay na bihira o hindi mo na ginagamit.
Tulad ng ilang sapatos o bag na binili mo noong dalaga ka pa, o kaya naman mga damit na hindi ka kumakasya sayo kahit bago ka pa mabuntis.
Maraming kagamitan si baby, kaya kailangan mo rin ng lugar sa iyong bahay para sa mga ito. Kaya naman mas makakabuti kung susubukan mong mag-“declutter” at ibenta na ang mga bagay na hindi magiging kapaki-pakinabang sa’yo sa darating na taon.
-
Humingi ng mga pamanang gamit para kay baby
Nakakatuwang mamili ng mga cute na damit at kagamitan para sa iyong sanggol, pero kung nais mong makatipid, pwede rin naman ang mga hand-me-downs o mga bagay na ginamit na ng iba pero matibay at magagamit pa. Halimbawa, ang mga pinagliitang onesies ng iyong pamangkin, o kaya ang lumang stroller ng iyong inaanak.
Maari mong hingin na lang ang mga ito, o bilhin sa mas murang halaga kumpara sa mga brand new. Maniwala ka sa’min, mabilis lang lumaki ang mga sanggol, kaya hindi nila kailangan ng sobrang daming damit. Kaya ayos lang kung hindi mo siya bibilhan ng bagong damit madalas. Ipunin na lang ang pambili mo para sa mga mas importanteng bagay.
-
Sumali sa mga libreng maternity workshops, raffles at contest
Magtingin sa social media, o kaya sa mga parenting website (o sa TAP app) kung mayroong mga libreng maternity workshops o expo na pwede mong salihan. Sa mga ganitong events, karaniwan ay mayroon ring mga raffle at pa-contest para sa mga buntis. Natuto ka na, nagkaroon ka pa ng tsansang manalo ng mga kagamitan para kay baby.
Mahal ang manganak, pero sa tamang paghahanda, disiplina at pagiging wais, maari kang magkaroon ng sapat na ipon para sa iyong panganganak at sa iba pang pangangailangan ng iyong anak.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!