Para sa maraming ina, normal lang ang magkaroon ng depresyon matapos manganak. Kadalasan ay epekto ito ng mga hormones na ginagawa ng katawan kapag nagbubuntis.
Ngunit minsan naman, ang postpartum depression ay dulot ng mga mapait na pangyayari sa buhay. Tulad na lang ng kuwento ng single mom na si Christabel Koh, nang malaman niya na naputol ang kamay ng kaniyang anak sa sinapupunan.
Pero hindi lang ito ang naging pagsubok sa buhay ni Christabel, isang single mom mula sa Singapore. Marami pa siyang pinagdaanan na paghihirap, at minsan ay naisip niyang magpakamatay!
Paano niya napagtagumpayan ang kaniyang depresyon? Ating alamin ang kaniyang kuwento.
Depresyon matapos manganak: Ano ang kailangang gawin?
Mga tatlong taon na ang nakalipas nang ipinanganak ni Christabel ang anak na si Chrislyn. Nanlumo siya nang makitang walang kamay ang kaniyang anak, dahil umano sa amniotic band syndrome (ABS).
Ang ABS ay isang kundisyon kung saan pumupulupot ang bahagi ng amniotic sac sa isang sanggol. Dahil dito, posibleng maipit ang mga bahagi ng katawan, at sa mga malubhang kaso, puwedeng maputol.
At ganun na nga ang nangyari kay Chrislyn. Bukod dito, dikit-dikit rin ang daliri ng isa pa niyang kamay. Walang kahit anong senyales ng ABS na natagpuan ang mga doktor habang siya ay nagbubuntis.
Naging matindi ang epekto nito kay Christabel, dahil awang-awa siya sa kaniyang pinakamamahal na anak.
Marami pang sumunod na problema
Ngunit ngayon pa lamang nagsisimula ang mga problema ni Christabel. Di nagtagal ay nakaranas siya ng problema sa pera. Nabaon siya sa utang sa ospital dahil sa panganganak. Hindi rin nakatulong na naghiwalay sila ng tatay ni Chrislyn.
Dahil dito, lumubog sa matinding depresyon si Christabel. Ang mga sumunod na buwan ay naging madilim na panahon para sa kaniya. Ilang beses din niya naisipang magpakamatay dahil wala siyang trabaho, at mag-isa lang siyang magpapalaki ng kaniyang anak.
Umabot pa ito sa punto na napilitang kunin ng mga pulis ang kaniyang anak sa kaniya, at siya ay kinulong. Dahil sa pangyayaring ito, naisip niya kung gaano niya kamahal ang kaniyang anak. Hindi niya kayang mawalay kay Chrislyn.
Binago niya ang kaniyang buhay
Di nagtagal at pinilit ni Chrislyn na ayusin ang kaniyang buhay. Nakahanap siya ng freelance na trabaho sa Shopee. Naging malaking tulong rin ang kaniyang mga katrabaho at nagkaroon siya ng bagong direksyon sa buhay.
Nakatulong rin sa kaniya ang pagkakaroon ng mental fortitude o lakas ng isip, upang harapin ang mga pagsubok sa buhay.
Nakaipon rin siya ng pera at naipagamot ang kamay ni Chrislyn. Sa kabutihang palad, tinulungan din siya ng ama ni Chrislyn, na nagsimulang bisitahin sila linggo-linggo.
Dahil sa kaniyang kasipagan, naging full-time na supervisor si Chrislyn sa Shopee. Dahil dito, mas malaki na ang kaniyang kita at nagkaroon na siya ng tuloy-tuloy na trabaho upang suportahan ang kaniyang pamilya. Nakabili rin siya ng matitirahan para sa kaniyang anak at ina.
Ngayon, 3 taong gulang na si Chrislyn, at isang napakalikot at napakatalinong bata. Sabi ni Christabel na susuportahan niya ang anak sa kahit anong gusto nitong gawin. Lahat ay gagawin niya upang tuparin ang mga pangarap ni Chrislyn.
Huwag ikahiya o itago ang depresyon
Napakaganda ng naging kwento ng mag-inang si Christabel at Chrislyn. Nakakabilib na nalagpasan ni Christabel ang kaniyang matinding depresyon.
Ngunit ang katotohanan ay hindi ito nagagawa ng lahat ng ina. Maraming ina ang hanggang ngayon, nagdudusa sa depresyon. Siguro ay nahihiya silang humingi ng tulong, o kaya ay hindi pa nila matanggap ang kanilang depresyon.
Kaya’t importante sa mga ina na maging totoo sa kanilang mga sarili at harapin ang postpartum depression, o depresyon matapos manganak.
Heto ang ilang mga kailangang tandaan:
- Hindi ka nag-iisa. Maraming ina ang nakakaranas ng postpartum depression, at huwag mong isipin na wala nang pag-asa.
- Maging totoo sa iyong sarili. Kung sa tingin mo ay nakakaranas ka ng depresyon, huwag mo itong itago. Hindi nito ibig sabihin na mahina ka, ibig sabihin nito na may kailangan kang ayusin sa iyong sarili.
- Huwag matakot magpakonsulta sa doktor. Ang depresyon ay isang mental disorder, o isang uri ng sakit. Ibig sabihin, upang gumaling, mahalaga ang matulungan ng doktor.
- Hindi ka dapat matakot, o mahiya. Hindi “baliw” ang nakakaranas ng depresyon. Normal itong nangyayari sa napakaraming ina sa buong mundo, at hindi mo dapat isipin na mayroong “mali” sa iyo.
- Laging may pag-asa. Tandaan, lahat ng iyong pagdadaanan ay malalagpasan mo rin balang araw. Huwag kang mawalan ng pag-asa, at tibayan mo lang ang iyong lakas ng loob.
Source: Women’s Weekly
Basahin: Mental Health Law: Mga benepisyo para sa may postpartum depression