Dianne Medina postpartum depression ang na-experience ilang buwan matapos manganak kay Baby Joaquin. Nalampasan niya umano ito sa tulong ng asawang si Rodjun Cruz.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nalampasan ng aktres na si Dianne Medina ang postpartum depression.
- Palatandaan ng postpartum depression.
- Mga paraan kung paano maiiwasan ang depression matapos manganak.
Dianne Medina postpartum depression experience
Image from Maria Patricia Dianne Medina-Ilustre
Sa isang eksklusibong panayam ng theAsianparent sa first-time mom na si Dianne Medina, ibinahagi nito na siya ay nakaranas ng postpartum depression. Ito umano ay nangyari apat na buwan matapos niyang maipanganak ang unico hijo niyang si Baby Joaquin.
Pagkukuwento ni Dianne, noong una ay hindi niya alam na nakakaranas na siya ng postpartum depression. Basta’t nagtataka lang siya kung bakit siya nakakaramdam ng labis na kalungkutan kahit na healthy at happy naman ang baby niya at wala silang problema ng kaniyang asawang si Rodjun Cruz.
Pagkukuwento niya,
“I was having anxieties for no reason at all. I was crying for no reason at all. Hindi ko maintindihan where the sadness or where that feeling was coming from.”
Tingin niya, nakaranas siya nito dahil siya ay nasa loob lang ng kanilang bahay at walang nakakausap.
Ang doktor niya nga daw na kapatid ang nagsabing siya ay nakakaranas ng postpartum depression. Ito ay base umano sa mga sintomas na kaniyang ipinapakita. Kuwento pa ni Dianne,
“Kasi masyado akong nasa bahay lang, wala akong nakakausap. Wala akong nakikita. I was so down, but at the same time happy ako kasi healthy ang anak ko.
Blessed ako—marami akong work and all. But I was so lonely. Hinahanap ko kung bakit. I kept talking to myself, ‘Saan, Dianne?’ That’s the time na sinabi ng brother ko na you are having postpartum depression.”
Paano niya ito nalampasan?
Image from Maria Patricia Dianne Medina-Ilustre
Para umano malunasan ang postpartum depression na naranasan ay iniba ni Dianne ang environment niya. Muli siyang nagbalik-loob sa pagsisilbi sa Diyos, isang bagay na hindi na niya natutukan mula nang manganak siya.
Malaking tulong nga rin umano ang suporta ng kaniyang asawa na si Rodjun na hindi siya iniwan at nanatiling understanding sa mga panahong iyon ng buhay niya.
“He was there from day one. He never gave up on me. Never niya akong pinagtaasan ng boses. Never siyang nagalit sa akin even though I was ranting. Siya nag-a-absorb lahat. He was so understanding. Alam niya ‘yong pinagdadaanan ko.”
Dagdag pa ni Dianne, napakahalaga ng role na ginagampanan ng mga mister para matulungan ang mga misis nilang nakakaranas ng depression matapos manganak tulad ng naranasan niya.
May iniwan nga rin siyang mensahe para sa mga bagong panganak na ina na nakakaranas ng depresyon.
“Mga mommies, always remember that you are doing a good job. God loves you,” aniya.
BASAHIN:
STUDY: Postpartum depression, maaaring tumagal ng 3 years pagkatapos manganak
Ano-ano ang sintomas ng postpartum depression at paano ito malalampasan?
STUDY: Yoga and meditation found to reduce chronic pain and depression
Ano ang postpartum depression at ano ang mga sintomas nito?
Ang postpartum depression ay kilala rin sa tawag na post-natal depression. Ito ang uri ng depresyon na nararanasan ng mga kababaihan ilang linggo o buwan pagtapos manganak. Ilan sa mga sintomas ng postpartum depression na maaaring maranasan ng isang babaeng nakakaranas nito ay ang sumusunod:
- Matinding kalungkutan.
- Madalas na pag-iyak.
- Kawalan ng gana sa mga dating kinatutuwaang gawin.
- Pagkapagod.
- Hirap sa pagtulog o tulog ng tulog.
- Kawalan ng gana kumain
- Mas gustong mag-isa at ayaw makipag-bonding sa kaniyang sanggol o ibang miyembro ng pamilya.
- Irritble at mabilis magalit.
- Naiisip niyang siya ay hindi mabuting ina.
- Pakiramdam na siya ay walang kuwenta, nahihiya o guilty sa lahat ng bagay.
- Hirap mag-isip o makapag-concentrate.
- Nagsasabi siya ng kakaiba at nakakabahalang pahayag.
- Pagsasabi na gusto niyang saktan ang sarili o kaniyang sanggol.
Paano malulunasan at maiiwasan ang postpartum depression?
Coffee photo created by freepik – www.freepik.com
Pagdating sa pagbibigay lunas sa postpartum depression, nakadepende ito sa lala o uri ng depression na nararanasan ng isang babae.
Maaaring siya ay bigyan lang ng anti-anxiety o antidepressant medication. O kaya naman ay sumailaim sa psychotherapy at support group discussion and education. Ito ay upang malaman niya na siya ay hindi nag-iisa.
May mga tao na dumadanas na parehong kondisyon sa kaniya na ito ay nalampasan at sa ngayon ay handa siyang tulungan.
May mga paraan ding maaaring gawin ang isang babaeng bagong panganak upang maiwasan at malampasan ang postpartum depression. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Huwag magdalawang-isip na humingi ng tulong sa iba.
- Maging realistic sa mga dapat mong asahan tungkol sa sarili at sa iyong sanggol.
- Gumawa ng mga light exercises tulad ng paglalakad-lakad.
- Isipin na may mga araw talaga na mabuti at may mga araw naman na masama.
- Kumain ng masusustansyang pagkain at iwasan ang alcohol na inumin at caffeine.
- Patibayin ang relasyon sa iyong partner. Siguraduhing magkaroon kayo ng oras sa isa’t isa.
- Huwag i-isolate ang iyong sarili. Tumawag o makipagkita sa iyong mga kaibigan o kapamilya.
- Magpahinga sa mga oras na natutulog ang iyong sanggol.
Mahalagang mapanatili ang maayos na kalusugan ng isang babaeng bagong panganak. Ito ay upang maibigay niya rin ng maayos ang pangangalaga na kailangan ng kaniyang sanggol.
Para sa buong interview kay Dianne Medina ay abangan at panoorin ito sa theAsianparent’s #TAPtalks interview.
Source:
Healthline, Women’s Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!