Mommies, alamin kung anu-ano ang mga sintomas ng postpartum depression na dapat mong bantayan.
Marahil ay nakarinig ka na ng balita tungkol sa isang ina na sinaktan hanggang mapatay ang kaniyang anak. O kaya naman ay sinaktan ang kaniyang sarili at nagpakamatay.
Nakakagulat man ang ganitong mga pangyayari, ngunit ayon sa mga eksperto, epekto ito ng isang kondisyon na madalas na nararanasan ng mga babae pagkatapos manganak. Ito ay ang tinatawag na postpartum depression o PPD na tumatama sa isa sa siyam na babae sa buong mundo.
Ano ang postpartum depression?
Ayon sa Mayo Clinic, normal na nakakaranas ng mood swings, crying spells, anxiety at hirap sa pagtulog ang mga babaeng bagong panganak.
Madalas itong nangyayari sa unang araw at linggo matapos manganak sa kanilang sanggol. Tinatawag itong “baby blues” na isa sa epekto ng bagong responsibilidad na kailangan nilang gampanan sa kanilang bagong silang na sanggol.
Bagama’t ito ay normal, ang “baby blues” ay maaaring tumagal at lumala. Hanggang sa ito ay mauwi sa postpartum depression na labis ng nakakabahala. Normal lamang magkaranas nito hanggang 6 weeks matapos manganak pero kung patuloy pa rin na nakakaranas ng hindi maipaliwanag na kalungkutan o stress baka ito’y postpartum depression.
Dahilan kung bakit nakakaranas ng postpartum depression ang kababaihan
Ang postpartum depression ay kilala rin sa tawag na post-natal depression. Ito ang uri ng depresyon na nararanasan ng mga kababaihan ilang linggo o buwan pagtapos manganak.
Sinasabing ang postpartum depression ay may kaugnayan sa chemical, social at psychological changes na nararanasan ng isang ina dahil sa pagkakaroon ng bagong sanggol na dapat niyang pag-ukulan ng pansin at alagaan.
Habang ayon naman sa isang bagong pag-aaral, may ilang dahilan kung bakit ito nararanasan ng mga babaeng bagong panganak:
- Dahil sa conflicting at contrasting emotions na nararanasan ng isang ina o ang sari-saring emosyon na dulot ng bagong responsibilidad na kailangan niyang gampanan.
- Pag-aalala na dahil siya ay bagong panganak, hindi niya na maibigay ang pangangailangan ng asawa.
- Kawalan ng sapat na tulog at pahinga dahil sa pag-aalaga sa kaniyang anak.
- Kawalan ng suporta mula sa kaniyang partner o ibang tao sa paligid niya.
- Pagiging insecure dahil sa mga pagbabago ng katawan pagkatapos manganak.
- Pakiramdam na hindi na sila nabibigyan ng tamang pag-aalaga.
- Sa pisikal na aspekto, maaaring may kinalaman din ang pagbaba ng hormones na nagdudulot ng mga pagkapagod at pananamlay.
- Pressure mula sa ibang tao patungkol sa kung paano niya inaalagan ang kaniyang anak
Risk factors
Kahit sinong babaeng kapapanganak ay maaaring makaranas ng postpartum blues at puwedeng magtuloy sa postpartum depression. Subalit mas lumalaki ang posibilidad na magkaroon ka nito kung:
- Mayroon kang history ng depression sa una mong pagbubuntis o bago ka nabuntis
- Na-diagnose ka ng bipolar disorder
- Mayroon kang kapamilya na nagkaroon ng depression o iba pang mood disorders
- Nakaranas ka ng matindi o stressful na pangyayari sa iyong buhay kamakailan gaya ng komplikasyon sa pagbubuntis, pagkakaroon ng sakit o kawalan ng trabaho
- Ang iyong anak ay mayroong health problems o special needs
- Kambal ang iyong mga anak o mayroon kang isa pang batang inaalagaan
- Nahihirapan kang magpadede
- Nagkaroon ka ng problema sa iyong relasyon sa iyong asawa o partner
- Wala kang malakas na support system sa iyong paligid
- Mayroon kang problema sa pera
- Ang iyong pagbubuntis ay wala sa plano o hindi mo ginusto
Dahil sa hirap na pinagdaanan ng isang ina, maaaring maging at risk siya sa mood disorder na ito. Pero maaari naman itong maagapan kung mababantayan agad ang mga senyales nito.
Sintomas ng postpartum depression
Ayon sa mga ina
Kung babasahin mo rin ang mga kuwento ng ilang celebrity moms o kilalang tao tungkol sa postpartum depression na pinagdaanan nila, magkakaiba ang mga sintomas na naranasan nila. Ito ay dahil iba-iba ang sintomas na maaaring maramdaman ng bawat ina. Narito ang ilan sa mga pahayag nila:
“I was crying for no reason at all,” ani Dianne Medina. Hindi niya alam kung bakit parang napakadali niyang mawalan ng pag-asa at umiiyak sa maliliit na bagay.
“Everyone in this household probably thinks I can’t take care of my baby. Everyone probably thinks I’m the worst mom ever.” Iyan naman ang sabi ng sikat na vlogger na si Camille Co. Nagkaroon ng panahon na pinagdududahan niya ang kaniyang kakayanan bilang isang ina.
“I had thoughts of suicide, I had thoughts of hurting myself, others and even the baby,” kuwento naman ni Meryll Soriano.
Ayon sa mga eksperto
Ang postpartum depression ay natutukoy base sa tagal o kung kailan pa ito gumugulo sa isang bagong silang ina. Kung ang isang babae ay nagpapakita pa rin ng sintomas ng baby blues kahit siya lagpas dalawang linggo nangg nakapanganak.
Ayon kay Dr. Chex De Leon-Gacrama, isang neurologist at psychiatrist,
“Masasabi na mayroon nang mental health problem ang isang individual kung ang sintomas na nararanasan ay tumagal na ng more than two weeks.”
Inilarawan din ni Dr. Chex kung paano makikita ang sintomas ng postpartum depression sa isang ina.
“Most of the time, talagang depressed ‘yong mood, may lack of interest, may change in weight na na kasama, difficulty in sleeping, and worse, kung maka-experience ang isang ina ng suicidal thoughts or suicidal ideations or worst, kung suicidal attempt.” babala niya.
11 sintomas ng postpartum depression
- Matinding kalungkutan.
- Madalas na pag-iyak.
- Kawalan ng gana sa mga dating kinatutuwaang gawin.
- Pagkapagod.
- Hirap sa pagtulog o tulog ng tulog.
- Kawalan ng gana kumain
- Mas gustong mag-isa at ayaw makipag-bonding sa kaniyang sanggol o ibang miyembro ng pamilya.
- Pagiging iritable at mabilis magalit.
- Naiisip niyang siya ay hindi mabuting ina.
- Pakiramdam na siya ay walang kuwenta, nahihiya o guilty sa lahat ng bagay.
- Hirap mag-isip o makapag-concentrate.
- Nagsasabi siya ng kakaiba at nakakabahalang pahayag.
- Pagsasabi na gusto niyang saktan ang sarili o kaniyang sanggol.
- Pakiramdam nang kawalang pag-asa sa buhay
Para sa ibang ina, nararamdaman nila ang mga sintomas ng postpartum depression ilang buwan pagkatapos nilang manganak. Dagdag pa ni Dr. Chex, posible na hindi agad-agad maramdaman ng isang babae ang mga senyales nito. Gayundin, pwede itong magtagal ng mahigit isang taon.
“‘Yong postpartum depression, it can happen hanggang one year after delivery. Kaya ang magsasabi talaga kung mental health problem ‘yan is ‘yong duration ng symptoms.
Kung araw-araw siya for more than two weeks, doon natin masasabi na it’s really serious and your really need help.” aniya.
Paano malulunasan ang postpartum depression?
Madalas hindi mapapansin ng isang ina na siya pala ay nakakaranas na ng postpartum depression. Kaya mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga taong nasa paligid niya upang matukoy ito.
Ayon kay Dr. Chex, mahalaga na mabigyan agad ng lunas ang postpartum depression dahil maaari itong magdulot ng mas pangmatagalang epekto sa nanay at pangangalaga niya sa kaniyang anak.
“Mas importanteng ma-treat ‘yong depression kumpara sa titiisin mo lang, dahil ‘yong long-term bad effects nito sa iyo at sa iyong baby ay delikado.” ani ng doktora.
Sa oras na mapansin sa kaniya ang mga nabanggit na sintomas, dapat agad siyang magpatingin at kumonsulta sa doktor. Upang ito ay hindi na lumala pa at mauwi sa postpartum psychosis o ang stage ng depression na nagiging violent o marahas na ang isang babae.
Pagdating sa pagbibigay lunas sa postpartum depression, nakadepende ito sa lala o uri ng depression na nararanasan ng isang babae.
Maaaring siya ay bigyan lang ng anti-anxiety o antidepressant medication. O kaya naman ay sumailaim sa psychotherapy at support group discussion and education.
Ito ay upang malaman niya na siya ay hindi nag-iisa. At may mga tao na dumadanas na parehong kondisyon sa kaniya na ito ay nalampasan at sa ngayon ay handa siyang tulungan.
Paano ito maiiwasan at malalampasan?
May mga paraan ding maaaring gawin ang isang babaeng bagong panganak upang maiwasan at malampasan ang postpartum depression. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Huwag magdalawang-isip na humingi ng tulong sa iba.
- Maging realistic sa mga dapat mong asahan tungkol sa sarili at sa iyong sanggol.
- Gumawa ng mga light exercises tulad ng paglalakad-lakad.
- Isipin na may mga araw talaga na mabuti at may mga araw naman na masama.
- Kumain ng masusustansyang pagkain at iwasan ang alcohol na inumin at caffeine.
- Patibayin ang relasyon sa iyong partner. Siguraduhing magkaroon kayo ng oras sa isa’t isa.
- Huwag i-isolate ang iyong sarili. Tumawag o makipagkita sa iyong mga kaibigan o kapamilya.
- Magpahinga sa mga oras na natutulog ang iyong sanggol.
Para kay Dr. Chex, ang pinakamabisang paraan para malunasan at maiwasan ang postpartum depression ay ang kumonsulta agad sa doktor kapag naramdaman ang mga sintomas na nabanggit.
“Ang best talaga ay kumonsulta. Pwedeng sabihin mo muna sa iyong OB. Pwede siyang mag-refer sa isang psychiatrist,” aniya.
Paalala ng doktora, ang depression ay naiiwasan at nagagamot. Dapat lang ay humingi na agad ng tulong kapag napansin na ang mga sintomas ng sakit na ito. Kung hindi ka sigurado sa mga nararamdaman mo, maaari mong kausapin si mister tungkol dito.
“Kapag may nararanasan na tayo, alam nating may mali na, kumonsulta agad. Humingi ng tulong.” aniya.
“Kung hindi mo kayang sabihin sa OB mo, pwede mong sabihin sa partner mo muna or sa asawa mo para siya ‘yong maglalakas ng loob na humingi ng tulong para sa’yo. ‘Yong support system is very important also.” dagdag niya.
Mahalagang mapanatili ang maayos na kalusugan ng isang babaeng bagong panganak. Ito ay upang maibigay niya rin ng maayos ang pangangalaga na kailangan ng kaniyang sanggol.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!