Bagong bahay—ito ang sorpresa at paraan ng pasasalamat na naisip ng mag-asawang sina Boyet Ahmee at Dimples Romana sa kasambahay nila sa loob ng 17 taon. Ang sorpresang ito ay nai-feature sa pinaka-latest na vlog ni Dimples at Boyet na may halong katatawanan at iyakan.
Paraan ng pasasalamat ng mag-asawang sina Dimples Romana at Boyet Ahmee sa kasambahay nila
Bilang sukli at pasasalamat sa higit 17 taong pagseserbisyo sa kanila ay ni-regaluhan ng mag-asawang sina Dimples Romana at Boyet Ahmee ng bagong bahay ang kasambahay nila. Siya ay tinatawag nilang si Ate Vi na ayon kay Dimples ay parang kapatid niya na. At tumatayo ring nanay sa bahay nila dahil most of the time ay wala siya at nagtratrabaho.
Para maisakatuparan ang kanilang sorpresa ay nagpanggap sina Dimples at Boyet na magpapasama kay Ate Vi para hingin ang approval nito sa bagong bahay na kanilang bibilhin. Dahil ayon kay Dimples sa loob ng mahabang panahon na kasama niya ito ay pinapahalagahan niya ang opinion nito sa bawat hakbang na gagawin ng kanilang pamilya.
“So I really value her opinion. Kapag sinabi niyang Dimps alam mo hindi makakabuti satin ‘yan o hindi maganda ‘yan, hindi ko talaga bibilhin.”
Ito ang pahayag ni Dimples sa kaniyang vlog. Ayon pa nga kay Dimples, si Ate Vi ang tunay na Daniela Mondragon sa kanilang pamilya, ang fierce character na ginampanan ng aktres sa teleserye. Dahil sa ito ang nagiging taga-tama ng mga mali nila.
“Siya ang real Dani girl sa bahay namin—siya ang strict, siya ang suplada. Pero good heart pero suplada.”
Ito ang birong pahayag ni Dimples. Pero para kay Dimples at asawa niyang si Boyet ay napaka-swerte nila na magkaroon ng kasambahay na tulad ni Ate Vi. Dahil sa ito ay mapagkakatiwalaan at may malasakit sa kanilang pamilya.
Dahil sa ito ay may malasakit at itinuring na nilang pamilya
Dagdag pa ng mag-asawa, may mga panahon pa ngang hindi nila na-swelduhan si Ate Vi nang mga panahon na gipit sila sa pera. Pero hindi ito umalis at nanatili parin sa pagsisilbi sa kanilang pamilya.
“Sa loob ng 17 years, hindi lahat ng panahon nasuwelduhan natin siya. May mga buwan na ‘yong sweldo niya after 7 months. Sabi ko sa kaniya, ‘Ate Vi, uwi ka na wala na ko pambayad sayo.’ Sagot niya, ‘Hindi okay lang, dito lang ako.’”
Ito ang pag-aalala ni Dimples sa kabaitan at pagmamahal na ipinakita sa kanilang pamilya ni Ate Vi.
“We could have not done everything we did kung hindi dahil sa kaniya. Kahit wala ako sa bahay alam ko maalagaan ‘yong mga bata. Masarap ‘yong kinakain nila kasi masarap magluto si Ate Vi.”
“For the longest time, after noong lahat-lahat ng magtagal siya sa amin, lagi kong iniisip na kailan kaya kami makapagpasalamat sa kaniya o mag-give back sa kaniya. And I think napaka-timely ng panahong ito na maiparamdam namin sa kaniya kung gaano namin siya kamahal at gaano siya kaimportanteng parte ng pamilya namin.”
Ito naman ang pahayag ni Dimples sa kanilang sorpresa.
Sorpresang bagong bahay para sa kasambahay nila
Image screenshot from Dimples Romana’s YouTube video
Kaya naman bilang sukli sa mga sakripisyo at pagmamahal na ipinakita sa kanila ng kasambahay ay naisipan ng mag-asawa na tuparin ang pangarap nito. Ito ay ang magkaroon ng sarili niyang bahay—isang two-bedroom townhouse na mayroong dalawang palapag. Mayroon din itong garahe at utility area.
Tulad nga ng kanilang inaasahan ay naging kwela bagamat may konting pagka-masungit si Ate Vi sa pagtingin sa bagong bahay na kunyare ay bibilhin nila. Ngunit nabago bigla ang mood nito ng buksan ang kuwarto na kung saan makikita ang standee niya at mga salitang, “Oo para sayo ito!”
Naiiyak, natatawa at hindi makapaniwala ang kasambahay sa sorpresa nila Dimples sa kaniya. Hindi nga ito makapaniwala na parang iniisip na isang biro lang ang nakikita niya o parte lang ng script ng kinukunan nilang vlog.
“Para sa akin ba ‘yan. Hala! Bakit ako. Hindi ko inasahan. Maraming, maraming salamat po.”
Ito ang paulit-ulit na nasambit ng kasambahay habang hindi mapigilan ang luhang tumutulo sa kaniyang mata dahil sa saya.
Image screenshot from Dimples Romana’s YouTube video
Ikaw paano mo ipinapakita sa kasambahay mo ang pasasalamat sa pagseserbisyo niya sa inyong pamilya?
Paraan ng pagpapakita ng appreciation sa iyong kasambahay
Para magpakita ng appreciation o pasasalamat sa mga nagawang tulong at sakripisyo ng iyong kasambahay sa inyong pamilya ay hindi mo naman siya kailangang bigyan ng mamahaling bagay. Sa pamamagitan lang ng pagpapakita ng respeto sa kaniya ay maipaparamdam mo na ang iyong pasasalamat. Ganoon rin ang pagturing sa kaniya na hindi naiiba o bahagi na ng iyong pamilya. Dahil ang mga kasambahay ang tumatayong pangalawa nating kamay sa ating bahay. Sa kanila natin ipinagkakatiwala ang ating bahay at pamilya. At sila rin ang dahilan kung bakit mas nagiging madali at komportable ang ating buhay.
BASAHIN:
Benepisyo at karapatan ng mga kasambahay sa Pilipinas
Iza Calzado binigyan ng susi ng kanilang bahay ang kasambahay bilang pasasalalamat
Dapat may 13th month din ang iyong kasambahay, paalala ng DOLE
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!