Dingdong Dantes nagpositibo sa COVID. Ayon sa aktor, halos lahat ng miyembro ng tahanan nila ay nahawaan din ng sakit.
Mababasa sa aritkulong ito:
- Karanasan ni Dingdong Dantes at kaniyang pamilya sa pakikipaglaban sa COVID.
- Paalala ni Dingdong Dantes sa pakikipaglaban sa nakakahawang sakit.
Dingdong Dantes at kaniyang pamilya nagpositibo sa COVID
Image from Dingdong Dantes’ Facebook account
Kahapon sa pamamagitan ng isang Facebook video ay ibinahagi ng aktor na si Dingdong Dantes kung paano siya nakipaglaban sa sakit na COVID.
Kuwento pa ng aktor, hindi lang siya ang nagpositibo sa sakit kung hindi halos lahat ng tao sa tahanan nila. Ito raw ay nangyari matapos ang ilang araw ng makakuha siya ng kaniyang booster shot vaccine sa COVID-19.
“Two weeks ago, finally nakakuha na ako ng booster shot. Thankfully after that, naging okay naman ‘yong pakiramdam ko. ‘Yong expected lang na sasakit siya kinabukasan pero after that, the day after, okay na siya talaga.”
“Pagkatapos ng ilang araw, napansin namin na marami na ang hindi maganda ang pakiramdam sa kapaligiran namin, sa mga kapitbahay namin, sa bahay ng mga kamag-anak namin, ng mga magulang namin.
Halos lahat ng mga kakilala namin merong positive case sa bahay. Hanggang sa halos lahat kami dito sa bahay, nilagnat na at nagkaroon ng sintomas.”
Nang makaramdam nga ng sintomas ay agad na nag-test si Dingdong at lahat ng tao sa tahanan nila. Doon nga nila nalaman na marami sa kanila ang nagpositibo sa sakit.
Hindi idinetalye ni Dingdong kung nagpositive rin ang misis na si Marian Rivera at mga anak nilang sina Ziggy at Zia. Pero nagpasalamat siya at mild na sintomas lang ang naranasan nila. Bagamat, pagbabahagi niya naginig mahirap sa kanilang lahat ang paggalaw sa loob ng kanilang bahay.
“Sa totoo lang, hindi namin alam kung saan at paano kami nahawa. Pero mabuti na lang, hanggang mild lang ang sintomas namin at nakakuha pa kami ng booster shot bago mahawa. Hindi lang ako, pati ‘yong mga kasamahan ko sa bahay.”
“Naging mahirap para sa amin dahil since lahat kami nagkaroon ng sabay-sabay, naging mahirap ‘yong mobility para sa amin, ‘yong movements lalo na sa pagbili ng gamot, sa paghahanda ng pagkain at pagbili ng pagkain.”
Dingdong laking pasalamat sa mga taong tumulong sa kaniyang pamilya habang nakikipaglaban sa sakit
Image from Dingdong Dantes’ Facebook account
Kaya naman laking pasalamat ni Dingdong sa mga taong tumulong sa kanila habang nakikipaglaban sa COVID ang kaniyang buong pamilya. Dahil kung wala umano ang mga taong ito ay mahihirapan silang labanan ang sakit.
“Nalagpasan namin ito dahil sa tulong ng maraming tao lalo na ng mga taong malalapit sa amin tulad ng nanay ko. Nagpadala siya ng mga pagkain na paborito ko, paborito namin ng mga bata dahil hindi kami makaluto.
Sa mga kaibigan naming, kumbaga na-survive namin ito dahil sa mga ayuda na pinadala niyo dahil hindi kami makakilos ng mga panahon na iyon.”
BASAHIN:
Danica Sotto: “I tested positive for covid 2 weeks ago, two days after my booster shot.”
Paalala ni Dingdong Dantes sa pakikipaglaban sa nakakahawang sakit
Image from Dingdong Dantes’ Facebook account
Sa huli, may paalala si Dingdong sa bawat isa ngayong may surge muli ng COVID-19 cases. Ayon sa kaniya, walang dapat ikahiya sa pagkakaroon ng COVID at dapat lahat tayo ay maging responsible sa kung paano poprotektahan ang ating sarili. Pati na ang mga tao sa paligid natin na magagawa natin sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
“Hindi po kasalanan o dapat ikahiya ang pagkakaroon ng COVID. Kasi syempre kahit anong pag-iingat ang gawin, nandiyan pa rin ang panganib na makuha ito.
Kaya dapat sa tingin ko, doble kayod pa rin tayong lahat na magpabakuna, magpa-booster shot tayong lahat. Bukod sa dagdag proteksyon na ibinibigay nito sa mga katawan natin, nalalayo pa rin tayo nito sa mga malalang sitwasyon kung tayo man ay matamaan at mahawa.”
Paalala niya pa sa oras na makaramdam ng sintomas ng sakit at lalo na kung magpositibo rito ay agad ng mag-isolate at mag-quarantine. Ito ay isang paraan para matulungan natin ang isa’t isa para malabanan ang patuloy na kumakalat pang sakit.
“‘Yong pagsubok na ito na pinagdadaanan natin hindi lang ng bayan kung hindi ng buong mundo, hindi lang ng tahanan namin ng tahanan ninyo, isang napakahirap na hamon para sa ating lahat.
Pero malalampasan naman natin to kung tayo’y magtutulungan at patuloy na iisipin ang kapakanan ng bawat isa.”
Ito ang sabi pa ng aktor na si Dingdong Dantes. Siya ngayon ay tapos na sa pakikipaglaban sa sakit na COVID-19.