Ano bang pwedeng sabihin bukod sa “No?” Alamin rito ang ibang mas magandang paraan ng disiplina para kay baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga dapat tandaan sa akmang disiplina para kay baby
- Mga salitang pwedeng sabihin sa halip na “No!”
Kapag bata ang iyong kausap, hindi pwedeng puro “Hindi pwede” o “Huwag!” lang. May ibang paraan para mahuli ang kanilang kiliti at maiwasan ang mga away. Pero ano nga ba ang magandang paraan ng disiplina para kay baby?
Pagdating ng edad na 2 hanggang 3 o tinatawag ring toddler stage, talaga namang susubukin ang pasensiya mo bilang isang magulang. Dito kasi sila nagsisimulang matutong maging independent ang bata, at nakikilala na rin nila ang kanilang sarili at kung ano ang kaya nilang gawin.
Subalit sa kabila ng pagdevelop ng kanilang isip, wala pa rin silang sapat na kakayahan para maipahayag ang kanilang nararamdaman at gusto, kaya’t madalas, nauuwi sa sigaw, iyak, at sumpong, o tantrums.
Ayon kay Teacher Deng Buluran, Child development specialist at direktor ng GaRTENS Learning Center sa Malolos, Bulacan, ang mga batang 2 hanggang 3 taong gulang ay nakakaintindi na, at isa sa mahalagang naiintindihan na nila ay ang bawat galaw nila at mahalaga, at may epekto sa iba.
“Nagiging assertive na sila, at kapag naisip nilang kaya nilang gawin, gagawin nila. Yun nga lang, hindi pa buo ang development ng self-control nila. Hindi pa sila rational thinkers,” paliwanag ni Teacher Deng.
Kaya naman ang hamon sa mga magulang ay kung paano matuturuan ang mga bata ng tamang disiplina, nang hindi kailangang maubos ang pasensiya o tuluyang uminit ang ulo.
Disiplina para kay baby – mga bagay na dapat tandaan
Hindi madali, subalit kakayanin naman sa tulong ng mga sumusunod na paalala:
1. Ilagay mo ang sarili sa lugar ng iyong toddler
Sa edad na ito, hindi pa kasi naiintindihan ng iyong anak ang maraming bagay na simple lang para sa ating mga matatanda na, tulad ng ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang “behave,” o tamang pagsunod sa utos ni Nanay at Tatay.
Kung ilalagay mo ang sarili mo sa lugar ng iyong anak, at mag-iisip ka kung paano siya mag-isip, mas matutulungan mo siya kung paano iwasan ang frustration at tantrum.
Kung sa tuwing pakakainin mo ng gulay ang iyong anak, at lagi siyang umiiyak o sumisigaw sa hapag kainan, pwede mong sabihing “Alam ko hindi mo gusto ang lasa nitong broccoli, kaya lang kailangan mong kainin para may sustansiya ang pagkain mo.”
Sa madaling salita, pinapakita mong nirerespeto mo ang pakiramdam ng iyong anak kahit maliit pa siya. Pero tinuturuan mo pa rin siya nang tamang pagkain at kung paano mabibigyan ng solusyon ang problema at sama ng loob niya.
2. Kalma lang
Minsan, nauunahan na tayo ng init ng ulo kapag nagsimula nang magsisigaw at mag-iiyak ang anak. Ang init ng ulo na ito ang kadalasang nakakapagpalala sa sitwasyon.
“An escalated adult cannot de-escalate an escalated child,” ayon sa Big Little Feelings, mga toddler experts and parent coaches na may 2 million followers sa Instagram.
Kalma lang, sabi nga nila. Huminga ng malalim at huwag kaagad-agad mag-react. Ang unang reaksiyon mo kasi ay ang paglabas ng iyong sama ng loob o galit, at maaaring walang kinalaman sa pagtatantrum ng iyong anak. Kaya’t wala itong maidudulot na mabuti.
Huwag mong ipakita ang iyong galit o inis, o frustration sa anak. Kapag kasi nakita niyang nagagalit ka na rin, nakikita niyang nakakakuha siya ng matinding reaksiyon mula sa iyo. At kung nangyari na dati na pinagbigyan mo siya dahil pagod ka na rin, uulitin lang niya ito.
3. Bigyan siya ng alternatibo
Kapag toddler ang kausap, ang tinatawag na redirection ang epektibong pamamaraan. Tanungin siya kung ano ang nararamdaman, bakit siya umiiyak (kahit alam mo na kung bakit), at ano ang pwedeng gawin para maibsan ang sama ng loob niya.
Paalala ni Kirsten ng Big Little Feelings, “shift to the yes.”
“Toddlers hear no, no, no all day long. So when you shift to the yes, you’re not only taking the focus away from that “no” and that boundary, but you’re also giving them a little piece of age-appropriate power – something to control in their day,” aniya.
Maaari ring ibaling ang atensiyon sa ibang bagay, tulad ng isang laruan niya na paborito niya, o kaya’y isang bagay sa paligid na alam mong magiging interesado siya.
Maikli lang ang attention span ng mga toddlers, kaya’t gamitin itong estratehiya. Kapag ayaw niyang tumigil sa pagbato ng bola sa loob ng bahay kahit paulit ulit mo nang binabawalan, bigyan siya ng ibang laruan na alam mong magugustuhan niya at mapapaupo siya sa isang tabi.
“Halika anak, kunin nating yung play dough mo. Igawa mo ko ng pizza o kaya donut” o kaya nama’y “Gusto mo bang magbasa ng libro? Halika, magbasa tayo.”
Hindi mo kailangang parusahan dahil may ginagawang hindi mo gusto o hindi tama. Bigyan ang anak ng alternatibo o ibaling sa mas produktibong gawain ang kaniyang atensiyon. Ito ang paraan ng paggabay sa kaniya para matutunan niya ang mas nakakatulong o mas positibong gawain.
4. Maging consistent
Bagama’t ayaw nila ito sa umpisa, makakatulong sa mga bata ang pagkakaroon ng routine o isang schedule na susundin sa buong araw. Ayon kay Teacher Deng, nararamdaman ng mga bata na ligtas sila kapag alam nila kung ano ang susunod na gagawin o mangyayari.
Kapag nakasanayan na nila ito, magiging mas madali na sa kanila upang ibigay ang kanilang kooperasyon, at babawasan na rin ang mga tantrums.
Sa bahay, pwede ring magkaroon ng routine ang iyong anak. Gumawa ng schedule ng bata at sundin ito. Pareho ang oras ng paggising, pagkain, paglalaro, pagtulog sa hapon at sa gabi, pagpunta sa parke, at iba pa.
Ugaliin ang pagsasabi sa anak na oras na para kumain, o oras na para maglaro sa labas. Kung may maiiba sa araw araw na gawain, sabihin ito agad bago pa man ito mangyari.
“Hindi tayo pupunta sa park mamayang hapon kasi dadating sina Lola at Lolo. Gusto mo kong tulungan maghanda ng meryenda?”
Habang maliit pa siya, ipakita sa kaniya na mahalaga siya at nirerespeto mo ang oras niya. Dagdag pa dun, isinasama mo siya sa mga plano at desisyon.
Isang mahalagang isama sa usapang consistency ay ang pagpapatupad ng mga isinaad na rules sa bahay. Kapag sinabi mong “Hindi pwedeng manakit ng kapwa” o “Hindi ginagamit ang kamay sa panununtok o pananakit,” kailangan mo itong ulitin sa tuwing mananakit siya ng kapwa bata, o matanda.
Kapag sinabi mo ring bawal ang laruan o gadgets sa hapag kainan, sisiguraduhin mong hindi ka papayag kahit anong pagkakataon na magdala siya ng laruan sa mesa, o sinuman ay bawal magdala ng kanilang gadgets sa hapag kainan. Hindi pwedeng paiba-iba ng pamantayan o rules.
“When we don’t hold on to that boundary, when we give them what they want to get them to stop, two things happen.
One, we confuse them. ‘You said there was no more, but now there’s more. What’s the truth?’ Two, we’ve taught them that if they tantrum hard enough, long enough, they may get what they want,” ani Deena ng Big Little Feelings.
5. Iwasan ang mga sitwasyong nakaka-stress
Sa 2 o 3 taon na kilala mo na ang iyong toddler, alam mo na kung ano ang makakapagsimula ng tantrums niya. Alam mo na ang iyak niya kapag gutom, kapag nasaktan, kapag inaantok. Kaya hangga’t maaari ay iwasan nang mangyari ang mga bagay na maaring magsimula ng kaniyang tantrums.
Kung alam mong wala pang tulog ang bata, huwag mo nang ipasyal pa. O di kaya, maghanda ka na ng baong pagkain kung aalis kayo ng bahay. Kung wala kang planong ibili siya ng laruan sa pagpunta niyo ng mall, huwag mo nang idaan sa toy store o toy section.
Hindi mo din maaaring ipilit ang gusto mo sa lahat ng oras. Kailangang bigyan ang anak ng kalayaang makapag-desisyon para sa sarili tungkol sa mga simpleng bagay, tulad ng gustong isuot papunta sa eskwelahan, o gustong baon na pagkain papunta sa parke.
BASAHIN:
WARNING: Ito ang epekto kapag tinatakot ang bata bilang paraan ng pagdidisiplina
Toddler suddenly throwing tantrums? Here are 5 ways to deal with the terrible twos
6. Daanin sa mabuting usapan
Bilang magulang, may mga pamantayan kayo sa bahay na hindi pwedeng hindi tuparin, tulad ng oras ng pagtulog, pagkain, pagsisipilyo, paliligo. Hindi pwede kailanman ang manakit o mangagat. Pero minsan, may mga bagay na pwede mo nang palampasin, o pagbigyan.
Ikaw ang makakapagsabi kung kailangan pa bang pag-awayan ito, o pwede mo namang palampasin. Pero huwag itong palampasin nang walang sapat na paalala o paliwanag.
Kung ayaw niya talagang hubaring ang Superman costume niya, kahit saan kayo papunta, maaari mo namang pagbigyan. Pero kailangan mong ipaliwanag na lalabhan mo muna ito (lalo’t 2 araw na niyang suot o amoy pawis na), o di kaya’y hindi ito pwedeng isuot sa eskwelahan kasi may uniform.
Anong pwedeng sabihin sa halip na “No!”
Kung nagtatrabaho ka, hindi ba’t nakakapagod rin kung palaging “No,” “Hindi pwede,” o “Bawal ‘yan,” ang sasabihin sa iyo ng iyong boss? Gusto mo ring magkaroon ka ng kalayaan magdesisyon sa mga bagay na may kinalaman sa’yo, hindi ba?
Ganito rin ang nararamdaman ng ating mga anak, lalo na ng mga toddlers na sinusubukan pa lang ang kanilang independence at ine-explore pa ang kanilang paligid.
Paalala ng Big Little Feelings,
“Toddlers are beyond exhausting. But hear us out: it’s exhausting for them to hear ‘no,’ ‘don’t,’ ‘stop’ all day long too. They get worn down, just like we do. And when they’re worn down, guess what their breaking point looks like? Absolute chaos,
Kasama sa disiplina para kay baby ang paggamit ng mga salitang maiintindihan nila at maipaparating ang aral na dapat nilang matutunan ng hindi nagagalit o nagpapakita ng negatibong reaksyon. Kaya naman hangga’t maari ay limitahan ang pagsabi ng “No,” sa iyong anak. I-reserba mo ito sa mga importanteng paalala.
Bukod dito, mayroon namang ibang paraan para sabihin sa iyong anak na hindi niya dapat gawin ang isang bagay, o na makakasama ito para sa kaniya. Narito ang ilang mga salitang pwede mong subukan:
SA HALIP NA |
ITO ANG IYONG SABIHIN |
“Huwag mong bitawan ang baso.” | “Dalawang kamay ang gamitin sa paghawak ng baso, please.” |
“Huwag mong agawin ang laruan niya!” | “Maghintay ka ng turn mo, anak.” |
“No more ice cream.” | “Alam kong gusto mo ng ice cream, pero makakasama sa’yo ang pagkain ng masyadong marami.” |
“Hindi pwede! Kita mong may ginagawa ako!” | “Sandali lang, anak. May ginagawa pa si Mommy. Pwede tayong maglaro pagkatapos ko.” |
“No! Huwag kang makulit!” | “Wait lang anak, sasagutin ko ang mga tanong mo pagkatapos nito.” |
“Bawal umupo sa mesa. Bumaba ka riyan ngayon din!” | “Anak, baka mahulog ka riyan. Doon ka umupo sa magandang chair.” |
“Huwag mong paglaruan/sayangin ang pagkain!” | “Ang niluto ni Nanay ay para kainin, hindi para paglaruan. Kung gusto mong maglaro, pwede kang pumunta sa iyong kwarto pagkatapos kumain.” |
“Huwag mong pakialaman ‘yan! Baka masira!” | “Teka lang, anak. Ituturo ko sa’yo kung paano gagamitin ito.” |
“Huwag kang umiyak, hindi kita maintindihan.” | “Hinay-hinay lang anak. Hinga ka muna, tapos sabihin mo nang maayos para maintindihan ka ni Mommy.” |
“Hindi pwede ‘yang mga kutsilyo.” | “Anak, delikado ‘yang kutsilyo, baka masaktan ka. Anong pwede nating paglaruan na safe para sa’yo?” |
Bukod sa mga salitang ito, makakabuti rin kung magfo-focus ka sa mga tama o magandang ginagawa ng iyong anak sa halip na mga mali. Gayundin, bigyan siya ng distraction o magandang alternatibo para hindi niya ipilit ang kaniyang gusto. Tandaan, “Switch to the YES.”
Habang lumalaki, nade-develop na ang kakayahan ng mga batang makipag-usap at gumamit ng mga salita na makakatulong sa pagsasabi ng kanilang nararamdaman. ‘Di magtatagal ay mas makakaya na nilang maipaliwanag ang nararamdaman at magpapaalam na din sila sa mga tantrums.
Mahirap man, pero kaya mo ‘yan, mommy. Kapit lang.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio