Mommies at daddies, narito ang mga tamang paraan ng pagdidisiplina sa bata ayon sa kanilang edad.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagdidisiplina sa bata – anong edad dapat magsimula?
- Pagdidisiplina sa bata ayon sa kaniyang age group
- Mga hindi dapat ginagawa sa bata
Habang lumalaki ang mga bata, hindi maiiwasan na mag-iba ang kaniyang ugali. Maaring noon, ang iyong anak ay malambing, pero ngayon ay marunong na siyang magsungit sa iyo kapag kinakausap mo.
Isa sa pinakamahirap na bahagi ng pagiging magulang ang pagdidisiplina sa ating anak. Pero kailangan nating gawin ito habang bata pa sila para matutunan nila ang mabuting asal na madadala nila hanggang kanilang pagtanda.
Subalit minsan, naiisip natin na parang hindi sila nakikinig sa’tin o hindi nila tayo sinusunod. Sa mga ganitong kaso, dapat mong tanungin ang iyong sarili, “Tama ba ang paraang ginagamit ko sa pagdidisiplina sa sa aking anak?”
Maaring sa tingin mo ay sinusuway ka ng iyong anak, pero maaring hindi rin niya naiintindihan ang paraang ginagamit mo para disiplinahin siya kaya hindi ito nagiging epektibo. Kaya bakit hindi mo subukang disiplinahin ang iyong anak ayon sa paraang nararapan sa kaniyang age group?
Anong edad dapat simulan ang pagdidisiplina sa bata?
Ayon kay Dr. Harvey Karp, isang kilalang pediatrician at child development expert sa America at nagsulat ng librong, The Happiest Baby on the Block, maari nang simulan ang pagdidisiplina sa isang bata pagdating niya ng 8 buwan.
Malalaman mo rin kung panahon nang disiplinahin ang iyong anak kapag nagpapakita na siya ng mga ugali gaya ng pagpalo sa iyong mukha o kaya paghila ng iyong buhok o mga salamin at tatawa pagkatapos.
Ayon sa Healthy Children.org, mas magandang simulan ang pagdidisiplina sa mga bata nang maaga. Kaya kahit mga sanggol pa lang sila, pwede mo na silang turuan ng mga bagay na dapat at hindi dapat gawin.
Dagdag pa ni Karp, pagdating sa pagdidisiplina sa iyong anak, narito ang tatlong bagay na dapat mong alalahanin:
- Pakikipag-usap ng may respeto sa lahat ng oras sa lahat ng miyembro ng pamilya (matanda man o bata)
- Paggamit ng tono at wikang angkop sa kanilang edad at maiintindihan nila (lalo na sa maliliit na bata, at iksian lang ang iyong sasabihin para matandaan nila)
- Iwasang sundin ang layaw ng anak para lang mapasaya siya. Kung kailangan siyang disiplinahin, dapat ikaw ang gumawa nito.
Tamang pagdidisiplina sa bata ayon sa edad
Narito ang mga paraan ng pagdidisiplina sa bata na angkop sa kaniyang age group at development stage na pwede mong subukan:
Babies (8 buwan – 1 taong gulang)
Sa edad na ito, makakatulong para sa mga sanggol ang mag-explore para matuto. Kaya makakabuti kung sisiguruhing “baby-proofed” ang iyong bahay. Siguruhing hindi makukuha at maaabot ni baby ang mga bagay na delikado sa kaniya para maiwasan ang mga aksidente.
- Natututo sila sa pamamagitan ng panonood at pag-oobserba. Kaya mas magandang maging modelo ka ng mga bagay na dapat at hindi dapat gawin.
- Gumamit ng positibong pananalita kapag ginagabayan si baby. Halimbawa, sabihin mong, “Upo na po,” kaysa, “Huwag kang tumayo.
- Limitahan rin ang paggamit ng salitang “No,” o “Huwag,” pwera na lang sa mga bagay na patungkol sa kaligtasan ni baby.
- Sa halip na biglaang agawin ang bagay na hawak ni baby. Subukang kunin ang atensyon niya at palitan ito ng mas ligtas na bagay tulad ng isang laruan.
- Iwasang sigawan si baby dahil sa halip na matuto sila ay iiyak lang sila at mas magiging mahirap ang pagdidisiplina.
Larawan mula sa iStock
Toddlers (1-3 taong gulang)
Kapag sila ay nasa stage na ng pagiging toddler, mas kailangan mo nang maging handa upang madisplina ang iyong anak. Sapagkat nakakalakad na sila at mas marami nang bagay na nagagawa.
Minsan, ito rin ang kanilang paraan para masukat kung hanggang saan ang kanilang kakayahan sa isang bagay. Kaya mahalaga na magabayan mo sila nang tama.
Unti-unti na nilang naiintindihan ang mga bagay na pwede at hindi pwede. Kaya naman parang minsan ay titingnan nila ang iyong reaksyon kapag mayroon silang ginawa. Subukang purihin sila kapag mayroon silang ginawang tama, pero pagsabihan sila kapag hindi maganda ang kanilang ginawa.
- Sa ganitong edad, makakatulong pa rin kung ilalayo ang bata sa sitwasyong hindi niya pwedeng gawin, at ibaling ang atensyon nila sa ibang bagay. Halimbawa, ginagamit niya bilang pamalo ang kaniyang laruan. Kausapin siya kung bakit hindi tama ang pamamalo. “Baka masaktan ka, anak.”
- Kapag ipinagpatuloy pa rin niya ito, kunin ang laruan mula sa kaniya at sabihing, “Okay, kukunin ko na ang laruang ito kasi hindi siya pamalo. Subukan uli nating paglaruan ito bukas.”
- Mas nagkakaroon ng tantrums o nagmamaktol ang bata kapag siya ay nakakaramdam ng gutom o pagod. Kaya sa halip na sabayan ang kanilang emosyon, ibigay mo ang kailangan nila – pakainin sila sa oras at hikayating magpahinga.
- Pwede mo na rin siyang turuan na huwag mamalo, mangagat o manulak. Mas maganda kung hindi makikita ng bata na ginagawa mo ito sa ibang tao. Sa halip, turuan mo siyang mag-regulate ng kaniyang emosyon sa pamamagitan ng paghinga ng malalim at pagbilang ng 1 hanggang 10 kapag nakakaramdam siya ng inis o galit.
Image from Fotolia
Preschoolers (3 – 5 taong gulang)
Kapag ang anak mo ay umabot na sa preschool year, mas naiintindihan na nila ang konsepto ng tama at mali. Tandaan, may tamang pagdidisiplina sa bata na nakabase sa kanilang edad.
Mahalaga ring tandaan na ang mga bata sa panahon ngayon ay madaling gayahin ang kanilang nakikita sa paligid. Katulad na lamang kapag nakita nito ang kanyang mommy na nagmemake-up, nagluluto o kaya naman ay naglilinis.
Sa ganitong pagkakataon, iwasan silang pagalitan. Dahil hindi nila alam ang mali sa kanilang ginagawa dahil nga nakitikita nila ito sa kanilang paligid.
Image from Dreamstime
Bukod sa pamamalo, pakikipag-away at iba pang agresibong pag-uugali. Kailangan ring ipaintindi sa bata ang pagsunod sa mga patakaran, lalo na kung pumapasok na siya sa paaralan. Iparating sa kaniya na mali ang pagsisinungaling, pambu-bully, pangongopya, at pagsagot ng pabalang sa matatanda.
Narito ang magandang paraaan ng pagdidisiplina sa bata na nasa ganitong edad:
- Pagkausap sa bata tungkol sa kanilang kamalian. Ipaintindi sa kanila kung bakit ito naging mali at masama kung uulitin pa nila ito.
- Maari na rin silang turuan ng mga gawaing-bahay na angkop sa kanilang edad para matutunan nila ang responsibilidad.
- Turuan ang iyong anak na tratuhin ang ibang tao sa paraan na gusto niyang tratuhin siya.
- Maari nang magsimula ang pag-alis ng mga pribilehiyo kapag sumuway sila o mayroon silang ginawang hindi tama. Halimbawa, sa aking mga anak, kapag sumobra sila sa kanilang screen time. Alam nila na ang consequence nito ay hindi na sila papayagang gumamit ng gadgets nila sa susunod na araw. Gayundin, kapag hindi nila niligpit ang kanilang laruan pagkatapos nilang gamitin ito, hindi nila ito pwedeng paglaruan sa susunod na araw.
BASAHIN:
5 paraan para madisplina ang batang nananakit
Uri ng disiplina sa batang umiiyak kapag natatalo sa isang bagay
Mga magulang, narito ang masamang epekto ng pamamalo sa bata ayon sa pag-aaral
Mga batang nag-aaral na (6-10 taong gulang)
Sa ganitong edad, mas nag-iisip na sila ng para sa kanilang sarili na lamang. May pagkakataon rin na humahanap sila ng paraan para maipaglaban ang kanilang kalayaan.
Mahalagang bigyan sila ng kalayaan ngunit ipaintindi rin ang kanilang boundaries sa lahat ng bagay. Sa ganitong edad, lalong hindi nila nagugustuhan kapag pinagagalitan sila at tinatrato na parang maliit na bata.
Pwede mo silang payagan kapag nagpaalam sila sa overnight kasama ang kanilang kaibigan o kaya naman hayaan silang gastusin ang kanilang iipon na pera. Pwede rin na papiliin sila sa susuoting damit o aktibidad na sasalihan.
- Kasabay ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang pribilehiyo at kalayaan para mamili. Kaakibat nito ang pagsunod sa inyong mga patakaran at napag-usapan. Kapag sumuway siya, maging strikto sa pagpapatupad ng parusa para malaman niyang hindi niya dapat binabali ang kaniyang pangako.
- Bigyan ng second chance ang iyong anak kapag nagkamali. Hayaan silang magpaliwanag kung bakit nila nagawa ito bago sila parusahan. Subalit maging firm pa rin sa pagpapatupad ng parusa.
- Halimbawa, sa aking 8-taong gulang na anak, maari siyang maglaro ng online games. Pero ang patakaran namin ay magpapaalam muna siya bago mag-download ng kahit anong app, at hindi makikipag-usap sa mga taong hindi niya kilala sa internet. Kapag sinuway niya ito, ipapaalala ko sa kaniya kung bakit hindi niya dapat ito ginagawa. Pagkatapos namin mag-usap, ipapatupad ko pa rin ang napag-usapan namin na hindi siya maglalaro ng online games sa kasunod na araw.
Tweens and Teens (11 taong gulang pataas)
Habang lumalaki at nagdadalaga o nagbibinata na ang iyong anak, lalong tumitindi ang kanilang kagustuhan na maging malaya at ipahayag ang kanilang nararamdaman. Hayaan silang matuklasan ang kanilang sarili, pero kailangan pa rin nila ng iyong paggabay at pagdidisiplina sa panahong ito.
Bigyan sila ng kalayaang mag-explore at sumubok ng mga bagay, pero ipaalala sa kanila na mayroon pa ring hangganan ang kalayaang ito at hindi nila ito dapat abusuhin.
Narito ang tamang pagdidisiplina sa kanila:
- Pagtanggal ng pribilehiyo
- Pagkuha ng kanilang allowance
- Pagbibigay ng karagdagang gawaing-bahay
- Pag-confiscate ng mga paborito nilang bagay katulad ng kanilang cellphone o gadgets.
Alalahanin kung bakit mo dinidisiplina ang iyong anak
Mga magulang, tandaan na ang pagdidisiplina sa bata ay para matutunan nila ang tamang asal at ipaintindi sa kanila na mayroong epekto ang bawat bagay na gawin nila.
Hindi ito paraan para mapahiya, saktan o gantihan ang iyong anak. Hindi rin ito paraan para kontrolin sila o malaman nilang mas nakatataas ka sa kanila at dapat ka nilang respetuhin o sundin lahat ng iyong gusto. “Respect is earned, not given,” ika nga.
Iwasang gumamit ng dahas o pananakit, pisikal man o emosyonal bilang paraan ng pagdidisiplina sa bata. Napakaraming pag-aaral na ang nagsasabing hindi ito epektibo.
Sa halip, tratuhin ang iyong anak ng may pagmamahal at paggalang at rerespetuhin ka nila pabalik.
Bilang magulang, napakahalaga ng ating papel sa ating mga anak para lumaki sila bilang mabubuting tao, kaya naman gawin natin ito nang tama at iparamdam sa kanila ang ating pagmamahal kahit na dinidisiplina natin sila.
Kung gusto mong basahin ang English version, i-click dito.
Karagdagang ulat mula kay Camille Eusebio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!