Nagtulong-tulong ang ilang mga biyahero pati na ang crew ng isang ferry nang kinailangan nilang magsagawa ng emergency childbirth. Ito ay dahil sa ferry na raw inabutan ng panganganak ang isang ina.
Emergency childbirth, nangyari sa isang ferry
Ang ferry raw ay bumibiyahe ng rutang Batangas-Mindoro, at bigla na lang raw nagsabi ang crew na kailangan nila ng mga tutulong sa panganganak. Ayon sa netizen na nagbahagi ng kuwento na si MayPearl Cabatay, dati raw siyang midwife, kaya’t tumugon siya sa request ng crew. Mayroon raw siyang kasama na doktor na pasahero rin.
Sa kabutihang palad ay naging mabilis ang panganganak ng ina, at kalahating oras lang raw ang inabot ng kaniyang panganganak.
Si MayPearl raw ay dating nagtrabaho bilang isang midwife sa Pilipinas, bago tumungo sa Saudi upang maging nurse aid. Kaya raw mayroon siyang experience pagdating sa pagpapaanak.
Malusog na ipinanganak ang sanggol, na isang lalaki. At mabuti ang kalagayan ng mag-ina.
Dapat bang mabahala sa emergency childbirth?
Siguro hindi maitatanggi ng mga ina na mas gugustuhin nilang manganak sa isang ospital o clinic, kumpara sa ibang lugar. Siyempre, mas makakasigurado sila sa kaligtasan nila at ng kanilang sanggol, at maaalagaan sila ng mga doktor sa ospital.
Ngunit hindi rin naman dapat mabahala ang mga ina kung abutan sila ng panganganak, at malayo sila sa ospital. Ito ay dahil kung normal ang panganganak, at walang problema ang ina o sanggol, hindi magiging mahirap ang panganganak ng isang ina.
Pero siyempre, kung may mga komplikasyon, tulad ng breech birth, o kaya preeclampsia, hindi mabuting manganak ng wala sa ospital.
Kaya rin mahalaga sa mga ina ang pagiging handa, lalong-lalo na kung malapit na ang kanilang due date. Importanteng maghanda ng mga gamit na dadalhin sa ospital, mga taong matatawagan o makakatulong para maghatid, pati na rin kung ano ang gagawin kung sakaling abutan ng panganganak sa daan.
Ang importante ay palaging prepared ang mga ina, at nagpapacheckup palagi sa doktor upang aware sila sa mga posibleng mangyari sa kanilang panganganak.
Source: ABS-CBN News
Basahin: 50-taong gulang na Lola, nanganak pa rin kahit menopause na
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!