Parami nang parami ang gumagamit ngayon ng e-cigarette o vape. Ito ay isang nakikilalang alternatibo sa paninigarilyo at marami na ang tuluyang natigil manigarilyo dahil dito.
Ngunit, ang epekto ng e-cigarette sa katawan ng gumagamit nito ay hindi pa nasusuri nang lubos. Bukod sa kawalan ng iba’t ibang kemikal mula sa regular na sigarilyo, ano nga ba ang iba pang madudulot na epekto ng e-cigarette sa katawan?
Epekto ng e-cigarette: Kakaibang sakit sa baga
Maraming mga duktor at health officials ang humaharap sa isang kakaibang sakit sa baga na kumakalat ngayon. Ayon sa Centers for Disease Control (CDC) ng Amerika, iniimbestigahan nila ang nasa 94 na kaso nito mula sa 14 estado sa United States.
Ang mga may sakit nito ay nakakaramdam ng hirap sa paghinga, sakit sa dibdib, kapaguran at pag-ubo. Mabilis ang paglala ng mga nararanasang mga sintomas. Sa katotohanan, marami sa mga nakakakuha ng sakit ay kinakailangang gumamit ng ventilators.
Ang tanging nakikitang ugnayan ng mga nagkakasakit nito ay ang pag-gamit ng vaping products na may nicotine o THC mula sa marijuana.
Ayon kay Dr. S. Christy Sadreamali, isang pediatric pulmonologist mula John Hopkins Hospital sa Baltimore, at volunteer na tagapagsalita ng American Lung Association, sila ay nababahala dito. Ayon sa kanya, nakakabahala ang maaaring epekto ng e-cigarette at vaping products sa puso at baga.
Bagong pagsusuri
Isang pagsusuri ang isinulat ni Felix Wehrli, isang propesor ng radiologic science sa University of Pennsylvania. Layunin ng pagsusuri na makita kung ano ang epekto ng e-cigarette sa vascular function ng katawan.
31 katao ang mga lumahok sa pagsusuri na may mga edad na nasa 20’s hanggang 30’s. Lahat sila ay hindi pa nakakaranas manigarilyo o mag-vape.
Ang mga mananaliksik ay tinalian ang mga hita ng mga lumahok upang mapigilan ang pagdaloy ng dugo sa femoral artery. Kapag tinganggal ang taling ito, dapat ay magiging mas mabilis ang daloy ng dugo upang makabawi ang katawan. Ito rin naman ang nakitang epekto sa mga lumahok bago simulan ang pagsusuri.
Habang may tali sa hita, bawat lumahok ay pina-puff nang 16 beses ng e cigarette na walang nicotine. Ang tanging nilalaman ng e-cigarette na kanilang ginamit ay mga sangkap para sa lasa. Ang mga ito ay tobacco flavoring, propylene glycol at glycerol. Sila ay kinunan ng MRI bago at matapos mag-puff.
Nakita ng mga mananaliksik sa scans ng mga lumahok na nag-iba ang daloy ng dugo matapos mag-puff. Mas naging mabagal ang daloy ng dugo matapos tanggalin ang tali sa hita. Ito ay naging sanhi ng pagbaba ng oxygen sa hita at tumagal ito nang isang oras.
Hindi malinaw ang sanhi ng pinsala sa mga daluyan ng dugo. Maaaring ito ay ang aerosol, lasa, o ang epekto sa mga kemikal kapag nagiinitan.
Tulad sa regular na sigarilyo
Ang ganitong pinsala sa katawan ay hindi agad na magdudulot ng agarang kahirapan. Ayon kay Dr. Sadreamali, naiipon ang pinsalang ito at, sa pagtagal, ay nagiging dahilan ng maagang pag-atake sa puso.
Ayon kay Wehrli, ang tuloy-tuloy na pag-gamit nito ay maihahalintulad sa regular na paninigarilyo. Ang isang beses na paninigarilyo ay hindi agad makakapagdulot ng sakit sa baga o kanser. Ganunpaman, ang patuloy na paggamit nito ay maaaring magdulot ng pinsala sa katawan.
Source: NBC News
Photo by wild vibez on Unsplash
Basahin: Epekto ng sigarilyo vs epekto ng e-cigarette
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!