Epekto ng kuto sa kalusugan? Isang batang babae muntik masawi dahil dito. Alamin dito ang kaniyang kuwento.
Mababasa sa artikulong ito:
- Batang muntik masawi dahil sa kuto.
- Paano maiiwasan at malulunasan ang pagkakaroon ng kuto.
Epekto ng kuto sa kalusugan
Isang 4-anyos na bata sa Indiana, USA ang muntik ng masawi dahil sa dami ng kuto sa kaniyang ulo. Ayon sa mga doktor, napakarami ng kuto ng bata na halos hindi na ito makalakad ng dalhin ng kaniyang ina sa ospital.
Nito ngang nakaraang buwan ay na-admit sa ospital ang bata dahil sa dami ng kaniyang kuto na nagdulot na ng nakakatakot na epekto sa kaniyang kalusugan.
Ang bata ay nakaranas ng napakababang hemoglobin level. Mula sa normal na 12 grams per deciliter ang bata ay nakaranas umano ng 1.7 grams lang ng hemoglobin level ayon sa report ng mga pulis.
Image from The Times of Israel
Batang muntik masawi dahil sa kuto
Ang bata kinailangang sumailalim sa blood transfusion. Dahil sa naapektuhan ng mababa niyang hemoglobin level ang amount ng oxygen sa kaniyang dugo. Kung hindi naagapan ang kondisyon ng bata ay maaari niya itong ikasawi.
Base sa interview sa school na pinapasukan ng bata, ang kaniyang ate o nakakatandang kapatid ay na-infect rin ng maraming kuto nitong Marso.
Ito rin ang dahilan kung bakit ito hindi nakapasok sa school ng isang buwan. Bumaba rin ang hemoglobin level nito sa 8.7 grams bagamat hindi kasing krikital sa naranasan ng kaniyang batang kapatid.
Ayon pa rin sa report ng mga pulis, hindi umano ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng severe lice infection ang magkapatid. Sapagkat noong Nobyembre, base sa pahayag na kanilang nakalap ay naranasan rin nila ang parehong insidente.
Ina ng bata mananagot dahil sa kapabayaan nito
Pahayag naman ng 26-anyos na ina ng mga bata na si Shyanna Nicole Singh, hindi niya umano napansin na maraming kuto ang mga anak niya. Kaya naman siya ay gulong-gulo sa mga nangyayari.
Dahil sa kinahinatnan ng kaniyang mga anak, si Singh ay kinasuhan ng several counts na neglect. Kabilang na ang neglect of a dependent, neglect of a dependent resulting in bodily injury, at neglect of a dependent resulting in serious bodily injury. Alisunod ito sa pahayag ng lola ng mga bata na tinatamad daw si Singh na suklayin ang ulo ng kaniyang mga anak.
Sa ngayon, ang dalawang batang babae ay nasa pangangalaga ng kanilang lola.
BASAHIN:
12-anyos, namatay sa kumplikasyon dahil sa sobrang daming KUTO
Paano malulunasan ang lice infestation?
Image from TheAsianparent SG
Ang mga kuto ay maliliit na insektong sumisipsip ng dugo mula sa anit ng ating ulo. Ito ay madalas na nararanasan ng mga bata na kanilang nakukuha mula sa pagkahawa sa kapwa nila bata. Maaaring ito ay sa kanilang kaklase, kalaro o kapatid nilang infected nito.
Maraming paraan na maaring gawin upang malunasan ang pagkakaroon ng kuto o lice infestation ng isang tao. Pero mas makabubuting magpakonsulta muna sa doktor kung gagamit ng mga gamot para malunasan ito.
Bagama’t may mga shampoo, lotion o cream na mabibili over-the-counter para maalis umano ang mga kuto. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Over-the-counter na gamot sa kuto
- Piperonyl butoxide with pyrethrins (A-200, Pronto, R&C, Rid, Triple X, Xeglyze) – Ito ay maaaring gamitin sa mga batang edad dalawang taon o higit pa.
- Permethrin lotion,1% (Nix) – Ito ay maaaring gamitin sa mga baby at batang 2 months old o higit pa.
- Dimethicone – Pinapatay nito ang kuto sa pamamagitan ng pagtatakip ng bahagi ng katawan nito na kung saan sila humihinga.
Samantala, ang mga gamot sa kuto na kailangan ng reseta ng doktor ay ang sumusunod.
Gamot sa kuto na kailangan ng reseta ng doktor
Benzyl alcohol (Ulesfia) – Ang gamot na ito ay maaring gamitin ng mga batang 6 buwang gulang pataas. Inirerekumenda rin ito sa mga babaeng buntis at nagpapasuso. Para gamitin ito ay kailangang suklayin muna ang tuyong buhok, saka ito gamiting shampoo. Hayaan muna ito sa buhok sa loob ng 10 minuto saka basain ng tubig at banlawan. Ang parehong procedure ay kailangang gawin sa loob ng isang linggo.
Ivermectin (Sklice) – Ang gamot na ito ay inirerekumendang gamitin ng mga batang 6 buwang gulang pataas. Sinasabing mapapatay nito ang mga lisa at kuto sa isang gamitan lang.
Malathion (Ovide) – Ang strong lotion na ito ay sinasabing kayang makapatay ng kuto at mga lisa nito. Bagamat ito ay dapat gamitin lang ng mga batang edad 6 taong gulang pataas. Kailangan ng mahigpit ng pag-iingat sa paggamit ng gamot sa kuto na ito. Sapagkat ito ay flammable o maaring pagsimulan ng apoy.
Spinosad (Natroba) – Ang gamot na ito ay ligtas namang gamitin ng mga batang 4 taong gulang pataas.
Paalala: Mahalagang sundin ang tamang paggamit ng mga gamot sa kuto ayon sa reseta o instructions na binigay ng doktor.
Home remedies sa kuto
Image from Healthline
Kung ayaw gumamit ng chemical treatments, narito naman ang mga home remedies na maaring subukan para maalis ang mga kuto sa ulo.
- Pagsusuyod sa ulo.
- Paggamit ng mga essential oils tulad ng tea tree at anise para ma-suffocate ang kuto. Bagama’t kailangang maging maingat sa allergic reactions na maaring idulot ng mga ito.
Paano maiiwasan ang kuto
Ang isang maaaring maging komplikasyon ng pagkakaroon ng kuto sa ulo ay impeksyon. Dahil sa pagkakamot ay maaring magkasugat ang ulo, mapasukan ng bacteria at ma-impeksyon. Kaya naman para maiwasan ito ay mabuting iwasan ang pagkakaroon ng kuto sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Iwasan ang paghihiraman ng suklay, sombrero o mga panyo.
- Huwag hihiga sa kama, couch o unan na nahigaan ng taong infected ng kuto hangga’t hindi ito maayos na nalililinisan.
Source:
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.