Ito ang epekto ng malnutrisyon at bulate sa tiyan sa isang bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang kuwento ng isang bata na naging buto’t balat dahil sa epekto ng malnutrisyon at pagkakaroon niya ng bulate sa tiyan.
- Paano maiiwasan at malulunasan ang bulate sa tiyan ng isang bata.
Epekto ng malnutrisyon at bulate sa tiyan
Image screenshot from KMJS video
Buto’t balat, ganito kung paano ilarawan ang itsura ng 6-taong-gulang na batang si Ranelyn mula sa Bantayan Island, Cebu. Si Ranelyn, maliban sa nakakaawa niyang itsura ay hirap rin makahinga.
Siya ay hindi na rin halos makakain. Paliwanag ng mga magulang niya, ito ay dahil hirap na siyang makalunok dulot ng mga singaw sa kaniyang bibig.
Kuwento ng ina ni Ranelyn na si Jerlyn Arriola, dating mataba at malusog na bata ang kaniyang anak. Pero nitong bago magsimula ang pandemya ay bigla nalang nangayayat ang katawan nito. Hanggang sa ito nga ay mas lumala ng lumala.
Sinubukan ng dalhin si Ranelyn ng mga magulang niya sa kanilang center para mapatingan. Pero kinakailangan daw itong madala sa mas malaking ospital para masuri.
Dahil sa hirap ng buhay na kung saan ang kanilang pamilya ay umaasa lang sa pagko-construction ng ama ni Ranelyn ay hindi na nadala pa sa ospital pa ang bata.
Hanggang sa ang kuwento ni Ranelyn ay nakaabot sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA 7. Si Ranelyn ay natulungang madala sa doktor ng programa.
Mula Bantayan Island siya ay ibinayahe papunta sa Lapu-Lapu City, Cebu na kung saan sa wakas ay natukoy na ang puno’t dulo ng problema niya.
Bata naging buto’t balat
Base sa pagsusuri ng mga doktor, si Ranelyn ay “purely wasted and severely stunted” na katawan. Sa edad na 6 na taon, ang bigat niya ay 7 kilo lang na katumbas sa healthy weight ng isang 7 month old na sanggol.
Ayon sa doktor na tumingin kay Ranelyn na si Dr. Pearl Joy Sendaydiego, ang bata ay nakakaranas ng kondisyon na tinatawag na intestinal parasitism o siya ay may bulate sa tiyan na naging dahilan para siya ay makaranas ng chronic malnutrition.
“Meron siyang intestinal parasitism. Iyong dahilan ng pagkapayat niya is dahil sa impeksyon. Meron siyang mga bulate na iyon ang dahilan kaya siya may chronic malnutrition.”
Ito ang pahayag ni Dr. Sendaydiego na isang pediatrician.
Kuwento ng ina ni Ranelyn na si Jerlyn, mahilig kumain ng buhangin sa tabing-dagat ang kaniyang anak noong ito ay malusog pa. Ito ang tinitingnang isang dahilan kung bakit infected ng bulate ang tiyan niya.
Sa ngayon, para manumbalik sa dati niyang lakas at katawan ay kailangang sumailalim sa matagal-tagal na gamutan ni Ranelyn. Pero dahil sa kahirapan ay maaaring hindi ito maging possible.
Kaya naman ang mga magulang ni Ranelyn, ay kumakatok sa puso ng may mabubuting kalooban na tulungan ang kanilang anak. Sila ay humihingi ng donasyon para masuportahan ang pagpapagamot nito.
Sa mga nais tumulong kay Ranelyn ay narito ang mga detalye na maaaring magamit para magbigay ng donasyon.
Si Ranelyn noong siya ay wala pang sakit./Image screenshot from KMJS video
Bank of the Philippine Islands
Account Name: Ace Christian A. Salapang
Account Number: 900-1193-38
GCash: 09091450977
Raul Almodiel
BASAHIN:
Lalaki nakakuha ng 32-feet na bulate kaniyang puwit matapos dumumi
Sangkatutak na bulate, natagpuan sa tiyan ng 4-anyos
Lalaki nakakuha ng 32-feet na bulate kaniyang puwit matapos dumumi
Ano ang intestinal parasitism?
Ang intestinal parasitism ay tumutukoy sa pagkakaroon ng bulate sa tiyan ng isang tao. Ito ay madalas na nararanasan ng mga bata lalo na sa mga mahilig maglaro sa mga contaminated na tubig o lupa.
Ang pagkakaroon ng bulate ay maaaring magmula rin sa mga alagang hayop. O kaya naman sa mga pagkaing contaminated nito at hindi maayos na naluto. Isa rin sa sinasabing dahilan nito ay ang maduming pangangatawan at maduming kapaligiran.
Madalas, ang isang tao na infected ng bulate ay hindi nagpapakita ng sintomas. Maliban nalang kung ito ay naging malalang impeksyon na maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit ng tiyan
- Pagtatae
- Gas o bloated na tiyan
- Fatigue o labis na pagkapagod
- Hindi maipaliwanag na mabilis na pagbaba ng timbang
- Paninigas ng tiyan
- Dugo sa dumi
- Pangangati sa butas ng puwit o anus
People photo created by freepik – www.freepik.com
Komplikasyon na maaaring maidulot ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan
Bagamat kung minsan ay wala itong ipinapakitang sintomas, napakahalaga na malunasan ang kondisyon na ito lalo sa mga bata. Dahil sa ito ay maaring magdulot ng komplikasyon na maaring maging banta sa kaniyang kalusugan.
Ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan ay maaaring magdulot ng anemia at intestinal blockages. Ito rin ay maaring magdulot ng malnutrisyon. Dahil sa inaagaw nito ang nutrients mula sa pagkaing kinakain ng isang bata.
Naapektuhan din nito ang food intake ng isang bata. Pati na ang kakayahan ng kaniyang katawan na gamitin ang protein at mag-absorb ng fat para magkaroon siya ng energy at lakas.
Mas lalo ring hinina ang kaniyang katawan kung ang bata ay nagtatae, nagsusuka at walang gana kumain na dahil parin sa mga bulate niya sa tiyan.
Paano ito malulunasan?
Para malunasan ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan ng isang bata ay kailangan niyang mapurga. Dito sa Pilipinas ay libreng namimigay ng mga gamot na pampurga tulad ng Mebendazole at Albendazole. Ang mga gamot na ito ay pinapainom sa bata na ang dami at paraan ay depende sa edad at timbang niya.
Kung malala naman na ang kondisyon ng isang bata ay ipinapayong ito ay ma-confine sa ospital para sa mas masinsinang gamutan.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan?
Para maiwasan na magkaroon ng bulate sa tiyan ang isang bata ay narito ang mga bagay na dapat tandaan:
- Iwasan ang pagkain ng mga isda o karne na hindi maayos na naluto.
- Hugasan ng maigi ang mga prutas at gulay bago kainin.
- Hugasan at initin ang mga pagkaing nahulog sa sahig.
- Siguraduhing ang iniinom na tubig ay malinis.
- Ugaliin ang palaging paghuhugas ng kamay.
- Ang mga laruan na hinahawakan ng bata ay dapat maayos na nahuhugasan.
Source:
About Kids Health, Healthline, CDC
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!