May iba’t ibang uri ng bulate sa tiyan na maaaring magdulot ng sakit sa mga bata at matatanda. Alamin ang sintomas, sanhi, at gamot dito.
Pagdating sa kalusugan ng ating anak, lahat ay gagawin natin. Iniingatan natin sila para hindi magkasakit at lahat ng makikita nating makakasama para sa kanila ay pinipilit nating iwasan. Pero paano kung ang magdadala ng sakit sa kanila ay isang bagay na napakaliit at hindi mo namamalayan? Tulad na lang ng bulate sa tiyan?
3 uri ng bulate sa tiyan: Sanhi, sintomas at gamot sa bulate sa pwet
Sa dami ng sakit na pwedeng makuha ng isang bata sa kaniyang kapaligiran, isa sa mga madalas makalimutan at balewalain ng mga magulang ay ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan.
Gayundin naman, madalas ding mabalewala ang mga sintomas na may bulate sa tiyan ng matanda.
Dahil sa liit ng mga ito, halos imposibleng malaman kung paano makakarating ang bulate sa tiyan. Bagamat maliliit lang ang mga ito, maari pala itong magdulot ng impeksyon at sakit. At kung hindi maaagapan, maaaring maging sanhi ng mga komplikasyon sa kalusugan.
Larawan mula sa iStock
Kaya naman mahalaga rin na malaman kung anu-ano ang mga uri ng bulateng maaring matagpuan sa tiyan ng isang tao, at kung ano ang mga posibleng sanhi, sintomas at gamot para sa mga ito.
1. Pinworms
Ito raw ang pinakakaraniwang bulate na natatagpuan sa mga bata. Pero maaari ding magkaroon ng ganitong uri ng bulate ang mga matatanda. Wala pang 1/2-inch ang haba nito at mahilig itong manirahan sa intestines.
Sanhi
Kadalasan, kumakalat ito sa mga tao sa pamamagitan ng fecal-oral transmission. Kapag nakahawak ang bata ng isang bagay na nagtataglay ng itlog ng mga bulateng ito tapos isinubo niya ang kaniyang mga kamay.
Makakapasok na ang mga bulateng ito sa katawan at maninirahan sa ating tiyan. Kapag lumaki na ang mga bulate, pumupunta ang babaeng worm sa bahagi ng puwet at doon sila nangingitlog.
Sa oras naman na kinamot ng taong iyon ang affected area, nalilipat ang mga itlog sa kaniyang mga kamay, at mapupunta sa kahit anong bagay na hawakan nito.
Maaring magtagal ng ilang oras sa ating mga kamay ang mga itlog ng mga bulateng ito nang hindi natin napapansin. Gayundin, maaring manirahan ang mga itlog sa mga contaminated surfaces ng hanggang 3 linggo.
Dahil sa mahilig magsubo ang mga bata ng mga bagay tulad ng kanilang mga laruan, mas mabilis na nahahawa ng pinworm ang mga bata. Maari rin nilang mailipat ang mga itlog sa kanilang mga pagkain o inumin.
Sintomas
Ang pangunahing sintomas na mayroong pinworm na bulate sa tiyan ng matanda man o bata ay ang matitinding pangangati ng bahagi ng kaniyang puwet.
Kaya naman kung nagrereklamo ang iyong anak na makati ang bahaging iyon ng kaniyang katawan, huwag itong balewalain at patingnan ito.
Gayundin naman kung kayo mismo ang nakakaramdam ng pangangati sa butas ng puwet. Maaaring epekto ito ng bulate sa tiyan kaya’t huwag balewalain.
Gamot
Madali namang gamutin ang pinworm sa tiyan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga oral anti-parasitic medication o pampurga.
Dahil mabilis kumalat ang impeksyong ito, mas makakabuti na uminom na ng gamot sa bulate sa tiyan. Painumin ang buong pamilya kung matutuklasang isa sa kanila ay may bulate sa tiyan. Subalit bago uminom ng mga pampurga, mas mabuting tanungin muna ang iyong doktor para makasiguro.
2. Roundworms
Kung mayroon kayong alagang aso o pusa sa bahay, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng ganitong uri ng bulate sa tiyan ang bata man o mantanda sa inyong tahanan.
Sanhi
Kapag nakahawak ng isang bagay o lupa kung saan mayroong dumi ng aso o pusa, at isinubo ang kamay nang hindi pa naghuhugas, maaring mapunta ang itlog ng roundworms sa katawan.
Subalit hindi tulad ng pinworms, hindi naman kumakalat ng person to person ang bulateng ito.
Larawan mula sa Freepik
Sintomas at komplikasyon
Ang roundworm infection ay maaaring magdulot ng sakit na tinatawag na Toxocariasis. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit ng tiyan, lagnat, ubo at maging pagkokombulsyon.
Dapat ingatan ng mga magulang na magkaroon ng ganitong bulate sa tiyan ang kanilang mga anak. Ayon kay Debbie-Ann Shirley, MD, isang espesyalista sa pediatric infectious diseases, matindi ang mga komplikasyon at epekto na dala ng bulate sa tiyan na roundworms.
“The worm matures in the gut and then likes to travel to the lung,” aniya.
“From the lung, the worm can occasionally travel to the eyes, leading to vision loss. Or it may go to the brain where it can cause encephalitis, which leads to seizures and brain damage.”
Gamot
Kapag natukoy na roundworm ang sanhi ng sakit ng bata, madali na itong magamot gamit ang tamang medication. Subalit dapat ay ipaalam ng magulang kung posibleng na-expose sa dumi ng aso o pusa ang kaniyang anak.
Dahil kung akalain ng doktor na asthma ang dahilan ng mga sintomas, hindi gagaling ang bata, at maaari pang lalong humina ang kaniyang immune system.
3. Tapeworms
Ito naman ang mahahaba at flat na bulate na maaring humaba hanggang 20 feet at posibleng magtagal ng ilang dekada sa loob ng ating katawan, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Mayroon ding iba’t ibang uri ng tapeworms. Ito ay ang Taenia saginata (beef tapeworm), Taena solium (pork tapeworm), at Taenia Asiatica (Asian tapeworm).
Sanhi
Ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng ganitong klaseng bulate sa tiyan ay kapag nakakain ng pagkain o inumin na mayroong itlog ng tapeworms. Karaniwang nangyayari ito kapag kumakain tayo ng mga hilaw na karne o isda.
“When you ingest one of these worms, it goes into the intestines where it matures and lays eggs, which then pass on through the stool to continue the life cycle,” ani Shirley.
Sintomas at komplikasyon
Maari ka namang magkaroon ng sakit na Taeniasis kapag mayroong ganitong bulate sa iyong tiyan. Kadalasan, banayad lang ang mga sintomas nito gaya ng pananakit ng tiyan, kawalan ng gana, pagsusuka at pagbaba ng timbang.
Pero may ilang kaso rin kung saan ang mga bulate ay umakyat papunta sa brain at nagdulot ng seizures at isang malalang kondisyong tinatawag na neurocysticercosis na nagsasanhi rin ng epilepsy.
Gamot
Magagamot rin ng mga oral medications o pampurga ang tapeworm infections. Pwera na lang kung umabot na ito sa utak ng tao.
“Once the worm reaches the brain, as it dies it can cause inflammation, so doctors may need to prescribe steroids to reduce the inflammation, along with anti-parasitic medication,” ayon kay Shirley.
Kaya naman kung nakakaramdam ng sintomas ng alin mang tapeworm infections, kumonsulta na agad sa iyong doktor upang maagapan at mabigyan ng tamang lunas.
Larawan mula sa iStock
Sintomas ng may bulate sa tiyan
Ang parasite o anumang parasitikong nilalang tulad ng bulate sa tiyan ng bata at matanda ay isang organismo o hayop na napakaliit. Dahil parasitiko sila, kadalasan ay kumukuha sila ng nutrisyon mula sa ibang organismo, tulad ng tao.
Ang mga halimbawa ng parasitikong organismo ay pulgas, kuto, at bulate sa tiyan. May mga sakit din na kaugnayan sa parasite. Ito ay tulad ng impeksyon dulot ng protozoa (mga single-cell organism tulad ng malaria), helminthes (bulate sa tiyan), at arthropods (tulad ng scabies sa balat).
Dagdag pa, ang intestinal parasite o bulate sa tiyan ay kadalasang naninirahan, siyempre, sa bituka. Ang mga bulate sa tiyan ay kadalasang protozoa (tulad ng Giardia) o bulate (tulad ng tapeworm at pinworm o tiwa sa Tagalog) na pumapasok sa katawan ng bata at matanda. Naninirahan sila sa intestine o bituka ng host o organismo na kanilang pinasok.
Ang bulate ay maninirahan sa tiyan at sa iba pang bahagi ng katawan ng tao at kalaunan ay magpaparami. Ang mga parasitikong ito ay maaari o hindi naman magdudulot ng sintomas o impeksyon.
Sintomas at dahilan ng taong may bulate
Samantala, ang mga parasitiko tulad ng worm sa tiyan ay karaniwang naririto sa buong mundo. Kalimitan naipapasa o nakakahawa ang impeksyong dulot ng parasites sa mga crowded o matataong lugar, tulad sa day care.
Ang mga bata sa bansang nagde-develop ay karaniwang may dala-dalang parasites sa loob ng kanilang katawan. Sa pag-aaral, ang nagiging sanhi ng pagtaas ng bilang ng pagkakaroon ng parasitikong organismo sa loob ng katawan ay ang poor sanition at maruming tubig na inumin.
Sintomas ng may bulate sa tiyan ng bata
Hindi mawawala ang sintomas ng may bulate sa tiyan ng bata dahil ang nagde-develop pa lamang at bulnerable pa sa mga sakit ang mga bata.
Dahil rin sa palagiang pakikipaglaro sa labas ng tahanan, kung saan may exposure ng dumi na pinamumugaran ng parasite, hindi imposibleng magkaroon ng sintomas na may bulate sa tiyan ang bata.
Kalimitan, hindi makikita ang mga sintomas ng may bulate sa tiyan ng bata. Pero, maaari silang makaranas ng mga sumusunod na kumplikasyon o kondisyon:
- pagtatae o diarrhea na may pagtutubig
- malambot at malangis na tae
- palaging nakakaramdam ng pagkapagod
- pananakit ng tiyan
- bloating
- pagsusuka
- ‘di maipaliwanag na pagbaba ng timbang
- nausea
- hindi paggaling ng sakit o lagnat
Ang mga naidudulot naman ng sintomas ng may bulate sa tiyan ng bata ay iba pang impeksyon na maaaring lumala at maging dahilan ng iba’t ibang sakit. Ito ay ang mga sumusunod:
- malabsorption o nahihirapang tunawin at i-absorb ang mga nutrients ng pagkain
- malnutrisyon o pagkakaroon ng kakulangan o kalabisan sa pag-intake ng nutrisyon o hindi maayos na pagdidistribute ng nutrisyon sa katawan
- chronic anemia o sakit sa dugo
- iba pang kondisyon na maaaring makaapekto sa pisikal at kognitibong pagdevelop ng bata
Kung nakikitaan ninyo ang inyong anak ng mga sintomas na may bulate sa tiyan ng bata, ikonsulta agad sa pedia ang mga kinakailangan para malunasan ang parasite o bulate sa tiyan.
Sintomas ng may bulate sa tiyan ng matanda
Tulad sa mga bata, ang mga matatanda ay maaari pa ring maapektuhan ng mga parasite. Narito naman ang ilang mga sintomas ng may bulate sa tiyan ng matanda:
- pagsakit ng tiyan
- diarrhea, nausea at pagsusuka
- mahanging tiyan o kabag at bloating
- fatigue
- mabilisang pagbaba ng timbang
- panlalambot ng tiyan o sikmura
Dagdag pa, ang mga sintomas ng may parasite sa tiyan ng matanda ay maaari ring magdulot ng dysentery. Ito ay mas malalang impeksyon sa bituka o tiyan na dulot ng bulate na nagiging sanhi ng diarrhea na may pagdurugo at mucus sa dumi.
Maliban pa dito, maaari ring magdulot ang bulate sa tiyan ng matanda ng rash o pangangati ng rectum o vulva. Sa ibang pagkakataon, maaaring maipasa ng sinomang may sintomas ng bulate sa tiyan ng matanda ang parasite habang dumudumi.
Ang ibang tao naman ay maaaring magkaroon ng bulate sa tiyan ng walang anumang sintomas na nararanasan.
Idulog agad sa inyong doktor ang ganitong sitwasyon ng parasite sa tiyan. Bagaman hindi nararanasan ang mga sintomas, maaaring may epekto pa rin ito sa inyong kalusugan.
Paalala ng DOH tungkol sa pagpupurga
Samantala, nagbigay naman ng paalala ang DOH tungkol sa sa pag-inom ng pampurga sa bulate sa tiyan.
Ayon sa precautionary measures na ipinalabas ng DOH, ang deworming tablet na Albendazole 400mg at Mebendazole 500mg tablet ay dapat iniinom nang may laman ang tiyan o pagkatapos kumain.
Asahan ring maaaring makaranas ng “adverse events” ang isang batang uminom ng gamot pampurga. Ito ay ang allergy, mild abdominal pain, diarrhea at erratic worm migration o paglabas ng bulate sa katawan ng bata.
Madalas ay mararanasan daw ang mga sintomas na ito sa unang sampung oras matapos makainom ang bata ng pampurga sa bulate sa tiyan.
Pinaalala rin ng DOH na may ilang bata ang hindi puwedeng uminom ng gamot na pampurga. Ito ay ang mga batang may sakit, nakakaranas na pananakit ng tiyan, may lagnat at nagtatae. Pati na rin ang nakaranas na ng hypersensitivity sa gamot at severely malnourished o underweight.
Sa mga paaralan na nagbibigay ng libreng pampurga, nagbibigay muna sila ng parent consent form. Ito’y pipirmahan ng mga magulang matapos matiyak na hindi nakakaranas ng mga nabanggit na kondisyon ang anak.
Paalala rin sa mga magulang, huwag basta-bastang magpapainom ng pampurga sa iyong anak nang hindi kumukonsulta sa kaniyang pediatrician.
Home remedy para sa bulate sa tiyan
May mga herbal na gamot na maaaring gamitin para sa bulate sa tiyan. Ilan rito ay ang mga sumusunod:
Mayroong antibacterial, antiviral, at antifungal effects ang bawang na maaaring makapatay ng iba’t ibang uri ng intestinal worms. Ginagamit itong complementary remedy para masugpo infections na dulot ng pinworm, hookworm, at roundworm.
Ang dapat lang gawin ay maghalo ng bawang sa mga pagkain. Kung matanda naman ang may bulate sa tiyan, pwedeng nguyain at lunukin ang bawang nang hilaw.
Bukod pa rito, maaari ring ihalo sa petroleum jelly ang hiniwa-hiwang bawang at ipahid sa anal area. Tandaan lang na huwag itong i-apply sa puwet kung mayroong hemorrhoids o almoranas. Iwasan ding ipahid sa bahagi na may skin breakdown o sa irritated skin.
Wormwood
Uri ito ng herbal na gamot na puwedeng remedy sa bulate sa tiyan. Maaaring gawing tsaa ang wormwood. Inumin ito nang hindi lalagpas sa apat na linggo. Mahalaga rin na kumonsulta muna sa doktor bago ito subukan upang makatiyak kung angkop ba ito para sa iyo.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Nataliya Vaitkevich
Buto ng kalabasa
Buhat pa noong 1863-1936, ayon sa Medical News Today, ay nakalista na sa United States Pharmacopoeia ang pumpkin seeds o buto ng kalabasa bilang gamot sa intestinal parasites.
Mayroon kasing compound na cucurbitacin ang buto ng kalabasa na siyang epektibong panlaban sa internal parasites. Maaari namang kainin ang buto ng kalabasa. Puwede ring haluan ito ng tubig at i-blender para maging paste bago kainin.
Carrots
Ligtas naman na kainin ng sino man ang carrots. Puwede ito sa baby pati na rin sa matatanda. Makatutulong ang carrots para maging malusog ang digestive system at magkaroon ng maayos na regular bowel movements. Mayaman sa fiber ang carrots kaya masustansya ito para sa tiyan.
Hindi man tiyak ng mga mananaliksik kung kaya nitong patayin ang mga bulate sa tiyan, pero makatutulong ang carrots para mailabas sa katawan ang parasitic worms.
Langis ng niyog
Kilalang home remedy para sa pinworms ang coconut oil. Pinaniniwalaang ang pagpapahid ng coconut oil sa anal area ay makatutulong para maiwasang makapangitlog ang pinworms sa puwet.
Puwede rin umanong uminom ng isang kutsaritang langis ng niyog kada umaga para maiwasan ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan. Ligtas naman itong gawin maliban na lang kung mayroon kang allergy sa coconut oil.
Yakult para sa bulate sa tiyan
Isa ang yakult sa mga kilalang brand ng probiotic drink sa Pilipinas. Makatutulong ang pag-inom ng probiotic drink tulad ng yakult para magamot ang bulate sa tiyan.
Ang probiotics ay live micro-organisms na nakatutulong para mapanatiling balanse ang intestinal flora. Mayroong probiotics na tinatawag na lactobacillus ang yakult.
Nabubuhay ang good bacteria na ito na kung tawagin ay lactic bacteria sa loob ng tiyan ng tao. Helpful ito para mabalanse ang good at bad bacteria sa tiyan.
Ilan sa mga benepisyo ng probiotics sa katawan:
- Tinutulungan nito ang tiyan na magkaroon ng maayos na pagtunaw sa pagkain.
- Tumutulong na mailabas sa katawan ang mga harmful substances.
- Pinipigilan ang pagdami ng harmful bacterias at parasites sa intestines.
- Inaayos ang bowel movements.
Kilala ang probiotic na mabisang pamatay sa mga harmful bacteria sa loob ng katawan. Gayundin naman bilang gamot sa bulate sa tiyan.
Tiyak din na magugustuhan ng iyong anak ang probiotic drinks at hindi ka mahihirapang ipainom ito sa kaniya. Puwedeng inumin ng bata man o matanda ang probiotic drink na tulad ng yakult.
Ano mang home remedy ang nais subukan makabubuti pa rin palagi na kumonsulta muna sa doktor. Lalo na kung bata ang iyong paiinumin.
May mga herbal na remedy na puwedeng gamot sa bulate sa tiyan pero baka mayroon ka o ang iyong anak na allergy sa mga ito. Kaya naman mahalagang alam din ng doktor ang hakbang na iyong susubukan sa paggamot sa bulate sa tiyan.
Paano makakaiwas sa bulate sa tiyan
Larawan mula sa Freepik
Lubhang nakakadiri kung iisipin at nakakatakot pala ang magkaroon ng bulate sa tiyan. Lalo na sa mga anak natin na mahilig magsubo ng kanilang mga kamay. Kaya naman narito ang ilang bagay na dapat tandaan upang maiwasan ang pagkakaroon ng worm infestations:
- Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Turuan din ang iyong anak ng tamang paraan ng paghuhugas ng kamay.
- Maghugas lagi ng kamay pagkatapos gumamit ng banyo at kapag pinapalitan ang diaper ni baby.
- Panatilihing malinis ang iyong katawan. Maligo at magpalit ng iyong damit at underwear araw-araw.
- Panatilihing maiksi ang mga kuko at iwasan ang pagkakamot. Iwasan din ang pagkagat ng mga kuko.
- Panatilihing malinis ang inyong kapaligiran lalo na kung mayroon kayong mga alagang aso o pusa. Ligpitin nang maayos ang kanilang dumi at linisin ang lugar na ito pagkatapos.
- Gumamit ng mainit na tubig sa paglalaba ng mga damit, kurtina at sapin sa kama para mamatay ang mga itlog ng bulate.
- Mas mabuti rin kung maliwanag ang paligid dahil ayaw ng mga bulate ang sinag ng araw.
- Siguraduhin ding malinis at naluto nang maayos ang iyong kinakain. Iwasang kumain ng hilaw.
Ang kalinisan ng katawan at paligid ay importante hindi lang para makaiwas sa bulate sa tiyan, kundi pati na rin para maiwasan ang iba’t ibang uri ng sakit.
Karagdagang impormasyon isinulat nina Jobelle Macayan at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!