Ang almoranas o hemorrhoid ay ang pamamaga ng ugat sa ibabang parte ng anus o butas ng puwet. Habang nauunat ang paligid ng blood vessels o ugat na ito, mas nagkakaroon ng iritasyon, matinding pangangati at maaaring pagdududgo ng butas ng puwet. Mayroon bang gamot sa almoranas? Anu-ano ang mabisang gamot sa almoranas at pano ito mawala? Alamin ang maaring gawin para malunasan ang nakakairita at masakit na almoranas.
Maaaring hindi kanais-nais ang pagkakaroon ng almoranas, gayunpaman madali itong lunasan at iwasan.
Lahat ng tao ay posibleng makaranas ng pagkakaroon ng almoranas. Habang tumatanda ang isang tao ay mas lumalaki ang tiyansa na siya ay magkaroon ng sakit na ito.
Kung kaya naman nararapat lamang na magkaroon ng kaaalaman tungkol sa kung ano nga ba ang sanhi, sintomas, gamot at mga maaaring gawin upang maiwasan ang sakit na almoranas. Mayroon ding mabisang gamot sa almoranas.
Ano ang Hemorrhoids o almoranas?
Ang almoranas o hemorrhoids ay ang pamamaga ng ugat sa paligid ng anus o butas ng puwet. Halos kalahati ng mga adults ang nakakaranas ng sintomas ng almoranas lalo na kapag sila ay tumungtong ng edad na 50.
Ang almoranas ay maaring external o internal. Ang internal hemorrhoids ay nagde-develop sa loob ng anus o rectum. Samantalang ang external hemorrhoids naman ay nagde-develop sa labas ng anus.
Ang almoranas ay nagdudulot ng sakit, matinding pangangati sa anus at hirap sa pag-upo. Ngunit may mga paraan naman para malunasan ito.
Uri ng almoranas
Ang uri ng almoranas na ito ay hindi nakikita ng mata. Ito ay nabubuo sa loob ng tumbong. Pinipigilan ng mga pain-sensing nerves na maramdaman ang sakit na dulot ng uri ng almoranas na ito. Sa kabilang banda, maaari pa ring magdugo ito habang hindi nakararamdam ng anomang sakit.
Karaniwang matatagpuan sa balat na nakapalibot sa anus ang uri ng almoranas na ito. Ang external hemmorrhoid ay ang pinakamasakit at pinakamakati sa lahat. Maaaring ito ay magdulot din ng pagdudugo at pamamaga.
Ang pagkakaroon ng blood clot habang mayroong external hemorrhoids ay nagreresulta sa pagkakaroon ng Thrombosed Hemorrhoid. Madalas ang blood clot na nabuo ay natutunaw, ngunit kung hindi naman ay kinakailangan na itong ipatanggal sa doctor sa loob ng 72 oras upang mas maging matagumpay ang proseso.
Ikaw ay maaaring may almoranas kung:
- may kasamang dugo ang iyong dumi o tae
- matindi ang pangangati ng butas ng iyong puwet
- sumasakit ang bahagi ng iyong anus o pwet, tuwing umupo
- nahirapan at may kaaabit na sakit na nararamdaman tuwing dumudumi
- mayroong isa o dalawang masakit na umbok o bukol sa na matatagpuan sa palibot ng iyong anus.
11 posibleng sanhi ng almoranas
Sabay-sabay nating alamin ang mga posibleng sanhi ng pagkakaroon ng almoranas.
- Pagbubuntis: Ito ang isa sa pinakakaraniwang sanhi ng almoranas ng babae.Ang mga buntis ang madalas na nakararanas ng sakit na ito. Ito ay sa kadahilanang lumalaki ang uterus o matris na siyang tumutulak sa ugat sa colon na nagiging sanhi ng pagkakaroon almoranas.
- Pagtanda: Ang mga edad 45 hanggang 65 na taong gulang ay madalas ring nakararanas ng almoranas. Ito ay madalas na parte ng pagtanda.
- Pagtatae: Isa sa mga sanhi ng almoranas ay ang pagtatae. Matapos magtae ang isang tao, ay posibleng makaranas naman ng pagkakaroon ng almoranas.
- Pagpipigil ng tae: Hindi maipapayo na pigilan ang pagtae, sapagkat maaari itong magdulot ng almoranas.
- Matagal na pag-upo: Ang matagal na pag-upo lalo na sa toilet bowl ay maaari ring maging sanhi ng sakit na ito.
-
Pagbubuhat ng mabibigat: Ang paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat na bagay ay maaaring sanhi ng almoranas.
- Anal intercourse: Maaaring ang pakikipagtalik sa paraang ito ay magdulot ng almoranas. Dagdag pa rito kung ikaw ay mayroon nang almoranas, maaari nitong mapalala ang sitwasyon.
- Obesity: Ang pagkakaroon ng hindi maaayos na diet routine ay posibleng maging sanhi ng almoranas.
- Namamana: Bukod sa mga bagay na nabanggit sa itaas, ang pagkakaroon ng sakit na almoranas ay maaaring namana o namamana.
- Constipation: Isa ang constipation sa pinakakaraniwang sanhi ng almoranas sa lalaki. Pero maaari din itong maging sanhi ng almoranas ng babae. Kapag matindi ang ginagawang pag-ire tuwing dumudumi dulot ng constipation, maaaring magkaroon ng almoranas. Napupwersa kasi ang mga ugat at blood vessels sa paligid ng anus o butas ng puwet na maaaring humantong sa pamamaga at pagdurugo.
- Kakulangan sa fiber: Kapag kulang ang fiber sa iyong diet o sa iyong mga kinakain, maaari din itong maging sahi ng almoranas sa lalaki o ng babae. Ang fiber kasi ang tumutulong para maging malambot ang dumi at maiwasan ang labis na pag-ire dulot ng matigas na tae.
Mga komplikasyong posibleng maging dulot ng almoranas
Maaaring ang pagkakaroon ng almoranas ay madaling mawala at malunanasan. Sa kabilang banda, may mga pagkakataon na kung hindi naaagapan ay maaaring magresulta sa mas malalang komplikasyon. Halina’t alamin ang mga komplikasyong dulot ng sakit na ito.
Anemia
Alam mo ba na ang sakit na almoranas ay maaaring magresulta sa pagiging anemic ng isang tao? Tuwing may almoranas ang isang tao, madalas nababawasan ang kanyang dugo. Ito ang dahilan upang mabawasan ang mga malulusog na red blood cells sa katawan na nagtatalay ng oxygen. Ang pagkabawas na ito ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng Anemia.
Strangulated hemorrhoid
Kung ang supply ng dugo tuwing may internal hemorrhoid ay nababawasan, maaaring magresulta ito sa “stragulated” hemorrhoid na siyang nadudulot ng labis na sakit.
May pagkakataon na nabubuo ang blood clot tuwing may almoranas. Hindi man ito delikado ay maaari pa ring makaranas ng matinding sakit. Kung ito man ay lumala ay kinakailangan na itong hiwain o putukin.
Impeksiyon
Madalas ang mge taong may external hemorrhoids ay nakararanas ng impeksiyon, dahil sa mas naka-expose ito.
Mga pagkaing dapat iwasan o bawal sa mga may almoranas
Ang mga pagkaing kaunti lamang sa fiber ay isa mga bawal sa mga may almoranas o dapat nilang iwasan. Kaya naman dapat i-limit lamang ang pagkain ng mga ito.
Ilan sa mga halimbawang pagkain na bawal o dapat iwasan ng mga may almoranas ay ang mga sumusunod:
- White breads
- Gatas
- Keso
- Mga iba pang dairy products
- Karne
- Mga process foods
- Pagkain sa mga fast food
Kinakailangan din na bantayan ang alat o dami ng asin sa kinakain. Maaari kasi itong magdulot ng pagdami ng tubig sa inyong katawan na nagbibigay ng mas maraming pressure sa inyong blood vessels.
Kasama na rito ang mga ugat o veins sa inyong puwetan na nagiging sanhi ng almoranas o hemorrhoids. Ang mga iron supplements din ay maaaring magdulot ng constipation at iba pang problema sa digestive system. Kaya naman magpakonsulta muna sa doktor bago mo ito inumin.
Mabisang gamot sa almoranas na maaaring gawin sa bahay
Pano mawala ang almoranas? Kung ikaw ay may almoranas at pinoproblema mo kung pano ito mawala, narito ang mga gamot o home remedy para sa almoranas na puwede mong subukan:
1. Kumain ng high-fiber foods.
Para hindi mahirapang dumumi at hindi mapuwersa o mamaga ang almoranas ay dapat kumain ng high-fiber foods. Ang mga high-fiber foods ay mga prutas, gulay at whole grains.
2. Gumamit ng mga topical treatments.
Para maibsan ang pangangati at pamamaga ay maari ring gumamit ng mga over-the-counter hemorrhoid cream o suppository na mayroong hydrocortisone. O kaya naman ay gumamit ng pads na may taglay na numbing agent.
Bukod pa rito, maaaaring magpahid ng petroleum jelly para sa almoranas sa loob ng iyong anus para mabawasan ang pananakit ng puwet tuwing dudumi. Makatutulong ang petroleum jelly para sa almoranas.
3. Maupo sa maligamgam na tubig.
Isa pang mabisang gamot sa almoranas ay ang pag-upo o pagbabad ng anal area sa plain warm water sa loob ng 10 to 15 minutes na dapat gawin dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.
4. Panatilihing malinis ang anal area
Para mas madaling gumaling ang almoranas ay dapat panatilihing malinis ang anal area. Gawin ito sa pamamagitan ng paliligo araw-araw at paghuhugas ng anus gamit ang maligamgam na tubig.
Iwasan ang mga alcohol-based o perfumed wipes dahil ito ay mahapdi para sa almoranas. Dahan-dahanan tapikin ang area para matuyo o kaya naman ay gumamit ng hair dryer.
5. Huwag gumamit ng dry toilet paper.
Para mapanatiling malinis ang anal area matapos dumumi ay gumamit ng wet wipes o toilet paper na hindi nagtataglay ng alcohol o perfume.
6. Mag-apply ng cold compress.
Para maibsan ang pamamaga ay maglagay ng ice packs o cold compresses sa anus.
7. Uminom ng oral pain relievers.
Para maibsan ang pananakit ng almoranas ay maaring uminom ng acetaminophen gaya ng Tylenol, aspirin o ibuprofen tulad ng Advil at Motrin.
Gamot sa almoranas herbal
Bukod sa mga nabanggit na home remedy para sa almoranas, mayroon ding mga gamot sa almoranas na herbal. Maaari mo itong subukan para maibsan ang pananakit ng butas ng iyong puwet:
Aloe vera
Kilala ang aloe vera na mabisang gamot sa iba’t ibang skin condition. Makatutulong din ang halamang ito para gamutin ang almoranas. Mayroong anti-inflammatory properties ang aloe vera na makatutulong para maibasan ang pamamaga at iritasyon sa almoranas.
Tandaan lang din na walang sapat na clinical evidence na epektibo ito bilang gamot sa almoranas. Subalit, ayon sa National Complimentary and Integrated Health na nabanggit ng Healthline sa kanilanga article, ligtas namang gamitin ang aloe vera bilang topical medicine o gamot sa almoranas.
Dagdag pa rito, mayroon mang mga lotion o iba pang produkto na mayroong aloe vera, mahalagang tandaan na gumamit lamang ng pure aloe vera gel kung ipapahid ito sa almoranas. Ang ibang ingredients kasi ng ibang produkto ay posibleng makairita lalo sa hemorrhoids. May nabibiling pure aloe vera gel sa mga botika. Puwede rin namang mag-extract nang direkta mula sa dahon ng aloe vera.
Tea tree oil
Tinuturing na natural antiseptic ang langis na ito. Makatutulong ito para maibsan ang sakit, pangangati, at discomfort na dulot ng almoranas. Bukod pa rito, panlaban din ito sa bacteria na maaaring magdulot ng impeksyon at lalong makasira ng balat sa paligid ng butas ng puwet. Para sa karagdagang relief sa almoranas, puwedeng gamitin ang tea tree oil kasama ang aloe vera gel at ipahid sa almoranas.
Witch hazel
Dalawa sa mga karaniwang sintomas ng external hemorrhoids ay ang pangangati at pananakit ng balat sa paligid ng butas ng puwet. Makatutulong ang witch hazel para maibsan ang pangangati at pananakit na dulot ng almoranas. Bukod pa rito, mayroon ding anti-inflammatory properties ang witch hazel na makatutulong para maiwasan ang pamamaga ng almoranas.
Maaaring makabili ng liquid form ng witch hazel sa mga botika. Ipahid ito ng direkta sa external hemorrhoids.
Coconut oil
Kilala ang coconut oil o langis ng niyog sa pagkakaroon ng anti-inflammatory properties. Makatutulong din ito para maibsan ang pamamaga ng almoranas. Bukod pa rito ay may analgesic o pain-relieving properties din ang coconut oil kaya naman puwede rin itong makatulong na mabawasan ang pananakit at discomfort na dulot ng almoranas.
Sa kabilang banda, ang antibacterial properties ng coconut oil naman ang makatutulong upang mabilis na gumaling ang almoranas.
Puwedeng inumin ang coconut oil o kaya naman ay ipahid ito nang direkta sa almoranas.
Minimally invasive procedures bilang gamot sa almoranas
Bukod sa mga nabanggit na paggamot sa almoranas, mayroon ding mga procedure na hindi nangangailangan ng surgery ang maaring gawin para maalis at matigil ang discomfort na dulot ng almoranas. Ito ay ang sumusunod:
1. External hemorrhoid thrombectomy
Kung mayroong painful blood clot o thrombosis na ang nabuo sa external hemorrhoid ay maari itong alisin sa pamamagitan ng simple incision o drainage. Ito ay tinatawag na external hemorrhoid thrombectomy na mas epektibo kung gagawin 72 hours matapos mabuo ang blood clot.
Kung patuloy namang nagdurugo o nanakit ang almoranas ay maaring mag-rekomenda ang doktor ng mga minimally invasive procedure na hindi nangangailangan ng anesthesia gaya ng sumusunod
2. Rubber band ligation
Sa procedure na ito ay maglalagay ng isa o dalawang maliit na rubber bands o goma ang doktor sa base ng internal hemorrhoid para matigil ang sirkulasyon ng dugo dito. Sa pamamagitan nito ay matutuyo at kusang matatanggal ang almoranas.
Ang hemorrhoid banding ay maaring magdulot ng discomfort at pagdurugo sa unang dalawa hanggang apat na araw matapos gawin ang procedure ngunit ito ay hindi naman malala.
3. Injection (sclerotherapy)
Sa procedure na ito ay mag-iinject ng chemical solution sa almoranas ang doktor para ito ay umimpis. Bagamat hindi ito masakit, less effective naman ito kumpara sa rubber band ligation.
4. Coagulation (infrared, laser or bipolar)
Ang mga coagulation techniques ay gumagamit ng laser o infrared light o heat. Pinatitigas at pinatutuyo nito ang mga nagdurugo at maliliit na internal hemorrhoids.
Sa coagulation ay mas mataas ang tiyansang hindi na bumalik pa ang almoranas kumpara sa rubber band ligation.
Gamot sa almoranas: Surgical procedures para malunasan ang almoranas
Kung sakali namang hindi naging epektibo ang mga naunang procedure o kung malaki ang almoranas ay may mga surgical procedure na maaring i-rekumenda ang doktor. Ito ay maaring maging outpatient case o kaya naman ay nangangailangan ng overnight stay sa ospital.
1. Hemorrhoid removal
Ang procedure na ito ay tinatawag na hemorrhoidectomy. Dito ay tatanggalin ang excessive tissue na nagdudulot ng pagdurugo. Ginagawa ito sa pamamagitan ng tulong ng local anesthesia at sedation, spinal anesthetic or a general anesthetic.
Ito ang pinakaepektibong paraan para gamutin ang malubhang kaso ng almoranas, ngunit may mga kumplikasyon na maaring maranasan gaya ng pansamantalang hirap sa pag-ihi na maaring mauwi sa urinary tract infection o UTI.
2. Hemorrhoid stapling
Ang procedure na ito ay tinatawag na stapled hemorrhoidectomy o stapled hemorrhoidopexy. Pinipigilan nito ang pagdaloy ng dugo sa hemorrhoidal tissue na madalas na ginagawa lang sa internal hemorrhoids.
Kumpara sa hemorrhoidectomy, ang stapling ay hindi masakit at hindi dahilan para tigilan ng pasyente na gawin ang kaniyang mga regular activities. Ngunit, mataas ang tiyansa sa procedure na ito na bumalik muli ang almoranas at magkaroon ng rectal prolapse.
May mga kumplikasyon rin ng maaring maranasan gaya ng bleeding, urinary retention at pain pati narin ang maaring makamatay na blood infection na sepsis.
Paano nga ba maiiwasan na magkaroon ng almoranas?
Ang pagkakaroon ng almoranas ay parte na ng buhay ng isang tao. Gayunpaman, ating alamin ang iba’t ibang paraang o gawi upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito.
- Kumain ng mga pagkaing may matataas na bilang ng fiber. Ang pagkakaroon ng almoranas ay madalas nararanasan ng mga taong madalang o may problema sa pagdumi. Isa sa mga pinaka natural na paraan upang ito ay maiwasan ay ang pagkain ng fiber. Ang mga pagkaing may matatas na bilang ng fiber ay black beans, oatmeal, broccoli, prutas at iba pang mga gulay.
- Ang pag-inom ng maraming tubig ay importante. Bukod sa mura at hindi magastos, ang pag inom ng tubig ay isang epektibong paraan upang maiwasan ang ang almoranas.
- Siguraduhing may sapat na ehersisyo. Ayon sa mga eksperto, ang pag-eehersisyo at almoranas ay may love-hate relationship. Ang ehersiyo ay nakatutulong upang kumilos ng regular ang colon. Sa kabilang banda ang mga aktibidad na nagdudulot sobrang pag-ire, tulad ng pagbubuhat ay maaaring magresulta sa almoranas.
- Maging maingat sa paggamit ng mga laxatives. Tuwing ikaw ay nagtatae ang ilan sa mga fiber suplements tulad ng psyllium capsules ay nakatutulong upang maiwasan na magkaroon ng almoranas pagkatapos. Upang malunasan ang hemorrhoid at maiwasan ito, ipinapayo na gumamit ng mga osmotic laxatives na nagpapataas ng bilang ng tubig sa katawan at pumipigil sa pagtatae.
- Huwag pigilan ang pagdumi o pagtae. Ito ay isa sa mga pinakasimpleng paraan upang maiwasan ang sakit na almoranas.
- Iwasan ang sobrang pag-ire. Ang sobrang pag-ire ay nagdudulot ng matinding pressure siyang nagreresulta sa pagkakaroon ng almoranas.
Mga sakit na may sintomas na katulad ng sa almoranas
Hindi lang almoranas ang maaaring sanhi ng pagdurugo ng puwet o ng dugo sa iyong dumi. Mayroon pang ibang mga karamdaman na puwedeng magdulot ng mga sintomas na katulad ng sa almoranas. Ang ilan sa mga ito ay seryosong karamdaman na kailangan ng masusing pagsusuri ng mga doktor.
Ilan sa mga sakit na may katulad na sintomas ng almoranas ay ang mga sumusunod:
Delikado ang mga sakit na ito kaya naman mahalagang mapatingnan sa doktor. Agad ding magpakonsulta sa doktor kung nakararanas ng pananakit ng tiyan, lagnat, matinding constipation o diarrhea, pagduwal at pagsusuka, at matinding pagdurugo sa puwet na may matindi ring pakiramdam ng pagsakit.
Bukod pa rito, kung nasubukan na ang mga nabanggit na gamot at wala pa ring pinagbago o hindi pa rin gumagaling ang almoranas, mahalagang magpatingin sa doktor. Importante ang intervention ng medical health providers para maiwasan ang anomang komplikasyon ng almoranas.
Karagdagang impormasyon mula kay Joyce Vitug at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!