Nangangati ba ang lalamunan at tila garalgal na ang boses? Mayroong iba’t ibang dahilan kung bakit nakararanas ng pangangati ng lalamunan. Karaniwang sintomas ito ng allergy o allergic reactions. Makatutulong ang mga gamot katulad cetirizine bilang gamot para sa makating lalamunan ayon sa mga experts.
Kadalasang allergy ang sanhi ng pangangati ng lalamunan. Nagkakaroon ng allergic reactions kapag nagkaroon ng contact sa allergens na posibleng maka-trigger sa immune system response sa iyong katawan.
Iba’t iba ang level ng allergic reactions. Maaari itong mag-range mula mild hanggang severe. Isa sa mga sintomas ng mild allergic reactions ang makating lalamunan. Pero dahil nagdudulot ito ng hindi komportableng pakiramdam, mahalagang gamutin ito upang hindi na lumala pa.
Larawan mula sa Freepik
Ilan sa mga karaniwang allergens na puwedeng maging sanhi ng makating lalamunan:
- Mold
- Pollen mula sa mga bulaklak, halaman at puno
- Alibakabok
- Pagkain
Puwede rin namang sanhi ng pagkalanghap sa pollutants ang pangangati ng lalamunan, Kapag nakalanghap ng kemikal, matapang na cleaning products, usok ng sigarilyo, o kaya ay pesticide maaaring magdulot ito ng pangangati ng lalamunan.
Samantala, mayroon ding pangangati ng lalamunan na sanhi naman ng bacterial at viral na impeksyon tulad ng common cold o sipon, at strep throat.
Nagsisimula ang mga ito sa makating lalamunan hanggang unti-unti ay maging masakit. Puwede ring mayroon itong kasamang iba pang sintomas tulad ng lagnat at pananakit ng katawan.
Bukod pa rito, posible ring dehydration at acid reflux ang dahilan ng pangangati ng lalamunan.
Sintomas ng allergy
Maaaring magdulot ng congestion sa ilong at sinuses ang allergy at humantong sa pangangati ng lalamunan. Bukod pa rito, maaari ding makaranas ng pag-ubo, pakiramdam na kailangang lumunok maya’t maya, iritasyon sa lalamunan, at hirap sa pagsasalita o tila garagal o paos ang boses.
Ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng allergic reactions ay ang mga sumusunod:
- Runny nose
- Baradong ilong
- Pangangati ng mata at ilong
- Pagbahing
- Pag-ubo
- Pangangati ng lalamunan
Kung ang pangangati ng lalamunan ay nagdudulot na rin ng pagsakit at may kasama pang lagnat at pananakit ng katawan, maaaring sanhi ito ng viral infection. Posibleng mayroon kang common cold o kaya naman ay trangkaso.
Mahalagang magpatingin sa doktor kung viral infection ang rason ng pagkakaroon ng makating lalamunan. Importante ito para malapatan ng tamang paggamot ang iyong karamdaman.
Gamot para sa makating lalamunan kung ang kati ng lalamunan ay dahil sa allergy
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cottonbro
Ang gamot na makatutulong ay ang cetirizine para sa makating lalamunan kung ang sanhi ng pangangati ay allergy. Ang cetirizine ay allergy medication. Uri ito ng antihistamine na maaaring bilhin over-the-counter (OTC) sa mga botika.
Hindi mo na kailangan ng prescription ng doktor para makabili ng cetirizine para sa makating lalamunan. Bukod pa rito, abot kaya rin ang presyo ng cetirizine kaya naman malaki talaga ang ginhawang maibibigay nito para sa makating lalamunan dahil sa allergy.
Mayroong capsule, tablet, chewable tablet, at syrup na cetirizine. Isang beses sa isang araw lang kung ito ay inumin. Ayon sa Healthline, mabilis ang epekto ng cetirizine para sa makating lalamunan.
Maiibsan din nito ang iba pang sintomas ng allergy bukod sa makating lalamunan tulad ng:
- Pangangati at pagluluha ng mata
- Runny nose
- Pagbahing
- Makating ilong
Karaniwang naapektuhan ng allergy ang ilong, sinuses, lalamunan, at iba pang bahagi ng respiratory system. Makatutulong ang cetirizine para sa mga epekto ng allergy tulad ng makating lalamunan.
Maaaring bumili sa botika ng gamot na ito pero mahalaga rin na kumonsulta sa doktor para sigurado. Importanteng itanong sa doktor ang akmang dosage ng cetirizine kung ang iinom ay:
- Mayroong liver o kidney disease
- Mas matanda sa 65 years old
- Dalawa hanggang anim na taong gulang
- Buntis
- Plano o sinusubukang mabuntis
- Nagpapasuso o breastfeeding mom
Samantala, ang usual dosage ng cetirizine para sa mga adults at mga batang edad anim na taon pataas ay isang 10-milligram dose kada araw.
Hindi dapat na lumampas dito ang dosage ng iinuming gamot sa long ng 24 oras. Kung mild lang ang allergic reactions, puwedeng uminom ng tig 5mg twice per day.
TANDAAN: Mas mainam pa ring magpakonsulta sa doktor bago uminom ng gamot na ito.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cottonbro
Side effects ng cetirizine
Kung iinom ng cetirizine para sa makating lalamunan, mahalagang alamin din ang posibleng side effects nito. Karaniwang nagdudulot ng delikadong pagkahilo, panunuyo ng bibig, paglabo ng paningin, overheating at hirap sa paghinga ang mga first-generation antihistamine. Pero dahil second-generation antihistamine ang cetirizine, wala naman itong side effects na maaaring magdulot ng pagkabahala.
Ilan sa mga side effects na maaaring maranasan kung iinom ng cetirizine para sa makating lalamunan:
- Pakiramdam na tila pagod na pagod
- Pananakit ng tiyan
- Pagsusuka
- Panunuyo ng bibig
- Bahagyang pagkahilo
Kung uminom ng cetirizine para sa makating lalamunan at nakaranas ng hindi inaaasahang adverse effect, agad na magpakonsulta sa doktor.
Hindi man karaniwan ang emergency situation dulot ng side effects ng cetirizine mahalaga pa ring magpatingin sa doktor kung sakaling makaranas ng adverse effects na nagdudulot ng pagkabahala. Importante ito para mapanatag ang kalooban at malaman kung side effect ba talaga ng gamot ang nararanasan o hindi.
Bukod pa rito, tandaan din na huwag uminom ng cetirizine para sa makating lalamunan kung mayroon kang allergy sa mga ingredients nito. Kapag may allergy ka sa antihistamine na mayroong hydroxyzine, tandaan na hindi makabubuti ang pag-inom ng cetirizine.
Kung sakali namang ma-overdose ng cetirizine, agad na pumunta sa doktor. Ang karaniwang senyales ng overdose ng cetirizine ay pakiramdam na labis na pagkapagod, pagiging iritable, at matinding pagkahilo.
Home remedy sa makating lalamunan
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cats Coming
Bukod sa pag-inom ng cetirizine mayroon pang ibang maaaaring gawin para maibsan ang makating lalamunan. Narito ang ibang puwedeng subukan:
- Uminom ng maraming tubig o fluid
- Mag mumog o gargle ng maligamgam na tubig na mayroong asin at baking soda
- Umiwas sa allergen na nagdudulot ng pangangati ng lalamunan
- Gumamit ng throat sprays na may numbing effect sa lalamunan. Mayroong active ingredients ito tulad ng benzocaine, eucalyptus oil, at menthol.
- Iwasan muna ang pag-inom ng mga caffeinated beverages tulad ng kape at soft drinks.
- Uminom ng mainit na tsaa o soup. Makatutulong ang warm liquid para mabawasan ang pangangati ng lalamunan.
- Uminom ng dalawang kutsarang pure honey. Puwede ring ihalo sa tsaa ang honey. Makatutulong ito para maibsan ang iritasyon sa lalamunan at maging ang ubo.
- Kung dry air o allergies ang dahilan ng makating lalamunan, maaaring makatulong ang paggamit ng humidifier.
- Maaari ding mag-take ng warm shower para mapigilan ang mucus na magdulot ng pagkatuyo at iritasyon sa lalamunan.
Kailan dapat mabahala
Kung uminom na ng antihistamine tulad ng cetirizine para sa makating lalamunan at nagawa na rin ang mga home remedy para dito, pero hindi pa rin gumagaling, maaaring kumonsulta na sa doktor.
Puwede ring tingnan ang loob ng bibig at silipin ang lalamunan gamit ang salamin at maliwanag na ilaw. Kapag may napansing white patches sa loob ng bibig, o kaya naman ay namumula at tila namamaga ang lalamunan at ngala-ngala, agad na magpatingin sa doktor.
Posible kasing hindi allergy ang sanhi ng makating lalamunan bagkus ay seryosong bacterial infection. Puwedeng mayroon ka pala ng tinatawag na strep throat
. Kung dumaranas ng ganitong kondisyon, mahalagang maresetahan ka ng iyong doktor ng antibiotics. Mas tumitindi kasi at hindi agad gumagaling ang sintomas ng strep throat kung wala ang tulong ng antibiotics.
Agad na kumonsulta sa iyong doktor para ma-eksamin nito ang iyong lalamunan at matingnan kung strep throat nga ba ang nararanasan. Importante ito para malapatan ng akmang paggamot at pangangalaga ang makating lalamunan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!