Katuwaan lang, pero maaring makasama. Alamin rito ang mga epekto ng pang-aasar sa bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Masasamang epekto ng pang-aasar sa bata
- Mga senyales na sumosobra na ang pang-aasar mo sa iyong anak
- Hindi dapat asarin ang bata tungkol sa mga bagay na ito
Bawat pamilya ay magkakaiba. May mga pamilya na mahilig magtawanan, at mayroon din namang mga pamilyang mas seryoso. Wala namang kinalaman ito sa pagmamahal nila sa isa’t isa.
May mga pamilya rin na mahilig magbiruan. Minsan, parang hindi ito maganda sa pandinig ng iba. Pero nagkakaintindihan ang bawat miyembro ng pamilya sa mga inside jokes at wala namang napipikon.
Bilang mga magulang, ang pagbibiro ay isa sa mga paraan natin para maging mas malapit sa ating anak. Minsan, sinasabi pa natin na bahagi ito ng pagpapalaki natin sa ating mga anak. Para hindi sila lumaking “pikon,” o “iyakin.”
Subalit paano mo nga ba masasabi na ang pang-aasar na ginagawa mo sa iyong anak ay sumosobra na? At maari nang maka-apekto sa kaniya?
Epekto ng pang-aasar sa bata
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagbibiro sa bata ay isang paraan para magkaroon ng mabuting relasyon ang mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa.
Subalit kung sosobra at hindi gagawin nang tama, maari rin itong magdulot ng sama ng loob at lamat sa inyong pakikitungo sa inyong tahanan.
Bukod sa pagkakaroon ng lamat sa inyong relasyon, ang labis na pang-aasar sa iyong anak ay maaring makaapekto sa kaniyang paglaki at pag-iisip. Narito ang ilang masamang epekto ng pang-aasar sa bata:
-
Bumababa ang kaniyang self-esteem.
Tungkulin nating mga magulang na palakasin ang loob ng ating anak. Para maramdaman niya na kaya niyang lagpasan ang mga pagsubok.
Subalit kapag nasobrahan ang pang-aasar natin sa kanila, nagiging kabaliktaran ang epekto nito. Tayo pa ang nagiging dahilan para bumaba ang kanilang tingin sa sarili at mawalan ng kumpiyansa sa kanilang kakayahan.
-
Maaaring siyang magkaroon ng depression at anxiety.
Kapag inaasar ang bata at nasaktan ang kaniyang damdamin, maaari siyang malungkot. Ang pagdaraan sa isang malungkot na pangyayari at pagkakaroon ng mababang self-esteem ang isa sa mga sanhi ng depression sa mga bata.
Gayundin, kapag lagi siyang inaasar, maaaring maramdaman ng bata na mayroong mali sa kaniya. At hindi sapat ang kaniyang kakayahan sa isang bagay. Ang ganitong pag-iisip ay maaring pagsimula ng sobrang pag-aalala o anxiety.
-
Makakaapekto ito sa kaniyang pag-aaral
Maraming pag-aaral ang nagpapakita na isa sa mga dahilan ng mababang performance ng isang bata sa paaralan ay kapag nakakaranas siya ng pambu-bully o pang-aasar.
Ito ay dahil nahihirapan siyang magfocus sa kaniyang mga aralin kapag nakakarinig siya ng mga pang-aasar o masasakit na salita.
-
Matututo siyang mang-asar o mangbully.
Kadalasan, ang mga anak na laging inaasar sa bahay ay lagi ring nang-aasar pagdating sa paaralan. Ganoon din sa kaniyang mga kaibigan o maging sa nakababatang kapatid.
Sa pamamagitan ng pang-aasar o pambu-bully, nararamdaman ng bata na mayroon rin siyang kapangyarihan sa mga bata na mas maliit o mas mahina sa kaniya.
Gayundin, kapag lagi niyang naririnig ang pang-aasar, maaaring akalain ng bata na normal ang ganitong lengwahe. Kaya naman maaari lumaki siyang walang galang sa nararamdaman ng ibang tao.
Wala namang magulang ang gustong mapasama ang kanilang anak. Bagama’t katuwaan lang o biruan lang naman ang iyong pang-aasar sa iyong anak, kailangan mo pa ring alamin kung nasasaktan na ang damdaming ng bata at kailangan nang tigilan.
“Teasing done well should be enjoyed by both sides, it should be playful,”ayon kay Carol Bishop Mills, PhD, graduate coordinator at associate professor sa College of Communication and Information Sciences at the University of Alabama.
“But you need to pay attention to your child, if he looks away, tears up, does not engage in banter, you have to recognize that they are not enjoying it.” dagdag niya.
BASAHIN:
Chubby ang bata? Ito ang epekto sa kaniya kapag tinutukso siyang mataba
Ito ang epekto sa relasyon kapag malakas mang-asar ang asawa mo
Mga senyales na nasosobrahan na ang pang-aasar sa bata
Paano mo nga ba malalaman kung sumosobra na ang iyong pang-aasar sa iyong anak? Narito ang ilang senyales:
- Kapag naapektuhan na ang kaniyang self-esteem (nagiging mahiyain, ayaw makipaglaro)
- Naapektuhan ang kaniyang gana sa pagkain
- Nagiging malungkutin at sensitibo
- Nagpapakita ng galit, nananakit o naninigaw kapag inaasar
- Hindi ka na pinapansin o tumatahimik
- Umiiyak at sinasabing tigilan na ang pang-aasar
Gayundin, kailangan mo ring isiping mabuti kung ang pang-aasar sa iyong anak ay nakakabuti sa kaniya o hindi. Kung ang mga salitang sinasabi mo, kahit pabiro, ay nakakasakit ng kaniyang damdamin.
Mga bagay na hindi dapat inaasar sa bata
Isang palaisipan para sa mga magulang: kapag narinig mo ba ang ibang tao na sinasabi ito sa ‘yo o sa anak mo, magugustuhan mo ba ito? Kung hindi, marahil ay hindi mo dapat ito sinasabi sa iyong anak o maging sa ibang tao.
Ayon kay Bishop Mills, ang pang-aasar sa iyong anak tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa kaniyang katauhan o ugali, at mga pwede pang magbago. Tulad ng pagbibiro tungkol sa kaniyang makalat na kuwarto, ay maaring magturo ng aral sa bata.
Pero may mga bagay o paksa tungkol sa bata na hindi dapat ginagawang biro dahil maari itong makaapekto sa kaniya. Narito ang ilan sa kanila:
-
Sa kanilang anyo
Ito ang kadalasang nagiging sanhi ng mababang self-esteem sa mga bata.
“Younger children are still forming their self-image, she explains, “and when they hear the messages enough they internalize them.” ani Bishop Mills.
-
Kanilang timbang
Ayon sa mga pag-aaral, ang pang-aasar o pagbibitaw ng mga masakit na salita tungkol sa timbang ng isang tao ay maaaring maging sanhi ng poor eating habits at eating disorder sa isang tao.
-
Sports performance at academics
Ayon sa isang pag-aaral, “Fun is the number one reason kids like to play sports, and “it’s no longer fun,” is the number one reason kids quit sports.
Ang pakikilahok sa sports ay isang paraan para makapag-relax at unwind ang isang bata. Subalit kung lagi mong pupunahin ang performance o paglalaro ng iyong anak, maaaring mawalan ng gana ang bata na makilahok pa rito.
Ganoon din pagdating sa pag-aaral. Walang masama na pagsabihan ang iyong anak kapag mababa ang nakuha niyang marka, pero iwasan na gawing katatawanan ito.
Maaaring bumaba ang kaniyang self-esteem dahil dito. Maaari rin siyang makaramdam ng masyadong pressure na hindi naman makakatulong sa kaniya para mag-focus at matuto.
-
Pagiging mahiyain
Hindi naman makakatulong ang pang-aasar para mabawasan ang pagiging mahiyain ng bata, bagkus ay maari pa itong makasama. “Teasing a kid about being shy will only make things worse.” ani Bishop Mills.
Kapag binansagan mong mahiyain ang bata, lalo niya itong iisipin. At hindi na niya susubukang buksan ang sarili sa ibang tao at karanasan.
-
Tungkol sa kaniyang mga kinatatakutan
Maaaring ang pagiging mag-isa sa isang kwarto o ang pagiging takot sa dilim ay maliit na bagay lang sa ‘ting matatanda. Pero seryoso ang takot na nararamdaman ng mga bata at hindi dapat gawing katatawanan.
Ang pang-aasar o pagbibiro sa iyong anak tungkol sa mga bagay na kinatatakutan niya ay hindi rin nakakatulong na ma-overcome niya ito.
Sa halip, nararamdaman niyang hindi ka niya pwedeng lapitan tungkol sa mga bagay na ito. Dahil baka babalewalain o tutuksuhin mo lang siya.
Tandaan, tayo dapat ang pinakaunang cheerleader at pinagmumulan ng seguridad ng ating mga anak. Kapag binalewala o ginawa mong katatawanan ang isang bagay na seryoso sa ating anak. Maaaring mabawasan ang pagtingin niya sa’yo at magkaroon ng lamat ang inyong relasyon.
At kung aasarin mo ang iyong anak, dapat ay handa ka rin na asarin o biruin niya. Ayon kay Bishop Mills, “Teasing should also be a two-way street. You have to be willing to let your child tease you about things.”
Kapag nasobrahan ang pang-aasar ng iyong anak, iwasan ang magalit at sabihin sa kaniya nang malumanay na nasasaktan ang iyong damdamin. Gayundin, turuan ang iyong anak na magsabi sa’yo kung mayroon kang nasabi na hindi niya nagustuhan. Huwag mahiyang humingi ng tawad kapag nangyari ito.
Bilang magulang, mayroon tayong magagawa na hindi tama pagdating sa ating anak. Subalit ang mahalaga ay matutunan nating magpakumbaba at matuto sa ating mga pagkakamali.
Source:
Psychology Today, Reader’s Digest, Healthfully