Narito ang ilang epekto ng panunukso sa batang mataba at ano ang iyong magagawa upang maiwasan itong mangyari sa iyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang mga epekto ng panunukso sa batang mataba.
- Paano matutulungan ang isang batang mataba na maiwasan ang mga epektong ito?
Epekto ng panunukso sa batang mataba
Background photo created by jcomp – www.freepik.com
Para sa ating mga magulang napakasarap tingnan kung malusog ang pangangatawan ng ating anak. Pero ito pala ay hindi dapat sosobra.
Sapagkat kung hindi maaari siyang maging mataba at maging tampulan ng panunukso ng mga katulad niyang bata. Ang panunukso ay maaaring magkaroon ng epekto sa overall development niya na pwede niyang madala hanggang sa pagtanda.
Ayon sa mga pag-aaral, ilan sa mga maaaring maging epekto ng panunukso sa batang mataba ay ang sumusunod:
- Sila ay tinitingnan bilang tamad, madumi, stupid at pangit ng mga batang ka-edaran Nila. Ito ay base sa isang pag-aaral na isinagawa sa mga 6 years old na bata.
- Ang mga batang mataba ay ang laging nakakatanggap ng verbal na pang-aabuso sa kanilang eskuwelahan.
- Paniniwala naman ng mga college students sa isang pag-aaral, ang mga batang shoplifters at magnanakaw ay mas mainam pang mapangasawa kaysa mga obese.
- Dahil sa laging natutukso, ang mga batang mataba ay mas gustong umiiwas sa mga physical activities sa school. Tulad nalang ng paglalaro ng isang sport, pagpasok sa gym class na kung saan mas lalo silang tinutukso. Ito ay maaring dahil sa bagal nilang tumakbo o gumawa ng activity dahil sa kanilang katawan.
- Ang mga batang mataba na laging tinutukso ay mas mababa ang self-esteem at confidence kumpara sa ibang bata.
- Sila ay mas mataas ang tiyansang makaranas ng anxiety, eating behaviors, depression at self-harming behaviors dahil sa natatanggap na panunukso sa kanilang pangangatawan.
- Base naman sa isang pag-aaral na inilathala sa journal na Pediatric Society, ang batang mataba na laging tinutukso ay mataas ang tiyansang tumaba pa habang sila ay lumalaki. Mas napapadalas umano ang panunukso, mas nadadagdagan pa ang timbang nila.
BASAHIN:
Lampayatot si bunso? 31 na pagkain na makakatulong para tumaba at gumanda ang katawan ng bata
#AskDok: Paano mabuntis ang mataba? Alamin kung ano ang epekto ng timbang sa pagbubuntis
Pagiging mataba nakakaapekto sa sperm quality ni mister
Ano ang maaari mong gawin para matulungan ang iyong anak?
Ang mga nabanggit na epekto ng panunukso sa batang mataba ay sadyang nakakabahala. Kaya naman bilang magulang ay dapat may gawin kang paraan para maiwasang maranasan ito ng iyong anak.
Kung may anak na chubby o mataba, ay narito ang mga maari mong gawin para maiwasang maranasan niya ang panunukso at ang mga negatibong epekto nito.
Makipag-usap sa iyong anak at turuan siyang maging resilient.
Food photo created by tirachardz – www.freepik.com
Bagama’t may tendency na hindi magsabi ang iyong anak sa panunukso na nararanasan niya ay dapat kausapin pa rin siya tungkol rito.
Ipaliwanag sa kaniya na hindi ito tama at dapat matuto siyang maging resilient. Hindi naman para maipagtanggol ang sarili niya. Kung hindi ay para huwag itong masyadong pansinin o damdamin para hindi na paulit-ulit na gawin pa.
Imbis na umiyak dahil sa paulit-ulit na pang-aasar sa kaniya, turuan siyang i-address ang mga batang nambubully sa kaniya. Turuan siya kung paano i-maintain ang kaniyang composure sa tuwing siya ay inaasar.
Ganoon din sa kung paano niya maaaring talikuran at hindi pansinin ang mga panunukso sa kaniya ng ibang bata.
Anuman ang kulay, hugis ng katawan, o itsura ng mukha ay hindi dapat ginagawang katatawanan. Bilang isang bata mahalagang maipaalam mo ito sa kaniya at i-encourage siyang maging mabuting halimbawa rin sa mga kapwa niya pa bata.
I-address ang panunukso at humingi ng tulong sa mga taong nasa paligid ng iyong anak para matigil na ito.
Sa eskuwelahan ay maaring humingi ng tulong sa principal o teacher ng iyong anak para matigil na ang panunuksong nararanasan niya.
Makakatulong sila para makausap ang mga batang nanunukso sa iyong anak. Sila rin ay maaaring maging taga-bantay ng iyong anak sa eskuwelahan na makakatulong na mapigilan ang panunukso na mas lumala pa.
I-encourage siyang makipag-socialize sa ibang bata.
Kung napapansin mong mas gusto ng iyong anak na mapag-isa, maaaring nakakaranas siya ng bullying o panunukso kaya naman iniiwasan niya na sa iba ay makihalubilo.
I-discourage ito at sa halip ay ipaliwanag sa kaniya na hindi siya dapat mahiya sa kaniyang katawan. Ito ay hindi dapat maging dahilan para siya ay hindi makipagkaibigan o maging masaya.
Para ma-encourage siyang makipag-socialize ay maaring mag-organize ng gathering o party sa inyong bahay. Imbitahin ang mga kaklase at kaibigan niya para sila ay mapalapit sa iyong anak.
I-encourage ang iyong anak na magkaroon ng healthy lifestyle sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Maging mabuting ehemplo o modelo sa iyong anak. Para masigurong magkakaroon siya ng healthy na pangangatawan ay pangunahan siya sa pagkain ng mga prutas at gulay.
Isama rin siya sa mga physical activities o pag-e-exercise na iyong ginagawa. Ipaliwanag sa kaniya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na katawan.
Pero mahalaga rin na ituro sa kaniya na kahit anuman ang kaniyang itsura, ito ay hindi dapat maging batayan sa kung sino siya o paano siya irerespeto ng iba.
Higit sa lahat, iparamdam sa kaniya na siya ay special, minamahal at tine-treasure ng inyong pamilya kahit pa siya ay mataba. Isang bagay na hindi niya dapat ikalungkot o kaya naman ay ikahiya.
Source:
Psychology Today, Science Daily, Healthy Children, Healthline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!