Masarap nga naman na mayakap ng iyong mahal sa buhay. Alamin dito ang magagandang epekto ng pagyakap sa partner upang magkaroon ng isang healthy na relasyon.
Pagyakap o “Hugs” magandang susi raw sa healthy na relasyon
Hindi lang tungkol sa pisikal na katawan ang pagiging healthy, kundi kasali rin dito ang emosyonal at mental na kalusugan. Ang pagyakap sa karelasyon ay isa raw sa mga susi ng pagkakaroon ng healthy na relasyon.
Ayon sa pag-aaral, ang pagyakap sa isang mahal sa buhay ay nakakatulong upang mapaganda ang nararamdaman. Sa kabilang banda, sa kasagsagan ng pandemic na COVID-19 nabawasan daw ito.
Pagyakap sa gitna ng pandemic na COVID-19
Dulot ng pandemic ang social distancing kaya’t ang pagyakap na karaniwang ginagawa ay hindi na magagawa. Dahil daw sa pangyayaring ito kaya lalong naging malalim ang kahulugan ng pagyakap. Kaya naman mas naging matindi pa ang dala nitong benepisyo sa tao.
Bukod pa diyan, nakita rin sa pag-aaral na ang pagyakap ay nakakaganda ng pakiramdam. Lalo raw itong mayroong benepisyo kung ginagawa nang madalas at mahigpit.
Dahil rito, maraming magkakarelasyon daw na nakita ang epekto ng pagyakap sa kanila. Mas naramdaman daw nila ang intimasyon ng isa’t isa at nalalapit pa lalo.
Hindi lang din nakita sa magkakarelasyon romantically ang epekto nito, kundi sa iba pang relasyon. Malaki rin daw ang naitutulong ng hugs kahit pa sa miyembro ng pamilya o kaibigan man iyan.
Madalas na sinasabi ng iba ay nararamdaman nila ang init ng pagmamahal. Habang sa iba naman ay nakakapawi raw ito ng pagod sa isang mahabang araw.