Class suspension agad ang sumalubong sa mga mag-aaral sa iba’t ibang dako ng Philippines sa first week ng pagbabalik face to face classes. Bukod dito ay marami pang isyung pang-edukasyon ang kailangang aksyonan ng Department of Education (DepEd) para sa mas ligtas at mas maayos na balik eskwela.
Mababasa sa artikulong ito:
- Face-to-face classes naantala dahil sa bagyong Florita
- Mga problema sa balik eskwela inaaksyonan na ng DepEd
Face-to-face classes naantala dahil sa bagyong Florita
Kasabay nga ng muling pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes sa Philippines ay ang matinding pagpapaulan ng bagyong Florita sa iba’t ibang dako ng bansa.
Kumalat sa social media ang mga larawan at video sa isang paaralan sa Hagonoy, Bulacan kung saan ay makikitang binubuhat ang mga estudyante para makatawid sa baha patungo sa paaralan.
Mayroon ding larawan kung saan ay baha sa loob mismo ng classroom. Ang mga guro at mag-aaral ay nakalublob ang mga paa sa tubig-baha habang patuloy na nagklaklase.
Nakapanayam ng ‘The Source’ ng CNN Philippines nitong Martes si DepEd spokesperson Atty. Michael Poa hinggil sa mga kaganapan noong unang araw ng face-to-face classes.
Larawan mula sa Freepik
Paliwanag ni Poa, ang local government unit ang may authority na mag-suspend ng klase sa mga pagkakataong tulad ng naganap sa Hagonoy, Bulacan.
“Ang LGU ang primarily may jurisdiction or authority to suspend classes kaagad, in coordination with NDRRMC. Or kapag nakita nilang ganiyang baha, they can easily suspend classes.”
Nakarating din naman sa kanila ang report na ito at nakikipag-ugnayan na raw ang ahensya sa paaralan. Aniya, sa mga ganitong pagkakataon ay dapat nang mag-suspend ng klase dahil hindi na accessible ang school at delikado ito para sa mga learner.
Kasunod nga ng nasabing pangyayari ay ang class suspension sa ikalawa at ikatlong araw ng sana’y pagbabalik-eskwela. Patuloy naman daw na binabantayan ng ahensya ang mga kaganapan.
“Our field operation team is closely cooperating with schools when the students get back,” pahayag ni Poa.
“Ang plano po natin sa learning recovery plan ng ating schools nationwide is that we will be assessing the students. Meaning, we will be giving them assessments so that we will be able to profile our learners and cluster them accordingly. What we are targeting to do is to identify saan ‘yong mga learning gaps ng students at doon mag-focus,” dagdag pa nito.
Larawan mula sa DepEd Facebook page
Ito raw ang mga kailangan nilang i-coordinate sa mga paaralan lalo na sa mga area na apektado ng bagyo dahil nabawasan ang araw ng pagpasok.
“We will come up with updates, and maybe perhaps come up with a plan once we discussed everything with the school and we assessed the situation para po hindi naman maging lugi ang mga bata na ito,” pahayag ni Poa.
Mga problema sa balik eskwela inaaksyonan na ng DepEd
Bukod sa bagyong Florita ay naging usap-usapan din sa social media ang kawalan ng social distancing sa labas ng mga paaralan. Kaugnay ito ng pagbabalik ng face-to-face classes sa Philippines.
Saad ni Poa sa nasabing interview, ang dahilan ng congestion sa labas ng mga school sa unang araw ng face-to-face classes sa Philippines ay ang mga sumusunod:
- Mga katanungan sa enrollment. Marami pa raw kasing hindi pa enrolled
- Mga magulang na sumama sa kanilang mga anak
- Paghingi ng enrollment certificates para sa DSWD educational aid
Aniya, kailangan daw talaga nila ng cooperation mula sa mga magulang ng mga estudyante.
“Of course, our school officials are [having] been advised and are trying their best para hindi lang po sa loob [kundi] pati sa labas ma-maintain natin ‘yong physical distancing.”
Nakipagtulungan din naman daw ang mga LGU sa departamento hinggil sa isyu na ito. Nagdeploy ang mga LGU ng mga pulis o enforcement officers para maging maayos.
Nangako naman si Poa na patuloy nilang oobserbahan ang mga kaganapan sa mga susunod na araw. Para makagawa ng solusyon at maiwasan ang pagkukumpulan sa mga labas ng paaralan.
Larawan mula sa DepEd Facebook page
Bukod sa mga ito ay nabanggit din ni Poa na ang kakulangan sa mga mesa, upuan, classroom, at mga guro.
Sa kakulangan sa classroom, nag-propose na raw ang departamento ng 2023 budget para sa pagpapatayo ng mga karagdagang classroom. Tina-target daw nila na makapagpatayo ng tinatayang 34,000 na mga classroom sa susunod na taon.
Ang mga kulang na school furniture naman ay nagawan na rin umano nila ng paraan.
“There is already a mapping done by the regional offices as early as two weeks ago. We identified schools na may kakulangan sa mga arm chairs, mga tables, mga school furniture. And we also identified schools na may excess.”
Ang ginawa raw muna ng ahensya ay nag-request sa mga school na mayroong excess furniture. At inilipat ito sa mga school na may kakulangan sa mga upuan at mesa.
“Of course, if we will need to purchase more of those, we will do so next year,” aniya.
Ganito rin daw ang plano nilang gawin sa isyu ng kakulangan sa mga guro. Ang mga sobrang guro sa ibang paaralan ay ililipat sa iba na mayroong kakulangan.
Bukod dito ay plano rin ng ahensya na mag-hire ng marami pang guro para sa susunod na taon.
“For next year, we are indeed looking at hiring more teachers po for next year. There’s already a budget allocated for that as well,” ani Poa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!