Makakatulong kung mayroong feeding schedule para kay baby. Narito ang buwanang gabay para sa tamang pagpapakain sa iyong sanggol.
Feeding schedule para kay baby
Masaya si Nanay, kung masaya si baby; at masaya si baby kung busog at masustansiya ang kinakain nito sa kaniyang paglaki, lalo na sa unang taon nito.
Alam natin na ang gatas ng ina ang pinaka-importanteng pagkain ng isang sanggol sa unang 12 buwan. Pero hindi alam ng lahat kung kailan dapat magsimulang pakainin si baby ng solids o iba pang pagkain.
Ngunit ilang months nga ba pwede pakainin ang baby?
Makakatulong kung mayroong feeding schedule para kay baby sa bawat buwan patungo sa kaniyang unang kaarawan.
Unang buwan
Gatas ng ina ang pinakamahalagang pagkain ng iyong bagong panganak. Hindi kailangan ng tubig o kahit anong pagkain.
Ang colostrum na lumalabas na kasama ng gatas ni nanay ay ang kailangan para sa pagiging maayos ng digestive tract ni baby. Ito ang nagbibigay proteksiyon laban sa mga impeksiyon at sakit.
Planuhing mabuti ang pagpapasuso at ang mga alternatibong gatas (formula o mula sa milk bank) kung sakaling hirap magka-gatas si Nanay. Ang pagpapasuso sa gabi, lalo na ay sadyang mahalaga din.
Ikalawang buwan
Katulad din ng sa unang buwan, gatas pa din ang tanging pagkain ng sanggol. Hindi pa handa ang tiyan ng bata para sa kahit anong pagkain.
Si Nanay ang kailangang kumain ng sapat at masustansiya, lalo na ang mga pagkain na nakakatulong sa pagpapadami ng gatas para sa breastfeeding.
Ikatlong buwan
Kung babalik na si Nanay sa trabaho, dapat nang magsimulang mag-express o gumamit ng breast pump para may sapat na gatas pa rin kahit wala si Nanay sa bahay o sa piling ng sanggol. Sa panahong ito, may regular intervals na ang pagkain ni baby.
Ilang months pwede pakainin ang baby? | Image from Dreamstime
Ika-apat na buwan
Kunsultahin ang inyong doktor kung maaaring subukan ang mixed feeding o pagsasalitan ng gatas ng ina at alternatibong gatas. Obserbahan ang gusto o ayaw ng anak. Iwasan ang pagsusubok ng bagong pagkain (liquid) kung bagong bakuna o kung may napapansing allergic reaction si baby.
Ika-limang buwan
Ang gatas ng ina pa rin ang pangunahing pagkain ni baby. Magtanong sa pediatrician tungkol sa mga mapapayong pagkain para sa anak. Maaaring subukang magpatikim ng puree o iba’t-ibang flavor ng juice, ngunit siguraduhing may payo ng doktor.
Ika-anim na buwan
Handa na ang gastrointestinal tract ni baby, kaya’t kaya na nitong makatunaw ng ibang pagkain, hindi lang gatas ni Nanay. Ayon sa mga doktor, ang isang hudyat na handa na ang sanggol sa pagkain ng solids ay kapag dumoble na ang timbang mula sa kaniyang timbang pagkapanganak.
Ganun din kapag nakakaupo na siya mag-isa nang walang suporta, binubuka ang bibig kapag may nakikitang kutsara o pagkain na papalapit, at hindi na tinutulak ng dila ang pagkain na isinusubo sa kaniya.
Patuloy pa din ang pagpapasuso, pero puwede nang magpasubok ng mga malambot na masustansiyang pagkain tulad ng pureed na saging, mansanas, o peaches, at patatas, squash, sweet potatoes (mashed).
Bawat bagong pagkain ay dapat ipasubok ng paunti-unti, 10 araw pagkatapos ng huling pagkaing pinasubok. Ihanda na ang sariling feeding bowl at kubyertos ni baby, pati na ang bib para sa masayang pagpapakain. Paupuin siya sa upuang pang-sanggol o Bumbo seat habang pinapakain.
Paano ipapakain at gaano kadami?
Simulan sa 1 teaspoon na pureed food o cereal. Ihalo ang 4 hanggang 5 teaspoon ng gatas ng ina sa cereal. Unti-unting dagdagan ng 1 tablespoon ng pureed food, o 1 tablespoon ng cereal na may gatas ng ina o formula milk.
Ika-pitong buwan
Patuloy na magpasubok ng mga bagong pagkain, tulad ng porridge o lugaw at oarmeal na may gatas. Maaari na ring magbigay ng kaunting giniling na karne na pinakuluan.
Subukang pakainin ng semi-liquid, iron-fortified cereal, at kaunting unsweetened yogurt. Huwag papainumin ng gatas ng baka o kalabaw.
Huwag iwawaksi ang breastfeeding, kahit 2 hanggang 3 beses lamang sa isang araw. Handa na si baby sa sippy cup o basong pambata na may hawakan at maaari niyang sipsipin.
Ika-walong buwan
Sa pagsapit ng ika-walong buwan, ang feeding schedule para kay baby ay dapat gamay mo na.
Bigyan si baby ng sopas at lugaw, at ilang prutas at gulay na malambot at maaaring i-mash, tulad ng saging, pears, applesauce, peaches, at avocado, at pureed (lutong) carrots, squash, at sweet potato, pati pureed na karne ng manok, baka at baboy.
Unti-unting dagdagan ang karneng ibinibigay. Maaari ding pakainin ng tofu, at unsweetened yogurt. Bigyan din si baby ng Iron-fortified cereal tulad ng oats at barley.
Handa na si baby sa pag-upo sa high chair? Magpasuso sa umaga at gabi lamang, upang hindi tuluyang mawalan ng gatas. Handa na rin si baby sa finger foods o pagkain napupulot niya ng gamit ang daliri at naisusubo ng mag-isa.
Simulan sa 1 teaspoon hanggang 2 o 3 tablespoons sa bawat apat na pagpapakain. kapag cereal, bigyan ng 3 hanggang 9 tablespoons sa bawat 2 o 3 pagpapakain.
Pwede na ba kainin ang 5 months baby? | Image from Pixabay
Ika-siyam na buwan
Subukan nang magpakilala ng isda (pinakuluan o niluto sa oven). Siguraduhin lang na nahimay nang mabuti ang isda at wala na itong tinik. Bigyan si baby ng sariling kutsara o tinidor, at hayaan siyang kumain mag-isa, kahit pa makalat.
Hindi na gatas ng ina ang pangunahing pagkain ni baby, ngunit hindi pa rin dapat itigil ang pagpapasuso. Sanayin na rin siyang uminom nang mag-isa mula sa basong pambata, nang may paggabay.
Ika-sampung buwan
Maaari nang magbigay ng mga noodles, cottage cheese, at pudding. Patuloy na hayaan siyang kumain mag-isa gamit ang kutsara. Marunong na siyang magturo o umabot ng pagkain kapag siya ay gutom, kaya’t obserbahan siyang mabuti lalo na kapag malapit na ang oras ng pagkain.
Kaya na ni baby ang:
- 1/4 hanggang 1/3 cup ng dairy (o 1/2 ounce cheese)
- 1/4 hanggang 1/2 cup ng iron-fortified cereal
- 3/4 hanggang 1 cup na prutas
- 3/4 hanggang 1 cup gulay
- 3 hanggang 4 tablespoons ng pagkaing sagana sa protina
Feeding schedule para kay baby: Ika-11 buwan
Dito na ipakilala si baby sa mga iba’t ibang prutas at gulay, grains, gatas, at tinapay. Hindi pa rin niya kayang kainin lahat ng kinakain ni Nanay at Tatay, kaya’t huwag muna itong pag-eksperimentuhan.
Ang mga pwedeng ipakain ay:
- Soft pasteurized cheese, yogurt, cottage cheese
- Prutas na mashed o hiniwa ng cubes o strips
- Maliliit na hiwa ng gulay na pinakuluan at malambot na (peas, carrots)
- Combo food tulad ng macaroni at cheese, casseroles
- Pagkaing mayaman sa protina (karne, poultry, boneless fish, tofu, at well-cooked beans)
- Finger foods (cereal, maliliit na hiwa ng scrambled eggs, patatas, pasta (fusili o elbow macaroni) biskwit, tinapay (malambot)
- Iron-fortified cereals (barley, wheat, oats, mixed cereals)
Kaya na ni baby ang:
- 1/3 cup dairy (o 1/2 ounce cheese)
- 1/4 hanggang 1/2 cup iron-fortified cereal
- 3/4 hanggang 1 cup prutas
- 3/4 hanggang 1 cup gulay
- 1/8 hanggang 1/4 cup combo food
- 3 hanggang 4 tablespoons pagkaing mayaman sa protina
Ilang months pwede pakainin ang baby? | Image from Dreamstime
Ika-12 buwan
Pagdating ng 12 months, ang feeding schedule para kay baby ay madali na lamang sa’yo.
Kaarawan na ng iyong anak, at iba’t ibang pagkain na rin ang kaya niyang tunawin o kainin. Hindi pa rin siya tuluyang katulad ng mga nakatatanda pagdating sa pagkain, pero patuloy lang na magpakilala ng iba’t ibang masustansiyang pagkain tulad na rin ng couscous, oatmeal, mashed squash at patatas.
Full, balanced at masustansiya ang dapat na kinakain, kaya’t siguraduhing may maibibigay na pagkain na hitik sa bitamina. Mapapahiwatig na ni baby na busog na siya sa pamamagitan ng pag-iling, pagsara ng bibig o pagtulak ng pinggan niya o bowl.
Ayon sa American Academy of Pediatrics, kailangan ng isang bata ng 40 calories bawat araw, sa bawat inch o pulgada ng kaniyang tangkad.
Ano ang pwedeng ipakain?
- Whole milk
- Iba pang produktong dairy (soft pasteurized cheese, full-fat yogurt at cottage cheese)
- Iron-fortified cereals (oats, barley, wheat, mixed cereals)
- Iba pang grains (whole wheat bread, pasta, kanin)
- Prutas (melon, papaya, apricot, grapefruit)
- Gulay (broccoli at cauliflower “trees,” pinakuluan o blanched)
- Protina (itlog, beans, kaunting peanut butter, maliit na piraso ng karne, manok o poultry, isdang inalisan ng tinik, tofu
- Juice (100 percent juice, citrus at non-citrus)
- Honey
Kaya na ni baby ang:
- 1 hanggang 1 1/2 cups ng gatas, o 1 cup yogurt, o 1 to 1 1/2 ounces cheese
- 3 ounces grains (1 ounce = 1 cup cold cereal, 1/2 cup pasta or rice, one slice of bread)
- 1 cup prutas (sariwa, frozen, o delata. Hiwain ang mga pritas ng malilit na piraso.)
- 100 pporsiyentong fruit juice (4 hanggang 6 ounces bawat araw)
- 1 cup gulay (maliliit na piraso at lutong luto)
- 2 ounces protina (1 ounce = isang hiwa ng sandwich meat, 1/3 ng chicken breast, 1/4 lata ng tuna, 1/4 cup ng lutong dry beans, at isang itlog)
Siguraduhing ipapaalam at magtanong sa pediatrician tungkol sa food allergies at sa mga pagkaing sagana sa mga bitamina. Ikaw mommy, anong feeding schedule mo para kay baby?
Gaano kadalas pakainin ang baby
Iba-iba ang bawat bata. Depende din ito sa kung umiinom ang iyong sanggol ng gatas ng ina o formula, dahil mas mabilis nilang natutunaw ang gatas ng ina.
Kung ang iyong baby ay newborn, sila ay nangangailangan ng gatas kada 1.5 hanggang 3 oras. Ang newborn ay dapat na pasusuhin ng 8 hanggang 12 beses sa isang araw sa kaniyang unang buwan.
Sa ika-4 hanggang 8 linggong gulang, magiging pito hanggang siyam na beses na siyang kailangang i-breastfeed sa isang araw.
Habang tumatanda sila, dahan-dahang nababawasan ang kanilang pagkain ng gatas mula sa ina. At dito na magsisimula ang mas predictable pattern ng kanilang pagkain.
Kung formula milk naman ang iniinom ng iyong baby, nangangailangan siya ng 1 bote ng gatas tuwing 2 hanggang 3 oras sa isang araw. Habang siya ay lumalaki, dapat ay makatagal silang hindi umiinom ng gatas ng 3 hanggang 4 oras.
- Newborn hanggang 2 buwan – Sa unang araw pagkapanganak kay baby, maaaring painumin siya ng 1/2 ounce ng gatas. Mabilis tataas ang demand nila sa gatas habang sila ay lumalaki. Sa ika-2 linggo ni baby, nangangailangan na siya ng 2-3 ounce ng breastmilk.
- 2-4 buwan – Sa edad na ito, ang iyong baby ay dapat umiinom na ng 4 hanggang 5 ounce ng breastmilk
- 4-6 buwan – Sa ika-4 na buwan, si baby ay nangangailangan na ng 4 hanggang 6 ounce sa bawat pagpapakain. Samantala, sa ika-6 na buwan nito, siya ay nangangailangan na ng 8 ounce ng pagkain.
Ito ay general guidelines para mabigyan ng sapat na pagkain ang iyong anak. Ngunit ito’y depende pa rin sa kanilang gawi, bilis ng paglaki, at edad.
Ikaw mommy, anong feeding schedule mo para kay baby?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!