Maliban sa mga benepisyong makukuha ng sanggol mula sa inang umiinom ng fish oil para sa buntis, napag-alaman din ng isang pag-aaraal na ang pag-inom nito ay makakabawas ng tiyansa ng premature birth o delivery.
Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng mga mananaliksik mula sa University of Adelaide, South Australia, napag-alaman na ang pag-inom ng fish oil para sa buntis araw-araw ay nagpapababa ng halos 42% na tiyansang magkaroon ng premature birth. Ito ay kanilang nadiskubre ng kanilang balikan at muling pag-aralan ang mga resulta ng mga naunang pitumpung pagsusuri na sumasaklaw sa 20,000 na kababaihan.
Natuklasan nga na ang dalawang uri ng omega 3 fatty acids na eicosapentaenoic acid (EPA) at docosahexaenoic acid (DHA) na matatagpuan sa salmon at iba pang fish oil tulad ng cod liver oil ay nagpapababa ng tiyansang maipanganak ang sanggol bago ang kabuuang 37 weeks na pagbubuntis. Binabawasan daw ng mga fatty acids na ito ang mga hormones na nagdudulot ng premature birth o ang maagang kapanganakan.
Ang mga omega 3 fatty acids narin daw na ito ay makakatulong din para maipanganak ang isang sanggol na nasa wasto at hindi kulang na timbang.
Itinuturing na napaka-halaga ng bagong tuklas na kaalaman na ito para sa mga nagdadalang-tao dahil kokonti lamang ang mga paraan na maaring gawin para maiwasan ang premature birth, ayon ito kay Professor Philippina Middleton mula sa South Australia Health and Medical Research Institute (SAHMRI).
Ang premature birth ay ang tinuturong dahilan ng kamatayan ng mga batang limang taong gulang pababa sa buong mundo na magpahanggang ngayon ay hindi parin natutukoy ang malinaw na dahilan lalo na sa mga babaeng may malusog na pangangatawan.
Fish oil para sa buntis
Ipinapayo nga ng mga eksperto na dapat magsimula na agad uminom ng fish oil supplements ang mga buntis araw-araw mula sa ika-12 na linggo na pagbubuntis.
Ang fish oil para sa buntis na kailangan nilang inumin ay dapat nagtataglay ng 500 to 1000mg ng omega 3 fatty acids na kung saan ang DHA ay hindi bababa sa 500mg.
Bagamat ang omega 3 fatty acids ay makukuha rin sa pagkain ng mga oily fish tulad ng salmon, ipinapayo parin ng mga eksperto na dapat itong limitahan sa kadahilanang nae-expose sa mga pollutants at mercury ang mga ito na makakasama para sa mga sanggol.
Kaya naman ang pag-inom ng mga fish oil supplements ay isang alternatibong paraan para makuha ang mga omega 3 fatty acids na ito na mahalaga sa mga babaeng nagdadalang tao.
Maliban nga sa pagpapababa ng tiyansa ng premature birth, malaki rin ang naitutulong ng fish oil para sa buntis at sa development ng sanggol na nasa sinapupunan nito. Ang EPA Omega-3 fatty acid na tinataglay nito ay sumusuporta sa development ng puso at immune system ng isang sanggol.
Samantalang ang DHA naman ay sumusuporta sa development ng utak, mata at central nervous system nito. Ang omega-3 fatty acids ay nakatutulong upang maiwasan rin ang pagkakaroon ng allergies sa mga babies. Kaya maliban sa nagdadalang-tao ipinapayo rin na inumin parin ito ng mga ina na nagpapasuso.
Ang paginom ng fish oil para sa buntis ay nagdudulot rin ng iba pang positibong epekto sa pagdadalang-tao ng isang babae. Ang omega-3 fatty acids na EPA at DHA ay nakakabawas rin ng tiyansang makaranas ng preeclampsia ang isang buntis o ang pagkakaroon ng mataas na presyon sa dugo. Samantalang ang kakulangan naman ng omega-3 ay nakakapagtaas ng tiyansa ng depresyon sa mga babae matapos manganak.
Napakaimportante ng pag-inom ng mga fish oil supplements dahil ang omega-3 fatty acids na taglay nito ay nagpapanatili ng balanseng produksyon ng hormones na kung tawagin ay prostaglandins. Ito ay responsible sa pagpapanatili ng maayos na physiological functions tulad ng blood pressure, blood clotting, nerve transmission at ang paglaban ng katawan sa pamamaga at mga allergies. Responsible din ito sa maayos na pag-gana ng kidney at gastrointestinal tract at sa produksyon ng iba pang hormones na importante sa ating katawan.
Marami ngang benepisyo sa kalusugan ng isang buntis at ng kanyang sanggol na dinadala ang pag-inom ng fish oil supplement. May iba-ibang klase nga ng fish oil supplement na maaring bilhin at inumin ng mga buntis, katulad ng ATC fish oil at Kirkland fish oil.
Sources: WebMD, American Pregnancy, Daily Mail
Photo: Pixabay
Basahin:
Should I be Taking Prenatal Vitamins?
Kakulangan ng zinc sa kinakain ng buntis, maaaring magdulot ng autism sa baby
Pagkain na may gluten, iwasan daw kapag nagbubuntis!