Isang 6-taong gulang na bata ang nag-aagaw-buhay ngayon dahil sa impeksyon na galing sa flesh-eating bacteria. Hindi lubos akalain ng kaniyang ina na matinding karamdaman na pala ang kondisyon ng anak, dahil noong una ay akala nilang simpleng strep throat lang ang sakit ng bata.
Flesh-eating bacteria, posibleng magmula sa strep throat
Ang batang si Chance Wade, mula sa Mississippi, USA, ay kasalukuyang nasa ospital, dahil umano sa flesh-eating bacteria. Ayon sa kaniyang inang si Melissa Evans, nagsimula daw ito nang magsabi si Chance sa may masakit sa kaniyang binti.
Dinala ni Melissa si Chance sa ospital, at napag-alamang mayroon palang strep throat ang bata. Ngunit nakapagtataka pa rin kung bakit sumasakit ang binti ni Chance. Ang hindi nila alam ay mayroon na palang kumakalat na sakit sa buong katawan ni Chance.
Nang dalhin ulit ni Melissa si Chance sa ospital, doon na nila nalaman na kumalat na nga ang impeksyon sa kaniyang katawan. Nagsimula raw kumalat ang flesh-eating bacteria sa buong hita ni Chance, hanggang sa tuhod, at kumalat na rin daw sa kabila niyang binti.
Mangiyak-ngiyak daw si Melissa nang makita ang kondisyon ng anak. Tatlong beses na raw siyang inoperahan para matanggal ang patay na tissue at mapigilan ang pagkalat ng impekyon. Kasalukuyang stable naman ang kondisyon ni Chance, at umaasa ang kaniyang ina na makakauwi rin ang bata sa Pasko.
Dahil sa nangyari, nananawagan si Melissa sa ibang mga magulang na hindi dapat balewalain ang ganitong karamdaman. Aniya, hindi raw niya alam kung ano ang necrotizing fascitis bago ito nangyari sa anak niya. Kaya’t mahalaga raw na malaman ng mga magulang ang tungkol sa sakit na ito, upang mas maprotektahan nila ang kanilang mga anak.
Heto ang nangyari sa binti ni Chance dahil sa flesh-eating bacteria. | Source: Melissa Dianne Evans/Fox News
Paano makakaiwas sa flesh-eating bacteria?
Ang katotohanan ay imposibleng makaiwas ng 100% sa ganitong klaseng impeksyon. Pero mayroong mga paraan na nakakapagpababa ng posibilidad na mahawa ng ganitong sakit ang iyong anak.
Heto ang ilang tips na kailangang tandaan:
- Ugaliing maghugas palagi ng kamay bago kumain.
- Kapag may sugat ang iyong anak, o kaya gasgas, siguraduhing linisin itong mabuti ng anti-bacterial soap, at panatilihin itong malinis.
- Huwag din balewalain ang mga kagat ng lamok o insekto, dahil posible rin itong maimpeksyon ng bacteria.
Kung sa tingin mo ay baka may flesh-eating bacteria ang anak mo, o kaya may nararamdaman silang kakaiba, huwag mag-atubiling pumunta sa doktor upang matingnan ang kaniyang kalagayan.
Source: Fox News
Basahin: Flesh-eating bacteria, kinain ang tiyan ng bagong panganak na ina
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!