Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19

"Nakapagpabakuna na ako. Ibig-sabihin ba ay ligtas na rin ang anak ko?" Alamin ang sagot sa katanungang ito at alamin kung paano poprotektahan ang iyong anak mula sa Covid-19.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Tumataas na naman ang kaso ng Covid-19. Alamin kung paano mo masisiguro ang kaligtasan ng iyong pamilya. Basahin itong gabay para sa magulang sa panahon ng Covid-19.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Ligtas na ba ang iyong anak kapag nabakunahan ka na?
  • Gabay sa magulang sa panahon ng Covid-19
  • Paano mapoprotektahan ang iyong pamilya laban sa COVID-19

Sa buong mundo, mahigit isang-daang milyong tao na ang tinamaan ng COVID-19. Marami na ring pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay dulot ng pandemyang ito.

Pero bilang magulang, hindi tayo dapat pangunahan ng takot. Kailangang manatiling alerto sa banta ng COVID-19 at alamin kung anong pwede mong gawin para maprotektahan mo ang iyong pamilya sa sakit na ito.

Gabay sa magulang sa panahon ng COVID-19: Tungkol sa sakit na ito

Larawan mula sa Freepik

Ang COVID-19 ay isang respiratory disease na sanhi ng coronavirus na SARS-CoV2. Gaya nang nababalitaan natin sa social media, napakabilis kumalat ng sakit na ito. Maaaring mayroong kang kaibigan o kamag-anak na nagkaroon na ng COVID-19.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng droplets na nialalabas ng isang taong may COVID-19. Sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo o pagsasalita. Kapag  kumapit sa iyong kamay ang virus at humawak ka sa iyong mata, ilong o bibig, maaari ka na ring magkaroon ng COVID-19.

Sa loob ng 2 hanggang 14 araw matapos makuha ang virus. Maaari nang lumabas ang mga sintomas ang COVID-19 na naihahalintulad din sa trangkaso. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • ubo
  • lagnat
  • panghihina
  • pananakit ng katawan
  • pananakit ng tiyan
  • pagtatae
  • pananakit ng ulo
  • kawalan ng panlasa
  • rashes
  • pananakit ng lalamunan

Bagama’t may mga taong tinatawag na “asymptomatic” o walang nararamdamang sintomas at mabilis na gumaling mula sa sakit na ito. Maaari pa rin itong magdulot ng mga seryosong karamdaman sa ibang tao.

Ang mga taong may pinakamataas na risk factor sa COVID-19 ay ang mga taong may sakit sa baga. Ang iba pang taong  tinatawag na high-risk sa mga kumplikasyong dala ng COVID-19 ay ang mga buntis, senior citizens (taong may edad 65 pataas) at may mga pre-existing medical condition gaya ng sakit sa atay, asthma, renal failure, sakit sa puso, altapresyon at diabetes.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Gayunpaman, lahat ay pinag-iingat dahil walang pinipiling edad ang sakit na ito.

Humingi agad ng tulong kung ikaw o isang miyembro ng iyong pamilya ay makakaranas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Hirap sa paghinga
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagkabalisa at pagkahilo
  • Nahihirapang maging alerto
  • Pamumutla ng balat, labi at kuko

Gabay para sa magulang sa panahon ng COVID-19:  Mga Bata

Maging ang mga bata ay hindi na ligtas mula sa sakit na COVID-19. Kung dati ay bihira lang sa mga bata ang dapuan ng sakit na ito, ngayon, dahil sa mga mas nakakahawang variant na lumalabas, may mga bata na nagkakaroon ng mild hanggang sa matitinding sintomas mula sa sakit na ito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maari silang makaranas ng mga pneumonia-like symptoms at pagbaba ng kanilang oxygen.

Sa kasalukuyan, dito sa bansa, nagsimula na ang pagbibigay ng bakuna laban sa Covid-19 sa mga batang edad 12 hanggang 17.  Pero patuloy pa ring pinag-iingat ang mas maliliit na bata dahil hindi pa dumadating sa Pilipinas ang bakuna para sa mga batang edad 5 hanggang 12, at wala pang naaprubahang bakuna para sa mga sanggol at batang 2-anyos pababa.

“Nabakunahan na ako. Ligtas na ba ang aking anak?”

Gaya ng nabanggit, nagsimula na ngang ipamahagi ang bakuna para sa COVID-19 dito sa Pilipinas.

Kung ikaw ay nakatanggap na ng bakuna, marahil natanong mo na kung ano ang magiging epekto nito sa iyong anak at sa inyong pamilya.

Ayon kay Dr. Katherine O’Brien, isang pediatric infectious disease physician at epidemiologist sa WHO, kahit na napatunayan na na ang mga bakuna ay epektibo para maprotektahan ang tao mula sa sakit at mga sintomas ng COVID-19, wala pang sapat na ebidensya na pinoprotektahan nito ang nabakunahan mula sa virus at sa posibilidad na maipasa ito sa ibang tao.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“The clinical trials demonstrated that these vaccines protect people against disease. What we don’t know yet from the clinical trials is whether or not the vaccines also protect people from just getting infected with the SARS-CoV-2 virus and whether or not it protects against transmitting to somebody else.” ani Dr. O’Brien.

Payo ng WHO, kailangan pa ring maging maingat ng taong nabakunahan para hindi siya makahawa, lalo na sa mga grupo kung saan wala pang naiimbentong bakuna, gaya ng kabataan.

“We don’t have the evidence for use of vaccines in children, for instance. So for the time being, those age groups are going to continue to be at risk of both disease and infection and being able to transmit to other people,” dagdag pa niya.

Gabay para sa magulang sa panahon ng COVID-19: Mga dapat tandaan

Kamakailan lang ay nagpalabas ang Philippine Pediatric Society ng isang gabay para sa mga magulang sa panahon ng Covid-19. Tinatalakay sa report na A Parent’s Guide on Covid-19 Infection in Children kung ano ang mga bagay na dapat mong gawin upang maiwasan ang sakit at maprotektahan ang buong pamilya, pati na rin ang tamang pangangalaga sa isang batang dadapuan ng sakit.

Dahil sa dumarami na naman ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa, mas tumataas ang posibilidad ng pagkalat ng sakit. Hindi malayo na mayroon kang kakilala o maging kapamilya na nagkaroon na ng sakit na ito. Kaya naman upang matulungan ka sa tamang pangangalaga sa iyong anak at buong pamilya sa panahong ito, narito ang kasagutan sa ilang mga tanong kaugnay ng Covid-19.

Sino ang dapat magpa-test?

  • Mga taong nakakaranas ng sintomas ng Covid-19, bata man o matanda, mayroon man silang bakuna o wala.
  • Ang mga taong nagkaroon ng close contact sa isang taong nagpositibo sa Covid-19 (2 araw bago lumabas ang sintomas at 14 araw paglabas ng sintomas)
  • Mga taong nag-aalaga sa mga pasyenteng may sakit ng Covid-19

Kailan dapat magpa-test ang bata?

Kapag ang bata ay nakakaranas ng mga sintomas ng Covid-19, lalo na kung nagkaroon siya ng close contact sa isang taong nagpositibo sa sakit, dapat ay sumailalim agad siya sa swab test.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kung wala namang siyang nararamdamang sintomas ngunit na-expose siya sa isang Covid-19 positive na tao, maari siyang sumailalim sa swab test 5 hanggang 7 araw pagkatapos ng kaniyang exposure.

Kapag ang resulta ng test ay positive, kahit walang nararamdamang sintomas, dapat ay mag-isolate ang bata sa loob ng 14 araw na magsisimula sa araw na isinagawa ang test. Samantala, kung negative naman ang resulta ng test, patuloy pa rin na mag-isolate sa loob ng 14 araw.

Ang RT-PCR test raw ang pinaka-accurate na test at siyang pinapayo na isagawa para malaman kung mayroong Covid-19 ang isang tao.

Pangangalaga sa batang may Covid-19

Sinong pwedeng magpagaling sa bahay?

Dahil sa nagkakaroon ng kakulangan sa mga ospital ngayon, ang mga batang positibo sa Covid-19 at nakakaranas ng sumusunod na sintomas ay maaring magpagaling sa bahay:

  • Lagnat na hindi tataas sa 38°C
  • Ubo
  • Sipon
  • Pagtatae
  • Pananakit ng ulo
  • Kawalan ng panlasa o pang-amoy
  • Kawalan ng gana sa pagkain

Habang nagpapagaling sa bahay ang iyong anak, narito ang mga dapat mong gawin:

  • I-monitor ang kaniyang temperatura every 4 hours
  • Hikayatin ang bata na magpahinga at uminom ng maraming tubig
  • I-monitor ang kaniyang oxygen level every 6 hours gamit ang pulse oximeter, o antabayanan ang pagbabago sa paghinga ng bata
  • Bigyan siya ng gamot kung nilalagnat
  • I-monitor rin ang dalas, dami at kulay ng kaniyang ihi
  • Pakainin ng masusustansiyang pagkain, kung maari, mga malalambot na pagkain na madaling lunukin
  • Ipagpatuloy ang breastfeeding
  • Makipag-ugnayan sa kaniyang doktor

Kailan dapat tumawag sa doktor?

Tawagan agad ang iyong pediatrician kapag napansin ang mga sintomas na ito sa iyong anak:

  • patuloy na lagnat at lagnat na 38.1°C pataas
  • ayaw kumain o uminom ng bata
  • pananakit ng tenga o may fluid na lumalabas sa tenga
  • sipon na mahigit 2 linggo na
  • matinding ubo at pananakit ng dibdib
  • pananakit ng ulo
  • pagtatae at pananakit ng tiyan
  • hirap sa paghinga
  • lalong lumalala ang sakit

Kailan dapat dalhin sa emergency room ang bata?

Huwag nang magdalawang-isip na dalhin sa ospital ang iyong anak kapag:

  • Dehydrated na ang bata – nahihilo, tuyo ang labi, malalim ang mata, umiiyak ng walang luha, kaunti ang ihi
  • hindi nakakainom nang sapat
  • nababalisa at nahihirapang magsalita
  • nahihilo at parang wala sa sarili
  • nahihirapang huminga o parang hinihingal
  • namumutla o nagiging kulay blue ang labi
  • may oxygen level na mababa sa 95% gamit ang oximeter

Paano mapoprotektahan ang ibang miyembro ng pamilya?

Habang nagpapagaling ang iyong anak na may Covid-19, siguruhing napoprotektahan ang ibang miyembro ng pamilya laban sa sakit. Narito ang ilang bagay na dapat tandaan para hindi na kumalat ang virus sa inyong tahanan:

  • I-isolate na ang bata at ikaw na nag-aalaga mula sa ibang miyembro ng pamilya, pati na rin sa mga alagang hayop. Mas mabuti kung mayroong hiwalay na kwarto at banyo ang pasyente.
  • Isa lang dapat ang taong aatasan para bantayan at alagaan ang bata para hindi na mahawa ang iba. Siguruhing malakas ang pangangatawan ng pipiliing tagapag-alaga.
  • Kung lalabas ng kwarto ang bata, siguruhing nakasuot siya ng mask
  • Lahat ng miyembro ng pamilya ay dapat ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, o kaya naman gumamit ng sanitizer na may 60% alcohol.
  • Dapat iwasan ng bawat miyembro ng pamilya na hawakan ang kanilang mukha, lalo na ang kanilang mata at bibig, maliban lang kung kakalinis lang nila ng kanilang kamay.
  • Turuan ang batang may sakit na umubo o magpahid ng sipon gamit ang tissue, itapon ito agad sa basurahan at maghugas agad ng kamay.
  • Ihiwalay ang mga gamit ng batang may sakit. Kabilang rito ang mga plato, kubyertos, baso, unan, kumot, at tuwalya. Hiwalay rin ang paglalaba ng kaniyang mga damit na dapat ibabad sa mainit na tubig.
  • Siguruhin na maganda ang labas at pasok ng hangin sa lahat ng kwarto sa bahay.
  • Gumamit ng disinfectant sa paglilinis ng mga gamit sa bahay.
  • Iwasan muna ang tumanggap ng bisita.

Kapag magaling na ang iyong anak, linisin mo agad ang kuwarto kung saan siya nanatili habang siya ay may sakit bago hayaang pumasok rito ang ibang miyembro ng pamilya.

BASAHIN:

Benepisyo ng sapat na pagtulog sa panahon ng COVID-19

Safe ba ang COVID-19 vaccine sa buntis?

Tumataas na naman ang kaso ng COVID, dapat ka bang bumili ng face mask para sa bata?

Gabay para sa magulang sa panahon ng COVID-19: Paano iingatan ang pamilya?

Hindi biro ang sakit na Covid-19, bata man o matanda. Kaya naman napaka-importante na maging maingat para maiwasang makapasok ang Covid-19 sa inyong tahanan.

Ang pangunahing paraan para makaiwas sa panganib ng sakit na ito ay magpa-bakuna.

Narito rin ang ilang bagay na dapat mong tandaan pagdating sa pagprotekta sa iyong pamilya mula sa virus.

Mga bagay na dapat iwasan

  • Paglabas ng bahay at pagpunta sa pampublikong lugar kung hindi naman importante ang gagawin.
  • Paghawak sa iyong mga mata at bibig kapag marumi ang iyong kamay, lalo na kung nasa pampublikong lugar.
  • Pagtanggal ng iyong face mask sa pampublikong lugar.
  • Pagpunta sa mga malalaking handaan kung saan maari kang ma-expose sa maraming tao, lalo na kung indoor ang lugar.
  • Pagkain kasama ang ibang tao na hindi bahagi ng iyong circle o bubble (nakatira sa isang bahay). Dapat ay iwasan ang pagsasalita (maging pagkanta at pagkain) kasama ang ibang tao para maiwasan ang risk ng infection.
  • Pagyakap o paghawak sa ibang tao na hindi parte ng iyong bubble. Dapat limitahan lang ang exposure ng hindi tatagal sa 15 minuto, at sundin ang social distancing (at least 6 feet mula sa isa’t isa). Iwasan muna ang contact sports.
  • Paglabas sa mga bata sa mga pampublikong lugar, lalo na sa ospital (maliban na lang kung sila ang may check-up), at lalo na kung gagamit ng pampublikong transportasyon.
  • Pakikipaglaro sa ibang bata na hindi nakatira sa inyong bahay.
  • Pagtanggap ng mga bisita sa inyong bahay. Kung kailangang magpapasok ng tao sa bahay, siguruhin na sila ay fully vaccinated o kaya naman ay negative sa Covid-19 test.
  • Paglabas ng bahay at pagpasok sa trabaho kapag masama na ang pakiramdam at parang magkakasakit.

Iwasan rin ang paniniwala sa mga fake news pagdating sa Covid-19. Siguruhing kukunin mo ang lahat ng impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source. At pinakamaganda kung lagi kang sasangguni sa inyong doktor.

Mga dapat gawin

  • Turuan ang bawat miyembro ng pamilya ng kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at pagiging malinis sa katawan.
  • Panatiliing malinis ang inyong bahay.
  • Siguruhing maganda ang labas at pasok ng hangin sa bawat kwarto ng inyong tahanan. Buksan ang mga pinto at bintana nang madalas para magkaroon ng proper ventilation sa mga silid.
  • Para sa mga bata, siguruhing updated sila sa kanilang vaccination schedule para makaiwas sa mga posibleng komplikasyon kung sakaling tamaan ng Covid-19.
  • Siguruhin na alam ng bawat miyembro ng pamilya ang tamang paraan ng pagsuot ng face mask, pati na rin ang pagtapon nito. Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos hawakan ang face mask.
  • Kumain ng masusustansyang pagkain at uminom ng maraming tubig para makaiwas sa sakit.
  • Para sa karagdagang proteksyon, maaring uminom ng supplements na mayroong Vitamin C, vitamin D, zinc at folate.
  • Makakatulong rin ang pag-eehersisyo para mapanatili ang magandang kalusugan, pero gawin ito sa mga lugar na may open space.

Larawan mula sa Freepik

Hindi madali ang panahong ito, hindi lang sa ating matatanda, kundi maging sa mga bata. Pero kailangang unahin natin ang kanilang kaligtasan at kalusugan sa lahat ng oras.

Kaya naman mag-doble ingat kung maari para maiwasan ang panganib ng Covid-19 at maprotektahan ang inyong pamilya at mga mahal sa buhay.

 

Source:

CDC, DOH, WHO, PPS

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Camille Eusebio