Natural lamang sa isang tao ang mag-iba ang ugali kapag nagagalit. Ngunit minsan, ang bunga ng ating galit ay hindi na kayang maibalik pa. Kagaya na lamang sa kaso ng isang ina sa Hong Kong na napabalitang itinapon ang kanyang apat na taong gulang na anak sa bintana ng kanilang tinutuluyan. Ayon sa ulat ng New Straits Times, nalaglag ang bata ng 15 metro mula sa ikaapat na palapag.
Ang nanay, nasa nasa edad na 35, ay nagalit diumano sa kaniyang dating asawa matapos na magtalo.
Galit sa asawa
Ayon sa ulat, naisa-pinal na ang diborsyo ng mag-asawa. Nakasaad sa desisyon ng korte na paghahatian ng mag-asawa ang kustodiya ng kanilang dalawang anak: Ang panganay na anak ay mapupunta sa misis, samantalang ang bunso naman ay mapupunta sa mister.
Natatandaan umano ng panganay na anak kung paano nakiusap ang kanilang nanay sa kanilang tatay na makasama ang bunso niyang kapatid. Subalit nang dumating ang araw para sunduin na ng tatay ang bunso, doon na nangyari ang kanilang matinding pagtatalo. Dahil sa labis na galit sa dating asawa, binuhat ng nanay ang kaniyang bunsong anak at itinapon sa bintana.
Mapalad namang nalaglag ang bata sa mga kable ng kuryente at mga kahon na gawa sa foam nang ihagis siya ng kanyang ina. Nagsilbing kutson ang mga ito nang mabagsakan ng bata.
Naiulat na nagdurugo ang likod ng ulo ng bata nang matagpuan at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon sa mga oras na ito.
Matinding galit sa asawa: Paano natin maiiwasan na maibunton sa mga anak?
Bagaman hindi natin alam ang tunay na nangyari sa loob ng tahanan ng pamilya, hindi natin maitatanggi na nakakagawa tayong lahat ng mga padalos-dalos na bagay o desisyon kapag tayo ay sobrang nagagalit.
Isinulat sa Psychology Today ni Dr. Laura Markham na importante para sa mga magulang na kontrolin ang kanila emosyon at huwag basta-basta magpapadala sa bugso ng kanilang damdamin.
Narito ang ilang payo mula kay Dr. Markham:
1. Magtimpi ng galit
Ang angkop na paraan kung paano mo haharapin ang iyong galit ay ang ipagpalagay na maaaring maapektuhan ang isip ng iyong anak kapag ikaw ay nag-alboroto sa galit.
Kung nararamdaman mong nagsisimula ng tumindi ng iyong galit, subukan mong mag-isip ng paraan kung paano ito makakayanan.
Ipinapayo ni Dr. Markham na huwag sigawan ang inyong mga anak. Kung kailangan mong sumigaw, ang payo niya ay humanap ka ng pribadong lugar upang pagnilayan ang iyong nararamdaman.
2. Kalmahin ang sarili bago kumilos
Bago ka magsalita o kumilos, isipin mo muna kung paano nito maaapektuhan ang iyong anak. Tanggalin ang tensyon sa pamamagitan ng paghinga ng malalim, pagbilang ng isa hanggang sampu, paghanap ng katatawanan sa sitwasyon, o mag-isip ng kahit na anong bagay na makakapagpakalma sayo.
3. Tanggapin ang galit ngunit huwag hayaang kontrolin ka nito
Ang galit ay maaring magbigay ng mahalagang aral sayo. Ipinapakita nito sa’yo kung ano ang pinangangalagaan natin bilang mga magulang at kung ano ang mahalaga sa atin. Ito rin ang magpapakita sa atin ng kung ano ang mga dapat pa nating linangin sa ating sarili.
Bawasan ang matinding pagpapahayag ng iyong damdamin dahil naniniwala si Dr. Markham na hindi nito mapapawala ang nararamdaman mong galit bagkus, lalo lamang itong lalala.
Matinding galit sa asawa: Normal lamang na magalit ka sa iyong mga anak ngunit dapat ka pa ring manatiling mapagmahal sa kanila. | Image source: Shutterstock
4. Iwasang manakit, magmura, o magbanta
Nagbabala si Dr. Markham laban sa paggamit ng berbal o pisikal na pananakit sa iyong anak. Maaari mong pagsisihan ito at ihingi ng tawad pagkatapos, ngunit tatatak na ito sa isipan ng iyong anak. Maari rin silang magkaroon ng labis na takot sayo hanggang sa kanilang pagtanda.
5. Maghintay muna bago disiplinahin ang iyong anak
Kung may bagay na nagawa ang iyong anak na ikinagalit mo, paniguradong titiyakin mo na maturuan siya ng leksyon. Ngunit hindi dapat magmadali.
Huminto muna at isiping mabuti ang sitwasyon upang malaman mo kung anong pangaral ang dapat mong ibigay sa iyong anak. Ang mga bata ay madaling mapasunod at lagi nilang nais na napapasaya ang kanilang mga magulang kaya dapat na isaalang-alang din ang kanilang mga damdamin.
Siguruhin na ang pangaral sa kanila ay angkop sa kanilang edad. Ipaintindi rin sa mga bata na ang kanilang maling nagawa ay hindi nangangahulugan na masamang bata na sila.
6. Piliin ang iyong laban
Pinakahuli, palagpasin ang mga maliliit na bagay. May mga panahong nakakaramdam ka ng pagkabigo dahil sa sobrang sigasig mo na palakihing mabuti ang iyong anak ngunit dapat mong piliin kung ano ang dapat mong palagpasin. Huwag mong hayaan ang sarili mong napipikon sa lahat ng oras.
Gamitin mo ang iyong galit bilang oportunidad na linangin ang iyong emotional growth. Hindi lamang nito pinapakalma ang iyong sarili. Naipapakita mo pa sa iyong mga anak ang tamang paraan kung paano dapat harapin ang matinding emosyon sa malusog at nakabubuting paraan.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ A. Cruz
Sources: New Straits Times, Psychology Today
BASAHIN: 5 Bagay na madalas pinag-aawayan ng mga mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!