Contraceptive pills, mabisa bang gamot para hindi mabuntis?

Hindi pa handang magkaanak? Alamin kung ano ang contraceptive pills: mabisa ba itong gamot para hindi mabuntis at kung bagay ba ito sa'yo.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Para sa mga wala pang balak magkaanak o ayaw munang magbuntis, maraming paraan ng birth control ang pwedeng subukan. Isa sa mga pinakakaraniwan para sa mga babae ang pag-inom birth control pills o contraceptive pills. Mainam nga ba itong gamot para hindi mabuntis?

Mababasa sa artikulong ito:

  • Ano ang contraceptive pills at paano ito nakakatulong sa pag-iwas na mabuntis?
  • Paano ginagamit ang contraceptive pills at mga side effects ng gamot para hindi mabuntis?
  • Ano ang emergency pills at bakit hindi ito legal sa bansa?

Kung hindi pa kayo handa ng iyong  partner na magkaanak, maaari niyong subukang gumamit ng contraceptives. Ang contraceptives o birth control method ay mga paraan o gamot na ginagamit para maiwasan ang pagbubuntis.

Dito sa Pilipinas, isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng para makaiwas ang isang babae na mabuntis ay ang pag-inom ng contraceptive pills.

Gamot para hindi mabuntis – ano ang contraceptive pills?

Ang contraceptive pills o birth control pills ay mga gamot na naglalaman ng mga hormones na tumutulong mapigilan ang pagbubuntis.

Dito sa Pilipinas, mayroong dalawang klase ng contraceptive pills na pwedeng gamitin, ang mga pills na naglalaman ng mga hormones na estrogen at progesterone o tinatawag na combination pills, o iyong progestin only pills (POP) na ibinibigay sa mga nagpapadedeng ina.

Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpigil sa sperm na makarating sa itlog ng babae, o tinatawag na fertilization.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Gamot para hindi mabuntis. | Larawan mula sa iStock

Pinipigilan din ng mga hormones na nasa pill na mag-ovulate ang babae, o kaya naman pinapalapot ang mucus sa cervix para hindi makadaan ang sperm papunta sa fallopian tube ng babae.

Ayon sa website ng Planned Parenthood, kung gagamitin ng tama at hindi magmimintis sa pag-inom, may 99 porsiyento na mabisa ang contraceptive pills sa pag-iwas sa pagbubuntis.

Pero dahil may mga babae na hindi maiwasang makalimot uminom ng pills paminsan-minsan, bumababa sa 91 porsyento ang bisa nito.

Gamot para hindi mabuntis – paano ito ginagamit?

Bago ka sumubok na gumamit ng contraceptive pills, kailangan mo munang kumonsulta sa doktor para magabayan ka sa tamang paggamit nito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ayon kay Dr. Arlene Ricarte-Bravo, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, makakabuti na pumunta sa doktor para maireseta sa’yo ang birth control pills na babagay sa ‘yo.

“‘Yung mga OB-Gyne na kokonsultahin mo tine-tailor fit ‘yan based on ano ba yung edad mo, ano ‘yung mga acitivity mo, at ano ang mga comorbidities mo, like may hypertension ka ba o diabetes ka ba,” aniya.

Sa combination pills, mayroong mga produkto na iniinom ng 28 araw at mayroon ding iniinom ng 21 araw.

Para sa 28-day pack, mayroon itong 21 active pills na naglalaman ng progestin at estrogen at 7 pills  (placebo pills) na naglalaman ng iron.

Kung ito ang gagamitin mo, magsisimula ka ng pack sa day 1 (may mga nakalagay na numero sa likod ng pakete, sundin ito) at magsisimula agad ng panibago kapag naubos mo na ang isang pack o sa ika-29 araw. Asahan na magkakaroon ka ng regla sa panahon na iniinom mo ang placebo pills.

Sa contraceptive pills naman na 21-days lang, iinom ng isang tableta bawat araw sa loob ng 21 araw. Tapos magpapahinga ng 7 araw bago magsimula ng panibagong pack. Maaaring magsimula ang iyong monthly period sa loob ng 7 araw na pahinga.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa iStock

Payo ni Doc Arlene, mas mainam na antayin mo na ang iyong period bago ka magsimula ng isang pack ng pills para masiguro na hindi ka buntis. Pagpapaliwanag niya,

“When we are talking about combination pills, as long as sigurado ka na hindi ka buntis pwede mag-start anytime. Pero kung hindi ka sigurado o pwede kang maging buntis o meron kang sexual activity 2 weeks before tapos hindi ka pa nagkakaroon ng menstruation, ang mas maganda hintayin mo muna ‘yung buwanang dalaw mo tapos doon ka magsimula. During the period, hindi mo na hihintayin na matapos ang period mo.” 

Para naman sa progestin-only pills, pinapayo ni Doc Arlene na antayin muna na mag-regularize ang iyong hormones pagkatapos mo manganak. O kapag 6 na buwan na ang iyong anak at kumakain na ng solid food bago gumamit ng pills.

Mayroong 28 pills sa isang pack na naglalaman ng 21 active pills at 7 placebo pills.

Paalala muli ni Doc Arlene, kailangang kumonsulta muna sa iyong OB-GYN bago subukan ang contraceptive pills para maiwasan ang mga delikadong epekto nito. Pahayag niya,

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Oo kasi kung halimbawa yung isang pasyente sinabi ng kaibigan niya na mag-pills ka para hindi ka mabuntis. Hindi niya alam na may contraindications pala sa kaniya ang pag-inom ng pills. Puwede na lang siyang mag-stroke. Puwedeng buntis pala siya tapos nag-pills siya, so may effect ‘yung pills sa namumuong baby. Iyong mga ganoon, kaya dapat directed by the obsetrician.” 

BASAHIN:

11 madalas na side effects ng paggamit ng contraceptive pills

Tips para hindi mabuntis: Mga paraan na maaari niyong subukan

#AskDok: Ano ang pills na para sa ‘yo at paano ang tamang paggamit nito?

Gamot para hindi mabuntis – side effects ng contraceptive pills

Larawan mula sa iStock

Bukod sa ginagamit ito para makaiwas sa pagbubuntis, nakakatulong din ang pag-inom ng contraceptive pills para maging regular ang monthly period ng isang babae. Maaari rin itong maging gamot para sa acne, pagnipis ng mga buto at premenstrual syndrome o PMS.

Pero para sa ilang babae, ang pag-inom ng contraceptive pills ay nagdadala ng mga ‘di kanais-nais na side effects gaya ng:

  • pagsakit ng ulo
  • nausea (pagkahilo at pagsusuka)
  • pagsakit ng mga dede
  • pagdagdag ng timbang
  • pagbabago ng monthly cycle

Subalit kadalasan ay nararanasan ang mga sintomas na ito kapag nagsisimula silang gumamit ng contraceptive pills pero nawawala rin kapag nasanay na ang kanilang katawan sa gamot.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Para sa gumagamit ng progestin only pills, maaari silang makaranas ng spotting o pagdurugo.

Kung hindi nawawala ang masasamang side effects ng contraceptive pills at patuloy na sumasama ang iyong pakiramdam habang ginagamit mo ito. Kumonsulta uli sa iyong doktor para masuri niya kung dapat mo pang ipagpatuloy ang pag-inom nito.

Gamot para hindi mabuntis – ano ang emergency contraceptive pills?

Sa ibang bansa, mayroong tinatawag na emergency contraceptive pills or morning after pill na pwedeng inumin ng babae sa loob ng 72 oras nang mula nang nakipagtalik siya ng walang proteksyon.

Dito sa Pilipinas, ipinagbabawal ang paggamit nito dahil sa maaaring maging epekto nito sa nanay at magiging sanggol kung sakaling hindi mainom ng tama ang emergency pills. Ipinaliwanag ni Doc Arlene kung anong maaaring mangyari:

“Iyon ay iniinom sa first 72 hours from the time na nakipagtalik ka. Within that period pwede kang uminom. Ang ginagawa noon may affect siya sa doon sa bahay bata, may effect siya doon sa ovary.

Halimbawa ininom mo siya tapos nauna na ‘yung pagmemeet ng sperm saka egg, ang ginagawa noon ay pinapabagal ‘yung pag-travel ng fertilized egg and sperm pwede kang magkaroon ng ectopic pregnancy, so kung nalate ang pag-inom ng morning after pill ayan ang posibleng mangyari.”

Dagdag pa niya, maraming masamang side effects ang pag-inom ng emergency contraceptive pills dahil mataas ang progesterone component ng gamot na ito.

“So single dose is 3 grams, ‘yung 3 grams mataas yun so ang side effect noon pwede kang magsuka, pwede kang mahilo, headache, mga ganoon. ‘Yung iba pagkatapos uminom ng morning after pill napupunta sa emergency room. Because of that adverse reaction to the pill,” sabi ni Doc Arlene.

Gamot para hindi mabuntis – paano kung nagmintis ng pag-inom?

Isa sa mga paraan para masiguro ang epekto ng pills ay ang hindi pagmimintis ng pag-inom ng isang tableta kada araw. Sapagkat kapag nakalimot ka, kailangan mo ng karagdagan proteksyon para masigurong hindi ka mabubuntis.

Ayon kay Doc Arlene, bawat brand ng contraceptive pill ay may tinatawag na safe zone kung saan protektado ka pa rin kahit nalimutan mong uminom ng pill sa araw na iyon. “Pero halimbawa, kung more than 12 hours mo ng hindi nainom ‘yung pills may precaution ka nang gagawin. Halimbawa nakalimutan mo kahapon, ngayon naalala mo so nagdouble ka ngayon isa sa umaga, isa sa gabi.” aniya.

Payo ng doktor, kung nakaligtaan mong uminom sa araw na iyon. Sundin ang instructions sa pakete para malaman kung anong dapat mong gawin.

Larawan mula sa iStock

Kailangan mo ring magdoble ingat at gumamit ng karagdagang proteksyon (halimbawa ay condom) habang nakikipagtalik o umiwas sa pakikipagtalik para masigurong hindi ka mabubuntis.

Mga dapat tandaan kapag gumagamit ng contraceptive pills

Narito ang ilang bagay na dapat mong alalahanin kapag umiinom ng gamot para hindi mabuntis:

  • Para sa ilang babae, nagiging malakas ang epekto ng pag-inom ng birth control pills na tumitigil ang kanilang regla. Kadalasan itong nangyayari sa mga babaeng gumagamit ng progestin only pills. O kaya sa mga babae na gumagamit ng birth control pills sa loob ng 3-5 taon.
  • Kung sakaling nagmintis ka sa pag-inom ng pills at nabuntis. Itigil lang ang paggamit ng pills para maiwasan ang posibleng maging epekto nito sa iyong sanggol.
  • Ayon sa mga pag-aaral, kapag umiinom ng contraceptive ng higit na 7 taon, maaring tumaas ang posibilidad ng breast cancer. Ayon kay Doc Arlene, kailangan mong kumonsulta sa iyong OB-GYN tuwing ika-anim na buwan ng paggamit ng pills.  Upang masiguro na hindi ka nagkakaroon ng masamang side effect dito. “Kailangan na-eksamin ka ng gynecologist mo. Nag-speculum exam siya, tiningnan niya yung cervix mo, tapos tiningnan niya ‘yung breast mo. So may baseline dapat, tapos every 6 months kailangan pumunta ka para makapa ng doktor mo kung may namumuong bukol.”

Tandaan din na dapat ka munang kumonsulta sa iyong doktor bago subukang gumamit ng contraceptive pills. Kung ikaw ay may edad na 35 taong gulang o naninigarilyo, maaaring hindi niya irekomenda sa ‘yo ang combination pills. Gayundin kung mayroon kang sakit na diabetes, high blood pressure o sakit sa puso.

Ang pag-inom ng contraceptive pills ay mabisa para maiwasan ang pagbubuntis, pero may mga kaakibat ring masasamang epekto.

Kumonsulta sa iyong OB-GYN bago sumubok ng anumang gamot para hindi mabuntis nang magabayan ka kung anong paraan ang ligtas at babagay sa’yo at kung paano mo ito gagamitin.

Source:

Planned Parenthood

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Camille Eusebio