Mababasa sa artikulong ito:
- Iba’t ibang uri ng mga contraceptive pills.
- Mga madalas na side effect ng pills.
- Long-term side effect ng paggamit ng pills.
3 Uri ng contraceptive pills
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte Bravo, active consultant OB-Gyne mula sa Makati Medical Center, may tatlong uri ng birth control pills na maaaring gamitin ang mga babaeng nais mapigilan ang hindi planadong pagbubuntis. Ito ay ang combination pills, progestin-only pills at emergency contraceptive pills.
Background photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
1. Combination pills
Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo, mayroong dalawang components ang combination pills—ang estrogen at progesterone.
Sa pag-inom ng combination pills ay napipigilan nito ang katawan ng isang babae sa pag-o-ovulate. Nangyayari ito sa pamamagitan ng pagpigil ng pills na mag-release ng egg ang ovaries.
Pinapakapal rin nito ang cervical mucus para mahirapan ang sperm na mag-travel sa uterus at makapag-fertilize ng egg.
2. Progestin-only pills
Ganito rin ang ginagawa ng progestin-only pills o POP na pangalawang uri ng pills na ipinapayong gamitin ng mga nagpapasusong ina.
“Progestin-only pills naman ay para sa nagbe-breastfeed dahil hindi puwedeng ma-receive ng baby ‘yong component na estrogen, so purely progesterone.”
Ang progestin-only pills ay tinatawag ring progesterone-only pills.
3. Emergency contraceptive pills
Ang pangatlong uri ng pills ay ang tinatawag na emergency contraceptive pills o ECP. Hindi tulad ng combination at progestin-only pills, ang emergency contraceptive pills ay iniinom lang matapos makipagtalik.
Pero ang pill na ito hindi available dito sa Pilipinas. Ito ang paliwanag ni Dr. Bravo kung bakit:
“Unang-una, by law, hindi tayo pabor sa emergency contraceptive pill o ‘yong tinatawag na plan B.
“So ‘yong plan B is, halimbawa, hindi ka umiinom ng oral contraceptive pills tapos nagkaroon ka ng unprotected sex. Natatakot ka na baka bigla kang nag-ovulate, bigla kang mabuntis.
“Siyempre iniisip mo mag-take ng emergency contraceptive pills. Iyon ay iniinom sa first 72 hours from the time na nakipagtalik ka. Within that period puwede kang uminom.”
BASAHIN:
Injectable Contraceptive: Epekto, side effects, at bisa
#AskDok: Paano ang tamang pag-inom ng contraceptive pills?
#AskDok: Ano ang pills na para sa ‘yo at paano ang tamang paggamit nito?
Short-term side effect ng pills
Ani Dr. Bravo, bagamat ang tamang pag-gamit ng contraceptive pills ay siguradong nagbibigay ng proteksyon sa isang babae na magdalang-tao, may mga kaakibat na side effects ang pag-gamit nito.
Ang mga ito ay ang sumusunod na maaring maranasan sa short-term o long term na pag-gamit ng mga nabanggit na contraceptive pills.
Ang mga side effects ng pills nga na ito ay ang sumusunod:
1. Nausea
Photo by Kindel Media from Pexels
Ang isa sa madalas na side effect ng pills na nararanasan ng maraming babae ay ang nausea o pagkahilo.
Ayon kay Dr. Bravo, ito ay maaaring maranasan ng mga babaeng gumagamit ng kahit anuman sa tatlong uri ng contraceptive pill.
Pero madalas ito ay sa una lang naman at unti-unting nawawala habang tumatagal ng gumagamit ng pills ang isang babae. Kaya naman ipinapayo na uminom ng pills matapos kumain o bago matulog.
Subalit kung ang nausea ay tila malala at tumagal ng ilang buwan matapos ang pagsisimula ng pag-inom nito ay mabuting makipag-usap agad sa iyong doktor.
2. Headache
Isa pa sa madalas na side effect ng pills ay ang pananakit ng ulo.
Ito ay epekto ng pagbabago sa sex hormones ng isang babae. Tulad ng nausea, ito ay sa una lang naman at unti-unting nawawala sa katagalan.
3. Pagsusuka
May mga babae ring naitalang nakaranas ng pagsusuka ng magsimulang gumamit ng pills. Ito ay may kaugnayan sa nararanasan niyang headache at nausea.
4. Pananakit ng suso
Epekto rin ng hormonal changes dulot ng pills ang biglang pananakit ng suso. Kung makaranas nito matapos magsimulang gumamit ng pills ay mabuting gumamit ng supportive bra.
Kaakibat nito maaari ring mapansin na lumalaki ang suso ng mga babaeng gumagamit ng contraceptive pills.
Sa oras na ang pananakit ay tila malala o may napansing bukol o kakaibang pagbabago sa suso mabuting ipaalam agad at magpakonsulta sa iyong doktor.
5. Spotting
Maari ring makaranas ng spotting o breakthrough bleeding ang isang babaeng nagsisimulang gumamit ng contraceptive pills. Ito ay ang pagdurugo o vaginal bleeding sa gitna ng menstrual cycle.
Nararanasan ito ng isang babae dahil sa nag-aadjust pa ang kaniyang katawan sa pagbabago ng kaniyang hormonal level dulot ng pills.
6. Weight gain
Kung body conscious, ang posibleng epekto ng pills na maituturing mong side effect ng paggamit nito ay ang weight gain o pagtaba ng katawan.
Paliwanag ni Dr. Bravo, ito ay dahil sa nag-iincrease ang water retention o water weight ng katawan. Bagamat may ilang babae rin ang naiulat na nangangayat ng magsimulang gumamit ng pills.
7. Acne
Image by Kjerstin Michaela Noomi Sakura Gihle Martinsen Haraldsen from Pixabay
May mga babaeng naiulat na nakaranas ng acne breakouts sa paggamit ng pills. Paliwanag ni Dr. Bravo, posible ito sa mga babaeng gumagamit ng progestin-only pills. Ito ay dahil purely-progesterone ito at walang estrogen na itinuturing na anti-acne.
8. Mood changes
Sanhi pa rin sa pagbabago ng hormones sa katawan, ang pabago-bago ng mood ay hindi na nakakagulat maranasan ng mga babaeng nagsisimulang gumamit ng pills.
Ayon nga sa isang 2016 study, dahil sa epektong ito ay iniuugnay ang pag-gamit ng contraceptive pills sa depression na nararanasan ng ilang kababaihan.
Kaya naman kung nag-aalala sa iyong mood changes mas mabuting makipag-usap sa iyong doktor para makasigurado.
9. Missed periods
Tulad ng spotting, maari ring makaranas ng missed periods ang babaeng nagsisimulang gumamit ng pills. Ito ay epekto pa rin ng hormone changes sa kaniyang katawan.
Pero dapat ring isaisip na may mga babaeng nabubuntis kahit gumagamit ng pills. Lalo na kung mali o laging nakakaligtaan ang pag-gamit nito.
10. Kawalan ng gana sa sex
Maaari ring mawalan o mabawasan ng gana sa pakikipagtalik ang babaeng gumagamit ng pills. Ito ay epekto parin ng hormonal changes dulot ng pills. Partikular na sa mga gumagamit ng progestin-only pills na naapektuhan ang lubrication ng isang babae.
11. Vaginal discharge
Huwag naring magulat kung biglang makapansin ng pagbabago sa vaginal discharge sa pagsisimula ng paggamit ng pills. Ito ay maaaring sa iyong vaginal lubrication o kaya naman sa itsura o kulay ng iyong discharge.
Kung makaranas ng vaginal dryness, makakatulong ang paggamit ng lubricant para mas maging komportable ang pakikipagtalik.
Long-term side effects ng paggamit ng pills
Image by Pexels from Pixabay
Kung matagal ng gumagamit ng pills ng isang babae, ayon kay Dr. Bravo ay pinapataas nito ang tiyansang makaranas siya ng seryosong side effects o health condition. Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo:
“According sa mga study, ‘yong combination pills na 7 years in use will increase very, very slight increase ng breast cancer. Kaya sinasabi na hindi ka puwedeng mag-over the counter. Kailangan na-eksamin ka ng gynecologist mo.”
Aniya, bago ka resetahan ng iyong OB ng nararapat na contraceptive pill ay may mga test at check-up muna na gagawin sa iyo.
“Magse-speculum exam siya, tiningnan niya ‘yong cervix mo, tapos tiningnan niya ‘yong breast mo. So may baseline dapat, tapos every 6 months kailangan pumunta ka para makapa ng doktor mo kung may namumuong bukol.”
Bukod sa physical exam, inaalam din ng duktor ang iyong medical history, pati ng pamilya mo.
“May genetic predisposition ka ba na magkaroon ng breast cancer? So medyo cautious tayo when it comes to those na may history na ganoon.”
Kung ano man ang paraan ng pagpipigil ng pagbubuntis ang nais mo, ang importante ay kausapin ang iyong doktor tungkol dito. Siya ang makakapagpayo sa iyo ng mga benepisyo at side effects para na rin sa kalusugan mo.
Source: Medical News Today, Healthline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!