Narito kung ano ang gamot sa dandruff ng baby Pati na sa kondisyon na kung tawagin ay cradle cap o ang extreme dandruff sa mga baby.
Dandruff sa mga baby
Ang dandruff sa baby ay tinatawag ring infantile seborrhoea dermatitis. Tumutukoy ito sa tila pangangaliskis ng anit, kilay at pilik-mata ng sanggol. Madalas ang skin scales o tila kaliskis na makikita rito ay maliliit at kulay puti. Hindi naman ito delikado ngunit nagdudulot ito ng pangangati at pamumula sa balat. At kung hindi nga agad na malulunasan ay magdudulot ito ng hair fall o paglalagas ng buhok. O kaya naman ay mauwi sa extreme dandruff sa mga baby o cradle cap.
Sintomas ng dandruff sa mga baby
Madalas na nakakaranas ng dandruff ang mga baby lalo na ang mga isang taong gulang pababa. Hindi naman ito dulot ng poor-hygiene habits at hindi nakakahawa. Ang mga sintomas nito ay ang sumusunod:
- Flaky o dry skin sa anit ni baby
- Paninilaw, pamumula o pagkukulay pink sa paligid ng ulo ni baby.
- Dry patches sa ulo ni baby na oily, scaly, crusty, at magaspang kung hahawakan.
- Makating anit.
Dahilan ng dandruff sa baby
Ang mga itinuturong dahilan naman ng dandruff sa mga baby ay ang sumusunod:
- Sunburn sa anit ni baby.
- Paggamit ng masyadong matapang o sobrang shampoo
- Hindi maayos na pagbabanlaw sa ulo ni baby matapos shampoohin.
- Extreme weather o sobrang init at lamig ng panahon.
- Sobrang sebum o skin oil sa anit ni baby.
- Fungus na kung tawagin ay Malassezia na nagdudulot ng sobrang shredding ng skin cells sa anit. Kapag ang skin cells na ito ay humalo sa sebum ito ay nagiging dandruff.
- Mga kondisyon sa balat tulad ng eczema at psoriasis.
Cradle cap o extreme dandruff sa mga baby
Kung ang dandruff sa baby ay hindi na nalunasan, ito ay nauuwi sa kung tawagin ay cradle cap o extreme dandruff sa mga baby. Sa puntong ito ang dandruff ng baby ay mas makapal na at mahirap ng tanggalin. Madalas ito na ay namumula at nagkukulay dilaw. Minsan nga ito ay nangingitim na mukhang greasy o malangis.
Maliban nga sa ulo, ang cradle cap ay maari ring makita sa iba pang parte ng katawan ng sanggol tulad ng sumusunod:
- Mukha.
- Likod ng tenga.
- Sa diaper area ng sanggol.
- Sa kili-kili ng sanggol.
Gamot sa dandruff ng baby o cradle cap
Samantala, ang mga maaring gawin o gamot sa dandruff ng baby ay ang sumusunod:
1. Panatilihing maikli o short ang bath time ni baby.
Ang araw-araw na paliligo ng mga sanggol ay maaring mag-dry sa sensitive nilang balat at mauwi sa dandruff. Kaya naman kung maari ay huwag paliguan si baby araw-araw. O mabuting limitahan ito ng hindi hihigit sa sampung minutong paliligo. At gumamit ng mga baby-friendly products na gawa sa natural ingredients.
2. Lagyan ng mineral oil ang ulo ni baby.
Ang paglalagay ng mineral oil sa ulo ni baby ay isang paraan upang ma-moisturize ito. Pagkalagay ng oil ay masahiin ang anit ni baby. Ito ay upang unti-unting matanggal ang mga dandruff sa ulo niya. Saka ito shampoohan at banlawan ng maayos.
3. I-brush ang buhok ni baby.
Para matanggal rin ang dandruff sa ulo ni baby ay i-brush ito. Siguraduhin lang na gagamit ng brush para sa baby na malambot at hindi makakasugat sa manipis niya pang anit o balat.
4. Gumamit ng humidifier.
Ang paggamit ng humidifier ay makakatulong upang maiwasan na manuyo ang balat ni baby. Isang paraan ito upang malunasan at maiwasan ang kaniyang dandruff. Makakatulong rin ito upang makahinga siya ng maayos sa tuwing siya ay may sipon.
5. Kumonsulta sa doktor.
Sa oras naman na nakakaranas na ng extreme dandruff si baby o cradle cap ay mabuting ipakonsulta na siya sa doktor. Dahil may mga gamot na maaring ireseta sa kaniya na makakatulong upang malunasan ang extreme dandruff niya. Tulad ng mga anti-fungal scalp lotion o cream gaya ng hydrocortisone creams na makakatulong upang maibsan ang pamamaga, pamumula o pangangati ng anit niya. Bagamat ito ay over-the-counter o mabibili kahit walang reseta, dapat ay kumonsulta parin sa doktor. Ito ay upang malaman ang tamang paggamit nito kay baby na may sensitive pang balat.
Makakatulong rin ang paggamit ng medicated shampoo upang malunasan ang cradle cap o extreme dandruff sa mga baby. Ito ay tulad ng Nizoral na 2% ketaconazole shampoo, Selsun na selenium sulphide shampoo o T-gel na coal tar shampoo. Ngunit ang paggamit nito ay dapat may rekumendasyon at instruksyon ng isang doktor.
Source:
Healthline, Mayo Clinic, WebMD
Basahin:
11 Pagkain na makakatulong para sa constipation ni baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!