Gamot sa kalyo sa paa? Alamin dito ang pinaka-mainam na gamitin at gawin.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Sanhi ng kalyo sa paa.
- Sintomas ng kalyo sa paa.
- Gamot sa kalyo sa paa.
Ang kalyo sa paa o feet calluses in English, ay ang kalagayan ng pagkapal ng balat sa paa. Kung minsan ay nagdudulot din ito ng pakiramdam na masakit. Kapag ang kalyo sa paa ay lumala maaari itong magdulot ng pagkabitak ng balat at pagsusugat.
Talaan ng Nilalaman
Sanhi ng kalyo sa paa
Nagkakaroon ng kalyo sa paa ang isang tao bilang reaksyon ng balat mula sa injury, pressure, o friction. Dulot ito ng pressure mula sa bigat ng katawan at friction sa paa at sa surface.
Ayon sa Medical News Today, mas nakaaapekto rin daw ito sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Hindi man ito delikado, ngunit hindi rin dapat na balewalain.
Ito ay dahil maaari itong magdulot ng iritasyon, impeksyon, o ulcer sa balat. Lalo na para sa mga taong may diabetes o may poor circulation sa paa.
Karaniwang tumutubo ang kalyo sa paa pero pwede ring magkaroon ng kalyo ang kamay, siko, at tuhod. Maaaring ito ay kulay dilaw o kaya naman ay maputla o maputi.
Tila ito namuong balat pero dahil makapal ang apektadong bahagi ay less sensitive ito kompara sa ibang bahagi ng balat na hindi apektado.
May mga kumokonsidera sa kalyo sa paa bilang skin problem, pero ayon sa Vascular Health Clinics, ito ay systemic na problema sa buto. Mayroon umanong painful nerves at bursal sacs ang kalyo sa paa, kaya nagdudulot ito kung minsan ng pananakit.
Karaniwan ito sa mga bahagi na madalas kumuskos sa ibang bagay tulad ng sapatos, tsinelas, o sa sahig. Madalas na tumutubo ang kalyo sa bahagi ng paa na mabuto. Tulad ng ilalim ng mga daliri at sakong o heels. Ito ang mga bahagi na sumasalo sa bigat ng isang tao sa tuwing siya ay nakatayo o naglalakad.
Karaniwang nagkakaroon ng kalyo sa paa ang mga sumusunod:
- nagsusuot ng masisikip o masyadong maluwag na sapatos
- kung nagsusuot ng masyadong mataas na high-heeled shoes
- nagsusuot ng masisikip na medyas
- mayroong pawising paa
- mga nakatayo nang matagal sa kanilang trabaho o gawain.
- hindi nagsusuot ng medyas kapag nakasapatos
- mga madalas maglakad nang walang saplot sa paa
Dagdag pa rito, kabilang din sa risk factors ang pagtanda, sakit sa kasukasuhan, at iba pang foot problems tulad ng bunions o hammer toe.
Puwede ring magkaroon ng kalyo ang taong madalas maglakad sa flat surfaces, o mayroong flat feet. Risk factor din ang diabetes sa pagkakaroon ng kalyo sa paa.
Sintomas ng kalyo sa paa
Narito ang mga senyales na ikaw ay may kalyo sa paa:
- makapal at magaspang na bahagi ng balat
- matigas at paumbok na bahagi ng balat
- nakararamdam ng tenderness o sakit sa ilalim ng balat
- Flaky, waxy, o tuyot na balat.
Gamot sa kalyo sa paa
Larawan mula sa Pexels kuha ni Towfiqu Barbhuiya
May mga over-the-counter na gamot sa kalyo sa paa. Ito ay may strong acids na makatutulong para matanggal ang kalyo sa pamamagitan ng pagbabalat.
Subalit, tandaan na kailangang mag-ingat sa paggamit nito dahil maaari itong magdulot ng chemical burns o pagkasunog ng balat kung hindi gagamitin nang maayos.
Samantala, mayroon din namang mga solusyon sa kalyo sa paa na maaaring gawin sa kahit na nasa bahay.
Narito ang home remedies na maaari mong subukan para maalis ang kalyo sa paa. Ang mga ito garantisadong mabisang gamot sa kalyo sa paa:
- Ilublob ang paa sa maligamgam na tubig na may sabon nang lima hanggang 10 minuto.
- Puwedeng haluan ng Epsom salts ang warm water. Makatutulong ito sa manual exfoliation ng kalyo sa paa. Makabibili nito sa pharmacy o kaya naman ay sa online stores.
- Maaaring gumamit ng pumice stone o emery board sa pagkuskos sa kalyo sa paa. Kuskusin nang dahan-dahan ang bahagi ng paa na may kalyo. Gawin ito sa circular o sideways motions. Mag-ingat sa pagkuskos upang hindi magdulot ng pagsusugat sa bahaging may kalyo.
- Pahiran ng moisturizer o exfoliating cream ang apektadong bahagi upang maging malambot ang balat at maalis ang pananakit. Makatutulong ang mga produktong may salicylic acid, urea, o ammonium lactate upang lumambot ang tuyong balat. Lagyan ng cream ang kalyo araw-araw hanggang tuluyan itong mawala.
- Puwedeng gumamit ng baking soda paste bilang alternatibo sa exfoliating cream. Paghaluin lang ang dalawang kutsarang tubig at baking soda hanggang makagawa ng paste. Patakan din ito ng lime juice. Ilagay ang paste sa kalyo sa paa at magsuot ng medyas. Ulitin ang application tuwing gabi hanggang sa mawala ang kalyo sa paa.
- Makatutulong ang skin-softening creams tulad ng petroleum jelly para maiwasang matuyot ang balat. Mag-apply ng petroleum jelly sa bahaging may kalyo at hayaan itong nakababad sa balat buong magdamag.
- Maaaring gumamit ng non-medicated corn pads o moleskin para matanggal ang kalyo sa paa. Tandaan lamang na dahan-dahang tanggalin ito upang maiwasang mapunit ang balat.
- Bawasan ang friction at pressure sa pamamagitan ng paggamit ng protective cushion. Makatutulong ito para ma-encourage ang bahagi na may kalyo na gumaling nang kusa. Ang callus pads ay uri ng cushioned bandage na ginagamit upang maiwasang magkaroon ng kalyo. Nakabili nito sa pharmacy at sa online.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Larawan mula sa Pexels kuha ng Pixabay
Kung ang kalyo sa paa ay lumala na o hindi nalunasan ng mga nabanggit na gamot sa kalyo sa paa ay mabuting komunsulta na sa doktor. Lalo na kung nagdulot na ito ng pamamaga at pagdurugo. Kung ikaw ay may diabetes o poor blood flow, kumonsulta rin muna sa iyong doktor bago subukan ang mga home remedy. Mahalaga ito dahil ang minor injury sa iyong paa ay maaaring magdulot ng infected open sore o ulcer sa balat.
Importanteng ipaalam sa iyong health care provider kung malala ang lagay ng iyong kalyo sa paa. Sa pamamagitan nito, maaaring ma-eksamin kung ikaw ay may underlying bone structure problem.
Hindi rin dapat basta-bastang tanggalin o tuklapin ang kalyo sa paa nang walang medical supervision ng iyong doktor. Lalo na kung ikaw ay may underlying condition o diabetes. Ito ay dahil maaaring mas tumaas ang risk ng infection sa iyong balat.
Puwedeng i-trim ng doktor ang kalyo sa paa gamit ang small knife. Dapat na sa medical office lamang ito gawin at hindi sa bahay. Maaaring bumalik ang kalyo sa paa, at kailanganin ang regular trimming.
Puwede ring alisin ng doktor ang kalyo sa paa sa pamamagitan ng paglalagay ng patch na may 40% salicylic acid para lumambot ang balat.
Pagkatapos ay i-aapply ulit ito ng pasyente kapag siya ay nasa bahay na. Kasunod ay ang pagkuskos sa bahaging may kalyo gamit ang pumice stone para maiwasang bumalik ang inalis na kalyo.
Irerekomenda lamang ng doktor ang removal surgery kung ang sanhi ng iyong kalyo ay problema sa bone structure.
Paano maiiwasang magkaroon ng kalyo sa paa?
Larawan mula sa Pexels kuha ni Valeria Boltneva
Makabubuting malaman ang underlying issue ng kalyo sa paa upang maiwasan na bumalik ito matapos gamutin. Bukod dito, narito ang iba pang paraan para maiwasang magkaroon ng kalyo sa paa:
- Hugasan ang paa gamit ang tubig at sabon, araw-araw.
- Matapos hugasan at tuyuin ng maayos ang paa at pahiran ng moisturizing cream.
- Magsuot ng sapatos na angkop ang sukat sa iyong paa.
- Gumamit ng gel pads o foam inserts sa loob ng sapatos para maiwasan ang excess pressure sa balat.
- Iwasang magsuot ng sapatos na may masikip na toe box na maaaring kumuskos sa paa. Siguraduhing komportable ang iyong paa sa loob ng sapatos.
- Ugaliing magsuot ng medyas kapag nakasapatos.
- Gumamit ng felt pads, nonmedicated corn pads, o bandages sa mga bahagi ng paa na madalas kumuskos sa sapatos. Maaari ding gumamit ng toe separators o lamb’s wool sa pagitan ng mga daliri.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!