Makati ang lalamunan at tila may ubo, ito ang mabisang gamot at home remedies sa makating lalamunan na makakatulong para sa inyo. Alamin ito sa artikulong ito.
Ano ang sore throat o makating lalamunan?
Ang pharingitis o sore throat ay isang kondisyon kung saan ang lalamunan ng isang tao ay nakararanas ng pananakit na may kaakibat na pangangati.
Nahihirapan ring lumunok ang taong mayroon nito at kung minsan ay nahihirapan din sa pagsasalita dulot ng iritasyon.
Itchy throat at sore throat
Isang karaniwang sanhi ng pagkalito ay ang pagkakaroon ng makating lalamunan at pagkakaroon ng sore throat. Pareho nga lang ba ito?
Gaya ng nabanggit, ang pangangati ng lalamunan ay maaring isang sintomas ng sore throat. Pero hindi sa lahat ng oras, ang makating lalamunan ay dahil sa sore throat.
Ang itchy throat o makating lalamunan ay maari ring dulot ng allergies, samantalang ang sore throat, na may kasamang pamamaga at pananakit ng lalamunan (yung tipong mahirap lumunok), ay kadalasang dulot ng viral o bacterial infection at mas malubha.
Posibleng magsimula ang kondisyon sa pangangati lang ng lalamunan. Kung ito ay dahil sa allergens, maaring mawala kaagad ang pangangati matapos uminom ng gamot o home remedies. Subalit kung hindi aagapan, maari itong tumuloy sa pananakit ng lalamunan.
Maaari ring magdulot ito nang pagkakaroon ng ubo lalo na kung ito ay isang viral o bacterial infection. Naglilikha rin kasi ang pangangati ng lalamunan ng plema dulot na rin ng mga impeksyon na maaaring mayroon ka.
Gamot sa makating lalamunan | Image from Freepik
13 na posibleng sanhi ng sore throat
Ang sore throat ay may dalawang sanhi: viral infection at bacterial infection. Ang pinaka-karaniwang sanhi ay ang viral infection. Kadalasang mas mabilis gumaling ang sore throat na mula sa viral infection dahil kusa itong nawawala.
Ilan sa mga pinagmumulan ng viral infection ay ang:
- Sipon (common cold)
- Trangkaso (influenza)
- Mononucleosis (mono)
- Tigdas (measles)
- Bulutong (chickenpox)
- Whooping o Barking cough (croup)
Iba naman ang bacterial infection. Maraming uri ng bacterial infection ngunit ang pinaka-karaniwan ay ang streptococcus pyogenes o Group A streptococcus na siyang dahilan ng strep throat. Kinakailangan itong gamutin sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics upang maiwasan ang kumplikasyon.
Gamot sa makating lalamunan | Image from Freepik
Bukod sa viral at bacterial infection, may ilang dahilan din kung bakit nagkakaroon ng sore throat ang isang tao. Ang sore throat ay maaaring maging sintomas ng isang malalang sakit o dulot ng stress sa tao.
Ilan sa mga ito ay ang:
1. Allergies
Ang pagkakaroon ng allergy sa alikabok, balahibo ng hayop, pollen ng bulaklak o amoy ng amag ay maaaring maging sanhi ng pangangati ng lalamunan. Nangyayari ang allergic reaction kapag nakakapasok ang allergens sa katawan kaya gumagawa ng paraan ang immune system para mailabas ito.
Magiging kumplikado ito sa postnasal drip o biglaang pagkakaroon ng uhog na siyang dahilan ng iritasyon at pamamaga ng lalamunan.
2. Dryness o pagkatuyo ng hangin
Ang tuyong hangin mula sa loob ng isang kwarto, lalo na kung ito ay nainitan, ay nagiging sanhi ng pagkatuyo ng lalamunan. Partikular itong nangyayari pagkagising ng tao sa umaga.
3. Irritants
Ang polusyon sa hangin dulot ng usok mula sa mga sasakyan, mga kemikal o usok mula sa sigarilyo ay nagdudulot ng pangangati ng lalamunan sa tao. Maging ang pag-inom ng alak o pagkain ng maaanghang na pagkain ay maaari ring magdulot nito.
4. Pressure o matagal na paggamit ng lalamunan
Ang pagsigaw o pagsasalita ng matagal ay nagdudulot rin ng soar throat dahil napupuwersa nito ang lalamunan ng isang tao.
5. Gastroesophageal Reflux Disease (GERD)
Ang GERD ay isang digestive system disorder kung saan ang acid mula sa tiyan ay umaakyat sa esophagus ng tao. Ilan sa senyales nito ay ang pagkakaroon ng maasim na panlasa, heartburn, pagkalam ng sikmura, pagkapaos ng boses at ang pakiramdam ng may nakabara sa lalamunan.
6. HIV Infection
Ang pagkakaroon ng sore throat ay maaaring lumabas ng maaga sa mga taong nagkaroon ng HIV. Ang taong HIV positive ay maaari ring magkaroon ng pabalik-balik na sore throat dulot ng secondary infection gaya ng oral thrush o cytomegalovirus (CMV) infection. Nangyayari ito dahil sa humihinang immune system ng taong may HIV.
7. Tumor
Ang mga cancerous na tumor sa lalamunan, dila, o voice box (larynx) ay nakapagdudulot din ng sore throat. Isa sa mga senyales nito ay ang pagkapaos ng lalamunan, hirap sa paglagok, maingay na paghinga, bukol sa leeg at pagkakaroon ng dugo sa laway o plema.
7 na mga sintomas ng sore throat o makating lalamunan
Magkakaiba ang mga sintomas ng sore throat depende sa sanhi nito. Ang ilan sa mga karaniwang senyales ay ang:
- Pananakit ng lalamunan
- Matinding paghapdi ng lalamunan kapag lumulunok o nagsasalita
- Hirap sa paglunok
- Namamagang kulani o glands sa leeg o panga
- Namamagang mga tonsils
- Pamumuti o pagkakaroon ng nana sa mga tonsil
- Pagkapaos ng boses
Mga tips upang maiwasan ang pagkakaroon ng sore throat at posibleng pagkakaroon ng ubo
Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang sore throat na maaaring magdulot ng ubo o sipon ay ang pagkakaroon ng proper hygiene. Narito ang ilang tips na maaari mo ring ituro sa iyong anak:
- Hugasan ng maigi ang mga kamay nang madalas, lalo na bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, o matapos bumahing o umubo.
- Iwasan ang pakikisalo ng pagkain, utensils o mga baso.
- Bumahing o umubo sa tissue at itapon ito agad sa basurahan. Gumamit rin ng panyo upang takpan ang bibig.
- Maaaring gumamit ng surgical face mask kung ikaw ay nasa mataong lugar.
- Gumamit ng alcohol-based sanitizers bilang alternatibo kung walang paghuhugasan ng iyong mga kamay.
- Iwasan ang paglapit sa mga taong may sakit.
Gamot sa sore throat
Kung makating lalamunan lang ang iniinda, mas madali itong malunasan sa pamamagitan ng over-the-counter medicines gaya ng lozenges at throat spray. Pwede ring subukan ang home remedies gaya ng pag-inom ng salabat o pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin o baking soda.
Subalit kung may impeksyon na at naging sore throat na ito, mas komplikado ng kaunti ang gamutan. Narito ang ilang paraan na pwedeng subukan para magamot ang sintomas ng sore throat.
1. Kumpletong pahinga at pag-inom ng maraming tubig
Ito ang pinakamainam na paraan upang makabawi ang iyong katawan sa anumang impeksyon o sakit tulad ng sore throat. Ipahinga rin ang lalamunan sa pamamagitan ng pagbawas sa pagsasalita.
Makatutulong rin ang pag-inom ng maraming tubig upang mapanatiling hydrated ang taong may masakit na lalamunan.
2. Pag-inom ng over-the-counter medicines gaya ng lozenges
Malaking tulong rin ang pag-inom ng mga lozenges bilang gamot sa makating lalamunan at iba pang sore throat sprays. Ngunit iwasang bigyan nito ang mga batang may edad 5 pababa upang hindi mabulunan at nang walang payo ng kaniyang doktor.
Gamot sa makating lalamunan | Image from Unsplash
3. Pag-inom ng alternative herbal medicines gaya ng salabat
Matagal nang subok ang pag-inom ng salabat o ginger tea bilang gamot sa sore throat. Puwede itong haluan ng pulot o honey dahil sa natural na antibiotic properties nito. Ngunit dapat tandaan na ang honey ay hindi dapat ipainom o ipakain sa mga batang isang taong gulang pababa.
4. Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin
Ang saline o tubig na may halong asin ay isa rin sa mga home remedies na maaring gawing gamot sa makating lalamunan at sore throat.
Maghalo ng kalahating kutsarita ng asin sa isang baso ng maligamgam na tubig at mumugin ng ilang minuto. Maaari itong gawin kada 3-4 na oras o hanggang sa mawala ang sore throat. Ipinapayo na huwag itong gawin sa mga bata.
5. Iwasan ang mga bagay na makakapagpalala sa sore throat
Iwasan ang paninigarilyo, pagkain ng maaanghang na pagkain o pag-inom ng alak kung mayroong sore throat dahil pinalalala nito ang kondisyon ng lalamunan.
6. Pagkain ng masusustansiyang pagkain at pagpapanatili ng healthy lifestyle
Palakasin ang iyong resistensiya sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain at pagpapanatili ng healthy lifestyle. Matutulungan nito ang katawan na maiwasan ang anumang sakit.
7. Kumonsulta sa doktor
Agad na kumonsulta sa doktor kung hindi pa rin gumagaling ang sore throat sa loob ng isang linggo o kaya mapansin ang mga sumusunod na sintomas:
- matinding pananakit ng lalamunan
- nahihirapang lumunok at kumain
- nahihirapang huminga o sakit kapag humihinga
- hirap ibuka ang bibig
- pananakit ng katawan
- lagnat na 38 degrees Celsius pataas
- stiff neck
- pananakit ng tenga
- mayroong dugo sa iyong laway o plema
Huwag uminom ng mga antibiotics na hindi inireseta ng doktor upang maiwasan ang anumang bacterial immunity.
Tandaan, ang sore throat ay isa ring sintomas ng malalalang sakit gaya ng Covid-19, kaya naman iwasan ang mag-self medicate at bantayan ang iba pang sintomas na kasama ng pananakit ng iyong lalamunan.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga sintomas na iyong nararamdaman kaugnay ng sore throat at makating lalamunan, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!