Ang stress ay parte ng pagiging tao, darating sa punto na lahat ay makakaranas nito, walang exempted. Marahil marami sa atin ay ipinagsasa-walang bahala lamang ito. Ngunit ayon sa mga eksperto, kapag ang stress ay lumala at napabayaan ay maaaring makasama sa sarili.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano nga ba ang stress?
- Masama ba ang stress?
- Paraan upang mawala ang stress
- Tips kung paano maiiwasan ang stress
Ano nga ba ang stress?
Ang stress ay reaksyon ng ating katawan sa mga pagsubok. Maaari itong positibo o negatibo, at mayroong maayos na paraan upang masolusyunan ito.
Lahat ay nakakaranas ng stress na maaaring ma-trigger sa isang iglap. Hindi lamang ito nakaaapekto sa utak, kundi maging sa pisikal na aspeto tulad ng: mabilis na pagtibok ng puso at mataas na blood pressure.
Masama ba ang stress?
Ayon sa Healthline, hindi naman talaga masama ang stress sa kabuuan. Sa katunayan ito’y nakakatulong upang maka-survive tayo. Mahalaga rin ito sa ating mundo ngayon. Maaaring maging healthy ito lalo na kung dahil rito ay nakakaiwas tayo sa mga aksidente, pag-meet ng ating deadline, at iba pa.
Pwedeng makaramdam o makaranas tayo ng stress pero hindi tayo pare-parehas ng stress level o mga pinagdadaanan stress. Sapagkat iba-iba tayo ng danas bilang tao.
Maaaring stress tayo sa ganitong bagay at para naman sa iba ay hindi sila stress dito. Halimbawa stress tayo kapag gagawa o magpa-public speaking tayo pero para naman sa iba ay hindi sila nai-stress dito.
Hindi laging masama ang pagkakaroon ng stress, halimbawa umano sa inyong wedding day maaaring stress ka pero isa itong good form ng stress.
Pero tandaan na ang stress ay temporary lamang. Kapag nalampasan mo ito, ang iyong heart rate at paghinga ay mag-i-slow down at ang iyong mga muscles ay magrerelaks din.
Sa maliit na oras, ang iyong katawan ay babalik sa kaniyang normal state na walang maiiwan na negative effects ng stress kapag nalampasan mo ang pinagdadaanan mong stress.
Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng matindi, madalas, at matagal na stress ay maaaring maging masama o harmful. Ito ay karaniwan din.
Ayon sa Healthline, 80% ng mga Americano ay naulat na may sintomas ng stress sa nakalipas ng mga buwan. At 20% naman dito ay naulat na mayroong under extreme stress.
Sa ating buhay hindi natin basta-basta maiaalis ang stress pero maaari nating matutuhan na iwasan at i-manage ito lalo na kung hindi ito unavoidable.
Ano nga ba ang importansya ng pagma-manage ng stress?
Kung ikaw ay nakararanas ng matinding stress, maaaring malagay ka sa panganib. Hindi lamang ang iyong mental na kalusugan ang apektado maging ang iyong pisikal na pangangatawan. Napipigil ng stress ang iyong kakayahan na mag-isip ng maayos at mag-function ng mabuti at epektibo.
Ang epektibong pagma-manage ng stress ay tulay upang makamit mo ang masaya, malusog at produktibong pamumuhay. Kung kaya naman importante na maagapan ang stress at maiwasan ito.
Paano nga ba mawawala ang stress? Narito ang 6 na paraan na maaari mong gawin upang ma-manage ito
Hindi kailangan ng literal na gamot sa stress o ‘yong nabibili sa mga botika. Ito ay dahil may mas maganda at maayos pang paraan para mawala ang stress na nararanasan mo at ng iyong pamilya. Narito ang mga gamot sa stress na makakatulong sa ‘yo upang ngumiti ulit.
1. Regular na mag-ehersisyo
HIndi lamang sa pisikal na pangangatawan may benepisyo ang pag-eehersisyo, may dulot din itong maganda sa mental na aspeto. Ayon sa mga eksperto, ang pag-eehersisyo ay epektibong paraan upang mawala ang stress.
Sa tuwing tayo ay nag-eehersisyo nagpo-produce ang katawan ng endorphins isang natural substance na makakatulong upang manatiling positibo ang ang attitude at bumuti ang pakiramdam.
2. Pag-aralan ang iba’t ibang relaxation techniques
Paano mawala ang stress? Pag-aralan at gawin ang iba’t ibang meditation techniques. Ang pagre-relax ay makakatulong upang mawala ang stress.
Maraming iba’t ibang techniques ang pwede mong gawin, ilan na nga rito ay ang deep breathing, progressive muscle relaxation, at mindfulness meditation. Maraming apps sa internet nagpo-provide ng gabay sa mga techniques na ito.
3. Maaaring mag-take ng mga supplement
Maraming supplements ang nakakatulong na pangpawala ng stress at anxiety. Narito ang mga listahan ng mga halimbawa ng supplements.
- Lemon Balm: Ang lemon balm ay parte ng mint family na ayon sa pag-aaral ay nakatutulong na makabas ng stress.
- Omega-3 fatty acids: Ayon sa isang pag-aaral ang omega-3 ay epektibong pampawala ng stress.
- Green tea: Ang green tea ay nagtataglay ng polyphenol antioxidants na nagpapababa ng stress level.
4. Iwasan ang masyadong paggamit ng social media
Ang pagbababad sa social media ay maaaring maging sanhi ng stress. Hindi lamang dahil sa mga nakikita natin dito, kundi dahil ang oras na iginugugol sa paggamit nito ay nakakabawas sa oras para sa pamilya.
5. Iwasan ang mga pagkaing nagtataglay ng caffeine
Ang caffeine ay matatagpuan sa kape, tea, chocolates at energy drinks. Ang sobrang pagkonsumo nito ay nagdudulot ng stress. Kung hindi maiiwasan, subukang itake ito ng may tamang moderasyon.
6. Mag-set ng makatotohanang goals at expectations
Ayos lang na hindi magtagumpay sa lahat ng pagkakataon. Tandaan na may mga bagay tayong kayang kontrolin at hindi kayang kontrolin. Ituon ang atensyon sa mga realistic na bagay.
BASAHIN:
Kung stressed si Mommy dahil kay baby, si Daddy lang ang kailangan niya—wala ng iba
4 A’s ng stress management
Sa pag-iwas sa stress nario ang 4 A’s na maaari mong isaisip.
- Avoid – Iwasan ang hindi ganoon importanteng bagay na nakakapag pa-stress sa iyo. Alamin ang iyong limitason, Ayos lamang na tumanggi sa mga sitwasyon. Ang pagtanggap sa mga bagay na hindi mo kayang gawin ay makadaragdag lamang sa stress. Iwasan ang mga sitwasyon at kaganapang nadaragdag sa iyong stress.
- Alter – kung hindi mo kayang iwasan, baguhin mo ang sitwasyon. Maaari mong i-express ang iyong nararamdaman imbis na kimkimin ito. Ipahayag ang iyong mga saloobin sa magalang at may respeto na paraan.
- Adapt – pag-aralang mag-adjust sa mga sitwasyon. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong mga ekspektasyon at attitude. “Look at the bigger picture” tignan ang mga positibong bagay sa mga negatibong sitwasyon. Walang bagay na perpekto, kung patuloy itong aasamin magdudulot lamang ito ng stress.
- Accept – Tanggapin ang mga bagay na hindi mo kayang baguhin. Maraming bagay ang hindi natin kayang kontrolin at ang isang paraan na maaari nating gawin ay tanggapin ito upang maiwasan ang stress.
Tips paano maiiwasan ang stress
-
Maglaan ng oras para sa sarili
Maglaan ng panahon upang pagnilayan ang mga bagay na nagdudulot ng stress sa iyo. Pag-aralan ang mga sanhi nito at posibleng solusyon. Gawin mo ang mga bagay na nakakapagpasaya sa ‘yo habang sinisiguro na hindi ito nakakasama sa iba.
-
Kumain ng masustansiya
Ang pagkain ng masustansiya ay makatutulong upang maiwasan ang stress. Kung ikaw ay kakain ng masusustansiya magiging malusog ang iyong pangangatawan at madaragdagan ang iyong enerhiya na makatutulong upang ma-handle mo ang stress ng maayos.
Mga pagkain na nakakawala ng stress
Hindi natin maikakaila na ang pagkain ay isang way ng pag-aalis ng stress. Ang pagkain ng mga paboritong pagkain ay nakakatanggal ng pagod o kung ano mang bumabagabag sa isip. Narito ang ilang stress reliever foods:
-
- Dark chocolate
- Yogurt
- Carrots
- Fatty Fish
- Tea
- Seaweed
- Walnuts
-
Blueberry
-
Milk
- Eggs
- Pumpkin seeds
- Banana
- Avocado
-
Siguraduhing may sapat na tulog
Ang tulog ay importante. Siguraduhing may sapat na tulog araw-araw dahil nakatutulong ito upang mawala at maiwasan ang stress. Karamihan sa mga tao ay nangangailangan ng 7 hanggang 9 na oras ng tulog kada araw. Maging consistent sa pagtulog.
-
Maging handa
Asahan ang mga pagsubok maging ito man ay sa trabaho, pamilya o ‘di kaya ay sa simpleng pag-aalaga sa bata. Isipin posibleng pagsubok na kahaharapin upang mapaghandaan ito. Kung marami kang kailangan tapusin, i-manage ng maayos ang iyong oras.
-
Huwag mahihiyang humingi ng tulong
Hindi lahat ng bagay ay kaya mong gawin mag-isa, kung nahihirapan ay maaari kang humingi ng tulong sa iba. Maaaring sa iyong pamilya, kaibigan, asawa, o kaya naman sa isang propesyunal.
Tandaan, ang stress ay parte na ng buhay, hindi ito mawawala. Ngunit, maraming paraan upang masolusyunan ito at hindi maapektuhan ng stress. Dahil walang ibang may kontrol sa sarili mo, kundi ikaw mismo.
Source:
Psychology Today, Mayo Clinic, Healthline
Karagdagang ulat mula kay Joyce Vitug
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.