Ang pagkakaroon ng trangkaso o flu ay karaniwang sakit. Ang mabisang gamot sa trangkaso ay nakadepende sa mga kaakibat nitong sintomas.
Lumalamig ang panahon, at dumadalas na naman ang insidente ng trangkaso. Ano nga ba ang pinakamabisang gamot sa trangkaso? At paano malalaman kung sintomas na ito ng mas malalang sakit?
Kadalasan, kapag nakararanas ng mga karaniwang sintomas ng trangkaso, ipinagwawalang-bahala lang ito sa pag-aakalang dala lang ito ng pagod at hindi naman ito seryosong sakit.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang trangkaso?
Ayon kay Dr. Ces Alineo, isang pedia-ambulatory doctor, ang influenza o mas kilala sa tawag na flu o trangkaso sa Tagalog ay isang respiratory virus na tumatama sa isang tao, at maaaring maging malala dahil sa mga dala nitong komplikasyon.
Dagdag pa ng doktora, sa isang tropical na bansa tulad ng Pilipinas, halos buong taon ay maaaring makaranas ang tao ng trangkaso, subalit mas dumarami pa rin ang kaso nito kapag malamig ang panahon o tag-ulan.
Pagpapaliwanag niya,
“In tropical countries, flu is actually all-year round. Pero may season na mas mataas talaga ‘yong flu incidents. In the Philippines, they saw that we have it high during February and March, that’s the first peak, then during our wet season, that’s June to October, pero sometimes it lasts up to December.”
Sintomas ng trangkaso
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng trangkaso ang mga sumusunod:
- ubo
- sipon
- pananakit ng lalamunan
- lagnat
- pagtatae at pagsusuka
- pananakit ng ulo o ng katawan
- mabilis mapagod
Ilang araw bago gumaling ang trangkaso?
Karaniwang lumalabas ang mga sintomas ng trangkaso 1 hanggang 4 na araw matapos ma-expose sa flu virus, at maaaring maranasan ang mga ito sa loob ng 5 hanggang 7 araw.
Mga posibleng komplikasyon ng trangkaso
Kadalasan, ang mga taong may malakas na immune system ay madaling gumagaling sa trangkaso. Subalit ayon kay Dr. Ces, maaari itong maging delikado para sa mga taong mayroong chronic diseases o pangmatagalang sakit.
Pahayag ni Dr. Ces,
“It’s really life-threatening, so I hope we won’t just look at flu as simple, because for those with chronic health problems, they’re at risk of having complications.”
Narito naman ang ilan sa mga posibleng komplikasyon ng trangkaso:
- mas seryosong impeksyon para sa mga taong may diabetes
- sa mga bata, maaari silang magkaroon ng kombulsyon
- encephalitis sa mga bata
- pamamaga ng mga bahagi ng katawan
- blood clot
- sa mga taong may sakit sa puso, pwedeng magkaroon ng heart attack
- dehydration, lalo na sa mga bata
- pneumonia
Gayundin, dapat na mag-ingat ang mga babaeng nagdadalang-tao na huwag magkaroon ng flu. Ayon kay Dr. Ces, napakasama ng mga epekto ng trangkaso sa mga buntis gaya ng stillbirth, preterm labor at low birth weight.
Ayon naman kay Dr. Edwin Rodriguez, minsan ay parang walang mararamdamang sintomas ng flu ang isang tao. Subalit hindi ibig sabihin nito na hindi na niya makakalat ang virus. Maaari pa rin siyang makahawa, kaya dapat ay maging maingat pa rin.
Trangkaso o COVID-19?
Ngayong may pandemya, mas naging maingat ang mga tao kapag nakakaranas sila ng mga sintomas ng trangkaso. Halos wala kasi itong ipinagkaiba sa mga kilalang sintomas ng kinatatakutang COVID-19. Lalo na sa mga bagong variant nito na tinatawag na Delta at Omicron, kung saan halos katulad lang ng trangkaso ang mga sintomas.
Kung ikukumpara sa COVID-19 virus, sa COVID, kilalang sintomas ang pagkawala ng pang-amoy at panlasa. Subalit minsan, kapag may sipon ang isang tao, talagang nawawala o nababawasan ang kaniyang pang-amoy o panlasa.
“The most common symptoms of COVID-19 are fever, tiredness, and dry cough,” ayon sa World Health Organization (WHO). Madalas na lumalabas ang mga sintomas nito sa loob ng 2 hanggang 14 araw mula sa exposure sa virus.
Bagama’t magkakatulad ang mga sintomas ng trangkaso sa COVID-19, ang pangunahing sintomas na nag-iiba sa dalawa ay ang hirap sa paghinga.
“Influenza does mimic COVID-19 very closely, but the shortness of breath is not usually as severe as it is with COVID-19,” sabi ni Dr. Subinoy Das sa Healthline. Aniya, ang hirap sa paghinga o pagkahingal ay maaring maranasan 5 hanggang 10 araw pagkatapos ng lagnat.
Pero kailan ka nga ba dapat magpa-swab test ang isang taong nakakaranas ng sintomas ng trangkaso?
Dahil nga masyadong malapit ang sintomas ng mga bagong COVID-19 variant sa sintomas ng trangkaso, mas mabuting maging maingat at mag-isolate na kapag naranasan mo ang mga sumusunod na sintomas:
- ubo
- sipon
- matinding pagod
- pananakit ng katawan
- paghingal o hirap sa paghinga
Sa katunayan, para makasiguro, mas mabuting sumailalim na sa COVID-19 RT-PCR test kapag naranasan ang mga nabanggit na sintomas.
“Ang hirap na po kasi to differentiate, you really have to do your COVID-19 RT-PCR,” ani Dr. Ces.
Sa huling pahayag ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ipinapayo nila na sumailalim sa RT-PCR test ang isang taong posibleng na-expose sa isang taong mayroong Covid-19 sa loob ng 72 oras. Kung walang nararamdamang sintomas, dapat ay mag-isolate ng limang araw pagkatapos ng kaniyang exposure.
Samantala, kung positive naman ang resulta ng swab test, dapat ay ipagpatuloy ang pag-isolate hanggang sa ika-10 araw o hanggang magkaroon na ng negative na resulta sa swab test.
“If your test result is positive, you should continue to isolate until day 10. If your test result is negative, you can end isolation, but continue to wear a well-fitting mask around others at home and in public until day 10,” ayon sa CDC.
Pero paalala ni Dr. Ces, bagamat mas sikat ngayon sa mga tao ang COVID-19, dapat alalahanin na mayroon pa ring flu at kailangan pa ring mag-ingat ng mga tao sa sakit na ito.
Mabisang gamot sa trangkaso home remedy
Mabisang gamot sa trangkaso home remedy ba ang hanap mo? Narito ang ilang puwedeng gawin upang maibsan ang sintomas ng trangkaso:
-
Pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga.
Kahit sinong may sakit ay nangangailangan ng sapat na pahinga, tulog, tubig at masustansiyang pagkain. Ang mga ito ang unang hakbang para maibsan ang mga sintomas na nararamdaman ng pasyente, ayon kay Dr. Carlo Palarca, MD, isang internist.
Sumang-ayon naman dito si Dr. Ces. Pahayag niya, nalalabanan ng katawan ang mga virus na nagdadala ng trangkaso kapag tayo ay natutulog.
“Our natural killer cells na part ng ating immune system, kapag tulog tayo sa gabi, ito ay dumarami. Ito ang ating frontliners when it comes to viruses, including SARS COV-2.” aniya.
-
Pag-inom ng maraming tubig.
Makakatulong ang pag-inom ng sabaw, mga sports drinks na may electrolyte, para hindi ma-dehydrate ang pasyente. Kung may sore throat, subukang magmumog ng maligamgam na tubig na may kaunting asin.
-
Pag-inom ng mga niresetang gamot ng doktor.
May mga gamot sa trangkaso na puwedeng bilhin sa botika na hindi kailangan ng reseta ng doktor (over-the-counter anti-fever medicine), tulad ng Tylenol (acetaminophen), o mga nonsteroidal anti-inflammatory drug (NSAID), tulad ng Advil at mga ibuprofen at naproxen, para maibsan ang anumang pananakit ng katawan.
May mga gamot sa trangkaso na para sa ubo at sipon. Nariyan din ang mga decongestants, cough suppressants, at expectorants, para sa mga sintomas ng trangkaso.
Pero tandaan na ang mga gamot na ito ay para magamot ang sintomas, at hindi ang mismong sakit. Kung ang pasyente ay may nasal o sinus congestion, decongestant ang dapat na gamot. Kung may sipon, bumabahing, makati at nagluluha ang mata, antihistamine ang kailangan.
Gamot sa trangkaso para sa matanda
Kadalasan, para makontrol ang trangkaso, kinakailangan lang ng gamot sa trangkaso para sa matanda ay pag-inom ng maraming tubig at sapat na pahinga.
Pero kung mas malala ang sitwasyon, maaaring bigyan ng doktor ng reseta ng gamot sa trangkaso para sa matatanda. Kadalasan, ang mga gamot na ito ay antiviral.
Gamot sa trangkaso na tablet
Para sa mga gamot sa trangkaso na tablet, kalimitang ang mga ito ay antiviral. Ito ay ang mga sumusunod:
- oseltamivir phosphate (available sa generic drug store)
- zanamivir
- peramivir
- baloxavir marboxil
Gamot at home remedies para sa trangkaso
Huwag mag-aalala! Ang trangkaso ay maaaring malunasan ng gamot at home remedies na makikita sa bahay o mabibili sa pamilihan.
Narito ang ilan sa mga karaniwang gamot at home remedies at lunas para sa trangkaso:
- Hydration ng katawan
- Pag-inom ng vitamin C
- Pagpapahinga at pagtulog
- Paghigop ng mainit na tsaa na may honey
- Chicken soup para sa soft food diet ng may trangkaso
- Aromatherapy
- Pagmumog ng maligamgam na tubig na may konting asin
- Bahagyang maligamgam na paligo
- Pagtulog ng may ekstrang unan
Pagdidiin ni Dr. Jerry Villarante, MD,
“Hindi basta-basta nagrereseta ang mga doktor ng gamot sa pasyente kung walang medical history, laboratory at physical exam.”
Kailangan pa ring magpatingin sa doktor (kahit virtual lang) para malaman kung ano ang tunay na sanhi ng mga sintomas, o kung paano tuluyang magagamot ang trangkaso.
Ang mga over-the-counter medicine ay para makatulong na maibsan ang mga sintomas. Kailangan ding malaman ng doktor ang mga gamot na iniinom dahil maaaring ang mga ito ay may negatibong epekto kung sabay-sabay na iniinom, tulad ng antihistamine at decongestants.
Ayon kay Dr. Ces, ang mga antiviral medicines ay nakakatulong rin para paiksiin ang duration ng trangkaso at gawing mas banayad ang mga sintomas nito, kaya naman mas epektibo ang mga antiviral medication kung masimulang gamitin o inumin sa unang dalawang araw ng trangkaso.
Kailan dapat pumunta sa doktor
Karamihan ng mga nagkakasakit ng trangkaso ay pinipiling magpahinga na lang at magpagaling sa kanilang sariling tahanan, subalit kay Dr. Ces, kung ang tao ay mayroong comorbidities, mas maganda kung ipapaalam sa doktor ang kanilang kalagayan at dalhin sa ospital kung kailangan.
Narito pa ang ilang senyales na kailangan na ng agarang medikal na atensyon ng isang taong may flu.
Sa mga bata:
- Hindi kumakain ng maayos
- May senyales na siya ay dehydrated (tuyo ang mga labi, walang luha kapag umiiyak)
- Masyadong matamlay at tutulog-tulog
- Nagkukumbulsyon
- Nahihirapang huminga
- Lagnat na 40 degrees Celsius pataas
Sa mga matatanda naman:
- Hinihingal o nahihirapang huminga
- Pananakit ng dibdib
- Pagkahito at pagkalito
- Pagka-himatay o kombulsyon
- Bihirang umihi
- Pagtaas ng lagnat at paggrabe ng sipon na parang hindi bumubuti o nawawala.
- Pagkabalisa
- Pagtindi ng mga sintomas ng iyong medical conditions.
Paano makakaiwas sa trangkaso
- “Influenza is a vaccine-preventable disease,” ani Dr. Ces. Ang pinakamabisang panlaban sa trangkaso ay ang pagkakaroon ng flu vaccine. Puwede itong ibigay sa mga batang 6 na buwan pataas, at ibinibigay sa mga bata at matatanda taun-taon para mapalakas ang resistensya ng katawan laban sa influenza. Tanungin ang iyong doktor o pediatrician ng iyong anak tungkol rito.
- Nakakahawa ang trangkaso o flu, kaya’t mas mainam na huwag nang papasukin sa eskuwela o trabaho kapag may nakita nang sintomas tulad ng malalang ubo at sipon, at lagnat. Kung alam nang may trangkaso, ikaw na ang umiwas na makahawa sa iba.
- Makabubuti rin ang pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay o pupunta sa pampubliko at mataong lugar para makaiwas na mahawa sa virus.
- Tumigil sa paninigarilyo dahil nakakapagpalala ito ng mga flu symptoms. Iwasan din ang alak kung kagagaling lang sa trangkaso dahil sanhi ito ng dehydration.
- Ugaliing maghugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Kapag virus ang sanhi ng isang sakit, tulad ng sa influenza, kusa itong mawawala at gagaling matapos ang ilang araw o linggo, kung walang magiging komplikasyon.
Ang trangkaso ay hindi nakamamatay, kundi ang mga komplikasyon dulot nito. Pinababagsak nito ang resistensiya ng isang tao, kaya naman madaling nanghihina ang immune system, at mabilis na nakakapasok ang mga ibang mas malalang sakit tulad pulmonya.
Ang pinakamabisang gamot sa trangkaso ay ang pag-iwas dito. Napakahalaga na kumuha ng flu shot taon-taon laban sa iba’t ibang virus ng trangkaso. Nag-iiba rin kasi ang mga virus kaya dapat ang pinaka-latest na bakuna ang kunin, lalo na ngayong may COVID-19.
Ano ang lagnat?
Ang lagnat ay isang temporary na pagtaas ng body temperature ng tao. Isa lamang ito sa mga response mula sa immune system ng ating katawan. Kalimitan, bunga ng impeksyon ang lagnat at mga sintomas nito.
Para sa halos lahat ng bata at matanda, ang lagnat ay nagdudulot ng ‘di komportableng pakiramdam. Ngunit, hindi palaging sanhi ito ng anumang isyu o komplikasyon sa kalusugan. Samantala, para sa mga baby, ang bahagyang lagnat at sintomas nito ay maaaring indikasyon na mayroong impeksyon ang bata.
Ang lagnat naman ay maaaring maibsan na sa loob lamang ng ilang araw. May mga mangilan-ngilang over the counter na gamot para sa lagnat na makakatulong makapagpaba nito. Subalit, hindi mo rin kailangang inuman lagi ng gamot sa lagnat kung hindi naman ito nagiging sanhi ng discomfort.
Ano ang sintomas ng lagnat?
Ang body temperature ay bahagyang nag-iiba-iba sa bawat tao, at sa iba’t ibang oras sa loob ng isang araw. Tinatayang ang average na temperatura ng katawan ng tao ay naitala na 98.6 degrees Fahrenheit (o 37 degrees Celsius).
Dagdag pa, ang temperaturang nakuha gamit ang oral thermometer para sa oral temp ay 100 degrees Fahrenheit (o 37.8 degrees Celsius). Mas mataas ito kumpara sa temperature na kinuha gamit ang body thermometer. Kaya maaaring maituring ito bilang isa sa kung ano ang sintomas ng lagnat.
Depende sa sanhi ng lagnat, narito ang mga dapat malaman sa kung ano ang sintomas ng lagnat o senyales na may lagnat:
- pamamawis na hindi maipaliwanag
- chills o shivering (panlalamig o panginginig ng kalamnan)
- pagsakit ng ulo
- pagsakit ng kasu-kasuan o muscle aches
- kawalan ng appetite o gana sa pagkain
- nagiging iritable
- dehydration
- panghihina ng katawan
Gamot sa lagnat
Pinakamaiging gawing gamot para sa lagnat ay kumonsulta sa doktor para malaman ang sanhi ng pagkakaroon ng lagnat ng bata o matanda.
Maliban pa rito, isang dapat ding gawin ay kumpirmahin kung may lagnat ang isang tao. Hindi nakakasapat ang paghipo o pagramdam lamang sa init ng noo o leeg para masabing may lagnat ang bata o matanda.
Unang dapat gawin bago magbigay ng gamot ay kuhanin ang body temperature. Ang average body temp ng tao ay 37 degrees Celsius. Kung ang lumabas na temperatura na kinuha ninyo orally, rectally, o axillary (kili-kili) ay mas mataas sa average body temp, sintomas na ito ng lagnat.
Mabisang gamot sa lagnat at trangkaso
Kung ang lagnat na dulot din ng trangkaso ay mas mababa kaysa 38 degrees Celsius, wala munang kailangang mabisang gamot sa lagnat. Isa sa mga dapat gawin ay uminom ng maraming tubig o anomang liquid basta hindi alak o alcohol.
Isa sa mga mabisang gamot sa lagnat at trangkaso maliban sa water therapy ay ang pagpapahinga.
Ngunit, kung sobrang taas ng lagnat, pumunta na sa doktor at magpa-check up. Maaari kang resetahan ng mabisang gamot sa lagnat at trangkaso depende sa sanhi nito. Puwede kang bigyan ng reseta ng aspirin, acetaminophen, o ibuprofen.
Kung bata ang may lagnat, lalo na ang edad 17 taong gulang pababa, huwag silang painumin ng aspirin.
Huling paalala: Huwag magpakakampante. Kung nakakaramdam ka na ng sintomas ng trangkaso, at hindi mo sigurado kung ito ba ay flu o COVID-19, huwag mahiyang tumawag sa iyong doktor at sumailalim sa swab test para masiguro ang kaligtasan ng buong pamilya.
Karagdagang ulat nina Camille Eusebio at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.