Kung ikaw ay madalas kapitan ng ubo at ang laging tanong mo ay ‘paano ito malulunasan’ at ‘ano ang mabisang gamot sa ubo’, maaaring ito na ang sagot sa iyong mga katanungan.
Ang pag-ubo ay isang karaniwang sakit ng tao. Walang pinipili ito at kahit ang mga bata ay pwedeng dapuan. Pero mommy, ‘wag balewalain ang simpleng ubo, lalo na kung lagi silang nagkakaroon nito. Mabuti na malaman kung ano ang dapat gawin!
Ano ang sanhi ng pag-ubo?
Ang ubo ay maaring isang sintomas ng mas seryosong karamdaman. Kadalasan, bago ka magkaroon ng isang malalang lagnat ay nagkakaroon ka muna ng ubo. Nangyayari ito dahil ang katawan mo ay nais maglabas ng dumi. Kasama rin nito madalas ang sipon na dulot ng virus.
Ang pag-ubo ay kadalasang sanhi ng alikabok, usok o maliliit na organism tulad ng bacteria at virus. Maaari ring sensitibo ang isang tao sa partikular na amoy at nagdudulot ito ng allergic reaction sa kanya.
Kapag ang plema ng ubo mo ay kulay green o yellow at kasama rin nito ay sipon at lagnat, ito ay dahil sa bacteria.
Ang iba pang sanhi nito ay ang pagkakaroon ng Upper Respiratory Tract Infection, asthma at tuberkolosis. Maaaring dulot din ito ng cancer sa baga, bronchitis, emphysema at pneumonia.
Tinatayang nasa 1 milyon ang naitalang may aktibong Tuberculosis sa bansa. Ang Pilipinas ang pangatlo sa listahan ng may mataas na kaso ng Tuberculosis habang ang South Africa at Lesotho ang nangunguna dito. Ito ang pinaka kilalang sakit sa bansa. Madali itong gamutin ngunit kailangan mong uminom ng gamot sa loob ng anim na buwan. Ngunit, ito ay nakamamatay. Mahigit 70 katao ang namamatay sa bansa dahil sa sakit na Tuberculosis. Ang kadalasang sign ng TB ay ang pag-ubo na may kasamang dugo ang plema.
Kaya naman mahalagang kumonsulta sa doktor kung nakikitaan ng sintomas ng TB tulad ng mga sumusunod:
- Panghihina
- pagbaba ng timbang
- lagnat
- pamamawis tuwing gabi
- pag-ubo
- pagsikip ng dibdib
- pag-ubo nang may kasamang dugo
Ang TB ay hindi namamana. Ito ay nakukuha kapag nahawaan ka ng taong positibo rin sa TB.
Iba’t-ibang uri ng ubo
Dahil iba’t iba ang maaaring sanhi ng pag-ubo, mayroon din itong dalawang uri. Ang nonproductive cough at ang productive cough. Ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawa?
Nonproductive Cough
- Ito ay mas kilala bilang Dry Cough. Ito ay patuloy na pag-ubo kahit na walang lumalabas na plema. Dahil dito, pwedeng sumakit din ang lalamunan. Ito ay nagreresulta sa pagkakaroon ng infection sa upper respiratory tract, gaya na lamang ng sipon. Paalala, ang dry cough ay maaaring maging early sign ng Bronchitis at Asthma. Ang mabilis na lunas dito ay ang pag-inom ng tubig.
Productive Cough
- Ito naman ay kapag naglalabas ng namumuong plema ang iyong katawan mula sa lower respiratory tract. Tulad ng dry cough, mas makakatulong ang pagiging hydrated upang lumabas nang tuluyan ang dumi sa iyong baga.
Iba pang uri ng pag-ubo:
- Kung ikaw ay may edad na at palaging inuubo, mabuting magpa-konsulta na agad sa iyong doktor dahil isa ito sa sign ng Pneumonia.
- Kung ikaw ay may allergy sa isang bagay katulad ng sigarilyo o alikabok, mabuting iwasan na lamang ang mga ito upang maiwasan ang pag-ubo.
- Isa ang ubo sa sintomas ng kanser sa baga. Lalo na kapag ito ay masyadong ma-plema at hindi na nagagamot ng mga antibiotics.
Ano ang mabisang gamot sa ubo?
Gamot sa ubo ng bata
Inuubo ba ang iyong anak at naghahanap ka ng gamot para dito? Ano nga ba ang gamot sa ubo ng bata?
Ayon sa artikulo ng Healthline na may pamagat na “How To Treat a Cough In Toddlers At Home,” hindi nirerekomenda na painumin ang bata na edad anim na taon pababa ng cough medicine.
Maaaring subukan ang ilang home remedies bilang gamot sa ubo ng bata. Tandaan din na mahalagang kumonsulta muna sa inyong pediatrician bago bigyan ng ano mang gamot ang iyong anak. Ito ay para matiyak ang kanyang kaligtasan.
Narito ang iba’t ibang uri ng mabisang gamot sa ubo depende sa uri ng ubo na mayroon ka:
- Antitussive, ang gamot na ito ay para sa mga taong hindi makatulog tuwing gabi dahil sa lala ng ubo.
- Mucolytic, Ito ang tawag sa gamot sa ubo na may plema. Pinapalambot nito ang iyong plema at tinutulungan ka nitong mailabas ang plema.
- Expectorant, ang gamot na ito ay para sa mga may halak o yung ubong pumuputok.
Paalala: Mabuting kumonsulta muna sa doctor bago painumin ng gamot ang bata.
Home remedy para sa ubo
Narito naman ang mga natural remedies na pwedeng-pwede sa ubo ng matanda at bata:
- Pulot o Honey. Ito ay mabisang gamot sa ubo ng bata o ng matanda. Mainam din itong pampakalma.
Paalala: Ito ay hindi nirerekomendang ipainom sa batang nasa 2 taon gulang pababa dahil maaaring magdulot ito ng pagkaparalisa ng kalamnan.
- Lagundi. Isa ito sa pinaka kilalang natural na gamot laban sa ubo. Ito ay nakakatulong sa paglambot ng malagkit na plema sa baga.
- Oregano. Ang dahon nito ay kadalasang dinidikdik, nilalaga o ipinapangtapal sa parte ng katawan na masakit.
- Luya. Ang luya ay pwede rin sa sipon. Ilaga lang ang luya at pagkatapos ay lagyan ng honey o kalamansi at ipainom na ito sa bata. Ito ay nakakatulong sa mabilis na pagpapalabas ng plema.
- Gumamit ng saline nasal drops. Mabibili ito over-the-counter sa mga pharmacy. Sundin lamang ang instructions na nasa bote upang maibigay nang ligtas ang nasal drops sa iyong anak.
- Panatilihing hydrated ang bata. Makatutulong ang tubig para malabanan ng kaniyang katawan ang sakit at mapanatiling moist ang airways nito.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
BASAHIN: 4-buwang-gulang na inuubo, ipinamasahe imbis na bigyan ng gamot ng duktor , #AskDok: Ano ang mabisang gamot sa sipon at ubo?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.