Isa sa mga mabisang gamot sa sipon at ubo ay ang pag-inom ng maraming tubig at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga. Pero, mahalagang malaman din ang mga sintomas ng ubo at sipon bago humingi ng resetang gamot o bumili ng over-the-counter na remedy?
Sa panahon ngayon, mahirap magkasakit. Kaya kung mayroon kang masamang nararamdaman sa iyong katawan, dapat agapan mo na ito. Alamin dito kung ano ang pinakamabisang gamot sa sipon at ubo.
Isa sa mga pinakakaraniwang sakit ang pagkakaroon ng sipon at ubo. Pero kung dati ay pinababayaan lang ito at hindi gaanong pinapansin, ngayon, natatakot dito ang marami dahil maari itong maging sintomas ng mas malalang sakit.
Posibleng sanhi ng ubo at sipon
Bago ang lahat, alamin muna natin kung anu-ano ang maaaring pagmulan ng sakit na sipon at ubo.
Ang sipon ay isang nakakahawang sakit na unang tumatama sa ating upper respiratory tract o ilong at lalamunan. Kadalasan itong may kaakibat na ubo kapag naiirita ang airways sa ating lalamunan.
Mayroon din namang pagkakataon na sipon lang o kaya naman ay ubo lang ang maaaring maranasan ng isang tao.
Gamot sa sipon at ubo | Image from Freepik
Ayon kay Dr. Ann Meredith Trinidad, isang eksperto sa internal medicine, mahigit sa 200 uri ng virus ang posibleng sanhi ng sipon at ubong dumarapo sa ating katawan. Ilan rito ang rhinovirus, coronavirus, adenovirus, respiratory syncytial virus at parainfluenza virus.
Pagbabahagi ni Dr. Trinidad,
“Ito ay nakukuha mula sa pagsagap ng airborne droplets na nagtataglay ng virus o direct contact sa mga bagay na nakapitan ng infected secretions tulad ng sipon o plema.
Taliwas sa mga karaniwang paniniwala, ito ay hindi direktang naidudulot ng malamig na pahahon, pagkabasa sa ulan o natuyuang pawis,”
Bagama’t hindi naman ito malalang uri ng sakit, ang pagkakaroon ng sipon at ubo ay nakakapagdulot pa rin ng hirap at iritasyon sa mga taong mayroon nito.
Sintomas ng ubo at sipon
Narito ang ilan sa mga sintomas na maaari mong maramdaman:
Karaniwang nagsisimulang maranasan ang mga sintomas ng sipon at ubo sa loob ng 2-3 araw; sa panahon ding ito pinakamadaling makahawa ang pasyente. Pero maaari siyang makahawa sa buong panahong siya ay nakararanas ng karamdaman.
Kadalasan, kusang gumagaling ang sipon at ubo sa loob ng 7 hanggang 10 araw, depende sa uri ng nasagap na virus at pangkalahatang kalusugan ng pasyente.
Ibig sabihin, maaaring mas matagal gumaling ang mga taong may mahihinang resistensiya ang katawan. Gayundin ang may mga kaakibat pang ibang karamdaman o bisyo, tulad ng paninigarilyo.
Samantala, kung makararanas ng mataas na lagnat ang pasyenteng may sipon at ubo, maaaring sintomas ito ng tumamang trangkaso (flu) o bacterial infection, tulad ng pulmonya at kailangang magpatingin sa doktor.
Ano ang iba pang sintomas ng sipon
Kapag ang virus na naunang magdulot ng sipon ay naapektuhan ang sinus at ang ilong, nagpo-produce ng mucus na malinaw. Nakakatulong ang clear mucus na ito na maalis ang virus sa ilong at sinus.
Paglipas ng 2 hanggang 3 araw, magbabago ang mucus ng kulay. Maaari itong maging puti, dilaw, o green. Ang pagbabago sa kulay na ito ay normal lamang at hindi kinakailagang inuman ng gamot sa sipon at ibo o ng antibiotic.
Sa ilang mga sintomas ng sipon, lalo na ng runny nose at ng stuffy nose and cough o ubong may plemang nakabara, ay maaaring tumagal ng 10 hanggang 14 na araw. Ilan sa mga sintomas na ito ay kinakailangan namang mawala habang tumatagal.
Ilan pa sa mga sintomas ng sipon ay ang mga sumusunod:
- paglagos ng sipon o mucus sa iyong lalamunan (post-nasal drip)
- sipon na bumabara sa ilong kaya ‘di makahinga ng maayos
- pagluluha ng mata
- lagnat (pero hindi lahat ng may sipon ay lalagnatin)
Iba pang sintomas ng ubo
Sa matatanda, ang ubo o chronic cough, tulad ng sipon, ay pwedeng tumagal ng walong linggo, at kinakailangang maagapan agad ng gamot. Samantala, sa mga bata naman, ito ay maaaring tumagal ng apat na linggo o isang buwan.
Hindi lang basta nakakainis ang ubo. Ito ay maaari ring magdulot ng pagkaantala sa pagtulog na nagiging sanhi ng exhaustion at pagkapuyat. Ang malalang kaso ng chronic cough ay pwedeng maging sanhi ng pagsusuka, lightheadedness, at maging fracture sa ribs.
Bagaman mahirap matukoy ang mga bagay na maaaring nagti-trigger sa ubo, ang karaniwang sanhi naman nito ay ang paninigarilyo, post nasal drip, asthma o hika, at maging acid reflux. Pero, nawawala naman ng tuluyan ang ubo kung ito ay maaagapan ng gamot tulad ng sipon.
Ang ubo ay maaaring maranasan na may ilang mga senyales at sintomas. Ito ay ang mga sumusunod:
- runny o stuffy nose (pagkakaroon ng malabnaw o malapot na sipon)
- pakiramdam na may tumutulong likido sa iyong lalamunan (post nasal drip)
- iritasyon sa lalamunan
- pamamalat
- nahihirapan sa paghinga o pagkahingal
- heartburn o pagkakaroon ng mapakla o pangangasim sa panlasa
- sa mga rare na kaso, pag-ubo ng dugo
Kung naranasan na ang ilan sa mga sintomas ng ubo, kumonsulta agad sa doktor para mabilis itong maagapan. Huwag munang magself-medicate at baka maling gamot ang inyong mainom na maaaring magdulot ng iba pang kumplikasyon.
Gamot sa sipon at ubo | Image from Unsplash
Sintomas ng common cold sa baby
Paano nga ba malalaman na may common cold ang sanggol? Lalo na at hindi pa nila kayang tukuyin at sabihin kung ano ang mga nararamdamang sakit. Ilan sa mga sintomas ng pangkaraniwang ubo’t sipon sa mga baby ay ang mga sumusunod:
- Runny nose kung saan ang discharge o sipon ay clear sa umpisa at unti-unting magiging gray, yellow, o green.
- Pagbahing
- Mataas na lagnat
- Walang ganang kumain
- Madalas na paglalaway dulot ng sore throat
- Hirap sa paglunok
Mabisang gamot sa sipon at ubo
Anong gamot sa sipon at ubo? Paglilinaw ni Dr. Trinidad, wala pang nalilikhang partikular na gamot sa sipon at ubo dahil wala pang mabisang antiviral therapy ang natutuklasan kaugnay rito.
Sa katunayan, kusa lang nawawala ang virus mula sa katawan sa loob ng 7 hanggang 10 araw. Ang mga sintomas na iyong nararanasan ay paraan ng katawan para labanan ang virus.
Pero may mga gamot naman para maibsan ang mga sintomas na dala ng sipon at ubo. Pahayag ni Dr. Trinidad,
“Maaaring sumubok ng over-the-counter preparations para sa mga sintomas nito. May decongestants, antihistamines at nasal sprays para sa sipon; cough preparations para sa ubo; throat lozenges at sprays para sa makati o masakit na lalamunan; at paracetamol para sa lagnat. Kung iinom ng mga gamot, siguraduhing masusunod ang tamang dami at dalas ng pag-inom.”
Ayon din sa American College of Physicians, hindi dapat nireresetahan agad ng antibiotics ang mga pasyente na may common cold o kaya sinus infections, puwera na lang kung hindi pa sila gumagaling matapos ang 10 araw. Sa lahat ng oras, kumonsulta muna sa iyong doktor bago uminom ng antibiotics.
Dapat tandaan na habang nagpapagaling mula sa sipon at ubo sa loob ng iyong bahay, ugaliing magsuot ng mask at maghugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Home remedies para sa ubo’t sipon
Anong gamot sa sipon at ubo? Tulad ng ilang mga OTC na gamot, hindi man tuluyang ginagamot ng home remedies ang ubo’t sipon pero nakakatulong ito upang mabawasan ang sintomas nito. Ilan sa mga kadalasan at pinakaepektibong home remedies para sa ubo’t sipon ay:
-
Gamot sa sipon at ubo: Magmumog ng tubig na may asin.
Nakakatulong ito upang mabalutan ang lalamunan at mabawasan ang pagiging irritable.
Ang pagiging hydrated ay nakakatulong na mapalitan ang mga fluids na nawala sa katawan at mapagaan ang congestion.
Ang vapor rub topical ointments ay nakakatulong upang mabuksan ang airways at mabawasan ang congestion.
-
Gamot sa sipon at ubo: Palaging magpahinga.
Ang palaging pagpapahinga o pagtulog ay nakakatulonhg upang maka-save ng energy ang iyong katawan.
Nakakatulong ang zinc lozenges na mabawasan ang tagal ng sintomas kapag nainom ito sa umpisa ng paglabas ng sintomas.
-
Gamot sa sipon at ubo: Echinacea.
Ayon sa pananaliksik, sa ilang mga kaso, ang echinacea ay epektibo sa pagpapaigsi ng sipon.
Gamot sa sipon at ubo ng bata
Hindi inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga batang nasa edad 2 pababa ang paggamit ng OTC medications para sa ubo’t sipon dahil maaari itong magdulot ng seryoso at nakamamatay na side effects.
Gamot sa sipon at ubo ng bata: Maaaring matulungang mabawasan o mapagaan ang sintomas ng iyong anak sa pamamagitan ng mga sumusunod ng home remedies:
- Pahinga. Ang mga bata na may ubo’t sipon ay mas madaling mapagod at maging irritable. Hangga’t maaari ay huwag paalisin sa bahay at hayaang magpahinga hanggang sa mawala ang ubo’t sipon.
- Hydration. Mahalaga na makainom ng maraming tubig ang mga batang may ubo’t sipon. Ang pagkakaroon nito ay mabilis makadehydrate sa mga bata kaya’t siguraduhin na umiinom palagi ng tubig ang iyong anak.
- Pagkain. Ang mga batang may ubo’t sipon ay hindi ganadong kumain kaya mainam na maghanap ng paraan para mabigyan ng calories at fluids, tulad ng sabaw at smoothies.
- Magmumog ng salt water. Ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin ay nakakatulong sa pagpapagaan ng sore throats.
- Maligamgam na tubig sa pagligo. Ang pagligo gamit ang maligamgam na tubig ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng mga pananakit na dala ng ubo’t sipon.
- Cool mist humidifier. Nakakatulong itong mabawasan ang nasal congestion. Huwag gumamit ng warm mist humidifier dahil maaari itong magdulot ng pamamaga sa nasal passages, at mahirapan sa paghinga.
- Bulb syringe. Ang paghigop sa ilong gamit ang bulb syring ay mabisang gamitin sa pagpapagaan ng nasal passages ng mga baby.
Gamot sa sipon at ubo ng baby
Pangkaraniwan na sa atin na tuwing nagkakaroon tayo ng ubo at sipon ay umiinom tayo ng over-the-counter drugs upang maibsan ang mga sintomas ng common cold. Pero hindi ito maaaring gawin sa mga baby at toddlers. Ito ay dahil ang mga gamot na safe para sa mga adult ay nagdudulot ng seryosong side effects sa mga baby at batang nasa edad dalawa pababa.
Narito ang mga pwedeng gawin kung may common cold ang iyong anak:
Sapat na fluid
Painumin ng sapat na dami ng tubig ang iyong toddler, sa mga sanggol naman ay ipagpatuloy lang ang breastfeeding. Ang extra fluid ay makapagpapanipis ng mucus sa kanilang ilong.
Maaaring bigyan ng tubig, juice o gatas ang iyong anak. Pero tandaan na kung ang iyong baby ay under 6 months old pa lang, huwag na huwag itong bibigyan ng mga nabanggit. Tanging breastmilk o formula milk lang ang dapat na ibigay rito.
Gumamit ng humidifier
Mahalaga ang paggamit ng humidifier upang ma-moisturized ang hanging nalalanghap ng iyong anak. Maglagay ng humidifier sa kwarto ng iyong anak upang mas maging maluwag ang paghinga nito.
Paano kung may lagnat si baby dulot ng common cold?
Karaniwang may kasamang lagnat ang ubo’t sipon. Kaya naman kung under 3 month old pa lang ang iyong anak, mabuting kumonsulta sa pediatrician kung sakaling ito ay lagnatin. Hindi normal ang pagkakaroon ng lagnat lalo na sa mga sanggol na nasa under 1 month old pa lang.
Kung 3-6 months na ang iyong anak, maaari na itong painumin ng acetaminophen kada 4 hanggang 6 na oras kung kinakailangan. Basta’t sundin lamang ang dosage guideline at gamitin lang ang syringe na kasama ng gamot.
Tandaan na mahalagang kumonsulta pa rin sa doktor upang matiyak ang kaligtasan ng iyong anak. Bukod pa rito, importante na matingnan ng doktor ang bata upang malaman kung may iba pa bang underlying condition na posibleng pinagmulan ng lagnat. Mabuti rin na magpatingin sa doktor upang maiwasan ang ano mang komplikasyong dulot ng ubo’t sipon.
Ano ang gamot sa sipon para naman sa matatanda?
Maaaring matukoy ng doktor kung ikaw ay may sipon batay sa mga sintomas at sa pag-examine sa iyo. Sa mas malalang kondisyon ng sipon, kinakailangan ang laboratory test.
Ang tanong na “ano ang gamot sa sipon” ay walang partikular na kasagutan. Ang sipon, bata man o matanda, ay walang partikular na lunas. Maaaring gumaling sa sipon ng walang gamot gamot, tulad ng antibiotics.
Para naman matulungan ang mabilis na pagkawala ng sipon sa matatanda, walang gamot, hindi tulad sa ubo, pero may mga paraan. Ito ay ang mga sumusunod:
- Magpahinga hangga’t kinakailangan
- Uminom ng uminom ng tubig o iba pang maaaring inumin ng may sipon
- Gumamit ng humidifier o cool mist vaporizer
- Gamitin ang nasal spray o drops
- Magmaligamgam na tubig at singhutin ang steam nito o pagsusuob (pero ito ay kailangang may payo mula sa doktor)
- Uminom ng honey na may dinikdik na luya o bawang para sa matatanda at batang nasa edad 1 taon pataas. Ito ay ang karaniwang gamot o home remedy para sa sipon at ubo.
Anong mga pagkain ang magandang kainin kapag may ubo’t sipon?
Kadalasan sa mga may sakit ay walang ganang kumain, ngunit nangangailangan ang iyong katawan ng sustansya at enerhiya na nagmumula sa pagkain. Ang mga sumusunod na pagkain ay maaaring makatulong sa paggaling mula sa ubo’t sipon:
- Chicken noodle soup. Ang maalat na sabaw ay isang classic treatment para sa lahat ng uri ng sakit, lalo na sa ubo’t sipon.
- Mainit na tsaa. Ang mainit na tsaa ay mabuti sa ubo’t sipon. Maaaring lagyan ng honey para sa ubo, o hiwa ng luya na maaaring makabawas sa pamamaga at guminhawa sa congestion.
- Yogurt. Ang yogurt ay naglalaman ng bilyong healthy bacteria na makakapagpalakas ng iyong gut health, at malabanan ang ilang mga sakit tulad ng ubo’t sipon.
- Popsicles. Nakakatuling din ito sa sakit na dala ng sore throat.
Umiwas sa pagkakaroon ng sipon at ubo
Ang mga batang may edad na 6 pababa, mga naninigarilyo at mga taong may mahihinang immune system ang kadalasang tinatamaan ng sipon at ubo.
Kapansin-pansing malaki ang kinalaman ng mabilis na paggaling mula sa sintomas ng sipon at ubo ang malakas na immune system at malusog na pangangatawan ng isang tao.
Gamot sa sipon at ubo | Image from Unsplash
Para kay Dr. Trinidad, oras na mapasok na ng virus ang katawan ng isang tao, tuloy-tuloy nang makararanas ng mga sintomas ang pasyente at hindi na ito mapipigilan. Kaya ang pinakamainam sa lahat ay iwasan ang makasagap ng virus na nagdadala ng sipon at ubo.
Dagdag pa niya,
“Hindi pa malakas ang ebidensya na ang vitamin C at zinc ay nakapipigil sa pagkakaroon ng ubo at sipon. Ngunit may mga ilang pag-aaral na nagsaad na maaari nitong mapaikli ang dami ng araw at mabawasan ang kalubhaan ng impeksyon.”
Bukod sa pag-inom ng mga vitamins at pagkain ng mga prutas at gulay na sagana sa Vitamin C at zinc, narito ang ilan pang bagay na maaaring gawin para makaiwas sa sipon at ubo:
- Iwasan ang direct contact o paglapit sa taong may sipon o ubo.
- Ugaliing maghugas ng kamay o gumamit ng alcohol-based sanitizer.
- Iwasan ang panghihiram ng mga personal na gamit mula sa ibang tao.
Mahirap nga magkasakit sa panahon ngayon. Pero hindi mo naman kailangang matakot kung malakas ang iyong resistensya at alam mo ang mga paraan para labanan at makaiwas sa mga virus.
Ang pinakamabisang gamot sa sipon at ubo – maghugas ng kamay, palakasin ang iyong immune system at iwasan ang mga taong may sakit.
Mga komplikasyon at risk factors
Ilan sa mga factors na nakakapagpataas ng tyansa na makakuha ng ubo’t sipon.
- Edad. Ang mga sangggol at bata ay mayroong mas mataas na risk ng pagkakaroon ng ubo’t sipon, lalo na sa mga batang pinapaalaga sa child care.
- Mahinang immune system. Ang pagkakaroon ng chronic illness o iba pang sakit na nakakapagpahina ng immune system ay nakakapagpataas ng risk.
- Panahon. Ang mga bata at matanda ay mas nakakakuha ng ubo’t sipon kapag malamig nag panahon, pero maaari kang magkaroon ng sipon kahit na anong oras.
- Paninigarilyo. Mas mataas ang tyansa na magkaroon ng malalang ubo’t sipon kung ikaw ay naninigarilyo o nakakalanghap ng usok mula dito (secondhand smoke).
- Exposure. Kung ikaw ay nasa lugar na matao, mas malaki ang tyansa na mahawaan at makakuha ng virus na may dalang ubo’t sipon.
Ang mga komplikasyon naman na maaaring makuha dahil sa ubo’t sipon ay:
- Acute ear infection (otitis media). Nangyayari ito kapag ang bacteria o virus ay nakapasok sa likod ng eardrums. Ang sintomas nito ay pananakit ng tenga o pagbalik ng lagnat na may kasamang ubo’t sipon.
- Asthma. Ang sipon ay maaaring magdulot ng wheezing kahit na wala kang asthma. Maaari nitong mapalala ang asthma kung sakaling mayroon ka nang asthma.
- Acute sinusitis. Sa bata’t matanda, ang ubo’t sipon na hindi gumaling ay maaaring mapunta sa pamamaga at pananakit (inflammation), at impeksyon sa sinuses.
- Iba pang impeksyon. Ang ubo’t sipon ay maaaring magdulot ng iba pang impeksyon, tulad ng strep throat, pneumonia, at croup o bronchiolitis sa mga bata. Ang ganitong mga impeksyon ay kailangang gamutin ng doktor.
Mga posibleng underlying condition
Chronic cough
Ang hindi gumagaling na ubo ay tinatawag na chonic cough. Ito ay kapag ang ubo ay tumatagal ng higit sa 8 linggo sa matanda o 4 na linggo sa mga bata.
Ang kadalasang sanhi nito ay asthma, allergiesm hastroesophageal reflux disease (GERD), o bronchitis. Minsan ay maaaring dulot din ito ng mas malalang kondisyon tulad ng heart cough o lung disease.
Heart disease
Kung nagkaroon ng komplikasyon sa ubo’t sipon, tulad ng lung infections, nahihirapan itong makakuha ng kinakailangan na oxygen.
Diabetes
Mas nahihirapan ang katawan na mapaalis ang virus na nagdudulot ng ubi’t sipon, at maaaring makadagdag ng stress sa iyong katawan.
Emphysema at Chronic Bronchitis
Ito ay dahil sa matagal nang paninigarilyo at nagdudulot ng hirap sa paghinga.
HIV/AIDS and Colds
Dahil sa mahinang immune system, mas nahihirapan ang katawan na labanan ang mga impeksyon tulad ng ubo’t sipon.
Gamot sa sipon at ubo: Kailan dapat pumunta sa doktor?
Bagama’t maraming paraan para maibsan ang mga sintomas ng sipon at ubo, may mga pagkakataon na nangangailangan na ito ng medikal na atensyon.
Kapag tumagal nang higit sa sampung araw ang sipon o ubo na may kasamang lagnat at pananakit ng lalamunan habang kumakain, dapat ka nang pumunta sa iyong doktor.
Agad namang tumungo sa ospital kapag nakaramdam ka ng paninikip ng dibdib, nahihirapan kang huminga, nagsusuka at nanghihina.
Karagdagang ulat nina Shena Macapañas, Nathanielle Torre at Jobelle Macayan
Mayo Clinic, Healthline, CDC, Web MD
Information details contain in the article were based on written communications with Ann Meredith Garcia Trinidad, MD, MCMMO, FPCP, FPSMO, who is an Internist and Medical Oncologist.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!