Marami sa atin talaga ang gumagamit ng mga herbal medicine o mga halamang gamot para sa ating mga sakit katulad na lamang ng oregano, mabisa umano ito para gumaling ang iyong ubo. Ang tanong, pwede ba ang oregano para sa baby? Alamin ‘yan dito.
Larawan mula sa Unsplash
Hindi na kakaiba ang pagkakaroon ng oregano sa halos lahat ng tahanan. Marami ang mga taong may tanim ng oregano. Hindi lang dahil madali itong tumubo kundi isa rin kasi itong halamang gamot at pampalasa sa pagkain.
Ayon nga sa mga matatanda ito’y nakakagamot ng mga sakit katulad na lamang ng ubo. Marami sa atin siguro ang nakainom na ng katas nito noong tayo’y bata pa kapag tayo’y may ubo o sakit.
Ano ang oregano?
Ang oregano o sa scientific term na coleus amboinicus lour ay isa sa mga kilalang pampalasa o herb na madalas na ginagamit sa pagluluto. Ito’y halaman na madaling tumubo at mayroong din bulaklak na kulay lila o violent.
May hindi ito matatawaran na amoy kaya’t madalas itong itinatanim sa mga bahay at taniman dahil masarap itong gamiting pampalasa.
Madali ring tumubo ang halamang ito kahit saan mang bahagi ng mundo lalo na sa India at sa mga bansang malaya.
Oregano leaves. | Larawan mula kay Marhiel
Sustansiya na makukuha sa oregano
Maraming sustansiya ang makukuha sa oregano na makakatulong sa kalusugan, ilan sa mga ito ang sumusunod:
- carbohydrates, protina, phenol, tannins, flavanoids, saponins, at flycosides.
- may langis ang dahon nito na mayroong thymol, eugenol, trans-caryphyllene, at carvacrol.
Ang tanong anong bahagi ng halamang ito ang pinagkukunan ng gamot? Sa dahon ang pangunahing pinagkukunan nito ng gamot. Maaari itong pakuluan at inumin, pwede ring dikdikin.
Bukod sa mga nabanggit na sustansyang makukuha sa oregano, marami ring benepisyong makukuha rito na makabubuti sa kalusugan.
Mayroong antioxidant ang oregano na makatutulong sa pagtanggal ng mga free radicals sa katawan ng tao. Ang free radicals ay mga nakalalasong substances sa katawan na resulta ng mga natural processes at environmental stresses.
Kapag nagkaroon ng buildup ng free radicals ay maaaring maka-trigger sa oxidative stress. Ang oxidative stress ay nagdudulot ng damage sa cell na nagreresulta ng iba’t ibang sakit tulad ng cancer at diabetes.
Bukod pa rito, mayroon ding antibacterial properties ang oregano. Dagdag pa riyan, may anti-inflammatory properties din ito na makatutulong para maibsan ang inflammation na posibleng humantong sa autoimmune arthritis, allergic asthma, at rheumatoid arthritis.
Mga sakit na pwedeng magamot sa pamamagitan ng oregano
- Ubo – makakatulong ang paglalaga ng oregano at pag-inom nito sa pabalik-balik na ubo.
- Sore throat – mabisa umano ang oreganong pinatuyo ang dahon sa sumasakit na lalamunan. Ilaga lamang din ito at inumin ang katas.
- Hika – ang inilaga na dahon ng oregano at katas nito ay makakatulong din para sa mga may hika.
- Kabag – kapag ika’y nakaroon ng kabag mabisa rin ang oregano para mawala ito. Inumin lamang ang nilagang dahon ng oregano.
- Pananakit ng tenga – kung ang tenga naman ay namamaga mabisa ang sariwang patak mula sa dahon ng oregano sa loob ng tenga para mawala ang pamamaga nito.
- Pigsa – mabilis na gagaling ang pigsa kung sasamahan mo rin ito ng paglalagay ng dinikdik na dahon ng oregano sa pigsa. Gawin ito apat na beses sa isang araw.
- Kagat ng insekto – kung ika’y nakagat ng insekto mabisa rin ang dinikdik na dahon ng oregano para mawala ang pamumula o pangangati nito. Maaari rin itong gamitin kung nakagat ka ng alupihan o alakdan.
- Paso – hindi maiiwasan minsan sa pagluluto na ika’y mapaso. Mabisa ang dinikdik na dahon ng oregano para maibsan ang sakit buhat ng paso sa balat.
- Pananakit ng ulo – maaari ring makatulong ang dahon ng oregano na bahagyang ipinitpit at ilagay ito sa sentido upang mabawasan o mawala ang pananakit ng iyong ulo.
- Pwede rin sa bagong panganak – pinapainom din ang katas ng oregano sa mga inang bagong panganak. Nakakatulong ito sa kanilang pag-rekober.
Pwede ba ang oregano para kay baby?
Sa dami ng pwedeng maitulong ng halamang gamot na ito sa kalusugan ng tao. Ang tanong pwede rin ba ang oregano para sa mga baby na may sakit katulad na lamang ng kabag na nabanggit kanina? Ligtas kaya ito para sa mga baby o bata na inumin?
Iba’t iba ang sagot sa katanungan kung pwede ba ang oregano para sa baby. Pwede ba ang oregano gamot sa ubo ng baby?
Ayon sa website ng Can Babies Eat, isa ang oregano sa mga mild spices na maaaring ibigay sa baby kung ito ay 6 months old na. Mayroong mataas na level ng antioxidants ang oregano na maaaring makatulong para maibsan ang ubo ng baby.
Pwede ba sa 1month baby ang oregano?
Kung iisipin ang nakasaad sa website ng Can Babies Eat, makikitang ang sagot sa “Pwede ba sa 1 month baby ang oregano?” ay hindi. Maaari lamang daw umanong gamiting gamot sa ubo ng baby ang oregano kapag 6 months old na si baby.
Kung may halak ang iyong anak, o parang may nakabarang plema sa lalamunan nito, maaari daw na ang oregano ay gamiting gamot sa halak ni baby.
May mga mommy na gumagamit ng oregano para gamutin ang halak ng kanilang anak. Pero hindi sa pagpapainom ng katas nito, kundi sa pag-steam ng dahon ng oregano.
Paano ito gawin? Pakuluan ang dahon ng oregano at ipalanghap sa baby ang usok o steam nito. Mabisa raw ito para mawala ang halak at pati na rin ang bara sa ilong ng baby kung ito naman ay may sipon.
Oregano gamot sa ubo ng baby?
May mga mommy na pinaiinom ang katas ng oregano sa baby na anim na buwan pataas na ang edad. Ang katas ng oregano umano ay makatutulong para sa ubo ng baby.
Sa programang Salamat Dok, nabanggit din na maaaring ipainom sa mga older children ang oregano. Hindi lang ito anti-inflammatory, nakatutulong din ito para maibsan ang iritasyon sa lalamunan ng bata.
Bukod pa rito, mayroon ding antibiotic action. Tandaan lamang na isang beses lang sa isang araw dapat painumin ng katas ng oregano ang bata.
Pero, ayon sa Healthline, wala pa umanong medical research na naisasagawa para matiyak na ligtas sa baby, buntis, at breastfeeding women ang pag-inom ng katas ng oregano.
Kung mabisang gamot man ang oregano para sa mga older children at mga adult na hindi buntis at nagpapasuso, ay maaaring iba ang maging epekto nito sa mga baby, buntis, at nagpapasusong ina.
Kung nais painumin ng oregano ang iyong anak tandaan na hindi 100% ligtas ang oregano para sa baby. Dahil hindi tiyak ang safety ng oregano para sa baby, mahalagang kumonsulta pa rin sa inyong doktor para makatiyak na hindi ikapapahamak ng iyong anak ang pagkonsumo ng oregano.
O kaya naman, mabuting ipalanghap na nga lang ang usok ng pinakulong oregano para lumuwag ang daluyan ng hininga ng iyong anak imbes na ipainom sa baby ang katas ng dahon ng oregano.
Tandaan na pagdating sa baby, mahalagang ikonsulta sa pediatrician ang sakit na nararanasan ng iyong anak. Sila ang angkop na hingian ng payo kung ano ang akmang gamot para sa ubo ni baby.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.