Oregano: Gamot sa ubo na abot-kaya, at epektibo pa
Ang oregano ay isang halaman o herb na hindi lang nagagamit para sa pagluluto, lalo na bilang sangkap sa paborito nating pizza; ito rin ay isang natural medicine para sa ilang karamdaman, at isa na dito ang ubo. Ngunit maaari ba talagang gamot sa ubo ang oregano?
Oregano gamot para sa ubo, sipon at halak | Image from Dreamstime
“Oregano is a traditional and alternative medicine,” paliwanag ni Dr. Regent Andre Piedad, M.D. Bukod sa lagundi, pwede ring gamitin ang oregano para gamot sa ubo. Kilala din itong pain reliever.
Ayon naman sa medical article ni Dr. Patrick Fratellone, MD, isang kilalang doktor ng integrative medicine at rehistradong herbalist ng American Herbal Guild, nirerekumenda ang oregano para bigyang lunas ang ubong may halak. Marami kasi itong “flu-fighting properties” dahil ito ay antibacterial, antifungal, at antioxidant. Kaya nga ginagamit itong expectorant para sa kondisyon sa baga at iba pang respiratory illnesses. Mabisang panlaban ang oregano sa ubo, sipon, baradong ilong, sinusitis, allergies, arthritis, sore muscles, sakit ng ngipin, sunog na balat, impeksiyon sa tainga, kagat ng insekto, at digestive problems tulad ng diarrhea.
Paano nagagamit ang oregano bilang gamot?
May mga oregano capsule na na mabibili sa botika, bagama’t mas karaniwan ang lagundi capsules bilang ‘over-the-counter’ na gamot, ayon kay Dr. Piedad. Pero kung mayron kang tanim ng oregano sa bakuran, magagamit mo pa rin ito laban sa ubo.
Oregano gamot para sa ubo, sipon at halak | Image from pixabay.com
Narito ang mga preparasyon na pwedeng gawin para magamit ang oregano bilang natural medicine.
- Oregano tea o juice. Patuyuin ang mga dahon, atsaka pakuluan. Pagkakulo ay maghintay lang ng 10 minuto, salain, lagyan ng kaunting honey para maibsan ang pait, saka inumin. Uminom ng hanggang 2 tasa ng oregano tea sa isang araw. Sa juice, sariwang dahon ang kailangan. Dudurugin lang ito at lalagyan ng kaunting mainit na tubig, salain, at mayron ka Nang oregano concentrate. Dagdagan ng tubig at juice na ito.
- Oregano oil. Patuyuing mabuti ang mga dahon. Siguraduhing hindi ito basa dahil baka magkaron ng bacteria. Durugin ang tuyong dahon at ihalo ang ½ tasang dahon sa ½ tasa ng oil (olive oil, grapeseed oil, avocado oil, o almond oil). Bago ihalo ang langis, painitin ang oil. Pwede itong ilagay sa microwave, o ilagay sa isang babasaging baso o garapon, at ibabad sa mainit na tubig.
Hayaang nakababad ng ilang linggo sa oil ang durog na oregano para ma-infuse. Alug-alugin lang para hindi mamuo. Salain ang dahon mula sa langis bago gamitin.
Makakatulong ito sa ubo at sipon. Gumamit ng dropper at magpatak ng oregano oil kapag nararamdaman nang magkaka-sipon o ubo. Kung may ubo na, magpatak ng hanggang 5 patak kada araw. Pwede ring ihalo sa juice, tea, o tubig.
- Natural na Cough Syrup. Ang isang kutsarita ng oregano cough syrup ay mabisa laban sa ubo at sakit ng lalamunan. Magpakulo ng bawang at isang kutsarita ng dahon ng oregano sa ½ tasa ng tubig ng hanggang 5 minuto. Palamigin sandali at saka ihalo ang ½ tasa ng honey. Inumin ito.
Ang isang alternatibo ay ilalagay sa isang garapon ang oregano sa ilalim, bawang, lemon at sibuyas, saka lagyan ng honey at tubig. Takpang mabuti at hayaan ng magdamag. Salain sa kinaumagahan at inumin ang liquid. Pwede itong ilagay sa refrigerator ng hanggang isang linggo.
Babala: Huwag ipapainom ang oregano cough syrup sa mga batang wala pang isang taong gulang. Makakasama ang honey na nakahalo dito.
Oregano gamot para sa ubo, sipon at halak | Image from Tina Xinia on Unsplash
Sa ngayon, nirerekumenda ng ibang doktor ang oregano bilang supplement.
“Mas nirereseta ko ang lagundi bilang gamot sa ubo dahil mayron na sa market nito,”
Ito ang paliwanag ni Dr. Piedad.
Bagama’t pareho lang naman ang bisa ng ladundi at oregano para gamot sa ubo, sipon at halak. Hangga’t maaari, iwasan ang pag-inom ng oregano oil kapag walang karamdaman, bagama’t mabisa nga ito kapag nagsisimula pa lang na maramdaman ang ubo o sipon.
Sources:
Regent Andre Piedad, M.D.; Dr. Patrick Fratellone, MD; Mayo Clinic
BASAHIN:
10 mabisang halamang gamot para sa iba’t ibang sakit
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!