“Masahe lang ang katapat niyan,” ito ang madalas na sabihin sa atin kapag nakararamdam ng pananakit ng katawan. Maaari raw kasing marami lang tayong lamig sa likod kaya nararanasan ang pananakit ng katawan.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng lamig sa likod at katawan? Totoo nga bang may kinalaman dito ang sobrang pagod na susundan kaagad ng paliligo? Nakukuha nga ba sa masahe at hilot ito?
Narito ang paliwanag ng doktor tungkol sa lamig sa likod at katawan at ilang lunas para dito.
Image from Freepik
Ano ang lamig sa katawan?
Tinatawag na muscle spasm in English ang lamig sa katawan. Kung ang lamig sa katawan ay nararamdaman sa likod, back muscle spasm naman ito in English.
Paliwanag ni Dr. Randy Dellosa, M.D., Psy.D., DO-MTP, psychologist at osteopath, ang tinatawag na “lamig” ay paninigas ng kasu-kasuan o muscular spasm. “Knots” at “nodules” ang pinakamalapit na Ingles nito.
Ito kasi ay ang parang bukol-bukol na karaniwang makakapa sa likod ng balikat at paligid ng spine. Sa kabuuan, ito ay ang masakit at pamamanhid ng ilang bahagi ng katawan, na sanhi ng hirap sa paggalaw. Bawat kibot kasi ay masakit. Tinatawag din itong ngalay ng iba.
Nakasanayan nang tawaging “lamig” ito kasi kapag hinawakan o kinapa, malamig ang pakiramdam ng bahaging masakit. Sintomas ito na hirap dumaloy ang dugo, oxygen, nerve impulses, pati na nutrisyon papunta sa mga bahaging apektado.
Sapagkat naninigas o naninikip ang mga muscles dito, paliwanag ni Dr. Dellosa. Kaya din masakit ito, dahil sa paninigas na ito ng mga muscles.
Nakasanayan nang tawaging lamig ito dahil ayon sa mga hilot dahil naninigas ang muscles sa ilang bahagi ng katawan dahil sa na-expose sa malamig na panahon, o buga ng malamig na hangin.
Maaari rin daw na nawalang ng init ang muscle kaya hindi dumaloy ang dugo, na nagbibigay ng init. Ang muscle spasm na resulta nito ay tinatawag ding myofascitis o trigger point ng mga mediko. Tinutukoy naman itong heat and cold energy imbalance ng ilang espesyalista.
Hindi ito tinatawag na “lamig” ng mga doktor, bagkus ay pinapaliwanag na ito ay muscle spasm. Ang katawagang “lamig” ay ginagamit ng mga hilot, at mga naniniwala sa matandang kaugalian.
Lamig sa katawan symptoms
Nakasanayan nang tawaging “lamig” ito kasi kapag hinawakan o kinapa, malamig ang pakiramdam ng bahaging masakit.
Ang lamig sa katawan ay senyales na hirap dumaloy ang dugo, oxygen, nerve impulses, pati na nutrisyon papunta sa mga bahaging apektado.
Paliwanag ni Dr. Dellosa, ang ilan sa mga symptoms ng lamig sa katawan ay naninigas o naninikip ang mga muscles. Masakit din ito dahil sa paninigas ng mga muscles. Maaaring makaramdam ng twitch sa sa ilalim balat.
Involuntary ang muscle spasms. Makararamdam ng contractions sa laman at ilang sandali bago ito gumaling. Kailangan din ng paglapat ng lunas para madaling maibsan ang paninigas at pananakit ng muscles.
Kung matindi ang pananakit na nararamdaman dulot ng lamig sa likod at katawan, mahalagang kumonsulta na sa iyong doktor. Makatutulong ito para matingnan kung mayroon bang seryosong underlying issue na nangangailangan ng paggamot.
Sanhi ng lamig sa katawan
Ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng lamig ay dahil sa mga sumusunod na gawi:
Paano ka ba matulog? o umupo? Ang pagkuba o maling postura ay nagdudulot ng pagkaipit ng ating muscles at nagkakaroon ng “muscle contraction” o spasm ang ating katawan.
Minsan naman, ang sobrang pagtatrabaho o pag-eehersisyo na sinundan agad ng pagligo ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng lamig. Dagdag pa riyan, ang pagbubuhat ng mabibigat.
Ang labis na pag-iisip ay nakakadulot ng stress kaya tuwing tayo ay nakakaramdam nito, nagiging aktibo ang stress response sa ating katawan kaya nagiging tense o naiipit ang muscles. Isa sa mga mararamdaman mo ay ang pananakit ng iyong likod, balikat o batok.
-
May iba pang muscular problem
Ang lamig sa likod ay maaaring magmula sa sakit sa spinal cord, nerves, o metabolic diseases (mataas na blood pressure, blood sugar, at abnormal cholesterol).
Image from Freepik
Lamig sa katawan remedy
May ilang rekumendasyon si Dr. Dellosa para maibsan ang lamig sa katawan. Narito ang ilan sa mga remedy na maaaring subukan bilang gamot sa lamig sa katawan.
1. Clinical Massage o pagmamasahe.
Unang solusyon para dito ay ang pagmamasahe, pero hindi ang karaniwang masahe lang. Pwede namang simulan muna ng iyong asawa o kasama sa bahay na marunong ng simpleng paghimas sa masakit na bahagi.
Halimbawa ng likod, pero dapat ay ituloy ng isang espesyalista. Gumagamit ng mga topical agents tulad ng Eucalyptus oil o luya at langis, dahil ang mga ito ay nagbibigay ng init sa katawan.
Kapag nga naman malamig, dapat painitin, hindi ba?Ang pagkakaiba ng spa massage sa clinical massage ay pinaliwanag din ni Dr. Dellosa.
Sa spa, ang masahe ay para pampa-relax ng mga muscles, na karaniwang dahilan ay stress. Ang clinical massage ay paggamot sa mga musculo-skeletal at postural problems.
Sa clinical massage therapy, inaalam muna ang mga problematic area, saka sinusuri ng doktor ang buong katawan, saka mabibigyan ng angkop na lunasm tulad ng deep tissue massage,postural release therapy, trigger point therapy, myofascial release, lymphatic drainage, at iba pa.
Mabisa rin ang medicated patches para mapainit ng panandalian man lang ang malamig na bahagi. Clinical man o spa, makakatulong ang regular na masahe para madurog ang mga namumuong lamig sa likod.
Paalala lang ni Dr. Dellosa, ang masahe ay hindi kailanman dapat na masakit. Hindi dapat “dinudurog” ang mga “lamig” o bukol sa katawan, at hindi dapat na “nabubugbog” dahil mas makakasama ito imbis magpagaling.
Mas mabuting kilalanin ang magmamasahe, at mas maiging scientific ang pamamaraan, at espesyalista ang gagawa. Kapag nakakaramdam na ng mas maigting na pananakit habang minamasahe, ipatigil agad ito.
2. Acupuncture at ventosa (Chinese cupping Method).
Ang dalawang ito ay kilalang Eastern o Chinese Medical treatments, na mga espesyalista at lisensyadong Chinese doctors lang ang pwedeng magsagawa.
May mga nakapag-aral na rin ng Ventosa cupping method, o ang paggamit ng mga cup o baso para masipsip ang lamig at toxins ng katawan na namuo, pero bago ang lahat ay alamin muna kung subok ngang espesyalista ang gagawa nito dahil ito ay hindi ordinaryong pamamaraan ng paggamot.
3. Pinakuluang dahon ng kamias.
Sabi ng mga matatanda at ng mga hilot, makakatulong daw ang paliligo ng tubig ng pinakuluang dahon ng kamias. Wala namang masama kung gagawin ito.
May herbal healing properties din kasi ang dahon na ito. Nilalaga lang ang ilang dahon ng kamias ng hanggang 20 minuto, saka ipinanliligo sa katawan.
Kasama ng anumang paggamot, mahalaga ang may sapat na ehersisyo para maging malakas ang katawan at mabanat ang mga muscles natin. Kapag hindi rin kasi nababanat at nagagalaw, nagiging sanhi ng pangangalay at pamamanhid.
Kung ito ay “lamig” lamang, na isang pansamantalang muscle spasm, walang dapat ikabahala, at may mga lunas na maaaring gawin para maibsan ito. Basta’t maibalik ang maayos na sirkulasyon ng dugo, babalik ang init at mawawala ang lamig.
Kapag ang lamig o pananakit nito ay palaging bumabalik, lalo na sa iisa o parehong bahagi ng katawan, posibleng sintomas ito ng “joint instability” o “misalignment” ng buto. Isang chiropractor o doktor sa buto ang maaaring makatulong sa iyo.
Tandan kapag nakakaranas ng anumang pananakit ng katawan ay huwag mahiyang tumawag o magpakonsulta sa inyong doktor. Upang malaman ang inyong dapat gawin.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ryutaro Tsukata
Paano maiiwasan na magkaroon ng lamig sa katawan?
Hindi madaling iwasan ang pagkakaroon ng muscle spasm lalo na kung ang sanhi nito ay pagod sa trabaho at mga mahahalagang gawain sa araw-araw.
Pero mayroon namang mga hakbang para mapababa ang risk ng pagkakaroon nito.
- Ugaliing i-stretch ang muscles regularly. Gawin ito lalo na sa mga bahagi ng katawan na madalas makaranas ng ngalay tulad ng mga braso at likod.
- Iwasang mag-ehersisyo kapag masyadong mainit ang panahon.
- Banatin ang muscles bago matulog.
- Para maiwasan ang leg cramps, gumamit ng unan para mapanatiling naka-point pataas ang iyong toes.
- Iwasang uminom ng caffeinated at alcoholic na mga inumin. Uminom ng maraming tubig upang manatiling hydrated.
- Magsuot ng sapatos na akma ang sukat sa iyong paa.
- Regular na magsagawa ng flexibility exercise.
- Iwasan ang pag-inom ng mga gamot na ang side effects ay muscle spasms.
Habang nagkaka-edad ay mas lalong tumataas ang risk ng pagkakaroon ng lamig sa katawan at likod. Mahalagang gumawa ng hakbang para maiwasan ang mga sintomas nito at ma-manage ang muscle spasms.
Lamig sa katawan na may kasamang rashes
Kung nakararanas ng lamig sa katawan o pananakit ng katawan na may kasamang sintomas tulad ng rashes, mahalagang magpatingin agad sa doktor. ‘Di pangkaraniwan na magkaroon ng rashes kung lamig lang sa katawan ang iniinda.
Ang pananakit ng katawan na may kasamang rashes ay maaaring senyales ng dermatomyositis.
Uri ito ng ‘di pangkaraniwang inflammatory disease na maiuugnay sa auto immune disease.
Ilan sa mga sintomas ng dermatomyositis ay:
- Skin rashes na maaaring makaapekto sa mukha, talukap ng mata, dibdib, nail cuticle areas, mga tuhod, at siko. Karaniwang bluish-purple ang kulay ng rashes.
- Pananakit ng muscles
- Muscle tenderness
- Problema sa baga
- Pagbaba ng timbang o pangangayayat
- Lagnat
- Labis na pagod o fatigue
Bukod sa distinct rashes ay maaaring makaramdam ng tila may lamig sa katawan o muscle spasms. Karaniwang nararamdaman ang panghihina ng muscle sa leeg, mga braso, at mga binti. Ang panghihina at pagsakit ng muscles ay lalong tumitindi makalipas ang ilang linggo o mga buwan.
Hindi pa batid ng mga espesyalista ang sanhi ng pagkakaroon ng ganitong karamdaman. Pero naiuugnay nila ito sa autoimmune disease.
Uri ng karamdaman kung saan ang mga cell na lumalaban sa sakit o antibodies ay inaatake ang mga healthy cell sa katawan. Kung mahina ang immune system ay maaari ding magkaroon ng ganitong sakit.
Dahil dito ay wala pa ring gamot para sa dermatomyositis. Subalit mayroong mga paraan para ma-manage ang sintomas ng sakit na ito.
Larawan mula sa Freepik kuha ni Yanalya
Gamot sa lamig sa katawan na may kasamang rashes
Para maibsan ang mga sintomas ng dermatomyositis, narito ang ilang maaaring gamiting gamot para dito.
Corticosteroids
Makatutulong ang pag-inom ng gamot na corticosteroids o kaya naman pagpahid nito sa balat. Pinapababa nito ang bilang ng antibodies na nagdudulot ng inflammation o pamamaga ng muscles at rashes ang corticosteroids.
Kadalasang gumagaling din nang lubusan matapos ang corticosteroid treatment method lalo na sa mga bata.
Subalit tandaan na mag-take lang ng gamot na ito ayon sa prescription ng doktor. Ang labis na pag-inom nito o paggamit ng gamot na ito sa mahabang panahon ay maaaring magdulot ng side effects.
Kung hindi naman naibsan ang sintomas ng dermatomyositis kahit natapos na ang gamutan gamit ang corticosteroid, posibleng magrekomenda ng iba pang gamot ang doktor para mapabuti ang immune system ng pasyente.
Intravenous immunoglobulin (IVG)
Ang IVIG ay mixture ng antibodies na kinolekta mula sa libu-libong healthy na taong nagdonate ng kanilang dugo. Isasalin sa iyong katawan ang antibodies sa pamamagitan ng IV.
Sa tulong ng IVIG madaragdagan ang healthy antibodies sa iyong katawan na siyang lalaban sa mga antibodies na umaatake sa balat at muscles.
Bukod sa mga ito, maaari ring irekomenda ng doktor ang physical therapy para maging malakas ang muscles. Matutulungan din nitong maiwasan ang loss ng muscle tissue.
Maaari ding magbigay ng medications para maibsan ang pananakit. Gayundin ang antimalarial medication para naman sa pabalik-balik na autoimmune rash.
Sa mga mas malalang kondisyon, posibleng irekomenda ng doktor na sumailalim ka sa surgery para matanggal ang calcium deposits. Mahalagang magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang tamang gamot para sa iyong kondisyon.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Randy Dellosa, M.D., Psy.D., DO-MTP, psychologist at osteopath; Michel Yves Tetrault, MD, chiropractor, Chiropractor Journals; Mayo Clinic, Healthline, WebMD, Cleveland Clinic, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!