Gamot sa sakit ng ngipin na may butas, alamin dito kung ano ang mabisa at dapat gawin.
Paano nagkakaroon ng butas ang ngipin?
Ang dental cavities o caries ay tumutukoy sa maliliit na butas sa ngipin na dahilan kung minsan ng pananakit nito. Dulot ito ng bacteria sa ngipin na kung tawagin ay Streptococcus mutans.
Ang bacteria na ito ginagawang acid ang sugar na natitira sa ngipin dahilan upang maalis ang mga minerals na bumabalot at promoprotekta dito.
Bilang epekto ay mas nagiging marupok ang ngipin at nagkakaroon ng butas na kalaunan ay magiging dental cavities. Kung mapapabayaan ang ngipin na may butas ay mabubulok at magkakaroon ng tooth decay.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakaroon ng dental cavities o butas sa ngipin ay dulot ng kakulangan sa katawan ng vitamin D. Pero ito rin ay maaring dulot ng iba pang dahilan tulad ng sumusunod:
- Dry mouth o pagkakaroon ng medikal na kondisyon na kung saan nababawasan ang amout ng saliva sa bibig.
- Pagkain ng matatamis at malalagkit na pagkain na naiiwan sa ngipin.
- Heartburn na dulot ng acid.
- Hindi madalas na pagsisipilyo at paglilinis ng ngipin.
- Para sa mga bata, pagtulog na nakasipsip parin sa dede.
Gamot sa sakit ng ngipin na may butas
Ano nga ba ang gamot sa sakit ng ngipin na may butas? Paano ba mawawala ang sakit ng ngipin? Tanong ito nang marami sa atin na nakakaranas ng pananakit dulot ng sakit sa ngipin.
Ang pinakamabisang paraan upang malunasan ang pananakit ng ngipin na dulot ng dental cavities ay ang ipasuri ito sa dentista. Dahil sila ang mas nakakaalam ng treatment na magiging mabisa at angkop sa iyong sirang ngipin.
Pero kung hindi pa makapunta sa dentista ay narito ang mga gamot sa sakit ng ngipin na may butas na maaring gawin upang maibsan ang pananakit nito.
- Uminom ng pain reliever tulad ng mga mefenamic acid capsules. Uminom nito matapos kumain.
- Patuloy na sepilyuhan ang ngipin kahit masakit ito. Dahan-dahanin lang sa parteng masakit upang hindi madagdagan ang pananakit nito.
- Magmumog ng maligamgam na tubig na may konting asin upang mabawasan ang pamamaga.
- Huwag na munang kumain ng matitigas na pagkain.
- Iwasan din munang kumain ng maiinit at malalamig na pagkain. Dahil sensitive ang may butas na ngipin sa mga ito na maaring magdulot ng pangingilo.
Ang mga nabanggit na paraan ay maituturing na pangunang lunas lamang. Ipinapayong kumonsulta agad sa dentista sa oras na makaramdam ng pananakit ng ngipin para hindi na ito lumala o mabulok pa.
Gamot sa bulok na ngipin
Pagpunta sa dentista ay narito ang mga dapat asahan upang matukoy kung ano talaga ang sira ng iyong ngipin.
Una ay tatanungin ka sa kung anong ngipin ang sumasakit at gaano ito ka-sensitive. Sunod na i-eksaminin ang ngipin na sumasakit at ang iyong bibig. Maaari ka ring hingan ng dental x-ray pang mas makita ang lala ng cavities at decay na mayroon ang iyong nananakit na ngipin.
Sa oras naman na makitang may sira o butas na ang ngipin ay narito ang mga treatment na maaring i-rekumendang gawin sa iyo ng dentista ay ang mga sumusunod:
1. Fluoride treatments
Kung nagsisimula palang ang dental cavity, ang fluoride treatment ay makakatulong upang ma-restore ang enamel ng ngipin. Lalo na kung nagsisimula palang o maliit palang ang butas ng ngipin.
Ang fluoride treatment na ilalagay sa ngipin ay maaaring liquid, gel, foam o varnish
2. Tooth fillings o pasta
Ang tooth fillings o restoration ay ang main treatment option kapag ang butas sa ngipin ay bahagyang nabubulok na. Para magawa ito ay lilinisin muna ang ngipin na may sira. Saka tatakpan ang butas nito ng tooth-colored composite resins, porcelain o dental amalgam.
3. Crowns
Dental crowns naman ang ginagawang treatment sa mga ngiping malala na ang pagkabulok. Sa ganitong treatment ay nililinis o dini-drill ang nabubulok na bahagi ng ngipin.
Lilinisin ito at ihuhugis na kung saan magiging fit ang dental crown na itatakip o ipapatong rito. Ang dental crown na gagamitin ay maaring gawa sa gold, high strength porcelain, resin, o porcelain na may metal.
4. Root canals
Root canal naman ang treatment na ginagawa kung ang tooth decay ay inabot na ang inner material o pulp ng ngipin. Kaysa na tuluyang bunutin ang ngipin ay tatanggalin lang ang tooth pulp na may sira at papalitan ito ng tooth filling. Saka tatakpan ng crown para mas mag-mukha itong maayos muli.
5. Tooth extractions
Kung sakali naman na sobrang bulok na ang ngipin ay kailangan na itong bunutin. Para naman maging maayos ang itsura ng ngipin ay maaring magpalay ng bridge o dental implant.
Paano maiiwasan at maagapan ang ngipin na may butas
Kung mayroon kang sakit ng ngipin, mahalagang malaman kung ano ang ugat ng iyong kakulangan sa ginhawa. Mula doon, matutukoy mo kung paano pinakamahusay na mapawi ang anumang sakit, pamamaga, o iba pang sintomas.
Ang pagkakaroon ng butas sa ngipin ay maaari namang maiwasan at maagapan. Ito ay sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang na iyong magagawa kahit nasa bahay lang. Kabilang din dito ang mga natural na remedyo na magsisilbing mabisang gamot sa sakit ng ngipin.
-
Pag-nguya ng sugar-free gum pagkatapos kumain.
Ayon sa pag-aaral, ang pag-nguya ng sugar-free gum ay nakakatulong na ma-remineralize ang enamel ng ngipin. Ang mga gum na may xylitol ay napatunayan rin ng mga pag-aaral na nakakapag-stimulate ng saliva flow. Itinataas rin nito ang pH ng plaque ng ngipin at binabawasan ang bacteria na s.mutans dito.
Ang mga pagkaing rich in vitamin D ay nakakatulong para mas makapag-absorb ng calcium at phosphate ang ngipin. Kaya naman payo ng mga dentista ay kumain ng mga pagkaing rich in vitamin D. Tulad ng mga dairy products, milk at yogurt na mas makakapagpatibay ng ngipin.
-
Gumamit ng fluoride toothpaste sa pagsisipilyo ng ngipin.
Para maiwasan ang cavities at ma-remineralize ang enamel ng ngipin ay regular na mag-toothbush gamit ang fluoride toothpaste.
Napatunayang makakatulong ito na makaiwas sa dental cavities ang mga bata man o matanda.
-
Iwasan ang pagkain ng matatamis na pagkain.
Ayon sa WHO, ang mga matatamis na pagkain ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cavity sa ngipin. Kaya naman mas mabuting umiwas o bawasan ang pagkain nito para maiiwas rin sa cavities ang ngipin.
Ang oil pulling o pagmumumog ng oil tulad ng sesame o coconut oil sa bibig sa loob ng 20 minuto ay makakatulong upang maalis ang mga toxins sa bibig. Kaya naman sa ganitong paraan ay maalis rin ang mga bacteria rito na maaring magdulot ng cavities.
Karaniwang namamaga ang iyong bibig o mukha dahil sa pananakit pagkatapos ng injury, mga procedures, lalong lalo na ang mga problema sa ngipin o dental problems.
Ang cold compress ay diretso at napaka-epektibo sa pagtulong sa pamamaga: hawakan ng malamig na compress ang iyong pisngi, at makakahanap ka ng kaginhawaan sa mas mabilis na oras lamang.
Hindi lamang nakakatulong ang cold compress sa pamamaga dulot ng sakit sa ngipin, ngunit maaari rin itong pansamantalang mabawasan ang sakit.
-
Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin
Ang isa sa pinakasimpleng ngunit kapaki-pakinabang pa ring mga tip na inirerekomenda ay ang paggamit ng tubig-alat na banlawan upang magbigay ng pansamantalang ginhawa para sa sakit.
Gumamit ng maligamgam na tubig para mas matunaw ang asin, ngunit iwasan ang sobrang init na tubig, para hindi na lalong lumala ang anumang sensitibo o masasakit na parte.
Ibuhos ang ilang kutsarita ng asin sa isang tasa ng maligamgam na tubig. Inumin at imumog ang tubig na may asin ng ilang Segundo o minute saka ito idura.
Iba pang home remedies sa masakit na ngipin dulot ng butas sa ngipin
Maaaring gamitin ang peppermint tea bags para mamanhid ang pananakitna nararamdaman at paginhawahin ang sensitibong gilagid.
Hayaang lumamig ng kaunti ang ginamit na bag ng tsaa bago ito ilapat sa apektadong bahagi. Dapat ay medyo mainit pa rin.
Bukod sa paglalagay ng may katamtamang init ng peppermint tea bags, maaari ring subukan ang paglalapat ng mainit na peppermint tea bag.
Upang gawin ito, maglagay ng ginamit na bag ng tsaa sa freezer sa loob ng ilang minuto upang palamigin ito at pagkatapos ay ilapat ang bag sa iyong ngipin.
Ang mga medikal na benepisyo ng bawang ay kilala at ginagamit sa loob ng libu-libong taon. Bukod pa rito, mayroon itong anti-bacterial properties.
Ito ay may kakayahang parehong gamutin ang pananakit at alisin ang mga mapanganib na bakterya na bumubuo ng dental plaque.
Durugin ang bawang upang gawing paste, pagkatapos ay ilapat ito sa lugar na nagbibigay sa iyo ng sakit o apektadong parte. Maaari ring magdagdag ng kaunting asin. Bilang kahalili, maaari mong dahan-dahang kainin ang sariwang bawang.
Maaari mong gamitin ang thyme oil bilang mouthwash sa iyong ngipin. Kumuha ng isang patak ng oil at isang basong tubig bilang mouthwash upang banlawan.
Maglagay ng kaunting thyme oil sa isang cotton ball pagkatapos itong ihalo sa tubig, pagkatapos ay ilagay ang cotton ball na may ilang patak ng solusyon sa iyong ngipin.
Bagama’t ang mga remedyong ito ay maaaring magbigay ng pansamantalang kaluwagan, hindi mo dapat ituring ang mga ito na mga kapalit para sa propesyonal na pangangalaga sa ngipin. Kapag nakakaranas ka ng sakit ng ngipin, mahalagang tawagan at ikonsulta ito agad sa dentist.
Kailan ka dapat tumawag sa doktor?
Ang mga indikasyon na kailangan mong magpatingin o tawagan ang isang doktor o dentista kung nakakaramdam ng mga sumusunod:
- Hindi nawawala ang pananakit ng ngipin at umaabot ng isa hanggang dalawang araw ang pananakit.
- Kung mas lalo lamang lumalala ang pananakit na nararamdaman.
- Kapag mayroong lagnat, pananakit ng tainga at pannaakit ng mga bibig sa tuwing ito ay bubuksan.
- Kung mayroong pamamaga hindi lamang sa bahagi ng apektadong area o sa mukha, kundi pati sa iyong jawline.
- Dryness ng bibig at mga mata
- Kung mayroong tootache at nagkakaroon ng kahirapan sa paghinga at pagnguya.
- Kung ang pananakit ng ngipin ay nagkakaroon na ng pagdurugo.
- Pamumula ng mga gums o bagang
Karamihan sa mga indibidwal ay nagsisikap na maiwasan ang pagpunta sa dentista hangga’t maaari, ngunit kung ang iyong sakit ng ngipin ay nagpapatuloy, dapat kang magpatingin agad sa dentista.
Kuwalipikado ang mga dentista na bawasan at tulungan ang discomfort dala ng pananakit ng ngipin at tukuyin ang anumang potensyal na pinagbabatayan ng mga sanhi nito.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!